Mga Dako ng Pagsamba—Kailangan ba Natin ang mga Ito?
Mga Dako ng Pagsamba—Kailangan ba Natin ang mga Ito?
‘Libu-libong peregrinong nakasuot ng makukulay na damit mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mga grupo ng mga Indian na sumasabay sa tugtog ng mga tambol habang tinutularan ang mga sayaw na ipinalalagay na mula pa noong bago ang panahon ng Kastila, at mga deboto na nagkakandahirap sa paglakad nang nakaluhod at nakikipagsiksikan sa mga pulutong patungo sa dambana ang pumunô sa atriyum at sa mga kalye sa palibot ng basilika.’
GANIYAN ang pagkakalarawan ng pahayagang El Economista sa napakalaking pulutong noong Disyembre 2001. Noong panahong iyon, mga tatlong milyon katao ang nagtungo sa basilika sa Mexico City upang ipakita ang kanilang pananampalataya sa Birhen ng Guadalupe. Umaakit din ng maraming panauhin ang iba pang mga relihiyosong gusali, tulad ng St. Peter’s Basilica sa Roma.
Ang mga relihiyosong gusali ay may pantanging pitak sa puso ng maraming nagnanais na sumamba sa Diyos. “Para sa akin, ang simbahan ay isang lugar kung saan maaari akong mapalapít sa Diyos,” ang sabi ni Maria mula sa Brazil. “Ito’y banal na dako. Naniniwala ako na ang pagsisimba ay lumilinis sa kaluluwa at na kasalanan ang hindi mag-Misa at mangumpisal bawat Linggo.” Ganito naman ang sabi ni Consuelo mula sa Mexico: “Kapag nasa simbahan ako, naaantig ang aking damdamin; lubha kong pinahahalagahan ito. Habang naroroon ako, nadarama kong nasa langit ako.”
Bagaman lubhang pinahahalagahan ng ilan ang mga simbahan, pinagdududahan naman ng iba ang kahalagahan ng mga ito bilang mga dako ng pagsamba. Hinggil sa mababang bilang ng mga nagsisimba, ganito ang sabi ni Peter Sibert, isang paring Katoliko sa Inglatera: “Pinipili [ng mga tao] ang mga bahagi ng relihiyon na gusto nila. Katoliko ang marami sa mga taong may-edad na at namumuhay sila ayon sa kanilang pananampalataya—ngunit hindi nakadarama ng obligasyon ang mga kabataan.” Sinabi ng Daily Telegraph ng London noong Nobyembre 20, 1998: “Mula noong 1979, mga 1,500 simbahan
ang isinara sa Inglatera kung ihahambing sa 495 simbahan na binuksan at sa 150 na muling itinayo.”Noong 1997, iniulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung ng Munich, Alemanya: “Ang mga simbahan ay naging mga sinehan at mga apartment: Hindi na nagsisimba ang mga mananampalataya, ginagamit ang mga dako ng pagsamba sa ibang layunin. . . . Ang nakaugalian na sa Netherlands o sa Inglatera ay ginagawa na rin sa Alemanya.” Idinagdag pa nito: “Makikita ang humigit-kumulang 30 o 40 simbahan sa Alemanya na kapansin-pansing ibinenta nitong nakaraang ilang taon.”
Talaga bang kailangan ang mga relihiyosong gusali upang sambahin ang Diyos? Ang mga basilika ba at mararangyang simbahan ay may parisan sa Kasulatan? Anu-anong uri ng gusali ang iniugnay sa pagsamba sa tunay at buháy na Diyos? Ano ang matututuhan natin mula sa mga ito hinggil sa pangangailangang magkaroon ng mga dako ng pagsamba at hinggil sa kung ano ang dapat na maganap doon?