Ang Naalaala ni Josue
Ang Naalaala ni Josue
“SI Moises na aking lingkod ay patay na,” ang sabi ni Jehova, “at ngayon ay tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila.” (Josue 1:2) Kayhirap ng atas na ibinigay kay Josue! Halos 40 taon siyang naging tagapaglingkod ni Moises. Ngayon ay inutusan siyang balikatin ang pananagutan ng kaniyang panginoon at pangunahan ang mga anak ni Israel, na madalas ay mahirap pakitunguhan, sa pagtungo sa Lupang Pangako.
Habang pinag-iisipan ni Josue ang napapaharap sa kaniya, marahil ay sunud-sunod na sumagi sa kaniyang isipan ang mga pagsubok na naharap at napagtagumpayan na niya. Walang alinlangang malaki ang naitulong kay Josue ng kaniyang naalaala noong panahong iyon, at makatutulong din ito sa mga Kristiyano sa ngayon.
Mula sa Pagiging Alipin Tungo sa Pagiging Kumandante
Ang maraming taon ng pang-aalipin ay bahagi ng mga alaala ni Josue. (Exodo 1:13, 14; 2:23) Mahihinuha lamang natin ang mga naranasan ni Josue noong panahong iyon yamang walang sinasabi ang Bibliya hinggil sa mga detalye niyaon. Maaaring natuto si Josue na maging mahusay na organisador noong siya’y naglilingkod sa Ehipto, at malamang na tumulong siya sa pag-oorganisa sa pagtakas ng mga Hebreo at ng “malaking haluang pangkat” mula sa lupaing iyon.—Exodo 12:38.
Kabilang si Josue sa isang pamilya sa tribo ng Efraim. Ang kaniyang lolo na si Elisama ang pinuno ng tribo at maliwanag na nanguna sa 108,100 nasasandatahang lalaki ng isa sa mga tatlong-tribong pangkat ng Israel. (Bilang 1:4, 10, 16; 2:18-24; 1 Cronica 7:20, 26, 27) Gayunman, nang salakayin ng mga Amalekita ang Israel di-nagtagal pagkatapos umalis ang Israel sa Ehipto, tinawag ni Moises si Josue upang organisahin ang kanilang depensa. (Exodo 17:8, 9a) Bakit si Josue at hindi, halimbawa, ang kaniyang lolo o ama? Ang isang palagay ay: “Bilang pinuno ng isang mahalagang tribo ng Efraim, at bilang isa na kilalang-kilala na sa kaniyang kakayahan sa pag-oorganisa, at isa na lubusang pinagkakatiwalaan ng bayan, kay [Josue] bumaling si Moises bilang ang pinakakuwalipikadong lider na pipili at mag-oorganisa ng mga sundalo.”
Anuman ang dahilan, nang piliin siya, ginawa ni Josue ang mismong iniutos ni Moises. Bagaman walang anumang karanasan ang Israel sa pakikidigma, kumbinsido si Josue sa tulong ng Diyos. Kaya nang sabihin sa kaniya ni Moises na “bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol, taglay ang tungkod ng tunay na Diyos sa aking kamay,” sapat na iyon. Tiyak na naalaala ni Josue na katatapos lamang lipulin noon ni Jehova ang pinakamalakas na puwersang militar noong panahong iyon. Kinabukasan, nang itaas ni Moises ang kaniyang mga kamay at panatilihin itong nakataas hanggang sa paglubog ng araw, walang kaaway ang makatayo laban sa Israel, at nalupig ang mga Amalekita. Pagkatapos ay iniutos ni Jehova kay Moises na isulat sa isang aklat at ‘iharap sa pandinig ni Josue’ ang hatol ng Diyos: “Lubusan kong papawiin ang pag-alaala sa Amalek mula sa silong ng langit.” (Exodo 17:9b-14) Oo, tiyak na ipatutupad ni Jehova ang hatol na iyon.
Bilang Tagapaglingkod ni Moises
Ang pangyayaring iyon sa Amalek ay malamang na lalong naglapít kina Josue at Moises. Naging karangalan ni Josue ang maging personal na tagapaglingkod, o “lingkod,” ni Moises “mula sa kaniyang pagkabinata” hanggang sa pagkamatay ni Moises, isang yugto na mga 40 taon.—Bilang 11:28.
Ang tungkuling iyon ay nangahulugan ng mga pribilehiyo at mga pananagutan. Halimbawa, nang umakyat sina Moises, Aaron, mga anak ni Aaron, at 70 iba pang matatandang lalaki ng Israel sa Bundok Sinai at nakakita ng isang pangitain ng kaluwalhatian ni Jehova, malamang na kasama nila si Josue. Bilang tagapaglingkod, sinamahan niya si Moises sa mas mataas na bahagi ng bundok at malamang na nanatili sa di-kalayuan samantalang pumapasok si Moises sa ulap na sumasagisag sa presensiya ni Jehova. Kapansin-pansin, waring si Josue ay namalagi sa bundok sa loob ng 40 araw at 40 gabi. May-katapatan niyang hinintay ang pagbabalik ng kaniyang panginoon, dahil nang magsimula nang bumaba si Moises dala ang mga tapyas ng Patotoo, naroroon si Josue upang salubungin siya.—Exodo 24:1, 2, 9-18; 32:15-17.
Pagkatapos ng insidente hinggil sa idolatriya ng Israel sa ginintuang guya, nagpatuloy si Josue sa paglilingkod kay Moises sa tolda ng kapisanan sa labas ng kampo. Doon ay nakipag-usap nang mukhaan si Jehova kay Moises. Ngunit nang bumalik si Moises sa kampo, si Josue ay “hindi umaalis mula sa gitna ng tolda.” Marahil ay kinakailangang naroroon siya upang mahadlangan ang mga Israelitang may maruming katayuan sa pagpasok Exodo 33:7, 11.
sa tolda. Tunay ngang buong-kataimtimang ginampanan ni Josue ang pananagutang iyon!—Ang pakikisama kay Moises, na 35 taon ang tanda kay Josue ayon sa istoryador na si Josephus, ay tiyak na lubhang nagpatibay sa pananampalataya ni Josue. Ang kanilang ugnayan ay tinawag na “ang pagtatagpo ng pagkamaygulang at ng kabataan, ng panginoon at ng tinuturuan,” anupat bunga nito ay naging “matatag at mapagkakatiwalaang lalaki” si Josue. Wala tayong mga propetang gaya ni Moises sa gitna natin sa ngayon, ngunit kabilang sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova ang mga may-edad na, na dahil sa kanilang karanasan at espirituwalidad, sila ay nagsisilbing tunay na pinagmumulan ng lakas at pampatibay-loob. Pinahahalagahan mo ba sila? At ikaw ba ay nakikinabang sa pakikisama sa kanila?
Isang Tiktik sa Canaan
Ang isang mahalagang yugto sa buhay ni Josue ay naganap di-nagtagal pagkatapos tanggapin ng Israel ang Kautusan. Napili siya upang katawanin ang kaniyang tribo sa pagtiktik sa Lupang Pangako. Alam na alam ng marami ang kuwento. Sumang-ayon ang lahat ng 12 tiktik na ang lupain ay tunay ngang “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” gaya ng ipinangako ni Jehova. Gayunman, dahil sa kawalan ng pananampalataya ay natakot ang sampung tiktik na baka hindi mapaalis ng Israel ang mga tumatahan sa lupain. Sina Josue at Caleb lamang ang nag-udyok sa bayan na huwag magrebelde dahil sa takot, yamang tiyak na sasakanila si Jehova. Sa pagkakataong iyon, nagprotesta ang buong kapulungan at nag-usap na pagpupukulin ng mga bato ang dalawang tiktik. Marahil ay ginawa nga nila iyon kung hindi lamang nakialam si Jehova sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kaniyang kaluwalhatian. Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, itinalaga ng Diyos na walang sinuman na rehistrado sa Israel mula 20 taóng gulang pataas ang mabubuhay upang pumasok sa Canaan. Sa mga ito, si Josue, si Caleb, at ang mga Levita lamang ang nakaligtas.—Bilang 13:1-16, 25-29; 14:6-10, 26-30.
Hindi ba nakita ng buong bayang ito ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova sa Ehipto? Kung gayon, ano ang nakatulong kay Josue upang magkaroon ng pananampalataya sa tulong ng Diyos samantalang nag-alinlangan naman ang karamihan? Tiyak na pinanatiling maliwanag ni Josue sa kaniyang isipan ang lahat ng ipinangako at ginawa ni Jehova, at binulay-bulay niya ang mga ito. Pagkalipas ng maraming taon ay masasabi niya na ‘walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita ni Jehova sa Israel ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat.’ (Josue 23:14) Samakatuwid, nanampalataya si Josue na lahat ng ipinangako ni Jehova may kinalaman sa hinaharap ay tiyak na matutupad din. (Hebreo 11:6) Dapat nitong pakilusin ang isa na magtanong: ‘Kumusta naman ako? Ang pagsisikap ba na iniukol ko sa pag-aaral at pabubulay-bulay sa mga pangako ni Jehova ay nakakumbinsi sa akin na mapagkakatiwalaan ang mga ito? Naniniwala ba ako na kaya akong ipagsanggalang ng Diyos kasama ng kaniyang bayan sa darating na malaking kapighatian?’
Hindi lamang nanampalataya si Josue kundi nagpamalas din siya ng tibay ng loob na gawin ang tama. Sila lamang ni Caleb ang nanindigang matatag, at ang buong kapulungan ay nag-usap upang batuhin sila. Kung ikaw, ano kaya ang madarama mo? Matatakot? Hindi gayon ang nadama ni Josue. May-katatagang sinabi niya at ni Caleb ang kanilang pinaniniwalaan. Ang pagkamatapat kay Jehova ay maaaring humiling na gawin din natin ang gayon balang-araw.
Ipinababatid din sa atin ng kuwento hinggil sa mga tiktik na binago ang pangalan ni Josue. Idinagdag ni Moises sa orihinal na pangalan ni Josue na Hosea, na nangangahulugang “Kaligtasan,” ang pantig na tumutukoy sa pangalan ng Diyos at tinawag siyang Jehosua, o Josue—“Si Jehova ay Kaligtasan.” Isinasalin ng Septuagint ang kaniyang pangalan bilang “Jesus.” (Bilang 13:8, 16) Bilang pagtupad sa dakilang pangalang iyon, may-katapangang inihayag ni Josue na si Jehova ay kaligtasan. Ang pagbabago sa pangalan ni Josue ay hindi nagkataon lamang. Ipinakikita nito ang mataas na pagtingin ni Moises kay Josue at bumagay ito sa pantanging papel na gagampanan ni Josue sa pangunguna sa isang bagong salinlahi tungo sa Lupang Pangako.
Samantalang sunud-sunod na namatay ang kanilang mga ninuno, nagpalabuy-laboy sa ilang ang mga Israelita sa loob ng 40 nakapanghihimagod na mga taon. Wala tayong nalalaman hinggil kay Josue sa panahong iyon. Gayunman, tiyak na malaki ang natutuhan niya roon. Malamang na nasaksihan niya ang hatol ng Diyos sa mga rebeldeng sina Kora, Datan, at Abiram at sa kanilang Bilang 16:1-50; 20:9-13; 25:1-9.
mga tagasunod at sa mga nakibahagi sa kasuklam-suklam na pagsamba kay Baal ng Peor. Walang-alinlangang lubhang nalungkot si Josue nang kaniyang malaman na dahil sa hindi pinabanal ni Moises si Jehova may kinalaman sa tubig sa Meriba, si Moises ay hindi rin makapapasok sa lupang ipinangako.—Inatasan Bilang Kahalili ni Moises
Nang malapit nang mamatay si Moises, hiniling niya sa Diyos na mag-atas ng kahalili niya upang ang Israel ay hindi maging “tulad ng mga tupang walang pastol.” Ano ang tugon ni Jehova? Si Josue, “isang lalaki na may espiritu,” ang siyang aatasan sa harap ng buong kapulungan. Dapat silang makinig sa kaniya. Kay-inam na rekomendasyon! Nakita ni Jehova ang pananampalataya at kakayahan ni Josue. Wala nang higit na kuwalipikadong tao na mapagkakatiwalaang manguna sa Israel kaysa kay Josue. (Bilang 27:15-20) Gayunman, alam ni Moises na napapaharap si Josue sa malalaking hamon. Kaya hinimok ni Moises ang kaniyang kahalili na ‘magpakalakas-loob at magpakatibay,’ yamang si Jehova ay mananatiling kasama niya.—Deuteronomio 31:7, 8.
Inulit mismo ng Diyos ang gayunding pampatibay-loob kay Josue at idinagdag pa niya: “[Iyong] ingatang gawin ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang lilihis mula roon tungo sa kanan o tungo sa kaliwa, upang kumilos ka nang may karunungan sa lahat ng dako na paroroonan mo. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan. Hindi ba kita inutusan? Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.”—Josue 1:7-9.
Yamang nasa isipan niya ang mga salita ni Jehova at marami na siyang naranasan, bakit pa mag-aalinlangan si Josue? Tiniyak ang paglupig sa lupain. Siyempre pa, may babangon na mga problema, isa na rito ang kauna-unahang hamon, ang pagtawid sa Ilog Jordan sa panahon ng pag-apaw nito. Gayunman, iniutos mismo ni Jehova: “Tumindig ka, tawirin mo itong Jordan.” Kaya, ano pa ang magiging problema?—Josue 1:2.
Ang sunud-sunod na mga pangyayari sa buhay ni Josue—ang pagkubkob sa Jerico, ang progresibong paglupig sa kanilang mga kaaway, at ang paghahati-hati sa lupain—ay nagsisiwalat na hindi niya kailanman nalimutan ang mga pangako ng Diyos. Noong malapit na siyang mamatay, nang bigyan na ni Jehova ng kapahingahan ang Israel mula sa kanilang mga kaaway, tinipon ni Josue ang bayan upang repasuhin ang mga pakikitungo ng Diyos sa kanila at himukin sila na paglingkuran Siya nang buong-puso. Bunga nito, taimtim na muling pinagtibay ng Israel ang tipan nito kay Jehova, at tiyak na dahil sa naganyak sa halimbawa ng kanilang lider, “ang Israel ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue.”—Josue 24:16, 31.
Si Josue ay naglaan ng napakahusay na halimbawa para sa atin. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay napapaharap sa maraming pagsubok sa pananampalataya. Ang matagumpay na pagharap sa mga ito ay mahalaga upang mapanatili ang pagsang-ayon ni Jehova at mamana ang kaniyang mga pangako sa dakong huli. Nakadepende ang tagumpay ni Josue sa kaniyang matibay na pananampalataya. Totoo, hindi natin nakita ang makapangyarihang mga gawa ng Diyos na gaya ng nakita ni Josue, ngunit kung may sinumang mag-aalinlangan, ang aklat ng Bibliya na nagtataglay ng pangalan ni Josue ay naglalaan ng patotoo ng isang nakasaksi sa mapagkakatiwalaang salita ni Jehova. Gaya ni Josue, tayo ay binibigyang-katiyakan na makakamit natin ang karunungan at tagumpay kung araw-araw nating babasahin ang Salita ng Diyos at titiyaking isagawa ito.
Kung minsan ba ay nasasaktan ka sa paggawi ng kapuwa mga Kristiyano? Isip-isipin ang pagbabata ni Josue sa loob ng 40 taon nang siya ay maobliga, bagaman hindi naman niya kasalanan, na magpalabuy-laboy sa iláng kasama ng walang-pananampalatayang mga kasamahan. Nahihirapan ka bang manindigan sa pinaniniwalaan mo? Tandaan ang ginawa nina Josue at Caleb. Dahil sa kanilang pananampalataya at pagsunod, nakatanggap sila ng kamangha-manghang gantimpala. Oo, tunay na may pananampalataya si Josue na tutuparin ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako. Nawa’y maging totoo rin iyan sa atin.—Josue 23:14.
[Larawan sa pahina 10]
Sina Josue at Caleb ay nagtiwala sa kapangyarihan ni Jehova
[Larawan sa pahina 10]
Napatibay ang pananampalataya ni Josue dahil sa kaniyang pakikisama kay Moises
[Larawan sa pahina 10]
Dahil sa pangunguna ni Josue, naganyak ang bayan na manatili kay Jehova