Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naging Tahanan Namin ang Isang Atas-Misyonero

Naging Tahanan Namin ang Isang Atas-Misyonero

Naging Tahanan Namin ang Isang Atas-Misyonero

AYON SA SALAYSAY NI DICK WALDRON

Iyon ay Linggo ng hapon noong Setyembre 1953. Kararating lamang namin sa Timog-Kanlurang Aprika (ngayon ay Namibia). Mag-iisang linggo na kami sa bansa at magdaraos na kami ng isang pahayag pangmadla sa kabisera, ang Windhoek. Ano ang nag-udyok sa amin upang umalis sa Australia at magtungo sa lupaing ito sa Aprika? Kaming mag-asawa, kasama ang tatlong kabataang babae, ay nagtungo rito bilang mga misyonero ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

NAGSIMULA ang aking buhay sa malayong bahagi ng lupa, sa Australia, noong napakahalagang taon ng 1914. Tin-edyer na ako noong panahon ng Great Depression, at kinailangan kong gawin ang aking bahagi upang makaraos ang aming pamilya. Walang mapapasukang trabaho noon, ngunit gumawa ako ng paraan upang makahuli ng maiilap na kuneho, na napakarami naman sa Australia. Kaya, ang isa sa aking pangunahing kontribusyon sa paminggalan ng pamilya ay ang paglalaan ng patuluyang suplay ng karneng kuneho.

Nang sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig noong 1939, nakakuha ako ng trabaho bilang manggagawa sa mga trambiya at mga bus sa lunsod ng Melbourne. Mga 700 lalaki ang nagrerelyebo sa pagtatrabaho sa mga bus, at sa bawat pagrelyebo ko ay may nakikilala akong ibang drayber o konduktor. Madalas ko silang tanungin, “Ano ang relihiyon mo?” at hinihiling kong ipaliwanag nila ang kanilang mga paniniwala. Ang tanging indibiduwal na nakapagbibigay sa akin ng kasiya-siyang mga sagot ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya sa akin ang salig-Bibliyang mensahe hinggil sa isang paraisong lupa, kung saan mabubuhay nang walang hanggan ang mga taong may takot sa Diyos.​—Awit 37:29.

Samantala, natagpuan din ng mga Saksi ni Jehova ang aking ina. Kadalasan, pag-uwi ko galing sa panggabing trabaho, naghihintay na sa akin ang aking pagkain kasama ang isang kopya ng magasing Consolation (tinatawag ngayong Gumising!). Kawili-wili ang nababasa ko roon. Nang maglaon, ipinasiya kong ito na ang tunay na relihiyon, at aktibo akong nakiugnay sa kongregasyon at nagpabautismo noong Mayo 1940.

Sa Melbourne ay may tahanan ng mga payunir, kung saan nakatira ang mga 25 buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nanirahan akong kasama nila. Araw-araw ay nakikinig ako sa kanilang kapana-panabik na mga karanasan sa gawaing pangangaral, at nagkaroon ako ng hangaring maging katulad nila. Nang dakong huli, nag-aplay akong maglingkod bilang payunir. Tinanggap ako at tinawag upang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Kaya naging miyembro ako ng pamilyang Bethel.

Pagkabilanggo at Pagbabawal

Ang isa sa aking atas sa Bethel ay ang magpaandar ng lagarian. Doon ay pinuputol namin ang kahoy upang gumawa ng uling para maging petrolyo. Ito ay ginagamit para sa mga sasakyan sa sangay dahil walang gaanong mabiling gasolina bunga ng digmaan. Labindalawa kaming nagtatrabaho sa lagarian, na pawang nakatakdang kalapin upang magsundalo. Di-nagtagal ay sinentensiyahan kaming mabilanggo nang anim na buwan dahil sa aming salig-Bibliyang pagtangging maglingkod sa militar. (Isaias 2:4) Ipinadala kami sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Ano ang ipinagawa nila sa amin? Kataka-taka, pinagputol kami ng kahoy, ang mismong gawain na doo’y sinanay kami sa Bethel!

Gayon na lamang kahusay ang pagputol namin ng kahoy anupat pinahintulutan kami ng tagapamahala ng bilangguan na magkaroon ng isang Bibliya at ng aming literatura sa Bibliya, sa kabila ng mahihigpit na utos na ipagkait sa amin ang gayong mga bagay. Noon ko natutuhan ang isang kapaki-pakinabang na aral hinggil sa ugnayang pantao. Nang ako’y nagtatrabaho sa Bethel, may isang kapatid na lalaki na hindi ko talaga makasundo. Talagang magkaibang-magkaiba ang aming personalidad. Buweno, sino sa palagay mo ang inilagay na kasama ko sa iisang selda? Oo, ang mismong kapatid na lalaking iyon. Ngayon ay talagang nagkaroon kami ng panahong makilala ang isa’t isa, at ang resulta nito ay nakapaglinang kami ng isang matalik at namamalaging pagkakaibigan.

Nang maglaon, ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia. Kinumpiska ang lahat ng pondo, at naghirap sa pinansiyal ang mga kapatid sa Bethel. Sa isang pagkakataon, isa sa kanila ang lumapit sa akin at nagsabi: “Dick, gusto kong lumabas at magpatotoo sa bayan, ngunit wala akong sapatos, kundi botang pantrabaho lamang.” Nalulugod akong tulungan siya, at nagtungo siya sa bayan na suot ang aking sapatos.

Nang maglaon, nabalitaan namin na siya ay inaresto at ibinilanggo dahil sa pangangaral. Hindi ko mapigilang hindi siya padalhan ng maikling liham: “Nalulungkot ako sa nangyari sa iyo. Mabuti na lang at hindi ako ang may suot ng sapatos ko.” Ngunit di-nagtagal ay inaresto rin ako at ibinilanggo sa ikalawang pagkakataon dahil sa aking neutral na paninindigan. Nang makalaya ako, inatasan akong mag-asikaso sa bukirin na nagsusuplay ng pagkain sa pamilyang Bethel. Nang panahong iyon ay nanalo na kami sa korte, at inalis na ang pagbabawal sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova.

Pagpapakasal sa Isang Masigasig na Ebanghelisador

Samantalang nasa bukirin, nagsimula akong mag-isip nang seryoso hinggil sa pag-aasawa at naakit ako sa isang kabataang payunir, si Coralie Clogan. Ang lola ni Coralie ang kauna-unahan sa kanilang pamilya na nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya. Nang mamamatay na siya, sinabi niya sa ina ni Coralie, si Vera: “Palakihin mo ang iyong mga anak upang ibigin at paglingkuran ang Diyos, at balang-araw ay magkikita tayo sa Paraisong lupa.” Nang maglaon, nang dumalaw sa tahanan nina Vera ang isang payunir na may dalang publikasyon na Millions Now Living Will Never Die, nagsimulang magkaroon ng kabuluhan ang mga salitang iyon. Nakumbinsi ng buklet si Vera na layunin ng Diyos na masiyahan sa buhay ang sangkatauhan sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 21:4) Siya ay nabautismuhan noong unang mga taon ng dekada ng 1930, at kasuwato ng pagpapasigla ng kaniyang ina, tinulungan niya ang kaniyang tatlong anak na babae​—sina Lucy, Jean, at Coralie​—​na makapaglinang ng pag-ibig sa Diyos. Gayunman, ang ama ni Coralie ay salansang na salansang sa relihiyosong interes ng kaniyang pamilya, gaya ng babala ni Jesus na maaaring mangyari sa loob ng pamilya.​—Mateo 10:34-36.

Ang pamilyang Clogan ay may talento sa musika; bawat anak ay marunong tumugtog ng instrumento. Biyolin ang tinutugtog ni Coralie, at noong 1939, sa edad na 15, pinagkalooban siya ng diploma sa musika. Dahil sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II ay nag-isip nang taimtim si Coralie hinggil sa kaniyang kinabukasan. Dumating ang panahon na kailangan siyang magpasiya kung ano ang gagawin niya sa kaniyang buhay. Sa isang banda, nariyan ang posibilidad ng isang karera sa musika. Nakatanggap na siya ng paanyaya na tumugtog kasama ng Melbourne Symphony Orchestra. Sa kabilang banda naman, nariyan ang posibilidad na iukol ang kaniyang panahon sa dakilang gawain na pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Matapos itong pag-isipan nang mabuti, nagpabautismo si Coralie at ang kaniyang dalawang ate noong 1940 at gumawa ng mga paghahanda upang pumasok sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo.

Di-nagtagal matapos magpasiya si Coralie hinggil sa buong-panahong ministeryo, nilapitan siya ng isang kapatid na lalaki na may malaking pananagutan sa sangay sa Australia, si Lloyd Barry, na nang maglaon ay naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Kabibigay pa lamang niya ng pahayag sa Melbourne nang sabihin niya kay Coralie: “Babalik na ako sa Bethel. Bakit hindi ka sumama sa akin sa tren at maging bahagi ng pamilyang Bethel?” Malugod niyang tinanggap ang paanyaya.

Si Coralie at ang iba pang kapatid na babae sa pamilyang Bethel ay gumanap ng mahalagang papel sa pagsusuplay ng mga publikasyon sa Bibliya sa mga kapatid sa Australia noong panahon ng pagbabawal na naganap noong mga taon ng digmaan. Sila ang aktuwal na gumawa sa karamihan ng mga paglilimbag, sa ilalim ng pangangasiwa ni Brother Malcolm Vale. Ang mga aklat na The New World at Children ay inililimbag noon at nilalagyan ng pabalat, at lahat ng isyu ng magasing Bantayan ay nailimbag noong panahon ng pagbabawal na tumagal nang dalawang taon.

Ang palimbagan ay kinailangang ilipat nang 15 ulit upang makaiwas sa mga pulis. Sa isang pagkakataon, inililimbag ang literatura sa Bibliya sa silong ng isang gusali na doo’y ginagamit na balatkayo ang paglilimbag ng ibang uri ng lathalain. Maaaring pindutin ng kapatid na babae na nasa tanggapang-dako (reception area) ang isang buton na magpapatunog sa isang timbre sa silong kapag may anumang nagbabantang panganib, upang maitago ng mga kapatid na babae roon ang mga publikasyon bago makapagsimula ang sinuman sa pagsisiyasat.

Sa isa sa gayong pagsisiyasat, ang ilang kapatid na babae ay nahintakutan nang mapansin nila na kitang-kitang nakapatong ang isang kopya ng Ang Bantayan sa ibabaw ng isang mesa. Pumasok ang pulis, inilapag ang kaniyang portpolyo sa ibabaw mismo ng Ang Bantayan, at pagkatapos ay nagsimulang magsiyasat. Palibhasa’y walang nasumpungan, dinampot niya ang kaniyang portpolyo at saka lumabas!

Matapos alisin ang pagbabawal at isauli ang pag-aari ng sangay sa mga kapatid, marami sa kanila ang binigyan ng pagkakataong humayo sa larangan bilang mga special pioneer. Noon nagboluntaryong magtungo sa Glen Innes si Coralie. Sinamahan ko siya roon nang magpakasal kami noong Enero 1, 1948. Nang iwan namin ang atas na iyon, mayroon nang maunlad na kongregasyon doon.

Ang aming sumunod na atas ay ang Rockhampton, ngunit wala kaming makitang matitirhan doon. Kaya nagtayo kami ng tolda sa isang bakanteng lote sa bukid ng isang interesadong tao. Ang toldang iyon ang naging tahanan namin sa loob ng sumunod na siyam na buwan. Mas matagal pa sana kaming maninirahan doon, ngunit nang sumapit ang tag-ulan, pinagpunit-punit ng isang bagyo ang tolda, at tinangay ito ng malalakas na ulan na dulot ng habagat. *

Ang Paglipat Namin sa Isang Atas sa Ibang Bansa

Samantalang nasa Rockhampton, nakatanggap kami ng paanyaya na dumalo sa ika-19 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sanayin bilang misyonero. At sa ganiyang paraan kami naatasang magtungo sa kilala noon na Timog-Kanlurang Aprika, pagkatapos ng aming graduwasyon noong 1952.

Agad-agad, ipinakita ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang nadama hinggil sa aming gawaing pangmisyonero. Bawat Linggo sa loob ng sunud-sunod na anim na sanlinggo, nagbibigay sila ng babala sa kanilang mga kongregasyon hinggil sa amin mula sa pulpito. Sinabi nila sa mga tao na huwag kaming pagbuksan ng pinto at huwag kaming pahintulutang magbasa ng Bibliya, yamang makalilito ito sa kanila. Sa isang lugar, nakapagpasakamay kami ng ilang publikasyon, ngunit sinundan kami ng ministro sa bawat bahay at kinolekta ang mga iyon. Isang araw ay nakausap namin ang ministro sa dakong pinag-aaralan niya at nakita naming may koleksiyon siya ng aming mga aklat.

Di-nagtagal at nagsimula na ring mabahala ang lokal na mga awtoridad hinggil sa aming mga gawain. Tiyak na dahil sa sulsol ng klero, naghinala sila na baka may kaugnayan kami sa mga Komunista. Kaya kinunan kami ng fingerprint, at ang ilan sa mga taong nakausap namin ay pinagtatanong. Sa kabila ng lahat ng pagsalansang na ito, patuloy na dumami ang dumadalo sa aming mga pulong.

Mula sa pasimula ng aming pamamalagi roon, nalinang namin ang matinding hangarin na palaganapin ang mensahe ng Bibliya sa mga katutubong Ovambo, Herero, at Nama. Gayunman, hindi ito madali. Noong mga panahong iyon, ang Timog-Kanlurang Aprika ay nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng pamahalaan ng Timog Aprika na nagpapatupad ng pagbubukud-bukod ng lahi. Bilang mga lahing puti, hindi kami pinahihintulutang magpatotoo sa mga pamayanan ng mga lahing itim nang walang pahintulot ang pamahalaan. Ilang ulit kaming humingi ng pahintulot, ngunit basta na lamang kami tinatanggihan ng mga awtoridad.

Pagkalipas ng dalawang taon sa aming atas sa ibang bansa, nagkaroon kami ng sorpresa. Nagdalang-tao si Coralie. Noong Oktubre 1955, ang aming anak na babae, si Charlotte, ay isinilang. Bagaman hindi na kami maaaring magpatuloy bilang mga misyonero, nakakuha naman ako ng part-time na trabaho at nagpatuloy nang ilang panahon bilang payunir.

Isang Sagot sa Aming mga Panalangin

Noong 1960, napaharap kami sa isa pang hamon. Nakatanggap si Coralie ng isang liham na nagsasaad na malubha ang sakit ng kaniyang ina anupat kung hindi uuwi si Coralie, baka hindi na niya makita ang kaniyang ina. Kaya nagplano kaming umalis sa Timog-Kanlurang Aprika at bumalik sa Australia. Pagkatapos ay may nangyari​—noong mismong linggo na aalis na kami, natanggap ko mula sa lokal na awtoridad ang permit na makapasok sa bayan ng mga lahing itim, ang Katutura. Ano ang gagawin namin ngayon? Ibalik ang permit matapos makipagpunyagi nang pitong taon upang makuha ito? Madaling ikatuwiran na maaari namang ipagpatuloy ng iba ang aming nasimulan. Subalit hindi ba ito isang pagpapala mula kay Jehova, isang sagot sa aming mga panalangin?

Agad akong nagpasiya. Magpapaiwan ako, dahil baka ang aming pakikipagpunyaging manirahan nang permanente sa bansa ay maisapanganib kung kaming lahat ay aalis patungong Australia. Kinabukasan, kinansela ko ang aking biyahe sa barko at inihatid sina Coralie at Charlotte sa paglalayag patungong Australia para sa mahabang pagbabakasyon.

Samantalang wala sila, nagsimula akong magpatotoo sa mga naninirahan sa bayan ng mga lahing itim. Napakaraming nagpakita ng interes. Nang magbalik sina Coralie at Charlotte, may ilang tao mula sa bayan ng mga lahing itim ang dumadalo na sa aming mga pulong.

Nang panahong iyon, mayroon na akong lumang kotse na ginagamit kong panundo sa mga interesado sa pagtungo sa mga pulong. Mga apat o limang biyahe ang ginagawa ko sa bawat pulong, anupat nagsasakay ng pito, walo, o siyam katao sa bawat biyahe. Kapag nakababa na ang pinakahuling tao, pabirong itatanong ni Coralie: “Ilan pa ang sakay mo sa ilalim ng upuan?”

Para maging lalong mabisa sa gawaing pangangaral, nangailangan kami ng literatura sa wika ng mga katutubo. Kaya nagkapribilehiyo ako na isaayos na maisalin ang tract na Life in a New World sa apat na lokal na wika: Herero, Nama, Ndonga, at Kwanyama. Ang mga tagapagsalin ay mga edukadong tao na pinagdarausan namin ng pag-aaral sa Bibliya, subalit kinailangang gumawa akong kasama nila upang matiyak na bawat pangungusap ay isinalin nang tama. Ang Nama ay isang wika na may limitadong bokabularyo. Halimbawa, sinisikap kong itawid ang puntong: “Sa pasimula, si Adan ay isang sakdal na tao.” Nagkamot ng ulo ang tagapagsalin at nagsabi na hindi niya maalaala ang salitang Nama para sa “sakdal.” “Alam ko na,” ang sabi niya sa wakas. “Sa pasimula, si Adan ay gaya ng hinog na milokoton (peach).”

Nasisiyahan sa Tahanang Iniatas sa Amin

Mga 49 na taon na ang nakalipas mula nang unang dumating kami sa bansang ito, na tinatawag ngayong Namibia. Hindi na kailangan ngayong kumuha ng pahintulot upang makapasok sa mga pamayanan ng mga lahing itim. Ang Namibia ay pinamumunuan ng isang bagong pamahalaan na nakasalig sa isang konstitusyong walang itinatanging lahi. Sa ngayon, mayroon kaming apat na malalaking kongregasyon sa Windhoek na nagpupulong sa maaalwang Kingdom Hall.

Madalas naming naiisip ang mga salitang narinig namin sa Gilead: “Gawin ninyong tahanan ang inyong atas sa ibang bansa.” Batay sa paraan ng pagmamaniobra ni Jehova sa mga bagay-bagay, kumbinsido kami na kalooban niya na maging tahanan namin ang banyagang lupaing ito. Natutuhan naming mahalin ang mga kapatid, lakip na ang kawili-wiling pagkakaiba-iba ng kanilang mga kultura. Nakikitawa kami sa kanilang mga kagalakan at nakikiluha kami sa kanilang mga kalungkutan. Ang ilan sa mga baguhan na dati ay isinisiksik namin sa aming kotse at inihahatid sa mga pulong ay naglilingkod na ngayon bilang mga haligi sa kani-kanilang kongregasyon. Nang dumating kami sa malawak na lupaing ito noong 1953, wala pang sampu ang lokal na mga mamamahayag na nangangaral ng mabuting balita. Mula sa maliit na pasimulang iyon, dumami na ang aming bilang tungo sa mahigit na 1,200. Tapat sa kaniyang pangako, ipinagkaloob ni Jehova ang pagsulong kung saan kami at ang iba pa ay ‘nagtanim at nagdilig.’​—1 Corinto 3:6.

Habang ginugunita namin ang maraming taon ng paglilingkod, una sa Australia at ngayon ay sa Namibia, kami ni Coralie ay nakadarama ng matinding kasiyahan. Umaasa at dumadalangin kami na patuloy kaming bigyan ni Jehova ng lakas upang gawin ang kaniyang kalooban ngayon at magpakailanman.

[Talababa]

^ par. 22 Ang isang pag-uulat na kapana-panabik at walang binabanggit na pangalan hinggil sa kung paano nabata ng mga Waldron ang mahirap na atas na ito ay inilahad sa The Watchtower, Disyembre 1, 1952, pahina 707-8.

[Larawan sa pahina 26, 27]

Paglipat sa aming atas sa Rockhampton, Australia

[Larawan sa pahina 27]

Sa daungan patungong Paaralang Gilead

[Larawan sa pahina 28]

Ang pagpapatotoo sa Namibia ay nagdudulot ng masidhing kagalakan sa amin