Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kaaliwan Para sa mga Nagdurusa

Kaaliwan Para sa mga Nagdurusa

Kaaliwan Para sa mga Nagdurusa

SA NAKALIPAS na maraming siglo, ang tanong na bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa ay nakalito sa maraming pilosopo at teologo. Iginigiit ng ilan na yamang ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, siya ang pangunahin nang may pananagutan sa pagdurusa. Ang manunulat ng The Clementine Homilies, isang apokripal na akda noong ikalawang siglo, ay nag-angkin na hawak ng Diyos sa dalawang kamay ang pamamahala sa sanlibutan. Sa pamamagitan ng kaniyang “kaliwang kamay,” ang Diyablo, nagdudulot siya ng pagdurusa at kapighatian, at sa pamamagitan naman ng kaniyang “kanang kamay,” si Jesus, nagliligtas siya at nagpapala.

Ang iba naman, palibhasa’y di-matanggap na pahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa bagaman hindi siya ang sanhi nito, ay nagpasiyang ikaila ang pag-iral ng pagdurusa. “Ilusyon lamang ang kasamaan, at wala itong tunay na saligan,” ang sulat ni Mary Baker Eddy. “Kung ang kasalanan, sakit, at kamatayan ay uunawain na parang wala lamang, maglalaho ang mga ito.”​—Science and Health With Key to the Scriptures.

Bunga ng kalunus-lunos na mga pangyayari sa kasaysayan, lalo na mula noong unang digmaang pandaigdig hanggang sa ating panahon, marami ang naghinuha na talagang hindi kayang hadlangan ng Diyos ang pagdurusa. “Sa palagay ko, dahil sa Holocaust ay hindi na maaaring angkop na iukol ang walang-hanggang kapangyarihan bilang katangian ng Diyos,” ang sulat ng Judiong iskolar na si David Wolf Silverman. “Upang maunawaan ang Diyos sa isang paraan,” ang sabi pa niya, “ang Kaniyang kabutihan ay dapat na kasuwato ng pag-iral ng kasamaan, at totoo lamang ito kung hindi Siya ang makapangyarihan-sa-lahat.”

Gayunman, ang mga pag-aangkin na ang Diyos sa paanuman ay kasabuwat sa pagdudulot ng pagdurusa, na hindi niya ito kayang hadlangan, o na ang pagdurusa ay guniguni lamang natin ay hindi nagdudulot ng sapat na kaaliwan sa mga nagdurusa. At higit na mahalaga, ang gayong mga paniniwala ay lubhang kasalungat ng makatarungan, makapangyarihan, at mapagmalasakit na Diyos na isinisiwalat sa mga pahina ng Bibliya. (Job 34:10, 12; Jeremias 32:17; 1 Juan 4:8) Kung gayon, ano ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa dahilan kung bakit pinahihintulutan ang pagdurusa?

Paano ba Nagsimula ang Pagdurusa?

Hindi nilikha ng Diyos ang mga tao upang magdusa. Sa kabaligtaran, pinagkalooban niya ang unang mag-asawang tao, sina Adan at Eva, ng sakdal na isip at katawan, pinaghandaan ng isang kalugud-lugod na hardin upang magsilbing tahanan nila, at inatasan sila ng makabuluhan at kasiya-siyang gawain. (Genesis 1:27, 28, 31; 2:8) Gayunman, ang kanilang patuloy na kaligayahan ay nakasalalay sa kanilang pagkilala sa pamamahala ng Diyos at sa kaniyang karapatang magpasiya kung ano ang mabuti at masama. Ang isang punungkahoy na tinawag na “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” ang kumatawan sa utos na iyon ng Diyos. (Genesis 2:17) Maipakikita nina Adan at Eva ang kanilang pagpapasakop sa Diyos kung susundin nila ang kaniyang utos na huwag kumain mula sa punungkahoy na iyon. *

Nakalulungkot, sina Adan at Eva ay hindi sumunod sa Diyos. Isang rebelyosong espiritung nilalang, na nang maglaon ay nakilala bilang Satanas na Diyablo, ang kumumbinsi kay Eva na hindi magdudulot ng pinakamabuti sa kaniya ang pagsunod sa Diyos. Sa katunayan, ipinagkakait daw ng Diyos sa kaniya ang isang bagay na lubhang kanais-nais: ang kasarinlan, ang karapatang magpasiya sa ganang sarili kung ano ang mabuti at masama. Inangkin ni Satanas na kung kakain si Eva mula sa punungkahoy, ‘madidilat ang kaniyang mga mata at siya ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.’ (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Palibhasa’y naakit ng pagkakataong makapagsarili, kinain ni Eva ang ipinagbabawal na bunga, at di-nagtagal ay gayundin ang ginawa ni Adan.

Nang mismong araw na iyon, nagsimulang maranasan nina Adan at Eva ang mga resulta ng kanilang paghihimagsik. Dahil tinanggihan nila ang pamamahala ng Diyos, hindi na sila nakinabang sa proteksiyon at mga pagpapala na inilalaan ng pagpapasakop sa Diyos. Pinalayas sila ng Diyos mula sa Paraiso at sinabi niya kay Adan: “Sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakainin mo nang may kirot ang bunga niyaon sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa.” (Genesis 3:17, 19) Sina Adan at Eva ay kinailangang dumanas ng sakit, kirot, pagtanda, at kamatayan. Ang pagdurusa ay naging bahagi na ng karanasan ng tao.​—Genesis 5:29.

Paglutas sa Usapin

Maaaring may magtanong, ‘Hindi ba puwedeng palampasin na lamang ng Diyos ang kasalanan nina Adan at Eva?’ Hindi, dahil lalo itong makasisira sa paggalang sa kaniyang awtoridad, marahil ay pasisiglahin pa nga ang paghihimagsik sa hinaharap at magbubunga ng higit na pagdurusa. (Eclesiastes 8:11) Karagdagan pa, ang pagkunsinti sa gayong pagsuway ay magpapahiwatig na kasabuwat ang Diyos sa paggawa ng masama. Ipinaaalaala sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Moises: ‘Sakdal ang mga gawa ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.’ (Deuteronomio 32:4) Upang maging tapat sa kaniyang sarili, kinailangang pahintulutan ng Diyos na danasin nina Adan at Eva ang mga bunga ng kanilang pagsuway.

Bakit hindi kaagad pinuksa ng Diyos ang unang mag-asawang tao pati na si Satanas, ang di-nakikitang tagasulsol sa kanilang paghihimagsik? May kapangyarihan naman siyang gawin iyon. Hindi na sana nakapagluwal ng mga supling sina Adan at Eva na magmamana ng pagdurusa at kamatayan. Gayunman, ang gayong pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos ay hindi magpapatunay sa pagiging nararapat ng awtoridad ng Diyos sa kaniyang matatalinong nilalang. Karagdagan pa, kung sina Adan at Eva ay namatay nang walang anak, mangangahulugan iyon na nabigo ang layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng kanilang sakdal na mga inapo. (Genesis 1:28) At “ang Diyos ay hindi katulad ng mga tao . . . Anuman ang kaniyang ipinangako, tinutupad niya iyon; nagbibitiw siya ng salita, at iyon ay isinasagawa.”​—Bilang 23:19, Today’s English Version.

Dahil sa kaniyang sakdal na karunungan, ipinasiya ng Diyos na Jehova na pahintulutang magpatuloy ang paghihimagsik sa loob ng limitadong panahon. Ang mga rebelde ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon upang maranasan ang mga epekto ng pagiging hiwalay sa Diyos. Maliwanag na patutunayan ng kasaysayan na kailangan ng sangkatauhan ang patnubay ng Diyos at mas nakatataas ang pamamahala ng Diyos kaysa sa tao o kay Satanas. Kasabay nito, gumawa ng hakbang ang Diyos upang tiyakin na matutupad ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupa. Ipinangako niya na isang “binhi,” o “supling,” ang darating na siyang ‘susugat sa ulo ni Satanas,’ anupat lubusang papawiin ang paghihimagsik at ang nakapipinsalang mga epekto nito.​—Genesis 3:15.

Si Jesu-Kristo ang ipinangakong Binhi na iyon. Sa 1 Juan 3:8, mababasa natin na “inihayag ang Anak ng Diyos . . . upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa kaniyang sakdal na buhay bilang tao at pagbabayad sa halaga ng pantubos upang tubusin ang mga anak ni Adan mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Juan 1:29; 1 Timoteo 2:5, 6) Yaong mga tunay na nananampalataya sa hain ni Jesus ay pinangangakuan ng permanenteng kaginhawahan mula sa pagdurusa. (Juan 3:16; Apocalipsis 7:17) Kailan ito mangyayari?

Ang Wakas ng Pagdurusa

Ang pagtanggi sa awtoridad ng Diyos ay nagdulot ng napakaraming pagdurusa. Kung gayon, angkop lamang na ipahayag ng Diyos ang kaniyang awtoridad sa isang pantanging paraan upang wakasan ang pagdurusa ng tao at maisakatuparan ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupa. Binanggit ni Jesus ang kaayusang ito ng Diyos nang kaniyang turuan ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, . . . dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Malapit nang magwakas ang panahon na ipinahintulot ng Diyos sa mga tao para makapag-eksperimento ng pamamahala sa kanilang sarili. Bilang katuparan ng hula ng Bibliya, itinatag sa langit noong 1914 ang kaniyang Kaharian na doo’y si Jesu-Kristo ang Hari. * Di-magtatagal, dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng pamahalaan ng tao.​—Daniel 2:44.

Noong panahon ng kaniyang maikling ministeryo sa lupa, ipinatikim ni Jesus sa mga tao ang mga pagpapalang idudulot sa sangkatauhan ng pagsasauli ng pamamahala ng Diyos. Naglalaan ng katibayan ang mga Ebanghelyo na nagpakita ng habag si Jesus sa mga miyembro ng lipunan ng tao na dukha at pinakikitunguhan nang may pagtatangi. Pinagaling niya ang maysakit, pinakain ang gutom, at binuhay-muli ang patay. Maging ang mga puwersa ng kalikasan ay sumunod sa kaniyang tinig. (Mateo 11:5; Marcos 4:37-39; Lucas 9:11-16) Gunigunihin kung ano ang maisasagawa ni Jesus kapag ginamit niya ang naglilinis na epekto ng kaniyang haing pantubos upang makinabang ang buong masunuring sangkatauhan! Nangangako ang Bibliya na sa pamamagitan ng pamamahala ni Kristo, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa . . . mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:4.

Kaaliwan Para sa mga Nagdurusa

Tunay ngang nakapagpapasiglang malaman na ang ating Diyos na maibigin at makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ay nagmamalasakit sa atin at di-magtatagal ay magdudulot siya ng kaginhawahan sa sangkatauhan! Karaniwan na, ang pasyenteng may malubhang karamdaman ay handang tumanggap ng paggamot na magpapagaling sa kaniya kahit na napakasakit nito. Gayundin naman, kung alam natin na ang paraan ng pangangasiwa ng Diyos sa mga bagay-bagay ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala, mapalalakas tayo ng gayong kaalaman anuman ang pansamantalang kahirapan na nararanasan natin.

Si Ricardo, na binanggit sa naunang artikulo, ay isa na natutong magtamo ng kaaliwan mula sa mga pangako ng Bibliya. “Matapos mamatay ang aking asawa, matindi ang nadama kong pagnanais na ibukod ang aking sarili,” ang gunita niya, “ngunit agad kong natanto na hindi nito maibabalik ang aking asawa at palulubhain lamang nito ang kalagayan ng aking emosyon.” Sa halip, nanatili si Ricardo sa kaniyang rutin na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at sa pamamahagi ng mensahe ng Bibliya sa iba. “Habang nadarama ko ang maibiging suporta ni Jehova at napapansin kung paano niya sinasagot ang aking mga panalangin sa waring maliliit na bagay, lalo akong napapalapít sa kaniya,” ang sabi ni Ricardo. “Ang kabatirang ito sa pag-ibig ng Diyos ang tumulong sa akin na mabata ang talagang pinakamatinding pagsubok na napaharap sa akin.” Inaamin niya: “Labis pa rin akong nangungulila sa aking asawa, subalit matatag akong naniniwala ngayon na walang pinahihintulutang mangyari si Jehova na makapagdudulot sa atin ng namamalaging pinsala.”

Ikaw ba, gaya ni Ricardo at ng milyun-milyong iba pa, ay umaasam sa panahon kapag ang kasalukuyang pagdurusa ng sangkatauhan ay “hindi [na] aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon”? (Isaias 65:17) Makatitiyak ka na ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ay iyong matatamo kung susundin mo ang payo ng Bibliya: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit.”​—Isaias 55:6.

Upang tulungan kang magawa ito, gawing pangunahin sa iyong buhay ang pagbabasa at maingat na pag-aaral sa Salita ng Diyos. Kilalanin ang Diyos at ang isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo. Magsikap na mamuhay kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos at sa gayon ay maipakita na handa kang magpasakop sa kaniyang pagkasoberano. Ang gayong landasin ay magdudulot sa iyo ng higit na kaligayahan ngayon sa kabila ng mga pagsubok na mapapaharap sa iyo. At sa hinaharap, magbubunga ito ng iyong pagtatamasa ng buhay sa isang daigdig na walang pagdurusa.​—Juan 17:3.

[Mga talababa]

^ par. 7 Sa talababa nito sa Genesis 2:17, ipinaliliwanag ng The Jerusalem Bible na “ang pagkakilala ng mabuti at masama” ay “ang kakayahang magpasiya . . . kung ano ang mabuti at masama at ang pagkilos kasuwato nito, isang pag-aangkin ng ganap na kasarinlan sa moral na sa pamamagitan nito ay tinatanggihang kilalanin ng tao ang kaniyang katayuan bilang isang nilikha.” Sinasabi pa nito: “Ang unang kasalanan ay pagsalakay sa pagkasoberano ng Diyos.”

^ par. 17 Para sa detalyadong pagtalakay sa hula ng Bibliya may kaugnayan sa 1914, tingnan ang kabanata 10 at 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 6, 7]

PAANO NATIN MAKAKAYANAN ANG PAGDURUSA?

‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan.’ (1 Pedro 5:7) Ang pagkadama ng kalituhan, galit, at pagiging pinabayaan ay likas lamang kapag nagbabata tayo ng pagdurusa o kapag nakikita nating nagdurusa ang minamahal natin. Magkagayunman, makatitiyak ka na nauunawaan ni Jehova ang ating nadarama. (Exodo 3:7; Isaias 63:9) Tulad ng tapat na mga lalaki noong sinauna, maaari nating isiwalat ang nilalaman ng ating puso sa kaniya at ipahayag ang ating mga pag-aalinlangan at kabalisahan. (Exodo 5:22; Job 10:1-3; Jeremias 14:19; Habakuk 1:13) Maaaring hindi niya makahimalang alisin ang mga pagsubok sa atin, ngunit bilang tugon sa taos-pusong pananalangin natin, mapagkakalooban niya tayo ng karunungan at lakas upang harapin ang mga ito.​—Santiago 1:5, 6.

“Huwag ninyong pagtakhan ang mahirap na pagsubok na inyong dinaranas, na para bang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa inyo.” (1 Pedro 4:12, New International Version) Ang tinutukoy rito ni Pedro ay pag-uusig, ngunit angkop na kumakapit din ang kaniyang mga salita sa anumang pagdurusa na maaaring batahin ng isang mananampalataya. Ang mga tao ay dumaranas ng kakapusan, nagkakasakit, at namamatayan ng mahal sa buhay. Sinasabi ng Bibliya na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa lahat. (Eclesiastes 9:11) Ang gayong mga bagay ay bahagi ng kalagayan ng tao sa kasalukuyan. Ang pagkatanto rito ay tutulong sa atin na harapin ang pagdurusa at kasawian kapag sumapit ito. (1 Pedro 5:9) Higit sa lahat, ang pag-alaala sa katiyakan na “ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang paghingi ng tulong” ay lalo nang pagmumulan ng kaaliwan.​—Awit 34:15; Kawikaan 15:3; 1 Pedro 3:12.

“Magsaya kayo sa pag-asa.” (Roma 12:12) Sa halip na laging isipin ang nakalipas na ligaya, maaari nating bulay-bulayin ang pangako ng Diyos na wawakasan ang lahat ng pagdurusa. (Eclesiastes 7:10) Ang pag-asang ito na may matibay na saligan ay magsasanggalang sa atin na gaya ng isang helmet na nagsasanggalang sa ulo. Pinagagaan ng pag-asa ang mga kasawian sa buhay at tinutulungan tayo na matiyak na hindi ito magdudulot ng permanenteng pinsala sa ating mental, emosyonal, at espirituwal na kalusugan.​—1 Tesalonica 5:8.

[Larawan sa pahina 5]

Tinanggihan nina Adan at Eva ang pamamahala ng Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Ipinangangako ng Diyos ang isang daigdig na walang pagdurusa