Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Lagi bang kailangang tuparin ang mga panata sa Diyos?
Sa Kasulatan, ang panata ay isang taimtim na pangako sa Diyos na gawin ang isang bagay, maghandog, pumasok sa isang pantanging uri ng paglilingkod o kalagayan, o umiwas sa ilang bagay na sa ganang sarili ay hindi naman masama. Ang Bibliya ay naglalaman ng mga ulat hinggil sa mga panatang may pasubali dahil nagsasangkot ang mga ito ng pangako na tutuparin ang ipinahayag na landasin kung gagawin muna ng Diyos ang isang bagay. Halimbawa, si Hana, ang ina ni propeta Samuel, ay “nanata at nagsabi: ‘O Jehova ng mga hukbo, kung . . . hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo.’ ” (1 Samuel 1:11) Inilalarawan din ng Bibliya ang mga panata bilang kusang-loob. Gaano ba kabigat ang pananagutang tuparin ang maka-Kasulatang mga panata?
“Kailanma’t nanata ka ng isang panata sa Diyos,” ang sabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, “huwag kang mag-atubiling tuparin iyon.” Sinabi pa niya: “Ang ipinanata mo ay tuparin mo. Mas mabuting hindi ka manata kaysa sa ikaw ay manata at hindi tumupad.” (Eclesiastes 5:4, 5) Ganito ang sinasabi ng Kautusang ibinigay sa Israel sa pamamagitan ni Moises: “Kung mananata ka ng isang panata kay Jehova na iyong Diyos, huwag kang magmamabagal sa pagtupad niyaon, sapagkat walang pagsalang sisingilin iyon sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, at iyon nga ay magiging kasalanan sa ganang iyo.” (Deuteronomio 23:21) Maliwanag na isang seryosong bagay ang manata sa Diyos. Dapat na gawin ito taglay ang mabuting dahilan, at yaong nanata ay dapat na nakatitiyak na kaya niyang tuparin ang anumang ipinangako niya sa panata. Kung hindi gayon, makabubuti pang hindi siya manata. Gayunman, minsang nanata na, lahat ba ng panata ay kailangang tuparin?
Paano kung ang isang panata ay humihiling sa isa na gumawa ng isang bagay na sa dakong huli ay nalaman na hindi pala kasuwato ng kalooban ng Diyos? Paano kung isa itong panata na sa paanuman ay mag-uugnay sa imoralidad at tunay na pagsamba? (Deuteronomio 23:18) Maliwanag na ang gayong panata ay hindi dapat tuparin. Karagdagan pa, sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang ipinanata ng isang babae ay maaaring mapawalang-saysay ng kaniyang ama o ng kaniyang asawa.—Bilang 30:3-15.
Isaalang-alang din ang kaso ng indibiduwal na nanata sa Diyos na manatiling walang asawa ngunit ngayon ay napapaharap sa isang gipit na kalagayan. Dahil sa kaniyang panata ay nalagay siya sa isang kalagayang nadarama niyang ang pagtupad dito ay aakay sa punto na malalabag niya ang mga pamantayan ng Diyos hinggil sa moralidad. Dapat pa rin ba niyang pagsikapang tuparin ang kaniyang panata? Hindi ba makabubuti para sa kaniya na ipagsanggalang ang kaniyang sarili sa pagkakasala ng imoralidad sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa panata niya at sa halip ay mamanhik ukol sa kaawaan ng Diyos at magsumamo ukol sa kaniyang kapatawaran? Siya lamang ang makapagpapasiya sa bagay na ito. Walang ibang tao ang makapagpapasiya para sa kaniya.
Paano kung nanata ang isa at nang maglaon ay natanto niyang nagawa ito nang padalus-dalos? Dapat pa rin ba niyang pagsikapang tuparin ang panatang iyon? Hindi madali para kay Jepte na tuparin ang ipinanata niya sa Diyos, ngunit buong-katapatan niyang tinupad iyon. (Hukom 11:30-40) Ang hindi pagtupad ng isang tao sa panata ay maaaring umakay sa ‘galit’ ng Diyos at sa paggiba Niya sa naisagawa ng indibiduwal. (Eclesiastes ) Ang pagwawalang-bahala sa pagtupad sa panata ay maaaring magdulot ng pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos. 5:6
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.” (Mateo 5:37) Ang isang Kristiyano ay hindi lamang dapat na mabahala sa pagtupad ng mga panata sa Diyos kundi gayundin sa pagiging mapagkakatiwalaan sa lahat ng kaniyang sinasabi—sa Diyos at sa mga tao. Paano kung may nagawa siyang isang kasunduan sa isang tao, na maaaring mabuti sa pasimula ngunit nang suriin itong mabuti ay lumilitaw na kamangmangan pala? Hindi niya dapat maliitin ang gayong mga bagay. Ngunit dahil sa taimtim na pakikipag-usap, maaaring ipasiya ng kabilang panig na hindi na kailangang tuparin ng nanata ang obligasyon nito.—Awit 15:4; Kawikaan 6:2, 3.
Ano ang dapat nating pangunahing pag-isipan hinggil sa mga panata at sa iba pang mga bagay? Lagi nawa nating sikaping mapanatili ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova.
[Mga larawan sa pahina 30, 31]
Hindi nag-atubili si Hana na tuparin ang kaniyang panata
[Mga larawan sa pahina 31, 31]
Bagaman mahirap itong gawin, tinupad ni Jepte ang kaniyang panata