Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pakikipagpunyagi Upang Magkaroon ng Bibliya sa Makabagong Griego

Ang Pakikipagpunyagi Upang Magkaroon ng Bibliya sa Makabagong Griego

Ang Pakikipagpunyagi Upang Magkaroon ng Bibliya sa Makabagong Griego

Baka magulat kang malaman na sa Gresya, ang lupain na kung minsan ay tinatawag na pinagmulan ng malayang kaisipan, ang pagsasalin ng Bibliya sa wikang karaniwang ginagamit ng mga tao ay naging tampulan ng mahaba at matinding pakikipagpunyagi. Subalit sino ang tatanggi sa paggawa ng isang Griegong Bibliya na madaling maunawaan? Bakit nanaisin ng sinuman na pigilin ito?

MAAARING isipin ng isa na pinagpala ang mga taong nagsasalita ng Griego, yamang malaki-laking bahagi ng Banal na Kasulatan ang orihinal na isinulat sa wika nila. Gayunman, malaki ang pagkakaiba ng makabagong Griego sa Griegong ginamit sa saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa katunayan, sa nakalipas na anim na siglo, nasumpungan ng karamihan sa mga taong nagsasalita ng Griego na ang wikang Griego na ginamit sa Bibliya ay mahirap maunawaan na gaya ng banyagang wika. Pinalitan na ng mga bagong salita ang lumang mga termino, at nagbago na ang bokabularyo, balarila, at pagkakaayos ng mga pangungusap.

Pinatutunayan ng isang koleksiyon ng mga Griegong manuskrito mula noong ika-3 hanggang ika-16 na siglo ang pagsisikap na isalin ang Septuagint sa isang mas bagong anyo ng Griego. Noong ikatlong siglo, isinalin ni Gregory, obispo ng Neocaesarea (c. 213-c. 270 C.E.), ang aklat ng Eclesiastes mula sa Septuagint tungo sa mas simpleng Griego. Noong ika-11 siglo, isinalin ng isang Judio na nagngangalang Tobias ben Eliezer, na naninirahan sa Macedonia, ang mga bahagi ng Pentateuch ng Septuagint tungo sa pangkaraniwang Griego. Ginamit pa nga niya ang mga titik Hebreo para sa kapakinabangan ng mga Judiong taga-Macedonia na nakapagsasalita lamang ng Griego ngunit nakapagbabasa ng titik Hebreo. Nailathala sa Constantinople noong 1547 ang ganitong uri ng kumpletong Pentateuch.

Kaunting Liwanag sa Gitna ng Kadiliman

Nang masakop ng mga Ottoman noong ika-15 siglo ang mga teritoryo ng Imperyong Byzantine na nagsasalita ng Griego, karamihan sa mga tao na naiwan doon ay hindi nakapag-aral. Bagaman may mga pantanging pribilehiyo sa ilalim ng Imperyong Ottoman, pinabayaan ng Simbahang Ortodokso ang kawan nito na maging mahirap at walang-pinag-aralang mga magbubukid. Nagkomento ang Griegong manunulat na si Thomas Spelios: “Ang pinakamahalagang tunguhin ng Simbahang Ortodokso at ng sistema nito ng edukasyon ay ang ipagsanggalang ang mga miyembro nito mula sa pagpasok ng Islam at sa propaganda ng Romano Katoliko. Bunga nito, waring hindi sumulong ang Griegong edukasyon.” Sa gayong nakalulumbay na kalagayan, nadama ng mga indibiduwal na umiibig sa Bibliya na kailangang paglaanan ang napipighating mga tao ng kaginhawahan at kaaliwan mula sa aklat ng Bibliya na Mga Awit. Mula 1543 hanggang 1835, may 18 salin ng Mga Awit sa pangkaraniwang Griego.

Ang unang Griegong salin ng kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan ay inihanda noong 1630 ni Maximus Callipolites, isang Griegong monghe ng Callipolis. Naisagawa ito sa ilalim ng patnubay at suporta ni Cyril Lucaris, na siyang patriyarka ng Constantinople at nagnanais gumawa ng reporma sa Simbahang Ortodokso. Gayunman, sa loob ng simbahan, may mga kaaway si Lucaris na hindi sumasang-ayon sa anumang mga pagtatangkang gumawa ng pagbabago o anumang pagsasalin ng Bibliya sa pangkaraniwang wika. * Siya ay binigti bilang isang traidor. Sa kabila nito, mga 1,500 kopya ng salin ni Maximus ang nailimbag noong 1638. Bilang tugon sa saling ito, pagkalipas ng 34 na taon, idineklara ng isang Ortodoksong sinodo sa Jerusalem na ang Kasulatan ay “dapat basahin, hindi ng basta sinuman, kundi niyaon lamang nagsusuri sa malalalim na bagay ng espiritu pagkatapos gumawa ng angkop na pananaliksik.” Nangangahulugan ito na ang Kasulatan ay kailangang basahin lamang ng edukadong mga klerigo.

Noong 1703, si Seraphim, isang Griegong monghe mula sa isla ng Lesbos, ay nagsikap na ilathala sa London ang isang rebisyon ng salin ni Maximus. Nang hindi matupad ang mga pangakong pinansiyal na pagtulong ng mga opisyal ng Inglatera, inilimbag niya ang rebisyon na ginagamit ang kaniyang sariling salapi. Sa maalab na paunang salita, idiniin ni Seraphim na kailangang basahin ng “bawat makadiyos na Kristiyano” ang Bibliya, at inakusahan niya ang mga klerigong may matataas na posisyon sa simbahan ng “paghahangad na pagtakpan ang kanilang maling paggawi sa pamamagitan ng pagpapanatiling walang-alam ang mga tao.” Gaya ng maaasahan, ipinaaresto siya sa Russia ng kaniyang mga kaaway na Ortodokso at ipinatapon sa Siberia, kung saan siya namatay noong 1735.

Sa pagkokomento hinggil sa matinding gutom sa espirituwal ng mga taong nagsasalita ng Griego noong panahong iyon, ganito ang sinabi ng isang Griegong klerigo hinggil sa isang mas huling rebisyon ng salin ni Maximus: “Tinanggap ng mga Griego ang Banal na Bibliyang ito, kasama ng iba pa, nang may pag-ibig at pananabik. At binasa nila ito. At nadama nilang naibsan ang kirot na nadarama nila, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos . . . ay sumidhi.” Gayunman, natakot ang kanilang espirituwal na mga lider na kapag naunawaan ng mga tao ang Bibliya, mabubunyag ang di-makakasulatang mga paniniwala at gawa ng klero. Kaya noong 1823 at muli noong 1836, ang tanggapan ng patriyarka ng Constantinople ay nagpalabas ng utos na sunugin ang lahat ng kopya ng gayong mga salin ng Bibliya.

Isang Tagapagsalin na Malakas ang Loob

Sa ganitong kalagayan ng matinding pananalansang at masidhing pananabik sa kaalaman sa Bibliya, may lumabas na prominenteng tauhan na gaganap ng isang mahalagang papel sa pagsasalin ng Bibliya sa makabagong Griego. Ang taong ito na malakas ang loob ay si Neofitos Vamvas, isang kilalang lingguwista at tanyag na iskolar ng Bibliya, na sa pangkalahatan ay itinuturing na isa sa “Mga Guro ng Bansa.”

Talagang naniniwala si Vamvas na ang Simbahang Ortodokso ang dapat sisihin sa kawalang-alam ng mga tao sa espirituwal na mga bagay. Matibay ang paniniwala niya na upang magising ang mga tao sa espirituwal, kailangang maisalin ang Bibliya sa pangkaraniwang Griego noong panahong iyon. Noong 1831, sa tulong ng iba pang mga iskolar, sinimulan niyang isalin ang Bibliya sa akademikong Griego. Ang kaniyang kumpletong salin ay inilathala noong 1850. Yamang hindi siya susuportahan ng Simbahang Griego Ortodokso, nakipagtulungan siya sa British and Foreign Bible Society (BFBS) sa paglalathala at pamamahagi ng kaniyang salin. Binansagan siya ng simbahan bilang “isang Protestante,” at di-nagtagal ay itinakwil siya nito.

Mahigpit na sinunod ng salin ni Vamvas ang King James Version at nakopya nito ang mga depekto ng saling iyon dahil sa kakaunting kaalaman sa Bibliya at sa wika noong panahong iyon. Gayunman, sa loob ng maraming taon, iyon ang pinakamodernong salin ng Bibliya sa makabagong Griego na magagamit ng mga tao. Kapansin-pansin, apat na beses nitong binanggit ang personal na pangalan ng Diyos, sa anyong “Ieová.”​—Genesis 22:14; Exodo 6:3; 17:15; Hukom 6:24.

Ano ang pangkalahatang reaksiyon ng mga tao sa Bibliyang ito at sa iba pang mga bersiyon na madaling maintindihan? Talagang kamangha-mangha! Sa isang bangkang malapit sa pampang ng isa sa mga isla sa Gresya, isang tagapagbenta ng mga Bibliya ng BFBS ang “dinagsa ng mga bangkang puno ng mga bata na humihiling ng [mga Bibliya], anupat napilitan siyang . . . utusan ang kapitan na umalis na sila” dahil kung hindi ay mauubos niya ang lahat ng Bibliyang dala niya sa isang lugar lamang! Ngunit hindi basta nagsawalang-kibo ang mga mananalansang.

Binabalaan ng mga paring Ortodokso ang mga tao laban sa gayong mga salin. Halimbawa, kinumpiska ang mga Bibliya sa lunsod ng Atenas. Noong 1833, ipinasunog ng obispong Ortodokso ng Creta ang mga “Bagong Tipan” na kaniyang natuklasan sa isang monasteryo. Itinago ng isang pari ang isang kopya, at itinago rin ng mga tao sa kalapit na mga nayon ang kanilang mga kopya hanggang sa makaalis ang prelado sa isla.

Pagkalipas ng ilang taon sa isla ng Corfu, ang salin ni Vamvas sa Bibliya ay ipinagbawal ng Banal na Sinodo ng Simbahang Griego Ortodokso. Ipinagbawal ang pagbebenta nito, at ang natitirang mga kopya ay sinira. Sa mga isla ng Chios, Síros, at Mykonos, sinunog ang mga Bibliya dahil sa galit ng lokal na klero. Ngunit magaganap pa ang higit pang paghadlang sa pagsasalin ng Bibliya.

Isang Reyna ang Naging Interesado sa Bibliya

Noong dekada ng 1870, natanto ni Reyna Olga ng Gresya na sa pangkalahatan ay kakaunti pa rin ang kaalaman sa Bibliya ng mga taga-Gresya. Yamang naniniwala na ang kaalaman sa Kasulatan ay maglalaan ng kaaliwan at kaginhawahan sa bansa, sinikap niyang ipasalin ang Bibliya sa mas simpleng wika kaysa sa wikang ginamit sa bersiyon ni Vamvas.

Sa di-opisyal na paraan, ang hakbanging ito ng reyna ay pinasigla ng arsobispo ng Atenas at ng pinuno ng Banal na Sinodo, na si Prokopios. Gayunman, nang humingi siya ng opisyal na pahintulot sa Banal na Sinodo, tinanggihan siya. Sa kabila nito, nagmatiyaga siya, anupat nagsumite ng bagong aplikasyon, na tinanggihan na naman sa ikalawang pagkakataon noong 1899. Ipinagwalang-bahala niya ang di-pagsang-ayong iyon at nagpasiya siyang ilathala ang edisyong iilan lamang ang kopya sa pamamagitan ng kaniyang sariling gastos. Naisakatuparan ito noong 1900.

Mga Di-sumusukong Kaaway

Noong 1901, inilathala ng The Acropolis, isang prominenteng pahayagan sa Atenas, ang Ebanghelyo ni Mateo na isinalin sa Demotic Greek (pangkaraniwang Griego) ni Alexander Pallis, isang tagapagsalin na nagtatrabaho sa Liverpool, Inglatera. Ang malinaw na motibo ni Pallis at ng kaniyang mga kasamahan ay ‘turuan ang mga Griego’ at “tulungan ang bansa na makaahon” mula sa pagbagsak.

Ang salin ay tinawag ng mga estudyante ng teolohiyang Ortodokso at ng kanilang mga propesor na “isang panunuya sa pinakamahahalagang relikya ng bansa,” isang paglapastangan sa Banal na Kasulatan. Si Patriyarka Joakim III ng Constantinople ay nagpalabas ng isang dokumentong hindi sumasang-ayon sa salin. Ang kontrobersiya ay nagkaroon ng bahid ng pulitika, at ginamit ito sa mapanlinlang na paraan ng magkaaway na mga pulitikal na partido.

Sinimulang tuligsain ng maimpluwensiyang bahagi ng pamahayagan ng Atenas ang salin ni Pallis, anupat ang mga tagasuporta nito ay binansagang “mga ateista,” “mga traidor,” at “mga ahente ng dayuhang mga kapangyarihan” na determinadong buwagin ang lipunang Griego. Mula Nobyembre 5 hanggang 8, 1901, sa panunulsol ng napakakonserbatibong mga elemento ng Simbahang Griego Ortodokso, nanggulo ang mga estudyante sa Atenas. Sinalakay nila ang mga opisina ng The Acropolis, nagmartsa laban sa palasyo, kinontrol ang University of Athens, at mahigpit na hiniling na magbitiw ang pamahalaan. Sa kasukdulan ng kaguluhan, walo katao ang namatay sa pakikipagsagupaan sa hukbo. Kinabukasan, hiniling ng hari na magbitiw si Arsobispo Prokopios, at dalawang araw pagkatapos nito ay nagbitiw ang buong Gabinete.

Pagkalipas ng isang buwan, nagdemonstrasyon na naman ang mga estudyante at sinunog sa madla ang isang kopya ng salin ni Pallis. Nagpalabas sila ng isang resolusyon laban sa pamamahagi ng saling ito at humiling na bigyan ng mabigat na parusa ang sinumang magsisikap na magsalin ng Bibliya sa hinaharap. Ito ay naging dahilan upang ipagbawal ang paggamit ng anumang makabagong Griegong bersiyon ng Bibliya. Talagang isang madilim na panahon iyon!

“Ang Pananalita ni Jehova ay Namamalagi Magpakailanman”

Ang pagbabawal na gamitin ang Bibliya sa makabagong Griego ay pinawalang-bisa noong 1924. Mula noon, ang Simbahang Griego Ortodokso ay ganap na nabigo sa pagsisikap nito na ipagkait ang Bibliya sa mga tao. Samantala, pinangunahan ng mga Saksi ni Jehova ang pagtuturo ng Bibliya sa Gresya, kagaya ng ginagawa nila sa maraming bansa. Mula noong 1905, ginamit nila ang salin ni Vamvas upang tulungang magtamo ng kaalaman sa katotohanan ng Bibliya ang libu-libong taong nagsasalita ng Griego.

Sa loob ng maraming taon, maraming iskolar at propesor ang gumawa ng kapuri-puring pagsisikap na mailimbag ang Bibliya sa makabagong Griego. Sa ngayon, may mga 30 salin ng Bibliya, sa kabuuan o sa bahagi, na mababasa ng karaniwang Griego. Ang isang tunay na mahalagang salin ay ang bersiyong Griego ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na inilabas noong 1997 para sa kapakinabangan ng 16 na milyon katao sa buong daigdig na nagsasalita ng wikang Griego. Ang saling ito ng Salita ng Diyos ay ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa paraang madaling basahin at maunawaan, anupat matapat na sinusunod ang orihinal na teksto.

Ang pakikipagpunyagi upang magkaroon ng Bibliya sa makabagong Griego ay naglalarawan ng isang mahalagang katotohanan. Maliwanag na ipinahihiwatig nito na sa kabila ng mga pagsalansang ng tao, “ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman.”​—1 Pedro 1:25.

[Talababa]

^ par. 7 Para sa higit pang impormasyon hinggil kay Cyril Lucaris, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 15, 2000, pahina 26-9.

[Larawan sa pahina 27]

Pinatnubayan ni Cyril Lucaris ang unang salin sa Griego ng kumpletong Kristiyanong Griegong Kasulatan noong 1630

[Credit Line]

Bib. Publ. Univ. de Genève

[Mga larawan sa pahina 28]

Ilang salin sa pangkaraniwang Griego: Mga Awit na inilimbag noong: (1) 1828 ni Ilarion, (2) 1832 ni Vamvas, (3) 1643 ni Julianus. “Lumang Tipan” na inilimbag noong: (4) 1840 ni Vamvas

Si Reyna Olga

[Credit Lines]

Mga Bibliya: National Library of Greece; Reyna Olga: Culver Pictures

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Papiro: Reproduced by kind permission of The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin

[Picture Credit Line sa pahina 29]

Papiro: Reproduced by kind permission of The Trustees of the Chester Beatty Library, Dublin