Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Palakasin ang Inyong mga Kamay

Palakasin ang Inyong mga Kamay

Palakasin ang Inyong mga Kamay

SA Bibliya, ang kamay ay binabanggit nang mahigit sa 1,800 ulit. Ang mga idyoma na may kaugnayan sa kamay ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ang malinis na kamay ay nagpapahiwatig ng kawalang-sala. (2 Samuel 22:21; Awit 24:3, 4) Ang pagbubukas ng kamay ay nangangahulugan ng pagpapakita ng pagkabukas-palad sa iba. (Deuteronomio 15:11; Awit 145:16) Ang isa na nagsasapanganib ng kaniyang buhay ay sinasabing naglalagay ng kaniyang kaluluwa sa kaniyang kamay. (1 Samuel 19:5) Ang paglaylay ng mga kamay ng isa ay nangangahulugan ng pagkasira ng loob. (2 Cronica 15:7) At ang pagpapalakas sa kamay ng isa ay nangangahulugan ng pagpapatibay at pagbibigay ng kapangyarihan para kumilos.​—1 Samuel 23:16.

Sa ngayon, may apurahang pangangailangan na palakasin ang ating mga kamay. Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kapag nasisiraan tayo ng loob, ang tendensiya ng tao ay sumuko, anupat waring inilalaylay ang ating mga kamay. Karaniwan nang makita na humihinto sa pag-aaral ang mga tin-edyer, iniiwan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang pamilya, at pinababayaan ng mga ina ang kanilang mga anak. Bilang mga Kristiyano, kailangan nating palakasin ang ating mga kamay upang mabata ang mga pagsubok na napapaharap sa atin sa paglilingkod natin sa Diyos. (Mateo 24:13) Sa paggawa nito, pinasasaya natin ang puso ni Jehova.​—Kawikaan 27:11.

Kung Paano Pinalalakas ang mga Kamay

Noong panahon ni Ezra, kinailangang palakasin ng mga Judio ang kanilang mga kamay upang matapos ang muling pagtatayo sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Paano pinalakas ang kanilang mga kamay? Sinasabi ng ulat: “Idinaos nila ang kapistahan ng mga tinapay na walang pampaalsa nang pitong araw taglay ang pagsasaya; sapagkat pinangyari ni Jehova na sila ay magsaya, at ipinanumbalik niya ang puso ng hari ng Asirya sa kanila upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain sa bahay ng tunay na Diyos, ang Diyos ng Israel.” (Ezra 6:22) Maliwanag, pinukaw ni Jehova ang “hari ng Asirya” sa pamamagitan ng kaniyang aktibong puwersa upang hayaang makabalik ang bayan ng Diyos, at pinakilos Niya ang espiritu ng bayan, anupat tinapos nila ang gawain na kanilang pinasimulan.

Nang maglaon, nang kailangang kumpunihin ang mga pader ng Jerusalem, pinalakas ni Nehemias ang mga kamay ng kaniyang mga kapuwa Judio ukol sa gawain. Mababasa natin: “Sinabi ko . . . sa kanila ang tungkol sa kamay ng aking Diyos, kung gaano ito kabuti sa akin, at gayundin ang tungkol sa mga salita ng hari na sinabi niya sa akin. Dahil dito ay sinabi nila: ‘Bumangon tayo, at magtayo tayo.’ Kaya pinalakas nila ang kanilang mga kamay para sa mabuting gawa.” Taglay ang pinalakas na mga kamay, muling naitayo ni Nehemias at ng kaniyang mga kapuwa Judio ang mga pader ng Jerusalem sa loob lamang ng 52 araw!​—Nehemias 2:18; 6:9, 15.

Sa katulad na paraan, pinalalakas ni Jehova ang ating mga kamay upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng ‘pagsasangkap sa atin ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.’ (Hebreo 13:21) Pinaglaanan niya tayo ng mga kagamitan na may napakataas na kalidad. Taglay natin ang Bibliya at ang salig-Bibliyang mga aklat, magasin, brosyur, tract, at mga audio at video recording para magamit natin sa pag-abot sa mga tao sa buong daigdig. Sa katunayan, ang ating mga publikasyon ay makukuha sa mahigit na 380 wika. Bukod dito, sa pamamagitan ng mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at mga kombensiyon, naglalaan si Jehova ng teokratikong edukasyon at pagsasanay kung paano gagamitin ang maiinam na kagamitang ito sa pagsasakatuparan ng ating ministeryo.

Bagaman pinalalakas ni Jehova ang ating mga kamay sa napakaraming paraan, inaasahan din niya na magpupunyagi tayo. Alalahanin ang sinabi ng propetang si Eliseo kay Haring Jehoas, na nagtungo kay Eliseo upang humingi ng tulong sa paglaban sa mga mananakop na Siryano. Sinabi ni Eliseo sa hari na kumuha ng ilang palaso at hampasin ang lupa sa pamamagitan ng mga ito. Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Humampas siya nang tatlong ulit at huminto. At ang lalaki ng tunay na Diyos ay nagalit sa kaniya; kaya sinabi niya: ‘Nararapat sanang lima o anim na ulit ang paghampas! Kung magkagayon ay tiyak na pababagsakin mo ang Sirya hanggang sa pagtatapos, ngunit ngayon ay tatlong ulit mong pababagsakin ang Sirya.’ ” (2 Hari 13:18, 19) Dahil sa hindi siya masigasig na nagpunyagi, nagkaroon lamang ng limitadong tagumpay si Jehoas sa pakikipaglaban sa mga Siryano.

Kumakapit din sa atin ang gayunding simulain kung gusto nating maisakatuparan ang ipinagagawa sa atin ni Jehova. Sa halip na mabahala sa mga hadlang na nasa ating landas o hinggil sa kung gaano kahirap marahil ang atas, dapat natin itong gawin nang may kasigasigan at nang buong-puso. Kailangan nating palakasin ang ating mga kamay at umasa sa tulong ni Jehova.​—Isaias 35:3, 4.

Palalakasin ni Jehova ang Ating mga Kamay

Tiyak na tutulungan tayo at palalakasin ni Jehova ang ating mga kamay upang gawin ang kaniyang kalooban. Sabihin pa, hindi gagawa ng himala ang Diyos at hindi niya gagawin ang lahat para sa atin. Inaasahan niya na gagawin natin ang ating bahagi​—babasahin ang Bibliya araw-araw, maghahanda at dadalo sa mga pulong nang regular, makikibahagi sa ministeryo nang madalas hangga’t maaari, at mananalangin sa kaniya nang patuluyan. Kung tapat at masikap nating gagawin ang ating bahagi habang may pagkakataon tayo, bibigyan tayo ni Jehova ng lakas upang magawa ang inaasahan niya sa atin.​—Filipos 4:13.

Isaalang-alang ang nangyari sa isang Kristiyano na namatayan ng asawa at ina sa loob ng isang taon. Sariwa pa ang kirot na nadarama niya nang iwan ng kaniyang manugang na babae ang kaniyang anak na lalaki at talikuran ang Kristiyanong landasin ng pamumuhay. “Natutuhan ko na hindi natin maaaring piliin ang mga pagsubok sa atin, ni mapipili man natin kung kailan darating ang mga ito o kung gaano kadalas mangyayari ang mga ito,” ang sabi ng kapatid na lalaking ito. Paano siya nakasumpong ng lakas upang makapagpatuloy? “Ang panalangin at personal na pag-aaral ay naging parang salbabida na nagpanatili sa akin na nakalutang sa ibabaw ng tubig. At ang suporta ng aking espirituwal na mga kapatid ay nagbigay sa akin ng malaking kaaliwan. Higit sa lahat, natanto ko ang kahalagahan ng paglinang ng mabuting personal na kaugnayan kay Jehova bago bumangon ang mahihirap na situwasyon.”

Anuman ang inyong karanasan sa buhay, maging determinado na maglagak ng lubos na tiwala kay Jehova at samantalahin ang lahat ng kaayusan na ginagawa niya para palakasin ang inyong mga kamay. Kung magkagayon ay maiuukol ninyo kay Jehova ang inyong pinakamahusay na paglilingkod at sa gayon ay makapagdulot ng kapurihan at karangalan sa kaniyang mahalagang pangalan.​—Hebreo 13:15.

[Larawan sa pahina 31]

Dahil hindi siya masigasig na nagpunyagi, nagkaroon lamang ng limitadong tagumpay si Jehoas sa pakikipaglaban sa mga Siryano