Paano Natin Gagawing Makabuluhan ang Ating mga Araw sa Harap ni Jehova?
Paano Natin Gagawing Makabuluhan ang Ating mga Araw sa Harap ni Jehova?
“Nawala, kahapon, sa pagitan ng bukang-liwayway at takip-silim, dalawang ginintuang oras, bawat isa ay may tig-aanimnapung diamanteng minuto. Walang gantimpalang kapalit, sapagkat ang mga ito’y naglaho magpakailanman!”—Lydia H. Sigourney, Amerikanang awtor (1791-1865).
ANG mga araw ng ating buhay ay waring maikli at madaling lumipas. Binulay-bulay ng salmistang si David ang kaiklian ng buhay at naudyukan siyang manalangin: “Ipaalam mo sa akin, O Jehova, ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga araw—kung ano ito, upang malaman ko kung paanong ako ay panandalian lamang. Narito! Ginawa mong kaunti lamang ang aking mga araw; at ang lawig ng aking buhay ay tila walang anuman sa harap mo.” Ang ikinababahala ni David ay kung paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos, kapuwa sa kaniyang salita at gawa. Sa pagpapahayag ng kaniyang pananalig sa Diyos, sinabi niya: “Ang aking paghihintay ay sa iyo.” (Awit 39:4, 5, 7) Nakinig si Jehova. Sinukat nga niya ang mga gawain ni David at ginantimpalaan siya kaayon nito.
Napakadaling maging abala sa bawat minuto ng maghapon at matangay sa isang buhay na mabilis ang takbo at punô ng gawain. Maaari itong makabalisa sa atin, lalo na’t maraming dapat gawin at dapat maranasan subalit kakaunti lamang ang panahon upang gawin iyon. Ang atin bang ikinababahala ay katulad niyaong kay David—ang mamuhay upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang totoo, talagang pinagmamasdan at maingat na sinusuri ni Jehova ang bawat isa sa atin. Mga 3,600 taon na ang nakalilipas, kinilala ni Job, isang lalaking natatakot sa Diyos, na nakita ni Jehova ang kaniyang mga lakad at sinuri ang lahat ng kaniyang mga hakbang. Itinanong ni Job sa retorikal na paraan: “Kapag humihingi siya ng pagsusulit, ano ang maisasagot ko sa kaniya?” (Job 31:4-6, 14) Posible na gawing makabuluhan ang ating mga araw sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga priyoridad sa espirituwal, pagsunod sa kaniyang mga utos, at matalinong paggamit sa ating panahon. Suriin nating mabuti ang mga bagay na ito.
Unahin Natin ang Espirituwal na mga Bagay
May-kawastuan tayong hinihimok ng kinasihang Kasulatan na magtatag ng mga priyoridad sa espirituwal nang sabihin nito: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ Anu-ano ang mahahalagang bagay na ito? Nasasangkot sa sagot ang “tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.” (Filipos 1:9, 10) Ang pagtatamo ng kaalaman tungkol sa mga layunin ni Jehova ay humihiling ng matalinong paggamit sa ating panahon. Gayunman, ang pag-una sa espirituwal na mga bagay ay tiyak na magdudulot sa atin ng kapaki-pakinabang at kasiya-siyang buhay.
Pinaaalalahanan tayo ni apostol Pablo na “patuloy [na] tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” Dapat na kasali sa pagtiyak natin ang pagsusuri sa ating mga motibo at mga hangarin ng puso. Nagpatuloy pa ang apostol: “Patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” (Efeso 5:10, 17) Kaya, ano ang kaayaaya kay Jehova? Sumasagot ang isang kawikaan sa Bibliya: “Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa. Pahalagahan mo itong lubha, at itataas ka nito.” (Kawikaan 4:7, 8) Natutuwa si Jehova sa isang tao na nagtatamo at nagsasagawa ng makadiyos na karunungan. (Kawikaan 23:15) Ang kagandahan ng gayong karunungan ay na hindi ito mananakaw o masisira. Sa katunayan, ito ay nagiging pananggalang at proteksiyon ‘mula sa masamang daan at mula sa mga nagsasalita ng tiwaling mga bagay.’—Kawikaan 2:10-15.
Katalinuhan nga, kung gayon, na labanan ang anumang hilig na ipagwalang-bahala ang espirituwal na mga bagay! Kailangan tayong maglinang ng mapagpahalagang saloobin sa mga salita ni Jehova at ng kapaki-pakinabang na pagkatakot sa kaniya. (Kawikaan 23:17, 18) Bagaman ang gayong disposisyon ng isipan ay maaaring matamo sa anumang panahon ng buhay, makabubuting maitatag ang ganitong tamang takbo ng isipan at maikintal ang mga simulain ng Bibliya sa ating personalidad sa panahon ng kabataan. “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan,” ang sabi ng pantas na si Haring Solomon.—Eclesiastes 12:1.
Ang pinakamatalik na paraan ng paglinang ng pagpapahalaga kay Jehova ay sa pamamagitan ng personal na pananalangin sa kaniya araw-araw. Kinilala ni David ang kahalagahan ng pagtatapat kay Jehova, sapagkat isinamo niya: “Dinggin mo ang aking panalangin, O Jehova, at ang aking paghingi ng tulong ay pakinggan mo. Huwag kang manatiling tahimik sa aking mga luha.” (Awit 39:12) Ang matalik ba nating kaugnayan sa Diyos kung minsan ay nakaaantig sa ating damdamin anupat napapaluha tayo? Ang totoo, habang lalo nating ipinakikipag-usap kay Jehova ang tungkol sa malalalim na bagay ng puso at binubulay-bulay ang kaniyang Salita, lalo naman siyang napapalapit sa atin.—Santiago 4:8.
Matuto ng Pagsunod
Si Moises ay isa pang lalaking may pananampalataya na nakababatid na kailangan siyang manalig sa Diyos. Gaya ni David, nakikita ni Moises na ang buhay ay punô ng problema. Kaya naman nagsumamo siya sa Diyos na ipakita sa kaniya ‘kung paano bibilangin ang kaniyang mga araw upang makapagtamo ng pusong may karunungan.’ (Awit 90:10-12) Ang pusong may karunungan ay matatamo lamang mula sa pagkatuto at pamumuhay ayon sa mga kautusan at mga simulain ni Jehova. Alam ito ni Moises kaya naman sinikap niyang ikintal ang mahalagang katotohanang iyan sa bansang Israel sa pamamagitan ng pag-ulit sa mga kautusan at mga tuntunin ng Diyos sa kanila bago nila ariin ang Lupang Pangako. Sinumang haring tao na pipiliin noon ni Jehova upang mamahala sa Israel ay kailangang sumulat ng kaniyang sariling kopya ng Kautusan at magbasa nito sa lahat ng araw ng kaniyang buhay. Bakit? Upang matuto siyang matakot sa Diyos. Ito ay magiging pagsubok sa pagkamasunurin ng isang hari. Ipagsasanggalang siya nito mula sa pagmamataas ng kaniyang puso sa kaniyang mga kapatid at pahahabain din nito ang kaniyang mga araw sa kaniyang kaharian. (Deuteronomio 17:18-20) Inulit ang pangakong ito nang sabihin ni Jehova sa anak ni David na si Solomon: “Kung lalakad ka sa aking mga daan sa pamamagitan ng pagtupad sa aking mga tuntunin at sa aking mga utos, kung paanong lumakad si David na iyong ama, pahahabain ko rin ang iyong mga araw.”—1 Hari 3:10-14.
Ang pagsunod ay isang seryosong bagay sa Diyos. Kung mamaliitin natin ang ilang aspekto ng mga kahilingan at utos ni Jehova na para bang ito ay di-mahalaga, tiyak na mapapansin niya ang gayong saloobin. (Kawikaan 15:3) Ang pagkaalam nito ay dapat mag-udyok sa atin na panatilihin ang malaking paggalang sa lahat ng banal na tagubilin ni Jehova, bagaman ang paggawa nito ay hindi laging madali. Ginagawa ni Satanas ang lahat upang ‘harangin ang ating landas’ habang sinisikap nating sundin ang mga batas at utos ng Diyos.—1 Tesalonica 2:18.
Lalo nang mahalaga na sumunod sa maka-Kasulatang payo na magtipong sama-sama para sa pagsamba at pagsasamahan. (Deuteronomio 31:12, 13; Hebreo 10:24, 25) Kaya makabubuting tanungin natin ang ating sarili: ‘Mayroon ba akong determinasyon at tiyaga na kinakailangan upang magawa kung ano ang talagang kapaki-pakinabang?’ Kung pababayaan natin ang pagsasamahan at ang pagtuturo sa mga Kristiyanong pagpupulong dahil sa pagsisikap na matiyak ang seguridad sa pananalapi, hihina ang kaugnayan natin kay Jehova. Sumulat si apostol Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ni Jehova]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ” (Hebreo 13:5) Ang pagiging handang sumunod sa mga utos ni Jehova ay nagpapakita ng lubos na pagtitiwala na pangangalagaan niya tayo.
Natuto si Jesus ng pagsunod at nakinabang dito. Matututo rin tayo at makikinabang dito. (Hebreo 5:8) Habang nililinang natin ang pagkamasunurin, lalo naman itong magiging madali sa atin, maging sa maliliit na bagay. Totoo, dahil sa ating katapatan, baka kailangan nating harapin ang di-kaayaaya at magaspang pa ngang pakikitungo ng iba. Maaaring lalo nang totoo ito sa lugar ng trabaho, sa paaralan, o sa isang sambahayan na nababahagi dahil sa relihiyon. Gayunman, nakasusumpong tayo ng kaaliwan sa ipinahayag sa mga Israelita na kung ‘iibigin nila si Jehova sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya, siya ang magiging kanilang buhay at ang kahabaan ng kanilang mga araw.’ (Deuteronomio 30:20) Ito ay ipinangangako rin sa atin.
Gamitin sa Matalinong Paraan ang Panahon
Ang matalinong paggamit sa ating panahon ay tutulong din sa atin na gawing makabuluhan ang mga araw natin sa harap ni Jehova. Di-tulad ng salapi na maaaring ipunin, kailangang gamitin ang panahon, kung hindi ay mawawala ito. Ang bawat oras na lumilipas ay naglalaho magpakailanman. Yamang laging mas maraming kailangang gawin kaysa sa kaya nating gawin, ginugugol ba natin ang ating panahon kasuwato ng ating mga tunguhin sa buhay? Ang dapat na pangunahing tunguhin ng lahat ng Kristiyano ay maging regular sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Magagamit lamang natin sa matalinong paraan ang ating panahon kapag alam na alam natin ang kahalagahan nito. Angkop naman, hinihimok tayo ng Efeso 5:16 na ‘bilhin ang naaangkop na panahon para sa ating sarili,’ at nagpapahiwatig ito ng pagsasaisantabi sa di-gaanong mahahalagang bagay. Nangangahulugan ito ng pagbawas sa mga gawaing nagsasayang ng panahon. Ang labis na panonood ng telebisyon o paggalugad sa Internet, pagbabasa ng di-kapaki-pakinabang na sekular na materyal, o ang labis na pagliliwaliw o paglilibang ay makapapagod sa atin. Bukod dito, ang labis na pagkakamal ng materyal na mga pag-aari ay makauubos ng panahon na kailangan upang makapagtamo ng pusong may karunungan.
Ang mga tagapagtaguyod ng maingat na pangangasiwa sa panahon ay nagsasabi: “Imposibleng magamit nang mahusay ang iyong panahon kung hindi magtatakda ng malinaw na mga tunguhin.” Iminumungkahi nila ang limang pamantayan sa pagtatakda ng tunguhin: espesipiko, nasusukat, naaabot, makatotohanan, at nakaiskedyul.
Ang isang kapaki-pakinabang na tunguhin ay ang pagpapasulong sa ating pagbabasa ng Bibliya. Ang unang hakbang ay gawing espesipiko ang ating tunguhin—basahin ang buong Bibliya. Ang ikalawang hakbang ay gawing nasusukat ang ating tunguhin. Sa paggawa nito, masusubaybayan natin ang ating pagsulong. Ang mga tunguhin ay dapat na magtulak sa atin na magpagal at sumulong. Dapat din na naaabot at makatotohanan ang mga ito. Kailangang isaalang-alang ang personal na mga kakayahan, kasanayan, at taglay na panahon. Para sa ilan, mas maraming panahon ang kailangan upang maisakatuparan ang tunguhin. Kahuli-hulihan, ang ating tunguhin ay kailangang nakaiskedyul. Ang pagtatakda ng petsa sa pagsasakatuparan sa isang bagay ay lalong gaganyak sa isa na isagawa ito.
Ang lahat ng miyembro ng pangglobong pamilyang Bethel, na naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova o sa isa sa mga sangay nito sa buong daigdig, ay may espesipikong tunguhin na basahin ang buong Bibliya sa unang taon nila sa Bethel. Natatanto nila na ang kapaki-pakinabang na pagbabasa ng Bibliya ay nakatutulong sa kanilang espirituwal na pagsulong at sa pagkakaroon ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova, ang nagtuturo sa kanila upang makinabang sila. (Isaias 48:17) Maaari rin ba nating gawing tunguhin ang regular na pagbabasa ng Bibliya?
Mga Kapakinabangan Kapag Ginawa Nating Makabuluhan ang Ating mga Araw
Ang pag-una sa espirituwal na mga bagay ay magbubunga ng napakaraming pagpapala. Halimbawa, nagdudulot ito ng mas masidhing pagkadama na may naisasagawang bagay na kapaki-pakinabang at nagkakaroon ng layunin ang buhay. Ang regular na pakikipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin ay lalong naglalapít sa atin sa kaniya. Ang mismong pananalangin natin ay nagpapakita ng ating pagtitiwala sa kaniya. Ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” ay nagpapakita ng ating pagiging handang makinig sa Diyos habang nagsasalita siya sa atin. (Mateo 24:45-47) Tumutulong ito na magtamo tayo ng isang pusong may karunungan upang makagawa ng tamang mga desisyon at mga pagpili sa buhay.—Awit 1:1-3.
Nalulugod tayong sundin ang mga utos ni Jehova, sapagkat ang paggawa nito ay hindi pabigat. (1 Juan 5:3) Habang ginagawa nating makabuluhan ang bawat araw sa harap ni Jehova, pinatitibay natin ang ating kaugnayan sa kaniya. Tayo rin ay nagiging tunay na espirituwal na suporta ng ating mga kapuwa Kristiyano. Ang gayong pagkilos ay nakalulugod sa Diyos na Jehova. (Kawikaan 27:11) At wala nang mas hihigit pang gantimpala kaysa sa pagtatamasa ng pagsang-ayon ni Jehova ngayon at magpakailanman!
[Larawan sa pahina 21]
Dinidibdib ng mga Kristiyano ang espirituwal na mga bagay
[Mga larawan sa pahina 22]
Ginagamit mo ba sa matalinong paraan ang iyong panahon?
[Larawan sa pahina 23]
Pinatitibay natin ang ating kaugnayan kay Jehova habang ginagawa nating makabuluhan ang bawat araw sa harap niya