Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ngayon Higit Kailanman, Manatiling Gising!

Ngayon Higit Kailanman, Manatiling Gising!

Ngayon Higit Kailanman, Manatiling Gising!

“Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”​—1 TESALONICA 5:6.

1, 2. (a) Anong uri ng mga lunsod ang Pompeii at Herculaneum? (b) Anong babala ang ipinagwalang-bahala ng maraming naninirahan sa Pompeii at Herculaneum, at ano ang ibinunga nito?

NOONG unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, ang Pompeii at Herculaneum ay dalawang mauunlad na lunsod ng Roma na malapit sa Bundok Vesuvius. Para sa mayayamang Romano, ang mga ito ay popular na mga bakasyunan. Mahigit sa isang libong manonood ang nagkakasiya sa mga teatro ng mga ito, at sa Pompeii ay may isang malaking ampiteatro na makapagpapaupo sa halos buong bayan. Ang mga nagsipaghukay sa Pompeii ay may nabilang na 118 taberna, na nagsilbing mga dako ng pasugalan o prostitusyon. Laganap ang imoralidad at materyalismo, gaya ng pinatutunayan ng ipinintang mga larawan sa pader at ng iba pang mga labí.

2 Noong Agosto 24, 79 C.E., nagsimulang sumabog ang Bundok Vesuvius. Naniniwala ang mga bulkanologo na ang mga naninirahan ay maaari pang tumakas noong unang pagsabog na naging sanhi ng pag-ulan ng pomes at abo sa dalawang lunsod. Sa katunayan, waring marami nga ang tumakas. Gayunman, ang iba na minaliit ang panganib o binalewala lamang ang mga nagbababalang palatandaan ay nagpasiyang manatili. Pagsapit ng mga hatinggabi, rumagasa sa Herculaneum ang gabundok at napakainit na mga gas, pomes, at bato, anupat namatay ang lahat ng residenteng naiwan sa lunsod dahil hindi na sila makahinga. Kinabukasan nang madaling-araw, ganoon din ang nangyari sa Pompeii anupat namatay ang lahat ng naroroon. Tunay ngang isang kalunus-lunos na bunga ng hindi pagsunod sa mga nagbababalang palatandaan!

Ang Wakas ng Judiong Sistema ng mga Bagay

3. Ano ang pagkakatulad ng pagkawasak ng Jerusalem at niyaong sa Pompeii at Herculaneum?

3 Ang kakila-kilabot na wakas ng Pompeii at Herculaneum ay maliit lamang kung ihahambing sa kapaha-pahamak na pagkawasak ng Jerusalem na naganap siyam na taon bago nito, bagaman ang kasakunaang iyon ay gawa ng tao. Ito ay inilarawan bilang “isa sa pinakakahila-hilakbot na pagkubkob sa buong kasaysayan,” at iniulat na mahigit sa isang milyong Judio ang namatay dahil doon. Gayunman, kagaya ng kasakunaang nangyari sa Pompeii at Herculaneum, ang pagkawasak ng Jerusalem ay hindi naganap nang walang babala.

4. Anong makahulang tanda ang ibinigay ni Jesus upang babalaan ang kaniyang mga tagasunod na ang wakas ng isang sistema ng mga bagay ay malapit na, at paano ito unang natupad noong unang siglo?

4 Inihula ni Jesu-Kristo ang pagkawasak ng lunsod at ang mga pangyayaring magaganap bago nito​—tulad ng kaligaligang dulot ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, at katampalasanan. Magiging aktibo ang mga bulaang propeta, ngunit ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong daigdig. (Mateo 24:4-7, 11-14) Bagaman ang mga salita ni Jesus ay may malaking katuparan sa ngayon, nagkaroon din ito ng maliit na katuparan noon. Iniuulat ng kasaysayan na nagkaroon ng matinding taggutom sa Judea. (Gawa 11:28) Iniuulat ng Judiong istoryador na si Josephus na nagkaroon ng lindol sa Jerusalem noong malapit nang mawasak ang lunsod. Habang papalapit ang kawakasan ng Jerusalem, sunud-sunod ang mga pag-aalsa, mga digmaan sa pagitan ng mga pulitikal na pangkat ng mga Judio, at mga masaker sa ilang lunsod na binubuo ng mga Judio at Gentil. Magkagayunman, naipangaral pa rin ang mabuting balita ng Kaharian “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”​—Colosas 1:23.

5, 6. (a) Anong makahulang mga salita ni Jesus ang natupad noong 66 C.E.? (b) Bakit napakaraming namatay nang bumagsak ang Jerusalem noong 70 C.E.?

5 Sa wakas, noong 66 C.E., ang mga Judio ay naghimagsik laban sa Roma. Nang pangunahan ni Cestius Gallus ang isang hukbo upang kubkubin ang Jerusalem, naalaala ng mga tagasunod ni Jesus ang mga salita ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Panahon na upang lisanin ang Jerusalem​—ngunit paano? Sa di-inaasahang pangyayari, pinaurong ni Gallus ang kaniyang mga sundalo, anupat binigyan ng pagkakataon ang mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea na sundin ang mga salita ni Jesus at tumakas patungo sa mga bundok.​—Mateo 24:15, 16.

6 Pagkalipas ng apat na taon, malamang na Paskuwa noon, bumalik ang mga sundalong Romano sa pangunguna ni Heneral Tito, na determinadong wakasan ang paghihimagsik ng mga Judio. Pinalibutan ng kaniyang hukbo ang Jerusalem at itinayo ang isang “kuta na may mga tulos na matutulis,” anupat naging imposible ang pagtakas. (Lucas 19:43, 44) Sa kabila ng banta ng digmaan, dumagsa sa Jerusalem ang maraming Judio mula sa buong Imperyo ng Roma para sa Paskuwa. Ngayon ay nakulong na sila. Ayon kay Josephus, ang kaawa-awang mga panauhing ito ang bumuo sa kalakhang bilang ng mga namatay noong mangubkob ang mga Romano. * Nang sa wakas ay bumagsak ang Jerusalem, mga sangkapito ng lahat ng Judio sa Imperyo ng Roma ang nasawi. Ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito ay nangahulugan ng pagwawakas ng estado ng mga Judio at ng relihiyosong sistema nito na nakasalig sa Kautusang Mosaiko. *​—Marcos 13:1, 2.

7. Bakit nakaligtas ang tapat na mga Kristiyano sa pagkawasak ng Jerusalem?

7 Noong 70 C.E., maaari sanang napatay o naging alipin ang mga Kristiyanong Judio gaya ng nangyari sa lahat ng nasa Jerusalem. Gayunman, ayon sa ebidensiya ng kasaysayan, sinunod nila ang babala ni Jesus na ibinigay mga 37 taon ang kaagahan. Nilisan nila ang lunsod at hindi na bumalik doon.

Napapanahong mga Babala ng mga Apostol

8. Anong pangangailangan ang nakita ni Pedro, at anong mga salita ni Jesus ang malamang na nasa isip niya?

8 Sa ngayon, isang mas malawak na pagkawasak ang malapit nang maganap, isa na magpapasapit ng wakas sa buong sistemang ito ng mga bagay. Anim na taon bago ang pagkawasak ng Jerusalem, nagbigay si apostol Pedro ng apurahan at napapanahong payo na kumakapit lalo na sa mga Kristiyano sa ating panahon: Manatiling mapagbantay! Nakita ni Pedro na kailangang gisingin ng mga Kristiyano ang kanilang “malinaw na kakayahan sa pag-iisip” upang hindi nila ipagwalang-bahala “ang utos ng Panginoon” na si Jesu-Kristo. (2 Pedro 3:1, 2) Sa paghimok sa mga Kristiyano na maging mapagbantay, malamang na nasa isip ni Pedro ang mga salitang narinig niyang sinabi ni Jesus sa Kaniyang mga apostol mga ilang araw bago Siya mamatay: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.”​—Marcos 13:33.

9. (a) Anong mapanganib na saloobin ang malilinang ng ilan? (b) Bakit lalo nang mapanganib ang isang mapag-alinlangang saloobin?

9 Sa ngayon, mapanuyang itinatanong ng iba: “Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya?” (2 Pedro 3:3, 4) Maliwanag na ipinapalagay ng mga indibiduwal na iyon na wala naman talagang nagbago sa ating kalagayan kundi sa halip ay ganoon pa rin ang situwasyon gaya ng dati mula pa sa paglalang sa sanlibutan. Mapanganib ang gayong pag-aalinlangan. Maaaring pahinain ng mga pag-aalinlangan ang ating pagkadama ng pagkaapurahan, anupat maiimpluwensiyahan tayo na magpakasasa sa ating sariling mga nasa. (Lucas 21:34) Bukod dito, gaya ng binanggit ni Pedro, nalimutan ng gayong mga manunuya ang Baha noong panahon ni Noe, na siyang lumipol sa pandaigdig na sistema ng mga bagay. Talagang nagbago ang daigdig noon!​—Genesis 6:13, 17; 2 Pedro 3:5, 6.

10. Ano ang sinabi ni Pedro upang patibayin ang mga maaaring hindi na makapagtiis?

10 Tinutulungan ni Pedro ang kaniyang mga mambabasa na linangin ang pagtitiis sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa kanila kung bakit madalas na hindi agad kumikilos ang Diyos. Una ay sinabi ni Pedro: “Ang isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.” (2 Pedro 3:8) Yamang nabubuhay si Jehova magpakailanman, maaari niyang isaalang-alang ang lahat ng salik at piliin ang pinakamainam na panahon upang kumilos. Pagkatapos, binanggit ni Pedro ang pagnanais ni Jehova na lahat ng tao ay magsisi. Ang pagtitiis ng Diyos ay nangangahulugan ng kaligtasan para sa maraming tao na posibleng malipol kung siya ay kumilos kaagad. (1 Timoteo 2:3, 4; 2 Pedro 3:9) Subalit ang pagtitiis ni Jehova ay hindi nangangahulugan na hindi na siya kikilos. “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw,” ang sabi ni Pedro.​—2 Pedro 3:10.

11. Ano ang tutulong sa atin upang manatiling gising sa espirituwal, at paano nito ‘pabibilisin,’ wika nga, ang araw ni Jehova?

11 Kapansin-pansin ang paghahambing ni Pedro. Hindi madaling mahuli ang mga magnanakaw, ngunit ang isang bantay na nananatiling gising nang buong magdamag ay mas malamang na makahuli ng magnanakaw kaysa sa isa na umiidlip paminsan-minsan. Paano makapananatiling gising ang isang bantay? Mas madaling maging alisto kapag ang isa ay naglalakad-lakad kaysa sa nakaupo nang buong magdamag. Sa katulad na paraan, ang pananatiling aktibo sa espirituwal ay tutulong sa atin bilang mga Kristiyano na manatiling gising. Kaya hinihimok tayo ni Pedro na manatiling abala sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11) Ang gayong gawain ay tutulong sa atin na patuloy na ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ Ang Griegong salita na isinaling ‘ingatang malapit sa isipan’ ay maaaring literal na isaling “pabilisin.” (2 Pedro 3:12; talababa *) Totoo, hindi natin mababago ang talaorasan ni Jehova. Darating ang kaniyang araw sa itinakdang panahon niya. Ngunit ang panahong lilipas mula ngayon hanggang sa araw na iyon ay waring mas mabilis na lilipas kung tayo ay abala sa paglilingkuran sa kaniya.​—1 Corinto 15:58.

12. Bilang mga indibiduwal, paano tayo makikinabang sa pagtitiis ni Jehova?

12 Kaya ang sinumang nakadarama na ang araw ni Jehova ay naaantala ay pinasisigla na sundin ang payo ni Pedro na maghintay nang may pagtitiis sa itinakdang panahon ni Jehova. Sa katunayan, magagamit natin sa matalinong paraan ang panahong ipinahihintulot ng pagtitiis ng Diyos. Halimbawa, maaari nating patuloy na linangin ang mahahalagang katangiang Kristiyano at ibahagi ang mabuting balita sa marami pang iba na hindi sana makaririnig kung hindi nagtitiis ang Diyos. Kung mananatili tayong gising, masusumpungan tayo ni Jehova na “walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan” pagsapit ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Pedro 3:14, 15) Kaylaking pagpapala nga iyon!

13. Anong mga salita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica ang lalo nang naaangkop sa ngayon?

13 Binanggit din ni Pablo sa kaniyang unang liham sa mga Kristiyano sa Tesalonica ang hinggil sa pangangailangang manatiling gising. Nagpayo siya: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tesalonica 5:2, 6) Sa ngayon, tunay ngang kailangang-kailangan nating gawin iyon yamang papalapit na ang pagkawasak ng pandaigdig na sistemang ito ng mga bagay! Ang mga mananamba ni Jehova ay nabubuhay sa isang sanlibutan na walang anumang interes sa espirituwal na mga bagay, at maaari itong makaapekto sa kanila. Kaya nagpayo si Pablo: “Panatilihin natin ang ating katinuan at isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8) Ang regular na pag-aaral sa Salita ng Diyos at regular na pakikisama sa ating mga kapatid sa mga pulong ay tutulong sa atin na sundin ang payo ni Pablo at panatilihin ang ating pagkadama ng pagkaapurahan.​—Mateo 16:1-3.

Milyun-milyon ang Patuloy na Nagbabantay

14. Anong mga estadistika ang nagpapahiwatig na marami sa ngayon ang sumusunod sa payo ni Pedro na manatiling gising?

14 Marami ba sa ngayon ang sumusunod sa kinasihang pampatibay-loob na manatiling mapagbantay? Oo. Noong 2002 taon ng paglilingkod, isang peak na 6,304,645 mamamahayag​—3.1-porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa 2001​—ang nagbigay ng patotoo sa kanilang pagiging mapagbantay sa espirituwal sa pamamagitan ng paggugol ng 1,202,381,302 oras sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa Kaharian ng Diyos. Para sa kanila, ang gayong gawain ay hindi maliit na bagay lamang. Ito ay pangunahing pitak ng kanilang buhay. Ang saloobin ng marami sa kanila ay inilalarawan nina Eduardo at Noemi sa El Salvador.

15. Anong karanasan mula sa El Salvador ang nagpapakita na marami ang nananatiling mapagbantay sa espirituwal?

15 Mga ilang taon na ang nakalipas, binigyang-pansin nina Eduardo at Noemi ang mga salita ni Pablo: “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Pinasimple nila ang kanilang buhay at pumasok sila sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir. Sa paglipas ng panahon, pinagpala sila sa maraming paraan at nakibahagi pa nga sila sa gawaing pansirkito at pandistrito. Sa kabila ng malulubhang suliranin, kumbinsido sina Eduardo at Noemi na tama ang kanilang desisyon nang isakripisyo nila ang materyal na kaalwanan alang-alang sa buong-panahong paglilingkod. Marami sa 29,269 na mamamahayag​—kasama na ang 2,454 na payunir​—sa El Salvador ang nagpakita ng gayunding espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili, na isang dahilan kung bakit ang bansang iyon ay nagkaroon ng 2-porsiyentong pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag noong nakalipas na taon.

16. Anong saloobin ang ipinakita ng isang kabataang kapatid na lalaki sa Côte d’Ivoire?

16 Sa Côte d’Ivoire, ang gayunding saloobin ay ipinakita ng isang kabataang Kristiyanong lalaki na sumulat sa tanggapang pansangay: “Naglilingkod ako bilang isang ministeryal na lingkod. Ngunit hindi ko masabi sa mga kapatid na sila’y magpayunir habang ako ay hindi nakapagpapakita ng mabuting halimbawa. Kaya iniwan ko ang aking trabaho na may mataas na suweldo at ngayon ay may sarili akong hanapbuhay, na nagbibigay sa akin ng higit na panahon para sa ministeryo.” Ang kabataang lalaking ito ay naging isa sa 983 payunir na naglilingkod sa Côte d’Ivoire, na nag-ulat ng 6,701 mamamahayag noong nakalipas na taon, isang 5-porsiyentong pagsulong.

17. Paano ipinakita ng kabataang Saksi sa Belgium na hindi siya natakot dahil sa pagtatangi?

17 Ang kawalang-pagpaparaya, pagtatangi, at diskriminasyon ay patuloy na nagdudulot ng problema sa 24,961 mamamahayag ng Kaharian sa Belgium. Magkagayunman, sila ay masisigasig at hindi natatakot. Nang marinig ng isang 16-na-taóng gulang na Saksi na ang mga Saksi ni Jehova ay inilarawan bilang isang sekta sa isang klase hinggil sa etika sa paaralan, humingi siya ng permiso na ipaliwanag naman ang panig ng mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng video na Jehovah’s Witnesses​—The Organization Behind the Name at ng brosyur na Jehovah’s Witnesses​—Who Are They?, naipaliwanag niya kung sino talaga ang mga Saksi. Lubhang pinahalagahan ang impormasyon, at nang sumunod na linggo, ang mga estudyante ay binigyan ng pagsusulit na doo’y ang lahat ng mga tanong ay tungkol sa Kristiyanong relihiyon ng mga Saksi ni Jehova.

18. Ano ang patotoo na hindi nagambala ng kahirapan sa kabuhayan ang mga mamamahayag sa Argentina at Mozambique mula sa paglilingkod kay Jehova?

18 Kailangang harapin ng karamihan sa mga Kristiyano ang malulubhang problema sa mga huling araw na ito. Gayunpaman, sinisikap nilang hindi sila magambala nito. Sa kabila ng nabalitang kahirapan sa kabuhayan, nag-ulat ang Argentina ng isang bagong peak na 126,709 na Saksi noong nakalipas na taon. Laganap pa rin ang karukhaan sa Mozambique. Gayunpaman, 37,563 ang nag-ulat na nakibahagi sa gawaing pagpapatotoo, isang 4-porsiyentong pagsulong. Para sa marami, mahirap ang buhay sa Albania, subalit ang bansang iyon ay nag-ulat ng mahusay na pagsulong na 12 porsiyento, anupat naabot ang peak na 2,708 mamamahayag. Maliwanag, ang espiritu ni Jehova ay hindi napipigilan ng mahihirap na kalagayan kapag inuuna ng kaniyang mga lingkod ang mga kapakanan ng Kaharian.​—Mateo 6:33.

19. (a) Ano ang patotoo na marami pa ring tulad-tupang mga tao ang naghahangad ng katotohanan sa Bibliya? (b) Ano pang ibang detalye sa taunang ulat ang nagpapakita na ang mga lingkod ni Jehova ay nananatiling gising sa espirituwal? (Tingnan ang tsart sa pahina 12-15.)

19 Ang katamtamang bilang na 5,309,289 na mga pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig na iniulat buwan-buwan noong nakalipas na taon ay nagpapakita na marami pa ring tulad-tupang mga tao ang naghahangad ng katotohanan sa Bibliya. Ang karamihan sa bagong peak na 15,597,746 na dumalo sa Memoryal ay hindi pa rin aktibong naglilingkod kay Jehova. Patuloy nawa silang sumulong sa kaalaman at sa pag-ibig, kapuwa kay Jehova at sa kapatiran. Kapana-panabik na makita na ang “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” ay patuloy na nagiging mabunga habang naglilingkod sila sa Maylalang “araw at gabi sa kaniyang templo” kasama ng kanilang pinahiran-ng-espiritung mga kapatid.​—Apocalipsis 7:9, 15; Juan 10:16.

Isang Aral Mula kay Lot

20. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Lot at ng kaniyang asawa?

20 Siyempre pa, maging ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay maaaring pansamantalang mawalan ng pagkadama ng pagkaapurahan. Isip-isipin ang pamangkin ni Abraham na si Lot. Nalaman niya mula sa dalawang anghel na dumalaw sa kaniya na wawasakin ng Diyos ang Sodoma at Gomorra. Malamang na hindi nagulat si Lot sa balita, yamang siya ay “lubhang nabagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas.” (2 Pedro 2:7) Gayunman, nang sasamahan na siya ng dalawang anghel papalabas sa Sodoma, siya ay “nagluluwat pa.” Halos kaladkarin ng mga anghel si Lot at ang kaniyang pamilya papalabas sa lunsod. Sa dakong huli, winalang-bahala ng asawa ni Lot ang babala ng mga anghel na huwag lumingon. Ang kaniyang pagwawalang-bahala ang siyang ikinamatay niya. (Genesis 19:14-17, 26) “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot,” ang babala ni Jesus.​—Lucas 17:32.

21. Bakit mahalaga na manatiling gising ngayon higit kailanman?

21 Ang kasakunaan sa Pompeii at Herculaneum at ang mga pangyayari noong panahon ng pagkawasak ng Jerusalem, gayundin ang mga halimbawa noong Baha sa panahon ni Noe at noong panahon ni Lot ay pawang naglalarawan sa kahalagahan ng taimtim na pagsunod sa mga babala. Bilang mga lingkod ni Jehova, nakikita natin ang tanda ng panahon ng wakas. (Mateo 24:3) Humiwalay na tayo sa huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:4) Tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, kailangan nating ‘ingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’ (2 Pedro 3:12) Oo, ngayon higit kailanman, dapat tayong manatiling gising! Anong mga hakbang ang maaari nating gawin, at anong mga katangian ang maaari nating linangin upang manatiling gising? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga bagay na ito.

[Mga talababa]

^ par. 6 Malamang na noong unang siglo, ang mga naninirahan sa Jerusalem ay hindi hihigit sa 120,000. Ayon sa kalkulasyon ni Eusebius, naglakbay ang 300,000 residente mula sa lalawigan ng Judea patungo sa Jerusalem para sa Paskuwa noong 70 C.E. Malamang na ang iba pang mga nasawi ay nagmula sa ibang bahagi ng imperyo.

^ par. 6 Siyempre pa, sa pangmalas ni Jehova, ang Kautusang Mosaiko ay pinalitan na ng bagong tipan noong 33 C.E.​—Efeso 2:15.

^ par. 11 New World Translation of the Holy Scriptures​—With References

Paano Mo Sasagutin?

• Anong kaganapan ang nagpangyari sa mga Kristiyanong Judio na makatakas sa pagkawasak ng Jerusalem?

• Paano tayo tinutulungan ng payo sa mga sulat nina apostol Pedro at Pablo upang manatiling gising?

• Sino sa ngayon ang nagbibigay ng patotoo na sila’y gising na gising?

• Anong aral ang matututuhan natin mula sa ulat hinggil kay Lot at sa kaniyang asawa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 12-15]

ULAT SA 2002 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang publikasyon)

[Larawan sa pahina 9]

Noong 66 C.E., sinunod ng pamayanang Kristiyano sa Jerusalem ang babala ni Jesus

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pananatiling aktibo ay tumutulong sa mga Kristiyano na manatiling gising