Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tayong Lahat ay Nangangailangan ng Komendasyon

Tayong Lahat ay Nangangailangan ng Komendasyon

Tayong Lahat ay Nangangailangan ng Komendasyon

MAGANDA ang araw na iyon para sa batang babae. Bagaman kinakailangan siyang ituwid kung minsan, sa partikular na araw na ito, talagang nagpakabait siya. Gayunman, nang gabing iyon, matapos pahigain sa kama ang batang babae, narinig siyang umiiyak ng kaniyang ina. Nang tanungin siya kung bakit masama ang kaniyang loob, naluluha siyang humikbi: “Hindi ba ako naging mabait sa araw na ito?”

Ang tanong na iyon ay sumugat sa damdamin ng kaniyang ina. Siya ay laging mabilis sa pagtutuwid sa kaniyang anak na babae. Ngunit sa araw na iyon, bagaman napansin na nagsikap nang husto ang kaniyang anak upang magpakabait, nakaligtaan ng ina na magsabi ng kahit isa man lamang salita ng papuri.

Hindi lamang ang mga batang babae ang nangangailangan ng komendasyon at pampatibay-loob. Tayong lahat ay nangangailangan nito​—kung paanong nangangailangan tayo ng payo at pagtutuwid.

Ano ang nadarama natin kapag nakatatanggap tayo ng taimtim na komendasyon? Hindi ba’t nakapagpapasigla ito sa ating puso at nakapagpapasaya sa atin? Malamang na madarama nating may nakapansin, may nagmamalasakit. Pinatitibay-loob tayo nito na sulit ang ating ginawa, at inuudyukan tayong muling magpagal sa hinaharap. Hindi nakapagtataka na ang taimtim na komendasyon ay madalas na naglalapit sa atin sa tao na gumugol ng panahon upang magsabi ng isang bagay na nakapagpapatibay.​—Kawikaan 15:23.

Naunawaan ni Jesu-Kristo ang pangangailangang magbigay ng komendasyon. Sa talinghaga ng mga talento, magiliw na binigyan ng komendasyon ng panginoon (lumalarawan kay Jesus mismo) ang bawat isa sa dalawang tapat na alipin, anupat sinabi: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!” Tunay ngang nakapagpapagalak ng puso! Bagaman lubhang magkaiba ang kanilang mga kakayahan at naisagawa, kapuwa sila tumanggap ng komendasyon.​—Mateo 25:19-23.

Kaya tandaan natin ang ina ng batang babaing iyon. Hindi natin kailangang hintayin pang lumuha ang iba bago natin sila bigyan ng komendasyon. Sa halip, maaari tayong humanap ng mga pagkakataon upang magbigay ng komendasyon. Sa katunayan, may mabuti tayong dahilan upang magbigay ng taimtim na komendasyon sa bawat pagkakataon.