Pinagpala ang Kaniyang Pagtitiyaga
Pinagpala ang Kaniyang Pagtitiyaga
Maraming indibiduwal na matuwid ang puso ang nagnanais na matutuhan sana ng kanilang mga minamahal ang mga layunin ng Diyos at sa gayo’y magkaroon ng maligayang buhay. Kapag inialay ng isa ang kaniyang sarili sa Diyos, malamang na ang iba, bata man o matanda, ay may naitulong sa matalinong pasiyang iyon sa pamamagitan ng kanilang mabuting paggawi. Ganiyan ang karanasan ni Jearim, isang dalagita sa Mexico, na siyang nagbigay ng sumusunod na maikling liham sa isang pantanging araw ng asamblea ng mga Saksi ni Jehova:
“Nais kong ibahagi sa inyo ang aking kagalakan at kaligayahan. Hayaan po ninyong sabihin ko sa inyo ang dahilan. Labingwalong taon na ang nakalilipas, nang hindi pa po ako naisisilang, nalaman ng aking mga magulang ang katotohanan. Sumulong ang aking ina, at nang maglaon ang aking kapatid na lalaki at pagkatapos ay ako rin. Sama-sama kaming nananalangin noon kay Jehova na sana ay tahakin din ng aking ama ang landas ng buhay. Labingwalong taon na ang lumipas, at ang araw na ito ay isang lubhang natatanging araw para sa amin. Mababautismuhan na ang aking ama. Nagpapasalamat ako kay Jehova na hindi niya pinasapit ang wakas bago dumating ang sandaling ito na matagal na naming hinihintay. Salamat po, Jehova!”
Sa loob ng maraming taon, tiyak na isinaisip ng pamilya ng dalagitang ito ang mga simulaing ipinahahayag ng kinasihang payo sa 1 Pedro 3:1, 2, na nagsasabi: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” At tiyak na ikinapit ng kabataang si Jearim ang pananalita sa Deuteronomio 5:16: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.” Ang pagkakapit sa gayong mga simulain at ang matiyagang paghihintay kay Jehova ay walang-alinlangang nagdulot ng mga pagpapala kay Jearim at sa kaniyang pamilya.