Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Maikling Liham na Bumago sa Aking Buhay

Isang Maikling Liham na Bumago sa Aking Buhay

Isang Maikling Liham na Bumago sa Aking Buhay

AYON SA SALAYSAY NI IRENE HOCHSTENBACH

Nangyari iyon isang Martes ng gabi noong 1972. Labing-anim na taóng gulang ako at sinamahan ko ang aking mga magulang sa isang relihiyosong pagpupulong sa Eindhoven, isang lunsod sa lalawigan ng Brabant, sa Netherlands. Hindi palagay ang loob ko roon at nais ko na sana ay nasa ibang lugar na lamang ako. Pagkatapos ay dalawang kabataang babae ang nag-abot sa akin ng isang maikling liham na may ganitong mensahe: “Mahal na Irene, gustung-gusto ka naming tulungan.” Hindi ko akalain na gayon na lamang ang pagbabagong magagawa ng maikling liham na iyon sa aking buhay. Ngunit bago ko ilahad ang sumunod na nangyari, hayaan mong sabihin ko muna sa iyo ang ilang bagay tungkol sa akin.

ISINILANG ako sa isla ng Belitung, sa Indonesia. Naaalaala ko pa ang ilang tunog sa islang iyon sa tropiko​—ang pagaspas ng mga puno ng palma sa hangin, ang marahang lagaslas ng kalapít na ilog, ang tawanan ng mga batang naglalaro sa palibot ng bahay namin, gayundin ang musika sa aming tahanan. Noong 1960, nang ako ay apat na taóng gulang, lumipat ang aming pamilya mula sa Indonesia tungo sa Netherlands. Matagal kaming naglakbay sakay ng barko, at ang tunog na partikular kong naaalaala ay yaong sa paborito kong laruan na dala-dala ko​—isang maliit na payaso na may mga tambol. Sa edad na pito, nabingi ako dahil sa karamdaman, at mula noon ay wala na akong naririnig na mga tunog sa palibot ko. Mga alaala na lamang ang nananatili sa akin.

Paglaki Bilang Bingi

Dahil sa maibiging pangangalaga ng aking mga magulang, hindi ko lubos na naunawaan noong una ang mga epekto ng pagiging bingi. Bilang isang bata, akala ko ay nakatutuwa pa nga na mayroon akong malaking hearing aid, bagaman ito ay walang gaanong naitulong sa akin. Upang makausap nila ako, isinusulat ng mga bata sa aming komunidad ang kanilang sinasabi sa akin sa bangketa sa pamamagitan ng tisa, at sinasagot ko naman sila, bagaman hindi ko marinig ang sarili kong tinig.

Habang lumalaki ako, unti-unti kong nabatid na naiiba ako sa mga taong nakapaligid sa akin. Napapansin ko na rin na ginagawa akong katatawanan ng ilang tao dahil bingi ako, habang iniiwasan naman ako ng iba. Nakadama ako ng pag-iisa at kalungkutan. Nauunawaan ko na kung ano ang ibig sabihin ng pagiging bingi, at habang tumatanda ako, lalo akong natatakot sa daigdig ng mga taong nakaririnig.

Upang makapag-aral ako sa isang pantanging paaralan para sa mga bingi, inilipat ng aking mga magulang ang buong pamilya mula sa isang nayon sa lalawigan ng Limburg tungo sa lunsod ng Eindhoven. Doon naghanap ng trabaho ang aking ama, at doon din nag-aral ang aking kapatid na lalaki at ang aking mga ate sa isang di-kilalang paaralan. Nagpapasalamat ako sa lahat ng pagbabagong ginawa nila alang-alang sa akin. Itinuro sa akin sa paaralan kung paano ko kokontrolin ang lakas ng aking boses at kung paano makapagsasalita nang mas malinaw. At bagaman hindi gumamit ng wikang pasenyas ang mga guro, tinuruan ako ng aking mga kaklase ng wikang ito.

Pamumuhay sa Sarili Kong Daigdig

Habang lumalaki ako, pinagsisikapang mabuti ng aking mga magulang na makipag-usap sa akin, ngunit maraming bagay ang hindi ko maintindihan. Halimbawa, hindi ko nauunawaan na ang aking mga magulang ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit naaalaala ko na isang araw ay pinuntahan ng aming pamilya ang isang dako kung saan maraming tao ang nakaupo sa mga upuan. Lahat sila ay nakatingin sa harapan, kung minsan ay nagpapalakpakan, at paminsan-minsan naman ay tumatayo​—pero hindi ko alam kung bakit nila ginagawa ito. Nang maglaon, nalaman ko na dumalo pala ako sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Dinadala rin ako noon ng aking mga magulang sa isang maliit na bulwagan sa lunsod ng Eindhoven. Panatag ang loob ko kapag naroroon ako yamang mababait ang lahat at waring maligaya naman ang pamilya ko, ngunit hindi ko alam kung bakit kami palaging nagpupunta roon. Alam ko na ngayon na ang maliit na bulwagang iyon ay isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.

Nakalulungkot, walang sinuman na nasa mga pulong na iyon ang nagsilbing interprete ng programa para sa akin. Ngayon ay natanto ko na nais ng mga dumadalo na tulungan ako ngunit hindi nila alam kung paano pakikitunguhan ang aking pagiging bingi. Sa mga pulong na ito ay nadarama kong parang nakabukod ako at naisip ko, ‘Sana ay nasa paaralan na lang ako sa halip na nasa lugar na ito.’ Ngunit nang mismong sandaling iniisip ko ang bagay na iyon, dalawang kabataang babae ang nagsulat sa isang piraso ng papel at iniabot iyon sa akin. Iyon ang maikling liham na binanggit ko sa pasimula. Wala akong kamalay-malay na ang maikling liham na iyon ang magiging pasimula ng mahalagang pakikipagkaibigan na magpapalaya sa akin mula sa daigdig ng pag-iisa.

Paglinang ng Mahalagang Pakikipagkaibigan

Sina Colette at Hermine, na nagbigay ng maikling liham, ay wala pang 25 taóng gulang noon. Nang maglaon, nalaman ko na umugnay sila sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na dinadaluhan ko upang maglingkod bilang mga regular pioneer, o buong-panahong mga ministro. Bagaman hindi talaga marunong ng wikang pasenyas sina Colette at Hermine, nababasa ko naman ang galaw ng kanilang mga labi habang nakikipag-usap sila sa akin, at sa ganitong paraan ay maayos naman ang aming pag-uusap.

Nalugod ang aking mga magulang nang hilingin nina Colette at Hermine na magdaos sila ng pag-aaral ng Bibliya sa akin, ngunit higit pa riyan ang ginawa ng mga kabataang babaing ito. Pinagsikapan nila nang husto na maging interprete ko sa mga pulong sa Kingdom Hall at maisama ako sa pakikisalamuha sa iba sa kongregasyon. Isinama nila ako sa kanilang pag-eensayo ng mga presentasyon sa Bibliya na gagamitin sa gawaing pangangaral, at tinulungan din nila akong maghanda para sa mga bahagi ng estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Gunigunihin na lamang, ngayon ay mayroon na akong lakas ng loob upang gumanap ng bahagi sa harap ng isang grupo ng mga taong nakaririnig!

Higit pa riyan, ipinadama nina Colette at Hermine na mapagkakatiwalaan ko sila. Pinagtiisan at pinakinggan nila ako. Bagaman madalas kaming magtawanan dahil sa aking mga pagkakamali, hindi nila ako kailanman ginawang katatawanan; ni nahihiya man sila kapag kasama nila ako. Sinikap nilang unawain ang aking damdamin at itinuring nila akong kapareho nila. Ibinigay sa akin ng mababait na babaing ito ang napakagandang regalo​—ang kanilang pag-ibig at pakikipagkaibigan.

Higit sa lahat, itinuro nina Colette at Hermine na kailangan kong makilala ang ating Diyos, si Jehova, bilang isang kaibigan na mapagkakatiwalaan. Ipinaliwanag nila na nakikita ako ni Jehova na nauupo sa Kingdom Hall at nauunawaan niya ang situwasyon ko bilang bingi. Kaylaking pasasalamat ko na ang aming nagkakaisang pag-ibig kay Jehova ang dahilan ng pagiging magkakaibigan naming tatlo! Naantig ako sa pagmamalasakit ni Jehova sa akin, at dahil sa pag-ibig ko sa kaniya, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig noong Hulyo 1975.

Pagsama sa Isang Pantanging Kaibigan

Sa paglipas ng mga taon, parami nang parami ang nakikilala kong mga kapatid na Kristiyano. Isang kapatid na lalaki ang naging pantanging kaibigan ko, at nagpakasal kami noong 1980. Di-nagtagal pagkatapos nito, naglingkod ako bilang payunir, at noong 1994, kami ng aking asawang si Harry ay inatasang maglingkod bilang mga special pioneer sa teritoryo ng Dutch Sign Language. Nang sumunod na taon, napaharap ako sa isang mahirap na atas. Sasamahan ko ang aking asawa, na nakaririnig, upang dumalaw sa iba’t ibang kongregasyon bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito.

Ganito ang ginagawa ko. Kapag dinalaw namin ang isang kongregasyon sa kauna-unahang pagkakataon, kaagad kong nilalapitan ang pinakamaraming kapatid hangga’t maaari at ipinakikilala ko ang aking sarili. Sinasabi ko sa kanila na bingi ako at hinihiling ko sa kanila na tingnan nila ako habang kinakausap nila ako nang dahan-dahan. Sinisikap ko ring makasagot kaagad sa mga pulong ng kongregasyon. At tinatanong ko kung mayroong magnanais na maging interprete ko sa mga pulong sa sanlinggong iyon at sa paglilingkod sa larangan.

Napakabisa ng pamamaraang ito anupat may mga pagkakataon na nalilimutan ng mga kapatid na hindi ako nakaririnig, anupat nagbubunga ng nakatatawang mga situwasyon. Halimbawa, sinasabi nila sa akin na kapag nakikita nila akong naglalakad sa bayan, binubusinahan nila ako upang batiin ako, pero siyempre, hindi ko napapansin iyon. Nalilimutan ko rin kung minsan ang aking mga limitasyon​—halimbawa kapag may ibinubulong akong kompidensiyal na bagay sa tainga ng aking asawa. Kapag nakita ko siyang biglang namula, alam kong ang aking “bulong” ay masyadong malakas.

Tumutulong din ang mga bata sa di-inaasahang mga paraan. Sa isang kongregasyong dinalaw namin sa kauna-unahang pagkakataon, napansin ng isang siyam-na-taóng-gulang na batang lalaki na ang ilan na nasa Kingdom Hall ay medyo nag-aatubiling makipag-usap sa akin, at may naisip siyang gawin tungkol dito. Nilapitan niya ako, hinawakan ang kamay ko, inakay ako sa gitna ng Kingdom Hall, at sumigaw siya nang napakalakas, “Gusto ko pong ipakilala sa inyo si Ate Irene​—siya ay bingi!” Yaong mga naroroon ay lumapit sa akin at isa-isang nagpakilala sa akin.

Habang sinasamahan ko ang aking asawa sa gawaing pansirkito, dumarami ang aking mga kaibigan. Tunay na ibang-iba ang aking buhay sa ngayon kung ihahambing sa mga taon na nadama kong ako’y nakabukod at nag-iisa! Mula noong gabing iniabot sa kamay ko nina Colette at Hermine ang maikling liham na iyon, naranasan ko ang nagagawa ng pakikipagkaibigan at nakilala ko ang mga taong naging napakahalaga sa akin. Higit sa lahat, nakilala ko si Jehova, ang pinakamahalagang Kaibigan sa lahat. (Roma 8:38, 39) Tunay ngang nabago ng maikling liham na iyon ang aking buhay!

[Larawan sa pahina 24]

Naaalaala ko pa ang tunog ng paborito kong laruan

[Mga larawan sa pahina 25]

Sa ministeryo at kasama ang aking asawa, si Harry