“Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos”
“Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos”
“Lagi kayong nariyan upang makinig at magbahagi ng mga salita mula sa Bibliya na nakapagpapatibay sa amin.”—Pamela.
“Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo alang-alang sa aming lahat. Talagang napakalaking bagay nito.”—Robert.
NAUDYUKAN sina Pamela at Robert na isulat ang mga salitang ito ng pagpapahalaga sa Kristiyanong matatanda sa kani-kanilang kongregasyon. Ang iba sa mga lingkod ng Diyos sa buong daigdig ay nagpapasalamat din sa patuloy na suporta at pangangalaga na natatanggap nila mula sa mga ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos.’ (1 Pedro 5:2) Sa katunayan, ang bayan ni Jehova ay nagpapasalamat sa maraming bagay na ginagawa ng matatanda alang-alang sa kanila at sa paraan ng paggawa nila sa mga ito.
“Maraming Ginagawa”
Ang Kristiyanong matatanda ay pinagkatiwalaan ng napakaraming pananagutan. (Lucas 12:48) Naghahanda sila ng mga pahayag para sa mga pulong ng kongregasyon at nakikibahagi sa pangmadlang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kasali sa kanilang mga tungkulin ang mga pagdalaw bilang pastol sa mga kapananampalataya. Ang matatanda ay gumugugol ng panahon sa mga nangangailangan ng pantanging atensiyon—ang mga may-edad na at ang iba pa—at ginagawa ang lahat ng ito nang hindi pinababayaan ang espirituwal at materyal na kapakanan ng kani-kanilang sariling pamilya. (Job 29:12-15; 1 Timoteo 3:4, 5; 5:8) Ang ilang matatanda ay tumutulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang iba ay naglilingkod sa mga Hospital Liaison Committee o kaya naman ay mga miyembro ng mga Patient Visitation Group. At marami sa kanila ang gumaganap ng boluntaryong gawain sa mga asamblea at mga kombensiyon. Oo, ang matatanda ay “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Hindi nakapagtataka na ang gayong masisipag na matatanda ay lubhang pinahahalagahan ng mga ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga!—1 Tesalonica 5:12, 13.
Ang matatanda na dumadalaw nang regular sa mga kapuwa Kristiyano sa tahanan o sa ibang lugar upang patibayin sila sa espirituwal ay pinagmumulan ng pampatibay-loob. “Kung hindi lamang sa maibiging suporta at pampatibay-loob ng matatanda,” ang sabi ni Thomas, na lumaking walang ama sa tahanan, “sa palagay ko ay hindi ako naglilingkod kay Jehova bilang isang buong-panahong ministro ngayon.” Maraming kabataan na pinalaki sa pamilyang may nagsosolong magulang ang kumikilala na ang atensiyon na natanggap nila mula sa matatanda ay tumulong sa kanila na magkaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos.
Ang mga pagdalaw bilang pastol ay lubhang pinahahalagahan din ng mga may-edad na sa kongregasyon. Pagkatapos dalawin ng dalawang matanda ang mag-asawang misyonero na nasa kalagitnaan na ng
edad 80, sumulat ang mga ito: “Nais naming ipahayag ang aming pagpapahalaga sa inyong lubhang kalugud-lugod na pagdalaw. Pag-alis ninyo, muli naming binasa ang mga kasulatan na tinalakay ninyo sa amin. Hindi namin kailanman malilimutan ang inyong mga salita ng pampatibay-loob.” Isang 70-taóng-gulang na balo ang sumulat sa matatanda: “Matagal na akong nananalangin kay Jehova ukol sa tulong, at ipinadala niya kayong dalawa, mga kapatid, sa aking tahanan. Ang inyong pagdalaw ay isang pagpapala mula kay Jehova!” Nakinabang na ba kayo kamakailan sa pagdalaw ng matatanda mula sa inyong kongregasyon? Walang alinlangan na tayong lahat ay nagpapahalaga sa kanilang mga pagsisikap sa pagpapastol sa kawan na nasa kanilang pangangalaga!Mga Pastol na Tumutulad sa Diyos at kay Kristo
Si Jehova ay isang maibiging Pastol. (Awit 23:1-4; Jeremias 31:10; 1 Pedro 2:25) Si Jesu-Kristo ay isa ring pambihirang espirituwal na Pastol. Sa katunayan, siya ay tinawag na “mabuting pastol,” “dakilang pastol,” at “ang punong pastol.” (Juan 10:11; Hebreo 13:20; 1 Pedro 5:4) Paano pinakikitunguhan ni Jesus ang mga nagnanais na maging mga alagad niya? Ipinaaabot niya sa kanila ang magiliw na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.”—Mateo 11:28.
Ang matatanda sa ngayon ay nagsisikap din na maging pinagmumulan ng kaginhawahan at proteksiyon sa kawan. Ang gayong mga lalaki ay “magiging gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:2) Ang gayong mababait na tagapagsanggalang ay nagdudulot ng kaginhawahan, nagkakamit ng paggalang ng kawan, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos.—Filipos 2:29; 1 Timoteo 5:17.
Mahalagang Tulong Mula sa Kani-kanilang Asawa
Ang bayan ng Diyos ay nagpapasalamat sa Kristiyanong matatanda at sa maibiging tulong na natatanggap ng mga lalaking ito mula sa kani-kanilang asawa. Ang pagiging matulungin ay madalas na humihiling ng pagsasakripisyo sa bahagi ng gayong mga babae. Kung minsan, sila ay nasa tahanan habang ang kani-kanilang asawa ay nag-aasikaso ng mga bagay-bagay sa kongregasyon o dumadalaw bilang pastol. Kung minsan naman, ang maingat na isinaplanong personal na gawain ay isinasaisantabi dahil may apurahang suliranin na bumabangon sa kongregasyon. “Magkagayunman,” ang sabi ni Michelle, “kapag nakikita ko kung gaano kaabala ang aking asawa sa paghahanda sa mga pulong o sa mga pagdalaw bilang pastol, lagi kong isinasaisip na ginagawa niya ang gawain ni Jehova, at sinisikap kong maging matulungin hangga’t magagawa ko.”
Si Cheryl, na asawa rin ng isang matanda, ay nagsabi: “Alam ko na ang mga kapatid sa kongregasyon ay nangangailangan ng makakausap na matatanda, at nais kong madama nila na maaari nilang puntahan ang aking asawa anumang oras na kailangan nila siya.” Ang matulunging mga babae, tulad nina Michelle at Cheryl, ay handang magsakripisyo upang mapangalagaan ng kani-kanilang asawa ang mga tupa ng Diyos. Ang mga asawa ng matatanda ay pinahahalagahan dahil sa kanilang matulunging espiritu.
Gayunman, hindi dapat pabayaan ng isang abalang matanda ang espirituwal at iba pang mga pangangailangan ng kaniyang asawa at mga anak. Ang isang matanda na may asawa ay dapat na “malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil.” (Tito 1:6) Dapat niyang pangalagaan ang kaniyang pamilya sa makadiyos na paraan na hinihiling ng Kasulatan sa mga tagapangasiwang Kristiyano.—1 Timoteo 3:1-7.
Para sa isang abalang matanda, walang kasinghalaga ang isang matulunging asawa! Ganiyan ang nadarama ng mga mapagmahal na matatandang may asawa. Ito ay gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Nakasumpong ba ang isa ng mabuting asawang babae? Siya ay nakasumpong ng mabuting bagay.” (Kawikaan 18:22) Sa salita at sa gawa, ipinakikita ng gayong matatanda sa kani-kanilang asawa ang taos-pusong pagpapahalaga. Bukod sa taimtim na pananalangin at kalugud-lugod na pag-aaral nang magkasama, ang mga Kristiyanong mag-asawang ito ay nagtatakda ng panahon upang masiyahan sa mga bagay na gaya ng paglalakad sa dalampasigan, pag-akyat sa kakahuyan, o pamamasyal sa isang parke. Oo, ang matatanda ay nakasusumpong ng kagalakan sa pagbibigay sa kani-kanilang asawa ng maibiging pangangalaga.—1 Pedro 3:7.
Ang matatanda na walang-kasakimang nagpapastol sa kawan ng Diyos ay pinagmumulan ng espirituwal na kaginhawahan ng bayan ni Jehova. Sila ay tunay na “mga kaloob na mga tao,” isang pagpapala sa kongregasyon!—Efeso 4:8, 11-13.