Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tagasuporta ng Tunay na Pagsamba—Noon at Ngayon

Mga Tagasuporta ng Tunay na Pagsamba—Noon at Ngayon

Mga Tagasuporta ng Tunay na Pagsamba​—Noon at Ngayon

NATATANDAAN mo ba ang pangalan ng lalaking tumangis dahil sa sinaunang lunsod ng Jerusalem? ‘Jesus,’ baka sabihin mo​—at, totoo nga, tinangisan iyon ni Jesus. (Lucas 19:28, 41) Gayunman, maraming siglo bago pumarito sa lupa si Jesus, tinangisan din ng isa pang tapat na lingkod ng Diyos ang Jerusalem. Ang pangalan niya ay Nehemias.​—Nehemias 1:3, 4.

Ano ang dahilan ng labis na kalungkutan ni Nehemias anupat tinangisan niya ang Jerusalem? Ano ang ginawa niya para sa kapakinabangan ng lunsod at ng mga naninirahan doon? At ano ang matututuhan natin mula sa kaniyang halimbawa? Upang masagot iyan, repasuhin natin ang ilang pangyayari noong kaniyang panahon.

Isang Lalaking May Damdamin at Handang Kumilos

Si Nehemias ang hinirang na gobernador ng Jerusalem, ngunit bago iyon, siya ay isang mataas na opisyal sa palasyo ng Persia sa lunsod ng Susan. Gayunman, ang kaniyang maginhawang buhay ay hindi nakabawas sa kaniyang malasakit alang-alang sa kapakanan ng kaniyang mga kapatid na Judio na naroon sa malayong Jerusalem. Sa katunayan, ang unang ginawa niya nang dumalaw sa Susan ang isang delegasyon ng mga Judio mula sa Jerusalem ay ang ‘itanong sa kanila ang tungkol sa mga Judio, yaong mga nakatakas, na natira mula sa pagkabihag, at ang tungkol din sa Jerusalem.’ (Nehemias 1:2) Nang tumugon ang mga bisita na ang mga tao sa Jerusalem ay “nasa napakasamang kalagayan” at ang pader ng lunsod ay “giba,” si Nehemias ay “umupo at nagsimulang tumangis at magdalamhati nang ilang araw.” Pagkatapos noon ay ipinahayag niya ang kaniyang nadaramang kalungkutan sa isang taos-pusong panalangin kay Jehova. (Nehemias 1:3-11) Bakit gayon na lamang kalungkot si Nehemias? Sapagkat ang Jerusalem ang sentro ng pagsamba kay Jehova sa lupa, at iyon ay napabayaan. (1 Hari 11:36) Bukod doon, ang gibang kalagayan ng lunsod ay isang kapahayagan ng mahinang espirituwal na katayuan ng mga naninirahan doon.​—Nehemias 1:6, 7.

Ang pagmamalasakit ni Nehemias sa Jerusalem at ang kaniyang pagkamahabagin sa mga Judio na naninirahan doon ang nagpakilos sa kaniya na maglingkod sa kanila. Nang pahintulutan siya ng hari ng Persia na lumiban sa kaniyang mga pananagutan, nagsimulang magplano si Nehemias ng mahabang paglalakbay patungong Jerusalem. (Nehemias 2:5, 6) Nais niyang ibuhos ang kaniyang lakas, panahon, at mga kasanayan bilang suporta sa kinakailangang gawaing pagkukumpuni. Sa loob lamang ng ilang araw pagdating niya, mayroon na siyang plano para sa pagkukumpuni sa buong pader ng Jerusalem.​—Nehemias 2:11-18.

Hinati-hati ni Nehemias ang napakalaking trabaho ng pagkukumpuni sa pader sa maraming pamilya, na pawang nagbalikatan sa pagtatrabaho. * Mahigit na 40 iba’t ibang grupo ang inatasang magkumpuni ng tig-iisang “sinukat na bahagi.” Ang resulta? Dahil sa napakaraming manggagawa​—lakip na ang mga magulang kasama ang kanilang mga anak​—ang gumugol ng kanilang panahon at lakas, naisagawa ang waring napakalaking trabaho. (Nehemias 3:11, 12, 19, 20) Sa loob ng dalawang buwan na puspusang pagtatrabaho, nakumpuni ang buong pader! Isinulat ni Nehemias na maging yaong mga sumalansang sa pagkukumpuni ay napilitang kumilala na “ang gawaing ito ay nagawa dahil sa aming Diyos.”​—Nehemias 6:15, 16.

Isang Halimbawa na Dapat Tandaan

Hindi lamang ang panahon at mga kakayahan sa pag-oorganisa ang inilaan ni Nehemias. Ginamit din niya ang kaniyang materyal na pag-aari upang suportahan ang tunay na pagsamba. Ginamit niya ang kaniyang sariling salapi upang tubusin mula sa pagkaalipin ang kaniyang mga kapatid na Judio. Nagpahiram siya ng salapi nang walang patubo. Hindi niya kailanman “pinabigatan” ang mga Judio sa pamamagitan ng paghiling sa kanila ng panustos para sa isang gobernador, isang bagay na nauukol sa kaniya. Sa halip, ang kaniyang bahay ay laging bukás upang pakanin ang “isang daan at limampung lalaki, at yaong mga pumaparoon sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.” Bawat araw ay naglalaan siya ng “isang toro, anim na piling tupa at mga ibon” para sa kaniyang mga panauhin. Bukod dito, minsan sa bawat sampung araw ay binibigyan niya sila ng “bawat uri ng alak na sagana”​—ang lahat ay sarili niyang gastos.​—Nehemias 5:8, 10, 14-18.

Ano ngang pambihirang halimbawa ng pagkabukas-palad ang ipinakita ni Nehemias para sa lahat ng lingkod ng Diyos noon at ngayon! Ang lingkod ng Diyos na ito na malakas ang loob ay bukas-palad at handang gumamit ng kaniyang materyal na pag-aari upang suportahan ang mga manggagawa sa layuning mapasulong ang tunay na pagsamba. Angkop naman, mahihiling niya kay Jehova: “Alalahanin mo . . . O Diyos ko, sa ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa alang-alang sa bayang ito.” (Nehemias 5:19) Tiyak na gagawin iyon mismo ni Jehova.​—Hebreo 6:10.

Sinusunod sa Ngayon ang Halimbawa ni Nehemias

Nakagagalak ng puso na makitang ipinamamalas din ng bayan ni Jehova ngayon ang magiliw na damdamin, pagiging handang kumilos, at mapagsakripisyo-sa-sariling saloobin alang-alang sa tunay na pagsamba. Kapag nababalitaan natin na naghihirap ang ating mga kapananampalataya, tayo ay lubhang nababahala sa kanilang kapakanan. (Roma 12:15) Tulad ni Nehemias, bumabaling tayo kay Jehova sa panalangin bilang suporta sa ating napipighating mga kapatid sa pananampalataya, anupat hinihiling sa kaniya: “Pakisuyo, magbigay-pansin nawa ang iyong tainga sa panalangin ng iyong lingkod at sa panalangin ng iyong mga lingkod na nalulugod na matakot sa iyong pangalan.”​—Nehemias 1:11; Colosas 4:2.

Gayunman, ang ating pagkabahala sa espirituwal at pisikal na kapakanan ng ating mga kapatid na Kristiyano at sa pagsulong ng tunay na pagsamba ay hindi lamang nakaaapekto sa ating damdamin. Inuudyukan din tayo nitong kumilos. Yaong mga pinahihintulutan ng kanilang kalagayan ay nauudyukan ng pag-ibig upang iwan ang kaalwanang dulot ng kanilang mga tahanan at, kagayang-kagaya ni Nehemias, lumilipat sila sa ibang mga lugar upang tumulong sa mga nangangailangan. Palibhasa’y hindi nanghina ang loob dahil sa di-maalwang kalagayan ng pamumuhay sa ilang bahagi ng daigdig na maaaring mapaharap sa gayong mga boluntaryo, sinusuportahan nila ang pagsulong ng tunay na pagsamba roon, anupat naglilingkod nang balikatan kasama ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na kanilang ipinamamalas ay tunay na kapuri-puri.

Pagganap sa Ating Bahagi Nang Malapit sa Tahanan

Mauunawaan naman, karamihan sa atin ay hindi makalilipat sa ibang lugar. Sinusuportahan natin ang tunay na pagsamba nang malapit sa tahanan. Inilalarawan din iyan sa aklat ni Nehemias. Pansinin ang detalye na idinagdag ni Nehemias tungkol sa ilang tapat na pamilya na nakibahagi sa pagkukumpuni. Sumulat siya: “Nagkumpuni si Jedaias na anak ni Harumap sa harap ng kaniyang sariling bahay . . . Nagkumpuni si Benjamin at si Hasub sa harap ng kanilang sariling bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maaseias na anak ni Anania malapit sa kaniyang sariling bahay.” (Nehemias 3:10, 23, 28-30) Ang mga lalaking iyon at ang kanilang mga pamilya ay nakatulong nang malaki sa ikasusulong ng tunay na pagsamba sa pamamagitan ng paggawa sa kanilang bahagi sa pagkukumpuni nang malapit sa tahanan.

Sa ngayon, marami sa atin ang sumusuporta sa tunay na pagsamba sa ating sariling komunidad sa iba’t ibang paraan. Nakikibahagi tayo sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall, sa pagtulong sa mga dumanas ng sakuna at, ang pinakamahalaga, sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Karagdagan pa, personal man tayong nakikibahagi o hindi sa gawaing pagtatayo o pagtulong, tayong lahat ay may taos-pusong hangarin na suportahan ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng ating materyal na mga pag-aari, gaya ng may pagkabukas-palad na ginawa ni Nehemias noong kaniyang panahon.​—Tingnan ang kahong “Mga Katangian ng Boluntaryong Pagbibigay.”

Ang paghanap ng kinakailangang pondo upang tustusan ang ating lumalaking gawain sa paglilimbag, pagtulong, at maraming iba pang paglilingkod na isinasagawa sa buong daigdig ay waring napakahirap kung minsan. Gayunman, alalahanin na ang atas na kumpunihin ang napakalaking pader ng Jerusalem ay waring napakahirap din. (Nehemias 4:10) Subalit dahil sa hinati-hati ang atas sa maraming pamilyang handang tumulong, naisakatuparan ang gawain. Gayundin naman sa ngayon, ang paghanap ng malaki-laking gugugulin upang maisakatuparan ang ating pandaigdig na mga gawain ay mananatiling posible kung ang bawat isa sa atin ay patuloy na babalikat sa isang bahagi ng gawain.

Ang kahong “Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pagbibigay” ay nagpapakita ng ilang paraan na doo’y maaaring suportahan ang gawaing pang-Kaharian sa pinansiyal na paraan. Noong nakaraang taon, marami sa bayan ng Diyos ang nagbigay ng gayong suporta, at nais gamitin ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pagkakataong ito upang ipahayag ang kanilang taimtim na pasasalamat sa lahat ng naudyukan ng kanilang puso upang makibahagi sa boluntaryong pagbibigay na ito. Higit sa lahat, pinasasalamatan natin si Jehova sa kaniyang mayamang pagpapala sa buong-pusong pagsisikap ng kaniyang bayan na itaguyod ang tunay na pagsamba sa buong daigdig. Oo, kapag binubulay-bulay natin kung paano tayo pinatnubayan ng kamay ni Jehova sa nakalipas na mga taon, nauudyukan tayo na ipahayag din ang mga pananalita ni Nehemias, na may-pasasalamat na nagsabi: ‘Ang kamay ng aking Diyos, kaybuti nito sa akin.’​—Nehemias 2:18.

[Talababa]

^ par. 7 Sinasabi ng Nehemias 3:5 na ang ilang prominenteng Judio, “mga taong mariringal,” ay tumangging makibahagi sa trabaho, ngunit sila lamang ang hindi nakibahagi. Ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan​—mga saserdote, panday-ginto, tagapaghalo ng ungguento, prinsipe, negosyante​—ay pawang sumuporta sa proyekto.​—Talata 1, 8, 9, 32.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28, 29]

Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pagbibigay

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Contributions for the Worldwide Work​—Matthew 24:14.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaaring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P. O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat na kasama ng mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

KAAYUSAN SA KONDISYONAL NA DONASYON

Maaaring mag-abuloy ng salapi sa ilalim ng pantanging kaayusan na doon, sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan ang nagkaloob, ang donasyon ay maaaring ibalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon sa itaas.

PAGPAPLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang polisa sa seguro sa buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras ng kamatayan sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Mga Aksiyon at Bono: Ang mga aksiyon at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang pangalan ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang gift annuity ay isang kaayusan kung saan ang isa ay maaaring maglipat ng salapi o mga seguridad sa Samahang Watch Tower. Kapalit nito, ang nagkaloob, o isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong kabayarang annuity bawat taon nang habang-buhay. Ang nagkaloob ay tatanggap ng kabawasan sa buwis na ipinapataw sa kita sa taóng nagsimula ang gift annuity.

Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “pagpaplano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais na magbigay ng kaloob sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isang anyo ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, isang brosyur ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide. Ang brosyur ay isinulat bilang tugon sa maraming tanong na natanggap hinggil sa mga kaloob, testamento, at mga ipinagkatiwala. Naglalaman din ito ng karagdagang impormasyon na makatutulong hinggil sa pagpaplano sa ari-arian, pananalapi, at pagbubuwis. Nagbibigay ito ng impormasyon sa mga indibiduwal hinggil sa iba’t ibang paraan na maaaring magbigay ng kaloob ngayon o sa pamamagitan ng pag-iiwan ng pamana pagkamatay. Maaaring makakuha ng brosyur na ito sa pamamagitan ng direktang paghiling ng isang kopya mula sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova.

Matapos mabasa ang brosyur at makipag-usap sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova, marami ang nakatulong sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at kasabay nito, nakakuha ng malaking kapakinabangan sa buwis sa pamamagitan ng paggawa nito. Ang Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova ay dapat patalastasan at padalhan ng isang kopya ng anumang mahalagang dokumento hinggil sa alinman sa mga kaayusang ito. Kung interesado ka sa alinman sa mga kaayusang ito ng pagpaplano sa pagkakawanggawa, dapat kang makipag-ugnayan sa Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova, sa pamamagitan man ng pagsulat o pagtawag sa telepono, sa direksiyong nakatala sa ibaba o sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova

Watch Tower Society 186 Roosevelt Avenue San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090

[Kahon sa pahina 30]

Mga Katangian ng Boluntaryong Pagbibigay

Sa kaniyang mga liham sa mga taga-Corinto, binanggit ni apostol Pablo ang tatlong mahahalagang katangian ng boluntaryong pagbibigay. (1) Nang sumulat siya tungkol sa paglikom ng salapi, nagtagubilin si Pablo: “Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon.” (1 Corinto 16:2a) Kung gayon, ang pagbibigay ay nangangailangan ng patiunang pagpaplano, at kailangang gawin itong sistematiko. (2) Sumulat din si Pablo na bawat indibiduwal ay dapat na magbigay “ayon sa kaniyang kinikita.” (1 Corinto 16:2b, Ang Biblia​—New Pilipino Version) Sa ibang salita, ang isang indibiduwal na nagnanais makibahagi sa boluntaryong pagbibigay ay maaaring gumawa ng gayon kasuwato ng kaniyang kinikita. Kahit na kaunti lamang ang kinikita ng isang Kristiyano, ang maliit na halagang kaniyang maiaabuloy mula roon ay pinahahalagahan ni Jehova. (Lucas 21:1-4) (3) Isinulat pa ni Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang taimtim na mga Kristiyano ay taos-pusong nagbibigay​—nang masaya.

[Mga larawan sa pahina 26]

Si Nehemias ay isang lalaking may damdamin at handang kumilos

[Mga larawan sa pahina 30]

Ang boluntaryong mga kontribusyon ay sumusuporta sa mga gawaing paglilimbag, pagtulong, pagtatayo ng Kingdom Hall, at iba pang kapaki-pakinabang na mga paglilingkod sa buong daigdig