Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tama Ka, Ang Sarap Ngang Mabuhay!”

“Tama Ka, Ang Sarap Ngang Mabuhay!”

“Tama Ka, Ang Sarap Ngang Mabuhay!”

GUSTO mo bang malaman ang tunay na kahulugan ng buhay? Tinulungan ng labingwalong-taóng-gulang na si Magdalena, isang Saksi ni Jehova na nakatira sa Szczecin, Poland, ang kaniyang kaklase sa haiskul na si Katarzyna na gawin mismo ang gayon. Hayagang ipinahayag ni Katarzyna na isa siyang ateista, subalit nang kausapin siya ni Magdalena hinggil sa Bibliya, nagpakita siya ng tunay na interes.

Bagaman nagustuhan ni Katarzyna ang sinabi sa kaniya ni Magdalena mula sa Bibliya, hindi niya ito lubusang matanggap. Habang nakikipag-usap siya kay Magdalena hinggil sa tunay na mga kaibigan, minsan ay nasabi ni Katarzyna: “May Bibliya ka; alam mo kung anong mga simulain ang susundin at kung saan makahahanap ng mga kaibigan. Subalit paano naman ang mga taong hindi pa kayang tanggapin ngayon ang mga simulaing iyan?”

Nagkaroon ng malaking pagbabago nang maglakbay si Katarzyna patungong London, Inglatera. Dinalaw niya ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon, at naantig siya sa kabaitang ipinakita sa kaniya. Ang mga simpleng paggawi na gaya ng pagbubukas ng pinto para sa kaniya at pagpapakita ng tunay na interes sa sinasabi niya ay nakaakit sa kaniya.

Nang magsimula ang panibagong taon ng pag-aaral sa paaralan noong Setyembre 2001, nagpasiya si Katarzyna na tanggapin ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Sumusulong ang kaniyang pagpapahalaga sa mga simulain ng Bibliya at sinimulan na niyang ikapit ang mga ito sa kaniyang araw-araw na pamumuhay. Kamakailan, ganito ang ipinagtapat niya kay Magdalena: “Pakiramdam ko’y nagsisimula akong magpanibagong buhay.” Pinadalhan din niya ng maikling voice message si Magdalena sa pamamagitan ng cellular phone: “Maraming salamat sa ating pag-aaral ngayon! Tama ka, ang sarap ngang mabuhay! Talagang nakalulugod na malaman kung sino ang dapat nating pasalamatan sa bagay na iyan.”