Huwag Pabayaan ang Pagtitipon
Huwag Pabayaan ang Pagtitipon
“Huwag nating pababayaan ang ating pagkakatipon, tulad ng ginagawa ng iba,” ang sabi ng Kasulatan, “kundi palakasin ang loob ng isa’t isa—lalo na ngayong nakikita na nating dumarating na ang Araw.” (Hebreo 10:25, Ang Biblia—New Pilipino Version) Maliwanag na obligado ang tunay na mga mananamba na sama-samang magtipon sa isang dako ng pagsamba sa layuning ‘isaalang-alang ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’—Hebreo 10:24.
NANG isulat ni apostol Pablo ang nabanggit na mga salita noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, isang kahanga-hangang templo sa Jerusalem ang nagsilbing dako ng pagsamba para sa mga Judio. May mga sinagoga rin. Si Jesus ay ‘nagturo sa sinagoga at sa templo, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga Judio.’—Juan 18:20.
Anong uri ng mga dako ng pagpupulong ang nasa isip ni Pablo nang payuhan niya ang mga Kristiyano na magtipong sama-sama upang magpatibayang-loob sa isa’t isa? May anumang parisan ba ang malalaking relihiyosong gusali ng Sangkakristiyanuhan sa kaayusan ng templo sa Jerusalem noon? Kailan sinimulang gamitin ng mga nag-aangking Kristiyano ang napakalalaking relihiyosong gusali?
‘Isang Bahay Para sa Pangalan ng Diyos’
Ang unang mga tagubilin hinggil sa dako ng pagsamba sa Diyos ay masusumpungan sa aklat ng Bibliya na Exodo. Tinagubilinan ng Diyos na Jehova ang kaniyang piniling bayan—ang mga Israelita—na itayo ang Exodo, kabanata 25-27; 40:33-38) Tinutukoy rin ng Bibliya ang toldang ito bilang ang “templo ni Jehova” at “bahay ni Jehova.”—1 Samuel 1:9, 24.
“tabernakulo,” o “tolda ng kapisanan.” Doon itatago ang kaban ng tipan at ang iba’t ibang sagradong kagamitan. “Pinunô ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo” nang ito’y matapos noong 1512 B.C.E. Ang naililipat na toldang iyon ay nagsilbing pinakapangunahing pitak sa kaayusan ng Diyos ukol sa paglapit sa kaniya sa loob ng mahigit na apat na siglo. (Nang maglaon, nang si David ang hari sa Jerusalem, ipinahayag niya ang masidhing hangarin na magtayo ng isang permanenteng bahay ukol sa kaluwalhatian ni Jehova. Subalit dahil si David ay isang lalaking mandirigma, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.” Sa halip, pinili Niya ang anak ni David na si Solomon upang magtayo ng templo. (1 Cronica 22:6-10) Pinasinayaan ni Solomon ang templo noong 1026 B.C.E., pagkatapos ng pagtatayong tumagal nang pito at kalahating taon. Sinang-ayunan ni Jehova ang gusaling ito, na sinasabi: “Pinabanal ko ang bahay na ito na iyong itinayo sa pamamagitan ng paglalagay ng aking pangalan doon hanggang sa panahong walang takda; at ang aking mga mata at ang aking puso ay tiyak na doroong lagi.” (1 Hari 9:3) Hangga’t nananatiling tapat ang mga Israelita, itutuon ni Jehova ang kaniyang lingap sa bahay na iyon. Ngunit kung tatalikuran nila ang tama, aalisin ni Jehova ang kaniyang lingap sa dakong iyon, at “ang bahay na [iyon] ay magiging mga bunton ng mga guho.”—1 Hari 9:4-9; 2 Cronica 7:16, 19, 20.
Nang maglaon, tinalikuran nga ng mga Israelita ang tunay na pagsamba. (2 Hari 21:1-5) “Kaya pinasampa [ni Jehova] laban sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na . . . [sumunog sa] bahay ng tunay na Diyos at [gumiba sa] pader ng Jerusalem; at ang lahat ng tirahang tore nito ay sinunog nila sa apoy at gayundin ang lahat ng kanais-nais na mga kagamitan nito, upang wasakin. Karagdagan pa, dinala niyang bihag sa Babilonya yaong mga nalabi mula sa tabak, at sila ay naging mga lingkod niya at ng kaniyang mga anak.” Ayon sa Bibliya, naganap ito noong 607 B.C.E.—2 Cronica 36:15-21; Jeremias 52:12-14.
Gaya ng inihula ni propeta Isaias, ibinangon ng Diyos si Haring Ciro ng Persia upang palayain ang mga Judio mula sa kapangyarihan ng Babilonya. (Isaias 45:1) Pagkatapos ng 70 taóng pagkakatapon, bumalik sila sa Jerusalem noong 537 B.C.E., sa layuning muling itayo ang templo. (Ezra 1:1-6; 2:1, 2; Jeremias 29:10) Pagkatapos ng mga pag-antala sa pagtatayo, natapos din sa wakas ang templo noong 515 B.C.E., at naisauli ang dalisay na pagsamba sa Diyos. Bagaman hindi ito kasinluwalhati ng templo ni Solomon, nagtagal ang gusaling ito nang halos 600 taon. Gayunman, ang templong ito ay hindi rin naingatan dahil pinabayaan ng mga Israelita ang pagsamba kay Jehova. Nang lumitaw si Jesu-Kristo sa lupa, ang pagkakayari ng templo ay unti-unting binabago noon ni Haring Herodes. Ano kaya ang kahihinatnan ng templong ito?
‘Hindi Maiiwan ang Isang Bato sa Ibabaw ng Kapuwa Bato’
Sa pagtukoy sa templo sa Jerusalem, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.” (Mateo 24:1, 2) Nagkatotoo ang mga salitang iyon yamang ang dakong kinikilala sa loob ng maraming siglo bilang sentro ng pagsamba sa Diyos ay winasak noong 70 C.E. ng mga hukbong Romano na tumungo roon upang sawatain ang paghihimagsik ng mga Judio. * Hindi na muling naitayo ang templong iyon. Noong ikapitong siglo, itinayo ang dambanang Muslim na kilala bilang Dome of the Rock, at nakatayo ito sa kinaroroonan ng dating dako ng pagsamba ng mga Judio hanggang sa araw na ito.
Ano ba ang magiging kaayusan ng pagsamba para sa mga tagasunod ni Jesus? Ang mga sinaunang Kristiyano ba na may Judiong pinagmulan ay patuloy na sasamba sa Diyos sa templo na malapit na noong wasakin? Saan sasamba sa Diyos ang mga di-Judiong Kristiyano? Ang mga relihiyosong gusali ba ng Sangkakristiyanuhan ang magsisilbing kapalit ng templo? Ang pakikipag-usap ni Jesus sa isang Samaritana ang magbibigay sa atin ng kaunawaan sa bagay na ito.
Sa loob ng maraming siglo, sinamba ng mga Samaritano ang Diyos sa isang malaking templo sa Bundok Gerizim sa Samaria. “Ang mga ninuno namin ay sumamba sa bundok na ito,” ang sabi ng Samaritana kay Jesus, “ngunit sinasabi ninyo na sa Jerusalem ang dako kung saan dapat sumamba ang mga tao.” Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, babae, Ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.” Hindi na kakailanganin ang pisikal na templo sa pagsamba kay Jehova, sapagkat ipinaliwanag ni Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:20, 21, 24) Nang maglaon ay sinabi ni apostol Pablo sa mga taga-Atenas: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, yamang ang Isang ito nga ay Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay.”—Gawa 17:24.
Maliwanag, ang mga relihiyosong gusali ng Sangkakristiyanuhan ay walang kaugnayan sa kaayusan ng templo bago ang Panahong Kristiyano. At walang dahilan ang mga unang-siglong Kristiyano na magtayo ng gayong mga dako. Subalit pagkamatay ng mga apostol, naganap ang inihulang paglihis mula sa tunay na mga turo—ang apostasya. (Gawa 20:29, 30) Maraming taon bago ang sinasabing pagkumberte ni Romanong Emperador Constantino sa Kristiyanismo noong 313 C.E., nagsimulang lumihis ang mga nag-aangking Kristiyano mula sa mga bagay na itinuro ni Jesus.
Tumulong si Constantino sa pagsasanib ng “Kristiyanismo” at ng paganong relihiyon ng Roma. Ganito ang sabi ng The Encyclopædia Britannica: “Iniutos mismo ni Constantino ang pagtatayo ng tatlong malalaking Kristiyanong basilika sa Roma: ang St. Peter’s, S. Paolo Fuori le Mura, at S. Giovanni in Laterano. Siya . . . ay gumawa ng mga hugis-krus na mga disenyo na naging pamantayan sa mga simbahan sa kanluraning Europa noong Edad Medya.” Ang muling-itinayong St. Peter’s Basilica sa Roma ay itinuturing pa ring pinakasentro ng Simbahang Romano Katoliko.
“Tinularan ng Simbahan ang ilang relihiyosong kaugalian at anyo ng pagsamba na karaniwan sa [paganong] Roma noong panahon bago ang mga Kristiyano,” ang sabi ng istoryador na si Will Durant. Kasama rito “ang arkitektura ng basilika.” Mula noong ika-10 hanggang ika-15 siglo, biglang dumami ang itinatayong mga simbahan at mga katedral, anupat lubhang pinagtuunan ng pansin ang arkitektura. Diyan nagsimulang umiral ang maraming gusali ng Sangkakristiyanuhan na itinuturing na ngayong mga artistikong monumento.
Lagi bang nakasusumpong ng espirituwal na kaginhawahan at pampatibay-loob ang mga tao sa pagsamba sa simbahan? “Para sa akin, lumalarawan ang simbahan sa lahat ng bagay na nakababagot at nakasasawa sa relihiyon,” ang sabi ni Francisco mula sa Brazil. “Ang Misa ay isang walang kabuluhan at paulit-ulit na seremonya na walang nagawa upang sapatan ang aking tunay na mga pangangailangan. Laking ginhawa kapag natapos ito.” Gayunpaman, inutusan ang mga tunay na mananampalataya na sama-samang magpulong. Anong kaayusan para sa mga pagpupulong ang dapat nilang sundin?
“Ang Kongregasyon na Nasa Kanilang Bahay”
Ang parisan para sa Kristiyanong paraan ng sama-samang pagpupulong ay makikita sa pagsusuri kung paano nagpupulong ang mga unang-siglong mananampalataya. Ipinakikita ng Kasulatan na karaniwan nang nagpupulong sila nang sama-sama sa mga pribadong tahanan. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo: “Ipaabot ninyo ang aking mga pagbati kina Prisca at Aquila na aking mga kamanggagawa kay Kristo Jesus, . . . at batiin ninyo ang kongregasyon na nasa kanilang bahay.” (Roma 16:3, 5; Colosas 4:15; Filemon 2) Ang Griegong salita para sa “kongregasyon” (ek·kle·siʹa) ay isinaling “church” (simbahan) sa ilang saling Ingles, tulad ng King James Version. Ngunit ang termino ay tumutukoy sa isang grupo ng mga taong nagtitipun-tipon para sa iisang layunin at hindi sa isang gusali. (Gawa 8:1; 13:1) Ang pagsambang ginagawa ng tunay na mga Kristiyano ay hindi humihiling ng mararangyang relihiyosong gusali.
Paano idinaraos ang mga pulong sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano? Ginagamit ng alagad na si Santiago ang isang anyo ng salitang Griego na sy·na·go·geʹ upang tukuyin ang isang Kristiyanong pagpupulong. (Santiago 2:2) Ang Griegong salitang ito ay nangangahulugang “pagtitipun-tipon” at ginagamit na panghalili sa salitang ek·kle·siʹa. Gayunman, nang maglaon, ang terminong “sinagoga” ay tumukoy sa dako o gusali kung saan idinaraos ang pagtitipon. Ang unang mga Judiong Kristiyano ay pamilyar sa kung ano ang nagaganap sa isang sinagoga. *
Habang nagtitipon ang mga Judio sa templo sa Jerusalem para sa kanilang mga taunang kapistahan, ang mga sinagoga ay nagsilbing mga lokal na dako para matuto hinggil kay Jehova at magkaroon ng kaalaman sa Kautusan. Lumilitaw na ang iba’t ibang gawaing idinaraos sa mga sinagoga ay binubuo ng panalangin at pagbasa sa Kasulatan, gayundin ng detalyadong pagtalakay sa Kasulatan at pagpapayo. Nang magtungo si Pablo at ang iba pang mga kasama niya sa isang sinagoga sa Antioquia, “nagpasugo sa kanila ang mga punong opisyal ng sinagoga, na sinasabi: ‘Mga lalaki, mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang pampatibay-loob para sa mga tao, sabihin ninyo.’ ” (Gawa 13:15) Nang sama-samang magpulong sa mga pribadong tahanan ang unang mga Judiong Kristiyano, tiyak na sinunod nila ang gayunding parisan, na ginagawang nakapagtuturo salig sa Kasulatan at nakapagpapatibay sa espirituwal ang kanilang mga pagpupulong.
Mga Kongregasyong Ukol sa Pagpapatibay-Loob
Gaya ng sinaunang mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagtitipun-tipon sa simpleng mga dako ng pagsamba upang tumanggap ng instruksiyon mula sa Bibliya at upang tamasahin ang kapaki-pakinabang na pakikipagsamahan. Sa loob ng maraming taon ay nagpupulong lamang sila sa mga pribadong tahanan at gayon pa rin ang ginagawa sa ilang lugar. Ngunit ang bilang ng mga kongregasyon sa ngayon ay umabot na sa mahigit na 90,000, at ang kanilang pangunahing dako ng pagpupulong ay tinatawag na mga Kingdom Hall. Ang mga gusaling ito ay hindi mararangya o tulad-simbahan ang hitsura. Ang mga ito ay praktikal at simpleng mga gusali na nagpapangyaring magtipon ang mga kongregasyong binubuo ng mga 100 hanggang 200 katao para sa lingguhang mga pagpupulong upang makinig at matuto mula sa Salita ng Diyos.
Karamihan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagpupulong nang tatlong beses sa isang linggo. Ang isang pulong ay pangmadlang diskurso hinggil sa isang napapanahong paksa. Sinusundan ito ng pag-aaral sa isang tema o hula sa Bibliya, na ginagamit ang magasing Bantayan bilang pinagmumulan ng impormasyon. Ang isa pang pulong ay ang paaralang dinisenyo na maglaan ng pagsasanay sa paghaharap ng mensahe ng Bibliya. Sinusundan naman ito ng isang pulong na pantanging nilayong magbigay ng praktikal na mga mungkahi para sa ministeryong Kristiyano. Minsan sa isang linggo, nagtitipon din ang mga Saksi para mag-aral ng Bibliya sa maliliit na grupo sa pribadong mga tahanan. Ang lahat ng pulong na ito ay bukás sa madla. Walang mga koleksiyon doon.
Nasumpungan ni Francisco, na binanggit kanina, na lubhang kapaki-pakinabang ang mga pagpupulong sa Kingdom Hall. Sinabi niya: “Ang unang dako ng pagpupulong na napuntahan ko ay isang komportableng gusali sa sentro ng bayan, at umalis ako sa bulwagan taglay ang magandang impresyon. Yaong mga nagsidalo ay palakaibigan, at nadarama ko ang pag-ibig sa gitna nila. Nananabik akong bumalik uli. Sa katunayan, mula noon ay hindi ako lumiban ng kahit isang pagpupulong. Ang mga Kristiyanong pagpupulong na ito ay kawili-wili, at sinasapatan ng mga ito ang aking espirituwal na pangangailangan. Kahit na nanghihina ang aking loob sa anumang kadahilanan, pumupunta pa rin ako sa Kingdom Hall, na umaasang pag-uwi ko ay napatibay ako.”
Matatamasa mo rin ang pagtuturo mula sa Bibliya, nakapagpapatibay na pakikipagsamahan, at ang pagkakataong pumuri sa Diyos sa mga Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Magiliw ka naming inaanyayahang dumalo sa Kingdom Hall na malapit sa inyong tahanan. Malulugod ka kapag ginawa mo ito.
[Mga talababa]
^ par. 11 Lubusang winasak ng mga Romano ang templo. Ang Wailing Wall, kung saan pumupunta ang maraming Judio mula sa malalayong lugar upang manalangin, ay hindi bahagi ng templong iyon. Bahagi lamang ito ng pader ng looban ng templo.
^ par. 20 Malamang na ang mga sinagoga ay itinatag noong 70-taóng pagkatapon sa Babilonya nang wala pang umiiral na templo o di-nagtagal pagkaraang bumalik ang mga Judio mula sa pagkatapon habang muli pang itinatayo ang templo. Pagsapit ng unang siglo, ang bawat bayan sa Palestina ay may sarili nang sinagoga at ang mas malalaking lunsod ay may mahigit sa isang sinagoga.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Ang tabernakulo at, nang maglaon, ang mga templo ay nagsilbing maiinam na dako para sa pagsamba kay Jehova
[Larawan sa pahina 6]
Ang St. Peter’s Basilica sa Roma
[Larawan sa pahina 7]
Sama-samang nagpupulong ang mga sinaunang Kristiyano sa mga pribadong tahanan
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang mga Kristiyanong pagpupulong sa mga pribadong tahanan at mga Kingdom Hall