Ano ang Makatutulong sa Atin Upang Magamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan?
Ano ang Makatutulong sa Atin Upang Magamit Nang Wasto ang Salita ng Katotohanan?
ISANG kritiko sa teatro na nagtatrabaho para sa isang pahayagan ang nanood minsan ng isang dula. Hindi niya ito gaanong nagustuhan at pagkatapos ay sumulat siya: “Kung mahilig ka sa mabababaw na bagay, dapat mong panoorin ang dulang ito.” Nang maglaon, inilathala ng mga tagapagtaguyod ng dula ang isang anunsiyo na nagtatampok sa komento ng kritiko. Ganito ang pagsipi: “Dapat mong panoorin ang dulang ito”! Tumpak naman ang pagkakasipi ng anunsiyo sa mga salita ng kritiko, ngunit ginamit ang mga ito nang hindi kasuwato ng konteksto at sa gayo’y lubhang pinilipit ang kaniyang pangmalas.
Inilalarawan ng halimbawang iyan kung gaano kahalaga ang konteksto. Ang paggamit sa mga salita nang hindi kasuwato ng konteksto ay maaaring pumilipit sa kahulugan ng mga ito, kung paanong pinilipit ni Satanas ang kahulugan ng Kasulatan nang tangkain niyang linlangin si Jesus. (Mateo 4:1-11) Sa kabilang panig naman, ang pagsasaalang-alang sa konteksto ng isang pangungusap ay tumutulong sa atin na mas tumpak na maunawaan ang kahulugan nito. Dahil dito, kapag pinag-aaralan natin ang isang talata sa Bibliya, laging katalinuhan na tingnan ang konteksto at malasin ang talata ayon dito upang maunawaang mabuti kung ano ang sinasabi ng sumulat.
Gamitin Nang Wasto
Binibigyang-kahulugan ang konteksto bilang ang mga bahagi ng isang nasusulat o binigkas na pangungusap na nauuna o kasunod ng isang espesipikong salita o talata, na karaniwan nang may impluwensiya o epekto sa kahulugan nito. Ang konteksto ay maaari ring ang kalipunan ng mga kalagayan o katotohanan na may kaugnayan sa isang partikular na pangyayari, situwasyon, at iba pa. Salig sa kababanggit na diwang ito, singkahulugan ng konteksto ang kaugnay na impormasyon. Ang pagsasaalang-alang sa konteksto ng isang kasulatan ay lalo nang mahalaga dahil sa isinulat ni apostol Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa 2 Timoteo 2:15) Upang magamit nang wasto ang Salita ng Diyos, kailangan nating maunawaan ito nang tama at pagkatapos ay ipaliwanag ito nang tapat at tumpak sa iba. Ang paggalang kay Jehova, ang Awtor ng Bibliya, ang mag-uudyok sa atin na sikaping gawin iyon, at mahalagang tulong ang pagsasaalang-alang sa konteksto.
na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (Ang Impormasyong Kaugnay ng Ikalawang Timoteo
Halimbawa, suriin natin ang aklat ng Bibliya na Ikalawang Timoteo. * Bilang pasimula ng ating pagsusuri, maaari nating alamin ang impormasyong kaugnay ng aklat. Sino ang sumulat ng Ikalawang Timoteo? Kailan? Sa ilalim ng anong mga kalagayan? Pagkatapos ay maaari nating itanong, Ano ang kalagayan ng taong si “Timoteo” na lumilitaw sa pamagat ng aklat? Bakit kinailangan niya ang impormasyon na nasa aklat? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay lubhang magpapasidhi sa ating pagpapahalaga sa aklat at tutulong sa atin na makita kung paano tayo ngayon makikinabang mula rito.
Ipinahihiwatig ng pambukas na mga talata ng Ikalawang Timoteo na ang aklat ay isang liham na isinulat ni apostol Pablo kay Timoteo. Ipinakikita ng ibang mga talata na nang isulat ito ni Pablo, siya ay nakabilanggo dahil sa mabuting balita. Palibhasa’y pinabayaan ng marami, nadama ni Pablo na malapit na siyang mamatay. (2 Timoteo 1:15, 16; 2:8-10; 4:6-8) Samakatuwid, malamang na isinulat niya ang aklat noong ikalawang pagkabilanggo niya sa Roma, marahil noong mga 65 C.E. Di-nagtagal pagkalipas noon, lumilitaw na sinentensiyahan siya ng kamatayan ni Nero.
Iyan ang impormasyong kaugnay ng Ikalawang Timoteo. Gayunman, kapansin-pansin na hindi sumulat si Pablo kay Timoteo upang magreklamo tungkol sa kaniyang sariling mga problema. Sa halip, nagbabala siya hinggil sa mahihirap na panahong mapapaharap kay Timoteo at pinasigla niya ang kaniyang kaibigan na umiwas sa mga pang-abala, patuloy na “magtamo ng lakas,” at ipaalam ang mga tagubilin ni Pablo sa iba. Sa gayon, ang mga ito naman ay magiging lubusang nasasangkapan upang tulungan pa ang iba. (2 Timoteo 2:1-7) Tunay ngang isang napakahusay na halimbawa ng di-sakim na pagmamalasakit sa iba maging sa mahihirap na panahon! At kay-inam na payo para sa atin sa ngayon!
Tinatawag ni Pablo si Timoteo na “isang anak na minamahal.” (2 Timoteo 1:2) Ang kabataang lalaki ay madalas banggitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang isang tapat na kasama ni Pablo. (Gawa 16:1-5; Roma 16:21; 1 Corinto 4:17) Nang isulat ni Pablo ang liham na ito sa kaniya, waring si Timoteo ay lampas na ng 30 taóng gulang—itinuturing pa ring kabataan. (1 Timoteo 4:12) Gayunman, mayroon na siyang mahusay na rekord ng katapatan, anupat ‘nagpaalipin kay Pablo’ sa loob marahil ng 14 na taon. (Filipos 2:19-22) Bagaman medyo kabataan pa si Timoteo, inatasan siya ni Pablo na magpayo sa ibang matatanda na “huwag makipag-away tungkol sa mga salita” kundi magtuon ng pansin sa mahahalagang bagay, tulad ng pananampalataya at pagbabata. (2 Timoteo 2:14) Awtorisado rin si Timoteo na mangasiwa sa paghirang ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon at mga ministeryal na lingkod. (1 Timoteo 5:22) Gayunman, maaaring nag-aatubili siyang gamitin ang kaniyang awtoridad.—2 Timoteo 1:6, 7.
Napaharap ang kabataang elder sa ilang mabibigat na hamon. Isa na rito ang tungkol sa dalawang indibiduwal, sina Himeneo at Fileto, na ‘nanggugupo sa pananampalataya ng ilan,’ anupat itinuturo na “ang pagkabuhay-muli ay nangyari na.” (2 Timoteo 2:17, 18) Lumilitaw na ang tanging pagkabuhay-muli na pinaniniwalaan nila ay yaong espirituwal lamang at na ito raw ay naganap na sa mga Kristiyano. Marahil ay sinisipi nila nang hindi kasuwato ng konteksto ang pangungusap ni Pablo na ang mga Kristiyano ay patay sa kanilang mga kasalanan ngunit binuhay-muli sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. (Efeso 2:1-6) Nagbabala si Pablo na darami ang gayong impluwensiya ng mga apostata. Sumulat siya: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, . . . at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo.” (2 Timoteo 4:3, 4) Ipinakita ng patiunang babalang iyon ni Pablo na kailangang bigyang-pansin kaagad ni Timoteo ang payo ng apostol.
Ang Kahalagahan ng Aklat sa Ngayon
Mula sa mga nabanggit na, makikita natin na isinulat ni Pablo ang Ikalawang Timoteo dahil sa sumusunod na mga dahilang ito: (1) Alam niya na malapit na siyang mamatay, at sinikap niyang ihanda si Timoteo sa panahong wala na siya para suportahan si Timoteo. (2) Hangad niyang sangkapan si Timoteo upang ipagsanggalang ang mga kongregasyong pinangangasiwaan niya mula sa apostasya at sa iba pang nakapipinsalang mga impluwensiya. (3) Nais niyang pasiglahin si Timoteo na manatiling abala sa paglilingkod kay Jehova at manalig sa tumpak na kaalaman sa kinasihang Kasulatan sa kaniyang paninindigan laban sa huwad na mga turo.
Dahil sa pagkaunawa sa kaugnay na impormasyong ito ay nagiging lalong makabuluhan sa atin ang Ikalawang Timoteo. Maging sa ngayon, may mga apostata na tulad nina Himeneo at Fileto na nagtataguyod ng kanilang sariling mga ideya at nagnanais na igupo ang ating pananampalataya. Bukod dito, ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na inihula ni Pablo ay narito na. Nararanasan ng marami ang katotohanan ng babala ni Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:1, 12) Paano tayo makatatayong matatag? Gaya ni Timoteo, kailangang bigyang-pansin natin ang payo ng mga nakapaglingkod na kay Jehova nang maraming taon. At sa pamamagitan ng personal na pag-aaral, pananalangin, at Kristiyanong pakikipagsamahan, maaari tayong ‘patuloy na magtamo ng lakas’ sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Karagdagan pa, taglay ang pagtitiwala sa kapangyarihan ng tumpak na kaalaman, mabibigyang-pansin natin ang payo ni Pablo: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.”—2 Timoteo 1:13.
Ang “Parisan ng Nakapagpapalusog na mga Salita”
Ano ang “nakapagpapalusog na mga salita” na binanggit ni Pablo? Ginagamit niya ang pananalitang iyon upang tumukoy sa tunay na doktrinang Kristiyano. Sa kaniyang unang liham kay Timoteo, ipinaliwanag ni Pablo na ang “nakapagpapalusog na mga salita” ay pangunahin nang “yaong sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Timoteo 6:3) Ang pagtulad sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita ay nagpapangyari sa isa na magkaroon ng matinong pag-iisip, maibiging disposisyon, at konsiderasyon sa iba. Yamang ang ministeryo at mga turo ni Jesus ay kasuwato ng lahat ng iba pang turo na masusumpungan sa buong Bibliya, ang pananalitang “nakapagpapalusog na mga salita” ay maaaring tumukoy nang malawakan sa lahat ng turo ng Bibliya.
Para kay Timoteo, tulad sa lahat ng Kristiyanong matatanda, ang parisan ng nakapagpapalusog na mga salita ay isang ‘mainam na pagkakatiwala’ na kailangang ingatan. (2 Timoteo 1:13, 14) Kailangang ‘ipangaral ni Timoteo ang salita, maging apurahan dito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan, sumaway, sumawata, magpayo, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo.’ (2 Timoteo 4:2) Kapag nauunawaan nating lumalaganap ang apostatang mga turo noong panahon ni Timoteo, mauunawaan natin kung bakit idiniin ni Pablo ang pagkaapurahan ng pagtuturo ng nakapagpapalusog na mga salita. Maiintindihan din natin na kailangang ipagsanggalang ni Timoteo ang kawan sa pamamagitan ng ‘pagsaway, pagsawata, pagpapayo’ taglay ang mahabang pagtitiis, anupat nagpapamalas ng mainam na kakayahan sa pagtuturo.
Kanino ipangangaral ni Timoteo ang salita? Ipinahihiwatig ng konteksto na bilang isang matanda, ipangangaral ni Timoteo ang salita sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Dahil sa panggigipit ng mga sumasalansang, kailangang panatilihin ni Timoteo ang kaniyang espirituwal na pagkatimbang at ipahayag nang may katapangan ang salita ng Diyos, hindi ang mga pilosopiya ng tao, personal na mga ideya, o walang saysay na mga 2 Timoteo 1:6-8; 2:1-3, 23-26; 3:14, 15) Gayunman, sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Pablo, patuloy na magiging hadlang si Timoteo sa apostasya, katulad mismo ni Pablo.—Gawa 20:25-32.
haka-haka. Totoo, maaari itong pumukaw ng pagsalansang mula sa ilan na nakahilig sa mali. (Ang mga salita ba ni Pablo hinggil sa pangangaral ng salita ay kumakapit din sa pangangaral sa labas ng kongregasyon? Oo, kumakapit ang mga ito, gaya ng ipinakikita ng konteksto. Ganito ang sinabi pa ni Pablo: “Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:5) Ang pag-eebanghelyo—pangangaral ng mabuting balita ng kaligtasan sa mga di-sumasampalataya—ay napakahalaga sa Kristiyanong ministeryo. (Mateo 24:14; 28:19, 20) At kung paanong ang salita ng Diyos ay ipinangangaral sa kongregasyon maging sa “maligalig na kapanahunan,” tayo ay patuloy ring nangangaral ng salita sa mga nasa labas ng kongregasyon maging sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.—1 Tesalonica 1:6.
Ang saligan ng lahat ng ating pangangaral at pagtuturo ay ang kinasihang Salita ng Diyos. Lubusan tayong nagtitiwala sa Bibliya. Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Ang mga salitang iyan ay madalas na wastong sinisipi upang ipakita na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. Subalit ano ang layunin ni Pablo sa pagsulat ng mga ito?
Si Pablo ay nakikipag-usap sa isang matanda, isa na may pananagutang ‘sumaway, magtuwid ng mga bagay-bagay, magdisiplina sa katuwiran,’ sa loob ng kongregasyon. Samakatuwid, pinaaalalahanan niya si Timoteo na magtiwala sa karunungan ng kinasihang Salita, na sa pamamagitan nito’y tinuruan si Timoteo mula pa sa pagkasanggol. Kung minsan, ang matatanda, gaya ni Timoteo, ay kailangang sumaway sa mga manggagawa ng kamalian. Kapag ginagawa ito, dapat na lagi silang nagtitiwala sa Bibliya. Bukod dito, yamang ang Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, ang lahat ng saway na salig dito ay talagang saway na galing sa Diyos. Sinumang tumatanggi sa salig-Bibliyang mga saway ay tumatanggi, hindi sa ilang ideya ng tao, kundi sa kinasihang payo na nanggagaling kay Jehova mismo.
Tunay ngang sagana sa makadiyos na karunungan ang aklat ng Ikalawang Timoteo! At talagang lalo pa itong nagiging makabuluhan kapag isinasaalang-alang natin ang payo nito ayon sa konteksto! Sa artikulong ito, tinalakay lamang natin sa maikli ang kahanga-hanga at kinasihang impormasyon na nilalaman ng aklat na ito, subalit sapat na ito upang ipakita kung gaano kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang konteksto ng ating binabasa sa Bibliya. Tutulong ito upang matiyak na talagang “ginagamit [natin] nang wasto ang salita ng katotohanan.”
[Talababa]
^ par. 7 Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, Tomo 2, pahina 1105-8.
[Larawan sa pahina 27]
Hangad ni Pablo na sangkapan si Timoteo upang maipagsanggalang ang mga kongregasyon
[Larawan sa pahina 30]
Pinaalalahanan ni Pablo si Timoteo na magtiwala sa karunungan ng kinasihang Salita