Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbibigay Nang Higit sa Iyong Makakaya

Pagbibigay Nang Higit sa Iyong Makakaya

Pagbibigay Nang Higit sa Iyong Makakaya

“MAAARI mo akong tawaging pulubi; wala sa akin iyon. Nagpapalimos ako para kay Jesus.” Idiniriin ng nagsisiwalat na mga salitang iyon ng isang ministrong Protestante ang kontrobersiya na nasasangkot sa pagtustos sa relihiyon. Ang mga organisadong relihiyon ay waring makapagpapatuloy lamang kung ang mga ito’y may malaki-laking suportang pinansiyal. Kailangang bayaran ang mga sahod, itayo at mantinihin ang mga templo, at tustusan ang mga kampanya sa pag-eebanghelyo. Paano makukuha ang kinakailangang salapi?

Para sa maraming simbahan, ang sagot ay sa pamamagitan ng ikapu. * “Ang pagbibigay ng ikapu ang siyang paraan ng Diyos sa pagtustos sa Kaniyang kaharian sa lupa,” ang pag-aangkin ng ebanghelistang si Norman Robertson. “Ito ang Kaniyang sistema sa ekonomiya na nagpapangyaring maipangaral ang Ebanghelyo.” Palibhasa’y hindi nahihiya sa pagpapaalaala sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa kanilang pananagutang magbigay, mariin niyang sinabi: ‘Ang pagbibigay ng ikapu ay hindi isang bagay na ginagawa mo dahil kaya mo ito. Ito ay isang gawa ng pagsunod. Ang hindi pagbibigay ng ikapu ay isang maliwanag na paglabag sa mga utos ng Diyos. Ito ay pandidispalko.’​—Tithing​—God’s Financial Plan.

Malamang na sasang-ayon ka na ang pagbibigay ay dapat na maging bahagi ng Kristiyanong pagsamba. Gayunman, nababagabag ka ba, marahil ay nayayamot pa nga, sa patuloy na pananawagan ukol sa salapi? Pinararatangan ng teologong taga-Brazil na si Inácio Strieder ang mga simbahan ng pagbaling sa paggamit ng ikapu upang “lutasin ang kanilang mga problema sa organisasyon” at tinawag na “ilegal, mapang-abuso, at isang paglihis sa teolohiya” ang gayong mga gawain. Ang resulta, aniya, ay “ipinalalagay ng mga taong walang-trabaho, balo, mga nasa iskuwater, at yaong mga walang kakayahang mag-isip nang makatuwiran na pinabayaan sila ng Diyos at obligado silang magbigay nang malaki sa ‘mángangarál’ anupat dahil dito ay nagugutom ang kanilang sariling pamilya.”

Maaaring isipin mo: ‘Ang Kasulatan ba ay wastong ikinakapit ng mga simbahang nagpapatupad ng ikapu? O hindi kaya pinupukaw lamang ng ilang relihiyon ang pagkatakot sa Diyos upang pagnakawan ang kawan? Talaga bang inaasahan ng Diyos na magbibigay tayo nang higit sa ating makakaya?’

[Talababa]

^ par. 3 Ang ikapu ay binigyang-katuturan bilang ang 10 porsiyento ng kabuuang kita ng isang tao.