Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nanatili Kami sa Aming Atas

Nanatili Kami sa Aming Atas

Nanatili Kami sa Aming Atas

AYON SA SALAYSAY NI HERMANN BRUDER

Simple lamang ang pagpipilian ko: maglingkod nang limang taon sa French Foreign Legion o mapiit sa isang bilangguan sa Morocco. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napasuong sa mahirap na situwasyong ito.

ISINILANG ako sa Oppenau, Alemanya, noong 1911, tatlong taon lamang bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Ang aking mga magulang, sina Joseph at Frida Bruder, ay may 17 anak. Ako ang kanilang ika-13 anak.

Ang mga una kong natandaan noon ay ang panonood sa isang banda ng mga sundalo na nagmamartsa sa pangunahing lansangan sa aming bayan. Palibhasa’y naakit sa masiglang tugtuging pangmartsa, sinundan ko ang mga musikero hanggang sa istasyon kung saan nakita ko naman si Itay at ang iba pang lalaki na nakaunipormeng pangmilitar na sumasakay sa tren. Nang umalis ang tren, ang ilang babae sa istasyon ng tren ay biglang napaluha. Di-nagtagal pagkatapos noon, ang aming pari ay nagbigay ng mahabang sermon sa simbahan at binasa ang mga pangalan ng apat na lalaki na namatay sa pagtatanggol sa lupang-tinubuan. “Ngayon ay nasa langit na sila,” ang paliwanag niya. Isang babae na nakatayo sa tabi ko ang hinimatay.

Nagkasakit ng tipus si Itay samantalang naglilingkod sa prontera ng Ruso. Dumating siya sa tahanan na mahinang-mahina at halos agad siyang ipinasok sa lokal na ospital. “Pumunta ka sa kapilya sa tabi ng sementeryo at magdasal ka ng 50 Ama Namin at 50 Aba Ginoong Maria,” ang mungkahi ng pari. “At gagaling ang iyong ama.” Sinunod ko ang kaniyang payo, ngunit kinabukasan ay namatay si Itay. Maging sa isang batang lalaki, ang digmaan ay isang napakasaklap na karanasan.

Kung Paano Ko Nasumpungan ang Katotohanan

Mahirap maghanap ng trabaho sa Alemanya noong mga taon ng 1919 hanggang 1939. Gayunman, nang hindi na ako nag-aaral noong 1928, nakapagtrabaho ako bilang isang hardinero sa Basel, Switzerland.

Tulad ni Itay, ako ay isang debotong Katoliko. Ang ambisyon ko ay ang maglingkod bilang isang mongheng Capuchin sa India. Nang marinig ng aking kapatid na si Richard, na noo’y isa nang Saksi ni Jehova, ang mga planong ito, gumawa siya ng pantanging paglalakbay patungong Switzerland upang hikayatin akong huwag ituloy iyon. Binigyan niya ako ng babala hinggil sa panganib ng pagtitiwala sa tao, lalo na sa mga klerigo, at pinasigla niya ako na basahin ang Bibliya at magtiwala lamang dito. Sa kabila ng pag-aalinlangan, kumuha ako ng isang kopya ng Bagong Tipan at sinimulan kong basahin ito. Unti-unting lumiwanag sa akin na marami sa aking mga paniniwala ang hindi kasuwato ng mga turo ng Bibliya.

Isang Linggo noong 1933, habang ako ay nasa tahanan ni Richard sa Alemanya, ipinakilala niya ako sa mag-asawang Saksi ni Jehova. Nang malaman nilang nagbabasa ako ng Bibliya, binigyan nila ako ng isang kopya ng buklet na pinamagatang The Crisis. * Maghahatinggabi na nang sa wakas ay bitiwan ko ang buklet. Kumbinsido ako na nasumpungan ko ang katotohanan!

Binigyan ako ng mga Saksi ni Jehova sa Basel ng dalawang tomo ng Studies in the Scriptures * gayundin ng mga magasin at iba pang mga publikasyon. Palibhasa’y humanga sa aking nabasa, nakipag-ugnayan ako sa pari sa aming lugar at hiniling ko na alisin niya ang aking pangalan mula sa talaan ng simbahan. Galit na galit ang pari at nagbigay siya ng babala na nanganganib na mawala ang aking pananampalataya. Ang totoo, hindi ko naiwala ang aking pananampalataya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nagsimula akong maglinang ng tunay na pananampalataya.

Ang mga kapatid sa Basel ay nagpaplanong maglakbay para mangaral sa kabilang panig ng hangganan ng bayan patungong Pransiya noong dulong sanlinggong iyon. Isa sa mga kapatid ang mabait na nagpaliwanag sa akin na hindi ako inanyayahan dahil kamakailan lamang ako nagsimulang makisama sa kongregasyon. Palibhasa’y di-nasiraan ng loob, ipinahayag ko ang aking matatag na hangaring magsimulang mangaral. Matapos konsultahin ang isa pang matanda, inatasan niya ako sa isang teritoryo sa Switzerland. Maaga noong Linggo ng umaga, naglakbay ako sakay ng aking bisikleta patungo sa isang maliit na nayong malapit sa Basel, na dala ang 4 na aklat, 28 magasin, at 20 brosyur sa aking bag sa paglilingkod. Karamihan sa mga taganayon ay nasa simbahan nang dumating ako. Gayunman, pagsapit ng alas-11, wala nang laman ang aking bag sa paglilingkod.

Nang sabihin ko sa mga kapatid na nais ko nang magpabautismo, nakipag-usap sila nang seryoso sa akin at nagbangon ng sumusuring mga tanong tungkol sa katotohanan. Humanga ako sa kanilang sigasig at pagkamatapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Palibhasa’y taglamig noon, binautismuhan ako ng isang kapatid na lalaki sa isang bathtub sa tahanan ng isang elder. Naaalaala ko na nakadama ako ng di-mailarawang kagalakan at napakatinding panloob na lakas. Iyon ay noong 1934.

Pagtatrabaho sa Kingdom Farm

Noong 1936, narinig ko na bumili ang mga Saksi ni Jehova ng isang lote sa Switzerland. Nagprisinta akong maglingkod bilang hardinero. Laking kagalakan ko dahil inanyayahan akong magtrabaho sa Kingdom Farm sa Steffisburg, mga 30 kilometro mula sa Bern. Kailanma’t maaari, tinutulungan ko rin ang iba sa kanilang gawain sa Kingdom Farm. Itinuro sa akin ng Bethel ang kahalagahan ng pagkakaroon ng espiritu ng pakikipagtulungan.

Ang isang tampok na pangyayari sa mga taon na ginugol ko sa Bethel ay ang pagdalaw ni Brother Rutherford sa Kingdom Farm noong 1936. Nang makita niya ang laki ng aming mga kamatis at kung gaano kabunga ang mga pananim, ngumiti siya at nagpahayag ng kaniyang kasiyahan. Siya ay isang napakabait na kapatid!

Nang makapaglingkod ako sa Kingdom Farm nang mahigit sa tatlong taon pa lamang, isang liham mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ang binasa sa panahon ng almusal. Idiniin ng liham ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral at ipinaabot ang paanyaya sa sinumang nagnanais maglingkod sa ibang bansa bilang mga payunir. Walang-pag-aatubiling nagboluntaryo ako. Dumating ang aking atas noong Mayo 1939​—Brazil!

Nang panahong iyon, dumadalo ako sa mga pulong ng Kongregasyon ng Thun, malapit sa Kingdom Farm. Tuwing Linggo, isang grupo kaming naglalakbay upang mangaral sa Alps, isang dalawang oras na pamimisikleta mula sa Thun. Kabilang sa grupo si Margaritha Steiner. Biglang sumagi sa aking isipan ang isang bagay: Hindi ba’t isinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang dala-dalawa? Nang di-sinasadyang mabanggit ko kay Margaritha na naatasan ako sa Brazil, ipinahayag niya na hangad din niyang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ikinasal kami noong Hulyo 31, 1939.

Isang Di-inaasahang Paghinto sa Paglalakbay

Naglayag kami mula sa Le Havre, Pransiya, noong katapusan ng Agosto 1939, patungong Santos, Brazil. Lahat ng pandalawahang higaan ay nakuha na, kaya kinailangan kaming maglakbay na magkahiwalay ang aming cabin. Samantalang naglalakbay, dumating ang balita na ang Gran Britanya at Pransiya ay nagdeklara ng digmaan laban sa Alemanya. Isang grupo ng 30 pasaherong Aleman ang tumugon sa pamamagitan ng pag-awit ng pambansang awit ng Alemanya. Labis itong nakayamot sa kapitan anupat binago niya ang direksiyon ng barko at dumaong sa Safi, Morocco. Ang mga pasahero na may mga dokumentong Aleman sa paglalakbay ay binigyan ng limang minuto upang makababa. Kabilang kami roon.

Kami ay pinigilan sa loob ng isang araw sa istasyon ng pulisya at pagkatapos ay isinakay sa isang siksikan at karag-karag na lumang bus at dinala sa isang bilangguan sa Marrakech, mga 140 kilometro ang layo. Sinundan ito ng mahihirap na araw. Ang aming mga selda ay siksikan at madilim. Ang iisang palikuran para sa lahat​—isang butas sa sahig​—​ay laging barado. Bawat isa sa amin ay nakatatanggap ng maruming sako para maging tulugan, at sa gabi, nginangatngat ng mga daga ang kalamnan ng aming mga binti. Sa bawat araw, dalawang beses na ibinibigay ang rasyon na nasa kinakalawang na lata.

Ipinaliwanag ng isang opisyal ng hukbo na palalayain ako kung sasang-ayon akong maglingkod nang limang taon sa French Foreign Legion. Ang pagtanggi ko ay nagbunga ng 24 na oras na pamamalagi sa loob ng mailalarawan lamang na madilim na hukay. Karamihan sa panahong ito ay ginugol ko sa pananalangin.

Pagkaraan ng walong araw, pinahintulutan ako ng mga awtoridad ng bilangguan na muling makita si Margaritha. Payat na payat na siya, at di-mapigil ang kaniyang paghagulhol. Ginawa ko ang lahat upang patibayin siya. Kami ay pinagtatanong at inilipat sa pamamagitan ng tren patungong Casablanca, kung saan pinalaya si Margaritha. Ako ay ipinadala sa isang kampong bilangguan sa Port Lyautey (ngayon ay Kenitra), mga 180 kilometro ang layo. Pinayuhan si Margaritha ng konsul na Swiso na magbalik sa Switzerland, ngunit dahil sa pagkamatapat niya sa akin, tumanggi siyang umalis nang hindi ako kasama. Sa loob ng dalawang buwan na inilagi ko sa Port Lyautey, araw-araw siyang naglalakbay mula Casablanca upang dalawin ako at dalhan ng pagkain.

Isang taon bago nito, naglabas ang mga Saksi ni Jehova ng isang aklat na pinamagatang Kreuzzug gegen das Christentum (Krusada Laban sa Kristiyanismo) upang pukawin ang pansin ng publiko sa hindi pakikipag-ugnayan ng mga Saksi sa rehimeng Nazi. Habang ako ay nasa kampong bilangguan, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Bern ay lumiham sa mga awtoridad sa Pransiya, anupat inilakip sa liham ang isang kopya ng aklat na ito sa pagtatangkang patunayan na hindi kami mga Nazi. Kapuri-puri rin ang ginawa ni Margaritha na pagdalaw sa mga opisyal ng pamahalaan at pagsisikap na kumbinsihin sila hinggil sa aming pagiging walang-sala. Sa wakas, sa katapusan ng 1939, nakatanggap kami ng pahintulot na lisanin ang Morocco.

Nang makasakay na kami sa barkong patungong Brazil, saka lamang namin nalaman na sinasalakay ng mga U-boat ng Alemanya ang mga ruta ng barko sa Atlantiko at isa kami sa pangunahing puntirya. Bagaman isang barkong pangkalakal, ang aming sasakyang pandagat, ang Jamaique, ay may malalaking baril na nakakabit sa proa at sa popa. Sa araw, pinaliliku-liko ng kapitan ang barko at wala siyang tigil sa pagpapaputok sa malalaking baril. Sa gabi naman, sumang-ayon kami na patayin ang lahat ng ilaw upang hindi kami makita ng mga Aleman. Kaylaking ginhawa namin nang sa wakas ay dumaong kami sa Santos, Brazil, noong Pebrero 6, 1940, mahigit na limang buwan matapos kaming umalis sa Europa!

Muling Pagkabilanggo

Ang aming unang atas sa pangangaral ay ang Montenegro, isang bayan sa timugang estado ng Rio Grande do Sul sa Brazil. Maliwanag na ipinaalam sa mga awtoridad ng simbahan ang aming pagdating. Pagkatapos naming mangaral sa loob lamang ng dalawang oras, inaresto kami ng mga pulis at kinumpiska ang koleksiyon namin ng mga plaka ng ponograpo na naglalaman ng mga sermon sa Bibliya, ang lahat ng aming literatura, at maging ang aming mga bag sa paglilingkod na yari sa balat ng kamelyo na binili namin sa Morocco. Isang pari at isang ministrong nagsasalita ng Aleman ang naghihintay sa amin sa istasyon ng pulisya. Nakinig sila habang pinatutugtog ng hepe ng pulisya ang isa sa mga pahayag ni Brother Rutherford sa aming ponograpo, na kinumpiska rin niya. Talaga namang prangkang magsalita si Brother Rutherford! Nang dumating na sa bahaging nabanggit ang Batikano, namula nang husto ang pari at biglang umalis sa galit.

Dahil sa kahilingan ng obispo ng Santa Maria, inilipat kami ng mga pulis sa Pôrto Alegre, ang kabiserang estado. Di-nagtagal ay pinalaya at humingi ng tulong si Margaritha sa konsuladong Swiso. Iminungkahi ng konsul na umuwi siya sa Switzerland. Minsan pa ay tumanggi siyang iwan ako. Si Margaritha ay laging napakatapat na kasama. Pagkalipas ng tatlumpung araw ay pinagtatanong saka pinalaya ako. Pinapili kami ng mga pulis: lisanin ang estado sa loob ng sampung araw o “harapin ang magiging kahihinatnan nito.” Dahil sa mungkahi ng punong-tanggapan, lumisan kami patungong Rio de Janeiro.

“Pakisuyong Basahin ang Kard na Ito”

Sa kabila ng di-kaayaayang pasimulang ito ng gawaing pangangaral sa Brazil, masayang-masaya kami! Tutal, buháy kami, ang aming mga bag ay punô na naman ng literatura, at ang buong Rio de Janeiro ay naghihintay para pangaralan namin. Ngunit paano kami mangangaral sa pamamagitan ng aming kaunting nalalaman sa wikang Portuges? Sa pamamagitan ng testimony card. Ang unang pangungusap sa wikang Portuges na natutuhan naming gamitin sa gawaing pangangaral ay “Por favor, leia este cartão” (“Pakisuyong basahin ang kard na ito”). At gayon na lamang kabisa ang kard na iyon! Sa isang buwan lamang, nakapamahagi kami ng mahigit sa 1,000 aklat. Marami sa mga tumanggap ng aming literatura sa Bibliya ang yumakap sa katotohanan nang dakong huli. Ang totoo, ang mga publikasyon namin ay higit na nakapagbigay ng mabisang patotoo kaysa sa magagawa namin. Idiniin nito sa akin ang kahalagahan ng pagpapasakamay ng aming literatura sa mga interesado.

Nang panahong iyon, ang Rio de Janeiro ang kabisera ng Brazil, at ang aming mensahe ay lalo nang tinanggap sa mga gusaling pampamahalaan. Nagkaroon ako ng pribilehiyong personal na makapagpatotoo sa ministro ng pananalapi at sa ministro ng hukbong sandatahan. Sa mga pagkakataong ito, kitang-kita ko ang katibayan ng pagkilos ng espiritu ni Jehova.

Minsan, samantalang ako ay nangangaral sa isang plasa sa gitna ng Rio, nakapasok ako sa Palasyo ng Katarungan. Sa di-malamang paraan ay nasumpungan ko na lamang ang aking sarili sa isang silid na napaliligiran ng mga lalaking nakadamit ng itim, sa gitna ng wari ay isang seremonya sa libing. Nilapitan ko ang mukhang kagalang-galang na lalaki at iniabot sa kaniya ang kard sa pagpapatotoo. Hindi pala iyon libing. Ang totoo ay nagambala ko ang isang kaso sa hukuman, at ang kausap ko ay ang hukom. Habang natatawa, sinenyasan niya ang mga guwardiya na huwag mabahala. Malugod niyang tinanggap ang isang kopya ng aklat na Children * at nagbigay siya ng kontribusyon. Nang papalabas na ako, itinuro ng isa sa mga guwardiya ang kitang-kitang paalaala sa pinto: Proibida a entrada de pessoas estranhas (Bawal Pumasok ang mga Estranghero).

Ang isa pang mabungang larangan ay ang daungan. Sa isang pagkakataon, nakilala ko ang isang magdaragat na tumanggap ng mga publikasyon bago pumalaot sa dagat. Nang maglaon, nagkita kami sa isang asamblea. Ang kaniyang buong pamilya ay yumakap sa katotohanan, at siya mismo ay may mahusay na pagsulong. Iyon ay labis na nakapagpaligaya sa amin.

Gayunman, hindi naman laging maayos ang lahat. Ang aming anim-na-buwang visa ay natapos na, at kami ay napaharap sa posibilidad na ipatapon. Matapos kaming sumulat sa punong-tanggapan hinggil sa aming situwasyon, tumanggap kami ng isang maibiging liham mula kay Brother Rutherford, na pinasisigla kaming magtiyaga at nagmumungkahi ng dapat naming gawin. Ang aming hangarin ay manatili sa Brazil, at sa tulong ng isang abogado, sa wakas ay nakakuha kami ng permanenteng visa noong 1945.

Isang Pangmatagalang Atas

Gayunman, bago iyon ay isinilang si Jonathan, ang aming anak na lalaki, noong 1941, si Ruth naman noong 1943, at si Esther noong 1945. Upang matustusan ang mga pangangailangan ng aming lumalaking pamilya, kinailangan kong kumuha ng sekular na trabaho. Nagpatuloy si Margaritha sa buong-panahong gawaing pangangaral hanggang sa maisilang ang aming ikatlong anak.

Mula sa simula, gumawa kaming magkakasama bilang pamilya sa gawaing pangangaral sa mga plasa ng lunsod, istasyon ng tren, lansangan, at lugar ng negosyo. Sa mga Sabado ng gabi, magkakasama kaming namamahagi ng Ang Bantayan at Gumising!, at ang mga ito ay natatanging masasayang okasyon.

Sa tahanan, bawat bata ay may gawaing gagampanan sa araw-araw. Si Jonathan ang may pananagutang maglinis ng kalan at kusina. Ang mga anak naming babae naman ang naglilinis ng repridyeretor, nagwawalis ng bakuran, at nagpapakintab ng aming mga sapatos. Tumulong ito sa kanila na matutong maging organisado at maglinang ng pagkukusa. Sa ngayon, ang aming mga anak ay masisipag na manggagawa na mahusay mangalaga sa kanilang mga tahanan at mga ari-arian, na lubhang nagpapaligaya sa amin ni Margaritha.

Inaasahan din namin na gagawi nang mabuti ang mga bata sa mga pulong. Bago magsimula ang programa, umiinom sila ng isang basong tubig at gumagamit ng palikuran. Sa panahon ng pulong, si Jonathan ay nauupo sa aking kaliwa, si Ruth naman sa aking kanan, pagkatapos ay si Margaritha, at nasa kanan naman niya si Esther. Tumulong ito sa kanila na makapagtuon ng pansin sa espirituwal na pagkain mula sa murang edad.

Pinagpala ni Jehova ang aming pagsisikap. Lahat ng aming mga anak ay nagpapatuloy sa tapat na paglilingkod kay Jehova at nakikibahagi nang may kagalakan sa gawaing pangangaral. Si Jonathan ay kasalukuyang naglilingkod bilang matanda sa Kongregasyon ng Novo Méier, Rio de Janeiro.

Pagsapit ng 1970, nakapag-asawa nang lahat ang aming mga anak at umalis na ng tahanan, kaya kami ni Margaritha ay nagpasiyang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. Ang unang pinuntahan namin ay Poços de Caldas, sa Estado ng Minas Gerais, na nang panahong iyon ay may maliit na grupo ng 19 na mamamahayag ng Kaharian. Nadismaya ako nang una kong makita ang kanilang dakong pinagtitipunan​—isang silid sa silong na walang bintana at kinakailangang ayusin. Agad-agad, nagsimula kaming maghanap ng isang mas angkop na Kingdom Hall at di-nagtagal ay nakahanap kami ng isang kaakit-akit na gusali na nasa isang magandang lokasyon. Kaylaking pagkakaiba ang nagawa nito! Pagkalipas ng apat at kalahating taon, ang bilang ng mga mamamahayag ay dumami nang 155. Noong 1989, lumipat kami sa Araruama, sa Rio de Janeiro, kung saan naglingkod kami sa loob ng siyam na taon. Sa panahong iyon, nasaksihan namin ang pagkakatatag ng dalawang bagong kongregasyon.

Ginantimpalaan sa Pananatili sa Aming Atas

Noong 1998, ang mga karamdaman at ang pagnanais na mapalapit sa aming mga anak ang umakay sa amin na lumipat sa São Gonçalo, Rio de Janeiro. Naglilingkod pa rin ako roon bilang matanda sa kongregasyon. Ginagawa namin ang aming buong makakaya upang makibahagi nang regular sa gawaing pangangaral. Nasisiyahan si Margaritha sa pagpapatotoo sa mga tao sa isang malapit na supermarket, at ang kongregasyon ay may-kabaitang nagtakda ng ilang teritoryo para sa amin malapit sa tahanan namin, na lalong nagpadali sa amin na mangaral habang ipinahihintulot ng aming kalusugan.

Kami ni Margaritha ay mahigit na 60 taon na ngayon bilang nakaalay na mga lingkod ni Jehova. Personal naming naranasan na “kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 8:38, 39) At kaylaking kagalakan na masaksihan ang pagtitipon sa “ibang mga tupa,” na may kamangha-manghang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang sakdal na lupa, na napaliligiran ng magagandang nilalang ng Diyos! (Juan 10:16) Nang dumating kami noong 1940, ang Rio de Janeiro ay mayroon lamang isang kongregasyon, na may 28 mamamahayag. Sa ngayon, mayroon nang mga 250 kongregasyon at mahigit na 20,000 mamamahayag ng Kaharian.

May mga pagkakataon noon na maaari sana kaming umuwi sa aming mga pamilya sa Europa. Ngunit ang aming atas mula kay Jehova ay dito sa Brazil. Kayligaya namin na nanatili kami sa aming atas!

[Mga talababa]

^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag.

^ par. 12 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag.

^ par. 33 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag.

[Larawan sa pahina 21]

Sa Kingdom Farm, Steffsburg, Switzerland, noong bandang katapusan ng dekada ng 1930 (Ako ay nasa dulong kaliwa)

[Larawan sa pahina 23]

Nang malapit na kaming ikasal, noong 1939

[Larawan sa pahina 23]

Casablanca noong dekada ng 1940

[Larawan sa pahina 23]

Nangangaral bilang isang pamilya

[Larawan sa pahina 24]

Nakikibahagi nang regular sa ministeryo sa ngayon