Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Tatlong Hari”—Sino Sila?

Ang “Tatlong Hari”—Sino Sila?

Ang “Tatlong Hari”​—Sino Sila?

Karaniwan nang inilalarawan sa mga belen ang tatlong lalaking may mahahabang damit kasama ang kanilang mga kamelyo, na parating sa isang kuwadra kung saan ang sanggol na si Jesus ay nakahiga sa isang sabsaban. Ang mga panauhing may mararangyang kasuutan ay karaniwan nang tinatawag na tatlong hari. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kanila?

Ayon sa Bibliya, ang sinasabing mga hari ay “mula sa mga silanganing bahagi,” at doon nila nalaman ang tungkol sa kapanganakan ni Jesus. (Mateo 2:1, 2, 9) Malamang na matagal na naglakbay ang mga lalaking ito upang makarating sa Judea. Nang sa wakas ay masumpungan nila si Jesus, hindi na siya isang bagong-silang na sanggol sa kuwadra. Sa halip, nakita ng mga lalaki si Maria at “ang bata” na naninirahan sa isang bahay.​—Mateo 2:11.

Tinatawag ng Bibliya ang mga lalaking ito na mga mago, o “mga astrologo,” at hindi nito sinasabi kung ilan sila. Ganito ang paliwanag ng The Oxford Companion to the Bible: “Ang kaugnayan ng mahika at astrolohiya ay makikita sa pagkabighani ng mga panauhin sa bituin na umakay sa kanila sa Betlehem.” Maliwanag na hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng uri ng mahika at ang kaugalian sa Babilonya na pagkuha ng impormasyon mula sa mga bituin.​—Deuteronomio 18:10-12; Isaias 47:13.

Hindi maganda ang naging kinahinatnan ng impormasyong ipinahiwatig sa mga lalaking ito. Pinukaw nito ang mapanibughuing galit ng balakyot na haring si Herodes. Bunga nito, lumikas sina Jose, Maria, at Jesus patungong Ehipto, at lahat ng batang lalaki sa Betlehem “mula dalawang taóng gulang pababa” ay ipinapatay. Maingat na tiniyak ni Herodes ang panahon ng kapanganakan ni Jesus mula sa nalaman niya sa mga astrologo. (Mateo 2:16) Dahil sa lahat ng kaguluhang naidulot ng kanilang pagdalaw, makatuwirang maghinuha na ang bituing nakita nila at ang mensahe hinggil sa “isa na ipinanganak na hari ng mga Judio” ay mula sa kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, na gustong pumatay kay Jesus.​—Mateo 2:1, 2.