“Patuloy Kayong Magbantay”!
“Patuloy Kayong Magbantay”!
“Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.”—Marcos 13:37.
1, 2. (a) Anong aral ang natutuhan ng isang lalaki hinggil sa pagbabantay sa kaniyang ari-arian? (b) Mula sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa isang magnanakaw, ano ang matututuhan natin tungkol sa pananatiling gising?
ITINATAGO ni Juan ang kaniyang mahahalagang ari-arian sa bahay. Inilalagay niya iyon sa ilalim ng kaniyang kama—na sa kaniyang palagay ay ang pinakaligtas na dako sa bahay. Gayunman, isang gabi, habang natutulog silang mag-asawa, pumasok ang isang magnanakaw sa silid-tulugan. Maliwanag na alam na alam ng magnanakaw kung saan maghahanap. Maingat niyang kinuha ang bawat mahalagang bagay sa ilalim ng kama, gayundin ang perang iniwan ni Juan sa drower ng mesang katabi ng kama. Kinaumagahan, natuklasan ni Juan na siya’y ninakawan. Mahihirapan siyang malimutan ang mapait na aral na kaniyang natutuhan: Hindi mababantayan ng natutulog na tao ang kaniyang ari-arian.
2 Totoo rin iyan sa espirituwal na diwa. Hindi natin maiingatan ang ating pag-asa at pananampalataya kapag nakatulog tayo. Kaya nagpayo si Pablo: “Huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.” (1 Tesalonica 5:6) Upang ipakita kung gaano kahalaga ang manatiling gising, ginamit ni Jesus ang ilustrasyon hinggil sa isang magnanakaw. Inilarawan niya ang mga pangyayari na hahantong sa kaniyang pagdating bilang Hukom, at pagkatapos ay nagbabala siya: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Ngunit alamin ninyo ang bagay na ito, na kung nalaman lamang ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pumayag na malooban ang kaniyang bahay. Dahil dito ay maging handa rin kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:42-44) Hindi patiunang sinasabi ng magnanakaw kung kailan siya darating. Umaasa siya na pagdating niya ay walang sinumang nag-aabang sa kaniya. Sa katulad na paraan, gaya ng sinabi ni Jesus, darating ang wakas ng sistemang ito sa ‘oras na hindi natin iniisip.’
“Manatili Kayong Gising, Tumayo Kayong Matatag sa Pananampalataya”
3. Paano ipinakita ni Jesus, sa pamamagitan ng ilustrasyon hinggil sa mga aliping naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa isang kasalan, ang kahalagahan ng pananatiling gising?
3 Sa mga salitang nakaulat sa Ebanghelyo ni Lucas, inihambing ni Jesus ang mga Kristiyano sa mga aliping naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa isang kasalan. Dapat silang manatiling alisto upang sa pagdating niya, sila ay gising at handang salubungin siya. Sa katulad na paraan, sinabi ni Jesus: “Sa oras na hindi ninyo sukat akalain ang Anak ng tao ay darating.” (Lucas 12:40) Maaaring maiwala ng ilan na nakapaglingkod na kay Jehova nang maraming taon ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan may kinalaman sa panahong kinabubuhayan natin. Maaari pa nga silang maghinuha na malayo pa ang wakas. Ngunit maaaring ibaling ng gayong pag-iisip ang ating pansin mula sa espirituwal na mga bagay tungo sa materyal na mga tunguhin, mga panggambala na maaaring magpaantok sa atin sa espirituwal.—Lucas 8:14; 21:34, 35.
4. Anong paniniwala ang gaganyak sa atin na manatiling mapagbantay, at paano ito ipinakita ni Jesus?
4 May makukuha pa tayong aral sa ilustrasyon ni Jesus. Bagaman hindi alam ng mga alipin kung anong oras darating ang kanilang panginoon, maliwanag na alam nila kung anong gabi iyon. Tiyak na mahirap manatiling gising sa buong gabing iyon kung inaakala nilang baka dumating ang kanilang panginoon sa ibang gabi. Pero alam nila kung anong gabi siya darating, at iyan ang nagbigay sa kanila ng matinding insentibo upang manatiling gising. Sa katulad na paraan, maliwanag na isinisiwalat ng mga hula sa Bibliya na nabubuhay tayo sa panahon ng kawakasan; ngunit hindi nito sinasabi sa atin ang mismong araw o oras kung kailan ito magaganap. (Mateo 24:36) Ang ating paniniwala na darating ang wakas ay tumutulong sa atin na manatiling gising, ngunit kung tayo ay talagang kumbinsido na malapit na ang araw ni Jehova, mas magaganyak tayo na maging mapagbantay.—Zefanias 1:14.
5. Paano tayo makatutugon sa payo ni Pablo na ‘manatiling gising’?
5 Sa pagsulat sa mga taga-Corinto, hinimok sila ni Pablo: “Manatili kayong gising, tumayo kayong matatag sa pananampalataya.” (1 Corinto 16:13) Oo, ang pananatiling gising ay nauugnay sa ating pagkakaroon ng matatag na katayuan sa pananampalatayang Kristiyano. Paano tayo makapananatiling gising? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malalim na kaalaman sa Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:14, 15) Ang mabubuting kaugalian sa personal na pag-aaral at regular na pagdalo sa mga pulong ay nakatutulong sa pagpapatibay ng ating pananampalataya, at ang laging pagsasaisip na malapit na ang araw ni Jehova ay isang mahalagang aspekto ng ating pananampalataya. Kaya ang pagrerepaso natin paminsan-minsan sa maka-Kasulatang patotoo na nabubuhay na tayo sa panahong malapit na ang wakas ng sistemang ito ay tutulong sa atin na hindi malimutan ang mahahalagang katotohanan hinggil sa darating na wakas na iyon. * Makabubuti ring subaybayan ang nagaganap na mga pangyayari sa daigdig na tumutupad sa hula ng Bibliya. Sumulat ang isang kapatid na lalaki mula sa Alemanya: “Sa tuwing manonood ako ng balita—mga digmaan, lindol, karahasan, at ang pagpaparumi sa ating planeta—ikinikintal nito sa akin na malapit na ang wakas.”
6. Sa anong paraan inilarawan ni Jesus ang tendensiya na makatulog sa espirituwal habang lumilipas ang panahon?
6 Sa Marcos kabanata 13, masusumpungan natin ang isa pang ulat hinggil sa payo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manatili silang gising. Ayon sa kabanatang ito, inihambing ni Jesus ang kanilang kalagayan sa isang bantay-pinto na naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang panginoon mula sa paglalakbay sa ibang bansa. Hindi alam ng bantay-pinto ang oras ng pagbabalik ng kaniyang panginoon. Basta kailangan siyang patuloy na magbantay. Tinukoy ni Jesus ang apat na iba’t ibang yugto ng pagbabantay kung kailan maaaring dumating ang panginoon. Ang ikaapat na pagbabantay ay mula alas-tres ng madaling-araw hanggang sa pagsikat ng araw. Sa huling pagbabantay na iyon, maaaring madaling madaig ng antok ang bantay-pinto. Ayon sa ulat, itinuturing ng mga sundalo na ang pinakamagandang oras upang sumalakay sa kaaway nang di-inaasahan ay bago magbukang-liwayway. Gayundin naman, sa huling yugtong ito ng panahon, kung kailan ang sanlibutan sa palibot natin ay mahimbing na natutulog sa espirituwal na diwa, maaari tayong mapaharap sa ating pinakapuspusang pakikipagpunyagi upang manatiling gising. (Roma 13:11, 12) Kaya sa kaniyang ilustrasyon ay paulit-ulit na hinihimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising . . . Kaya nga patuloy kayong magbantay . . . Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.”—Marcos 13:32-37.
7. Anong tunay na panganib ang umiiral, at anong pampatibay-loob ang madalas na mababasa natin sa Bibliya dahil dito?
7 Noong panahon ng kaniyang ministeryo at pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, maraming beses na nanghimok si Jesus na maging mapagbantay. Sa katunayan, halos sa bawat pagkakataon na tinutukoy ng Kasulatan ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay masusumpungan natin ang babalang manatiling gising o patuloy na magbantay. * (Lucas 12:38, 40; Apocalipsis 3:2; 16:14-16) Maliwanag na ang espirituwal na pagkaantok ay isa talagang tunay na panganib. Kailangan nating lahat ang mga babalang iyon!—1 Corinto 10:12; 1 Tesalonica 5:2, 6.
Tatlong Apostol na Hindi Makapanatiling Gising
8. Sa hardin ng Getsemani, paano tumugon ang tatlong apostol ni Jesus sa kaniyang hiling na patuloy silang magbantay?
8 Hindi lamang mabubuting intensiyon ang kailangan upang manatiling gising, gaya ng makikita natin sa halimbawa nina Pedro, Santiago, at Juan. Silang tatlo ay espirituwal na mga lalaki na matapat na sumunod kay Jesus at may masidhing pagmamahal sa kaniya. Gayunman, noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., hindi sila nanatiling gising. Pagkatapos lisanin ang silid sa itaas kung saan ipinagdiwang nila ang Paskuwa, sinamahan ng tatlong apostol si Jesus sa hardin ng Getsemani. Doon ay sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan. Manatili kayo rito at patuloy na magbantay na kasama ko.” (Mateo 26:38) Tatlong beses na marubdob na nanalangin si Jesus sa kaniyang makalangit na Ama, at tatlong beses siyang bumalik sa kaniyang mga kaibigan, na nasumpungan niyang natutulog.—Mateo 26:40, 43, 45.
9. Ano ang malamang na dahilan ng pagkaantok ng mga apostol?
9 Bakit binigo ng tatlong tapat na lalaking ito si Jesus noong gabing iyon? Isang salik ang pisikal na pagkapagod. Gabing-gabi na noon, marahil ay lampas na ng hatinggabi, at ang “kanilang mga mata ay mabigat” dahil sa pagkaantok. (Mateo 26:43) Gayunman, sinabi ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso. Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”—Mateo 26:41.
10, 11. (a) Sa kabila ng kaniyang kapaguran, ano ang tumulong kay Jesus upang patuloy na magbantay sa hardin ng Getsemani? (b) Ano ang matututuhan natin sa nangyari sa tatlong apostol nang hilingin ni Jesus sa kanila na patuloy na magbantay?
10 Walang alinlangan, pagód na rin si Jesus noong napakahalagang gabing iyon. Subalit sa halip na matulog, ginugol niya ang huling mahahalagang sandaling iyon ng kalayaan upang marubdob na manalangin. Ilang araw bago nito, hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin, na sinasabi: “Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:36; Efeso 6:18) Kung pakikinggan natin ang payo ni Jesus at susundin ang kaniyang mainam na halimbawa hinggil sa pananalangin, ang ating taos-pusong mga pagsusumamo kay Jehova ay tutulong sa atin na manatiling gising sa espirituwal.
11 Siyempre pa, naunawaan ni Jesus—na hindi pa batid ng kaniyang mga alagad noong panahong iyon—na di-magtatagal at aarestuhin siya at hahatulan ng kamatayan. Ang mga pagsubok sa kaniya ay hahantong sa napakasakit na kasukdulan sa pahirapang tulos. Binabalaan na ni Jesus ang kaniyang mga apostol hinggil sa mga bagay na ito, ngunit hindi nila naunawaan ang kaniyang sinabi. Kaya, nakatulog sila samantalang nananatili siyang gising at nananalangin. (Marcos 14:27-31; Lucas 22:15-18) Gaya ng mga apostol, ang ating laman ay mahina rin at may mga bagay na hindi pa natin nalalaman. Gayunpaman, kapag hindi natin nauunawaan ang pagkaapurahan ng panahong kinabubuhayan natin, maaari tayong makatulog sa espirituwal na diwa. Mananatili lamang tayong gising kung tayo ay magiging mapagbantay.
Tatlong Mahahalagang Katangian
12. Anong tatlong katangian ang iniuugnay ni Pablo sa pagpapanatili ng ating katinuan?
12 Paano natin mapananatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan? Nakita na natin ang kahalagahan ng panalangin at ang pangangailangan na laging isaisip ang araw ni Jehova. Karagdagan pa, binanggit ni Pablo ang tatlong mahahalagang katangian na dapat nating linangin. Sinabi niya: “Kung para sa atin na nauukol sa araw, panatilihin natin ang ating katinuan at isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8) Isaalang-alang natin sa maikli ang papel ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa pananatili nating gising sa espirituwal.
13. Anong papel ang ginagampanan ng pananampalataya sa pananatili nating mapagbantay?
13 Dapat na mayroon tayong di-natitinag na pananampalataya na si Jehova ay umiiral at na “siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang unang katuparan ng hula ni Jesus na naganap noong unang siglo hinggil sa wakas ay nagpapatibay ng ating pananampalataya sa mas malaking katuparan nito sa ating panahon. At pinananatili ng ating pananampalataya ang pananabik natin sa araw ni Jehova, anupat nakatitiyak na “[ang makahulang pangitain] ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—Habakuk 2:3.
14. Gaano kahalaga ang pag-asa upang manatili tayong gising?
14 Ang ating tiyak na pag-asa ay kagaya ng isang “angkla para sa kaluluwa” na nagpapangyari sa atin na mabata ang mahihirap na kalagayan kahit na kailangan tayong maghintay sa tiyak na katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Hebreo 6:18, 19) Ganito ang inamin ni Margaret, isang pinahiran-ng-espiritung kapatid na babae na mahigit nang 90 taon ang gulang at nabautismuhan mga 70 taon na ang nakalilipas: “Nang mamamatay na ang mister ko dahil sa kanser noong 1963, nadama ko na talagang magiging masaya kung mabilis na darating ang kawakasan. Ngunit natatanto ko ngayon na mas iniisip ko ang sarili kong kapakanan. Wala kaming kaalam-alam noon kung hanggang saan aabot ang gawain sa buong daigdig. Maging sa ngayon, marami pa ring lugar na doo’y nagsisimula pa lamang ang gawain. Kaya natutuwa ako na nagtitiis si Jehova.” Tinitiyak sa atin ni apostol Pablo: “Ang pagbabata [ay nagbubunga] ng sinang-ayunang kalagayan; ang sinang-ayunang kalagayan naman, ng pag-asa, at ang pag-asa ay hindi umaakay sa kabiguan.”—Roma 5:3-5.
15. Paano tayo pinakikilos ng pag-ibig bagaman waring matagal na tayong naghihintay?
15 Ang Kristiyanong pag-ibig ay isang namumukod-tanging katangian sapagkat ito ang pangunahing motibo sa lahat ng ginagawa natin. Naglilingkod tayo kay Jehova dahil iniibig natin siya, anuman ang talaorasan niya sa mga bagay-bagay. Pinakikilos tayo ng pag-ibig sa kapuwa na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, gaanuman katagal na loobin ng Diyos na gawin natin ito at gaanuman karaming beses tayong bumalik sa iyon at iyon ding mga bahay. Gaya ng isinulat ni Pablo, “nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.” (1 Corinto 13:13) Pinakikilos tayo ng pag-ibig na patuloy na magbata at tinutulungan tayo nito na manatiling gising. “Inaasahan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:7, 8.
“Patuloy Mong Panghawakang Mahigpit ang Iyong Taglay”
16. Sa halip na magmabagal, anong saloobin ang kailangan nating linangin?
16 Nabubuhay tayo sa mahahalagang panahon kung saan patuloy na ipinaaalaala sa atin ng mga pangyayari sa daigdig na tayo ay nasa huling bahagi na ng mga huling araw. (2 Timoteo 3:1-5) Hindi ngayon ang panahon upang magmabagal kundi sa halip ay ‘patuloy na panghawakang mahigpit ang ating taglay.’ (Apocalipsis 3:11) Sa pamamagitan ng pagiging “mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin” at sa pamamagitan ng paglinang ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, magiging handa tayo sa oras ng pagsubok. (1 Pedro 4:7) Marami tayong ginagawa sa gawain ng Panginoon. Ang pagiging abala sa mga gawa ng makadiyos na debosyon ang tutulong sa atin na manatiling gising na gising.—2 Pedro 3:11.
17. (a) Bakit hindi dapat manghina ang ating loob dahil sa paminsan-minsang pagkasiphayo? (Tingnan ang kahon sa pahina 21.) (b) Paano natin matutularan si Jehova, at anong pagpapala ang naghihintay sa mga gagawa nito?
17 “Si Jehova ang aking bahagi,” ang sulat ni Jeremias, “kaya naman ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa kaniya. Mabuti si Jehova doon sa umaasa sa kaniya, sa kaluluwang patuloy na humahanap sa kaniya. Mabuti sa isa ang maghintay, nang tahimik nga, sa pagliligtas ni Jehova.” (Panaghoy 3:24-26) Ang ilan sa atin ay maikling panahon pa lamang na naghihintay. Ang iba naman ay maraming taon nang naghihintay upang makita ang pagliligtas ni Jehova. Subalit napakaikli ng paghihintay na ito kung ihahambing sa walang-hanggang kinabukasan! (2 Corinto 4:16-18) At habang hinihintay natin ang takdang panahon ni Jehova, maaari nating linangin ang mahahalagang Kristiyanong katangian at tulungan ang iba na samantalahin ang pagtitiis ni Jehova at tanggapin ang katotohanan. Kung gayon, tayong lahat nawa ay patuloy na magbantay. Tularan nawa natin si Jehova at maging matiisin at mapagpasalamat sa pag-asang ibinigay niya sa atin. At habang may-katapatan tayong nananatiling mapagbantay, patuloy nawa tayong manghawakang mahigpit sa pag-asang buhay na walang hanggan. Kung magkagayon, tiyak na matutupad sa atin ang makahulang mga pangakong ito: “Itataas ka [ni Jehova] upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”—Awit 37:34.
[Mga talababa]
^ par. 5 Makabubuting repasuhin ang anim na patotoo na nagpapahiwatig na nabubuhay tayo sa “mga huling araw” na nakabalangkas sa pahina 12-13 ng Enero 15, 2000, isyu ng Ang Bantayan.—2 Timoteo 3:1.
^ par. 7 Hinggil sa Griegong pandiwa na isinaling ‘manatiling gising,’ ipinaliwanag ng leksikograpong si W. E. Vine na ito ay literal na nangangahulugang ‘itaboy ang pagkaantok,’ at “ipinahihiwatig [nito] hindi lamang ang pagiging gising, kundi ang pagiging mapagbantay niyaong mga may hinihintay.”
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natin mapatitibay ang ating paniniwala na malapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay?
• Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa nina Pedro, Santiago, at Juan?
• Anong tatlong katangian ang tutulong sa atin na manatiling mapagbantay sa espirituwal?
• Bakit ito ang panahon upang ‘patuloy na panghawakang mahigpit ang ating taglay’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
“Maligaya Siya na Patuloy na Naghihintay.”—Daniel 12:12
Gunigunihin na may hinala ang isang bantay na may nagpaplanong magnakaw sa lugar na binabantayan niya. Pagsapit ng gabi, matamang nakikinig ang bantay sa anumang ingay na maaaring magpahiwatig na may magnanakaw. Bawat oras ay puspusan siyang nakikinig at nagmamasid. Madaling maunawaan kung paano siya madaling malinlang ng mga sanhi ng maling akala—ang pagaspas ng mga puno dahil sa bugso ng hangin o isang pusa na may natabig na bagay.—Lucas 12:39, 40.
Gayundin ang maaaring mangyari sa mga ‘nananabik na naghihintay sa pagkakasiwalat ng ating Panginoong Jesu-Kristo.’ (1 Corinto 1:7) Inakala ng mga apostol na ‘isasauli ni Jesus ang kaharian sa Israel’ di-magtatagal pagkatapos siyang buhaying-muli. (Gawa 1:6) Pagkalipas ng maraming taon, kinailangang paalalahanan ang mga Kristiyano sa Tesalonica na ang pagkanaririto ni Jesus ay magaganap pa sa hinaharap. (2 Tesalonica 2:3, 8) Gayunman, hindi iniwan ng sinaunang mga tagasunod na iyon ni Jesus ang landasing patungo sa buhay dahil sa maling akala hinggil sa araw ni Jehova.—Mateo 7:13.
Sa ating panahon, ang pagkasiphayo hinggil sa waring mga pagkaantala ng pagdating ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay hindi dapat magpahinto sa ating pagiging mapagbantay. Ang isang alistong bantay ay maaaring malinlang ng maling akala, ngunit dapat siyang patuloy na magbantay! Trabaho niya iyon. Ganiyan din sa mga Kristiyano.
[Larawan sa pahina 18]
Kumbinsido ka ba na malapit na ang araw ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 19]
Tinutulungan tayo ng mga pulong, panalangin, at mabubuting kaugalian sa pag-aaral upang patuloy na magbantay
[Larawan sa pahina 22]
Gaya ni Margaret, aktibo nawa tayong magbantay nang patuluyan at may pagtitiis