Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—May Epekto ang Salita ng Diyos
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—May Epekto ang Salita ng Diyos
KUNG nakilala mo si Tony noong bago pa lamang siya nagtin-edyer, ang makikita mo ay isang magaspang kumilos at marahas na binatilyo na madalas magpunta sa masasamang distrito ng Sydney, Australia. Itinuturing niyang mga kaibigan ang mga miyembro ng mga gang. Kadalasan ay nasasangkot sila sa mga nakawan, awayan ng mga gang, at barilan sa lansangan.
Nagsimulang manigarilyo si Tony sa edad na siyam. Pagsapit niya sa edad na 14, regular na siyang gumagamit ng marihuwana at namumuhay nang imoral. Nang siya ay 16 na taóng gulang na, sugapa na siya sa heroin, at umakay ito sa paggamit niya ng cocaine, LSD—“sa katunayan, anumang makapagpapahibang sa akin,” ang paliwanag ni Tony. Nang maglaon ay nakipagkalakalan siya ng droga sa dalawang kilaláng sindikato ng mga kriminal. Di-nagtagal ay nakilala si Tony bilang isa sa pinakamaaasahang tagasuplay ng droga sa silangang baybayin ng Australia.
Si Tony ay gumagastos ng mga $160 (U.S.) hanggang $320 (U.S.) araw-araw sa kaniyang bisyo sa heroin at marihuwana. Subalit hindi lamang diyan nagdurusa ang kaniyang pamilya. “Kaming mag-asawa,” ang sabi niya, “ay maraming beses nang tinutukan ng mga shotgun at patalim sa mukha dahil hinahanap ng mga kriminal ang mga droga at pera na taglay namin sa aming tirahan.” Makaraang mabilanggo nang tatlong beses, napilitang pag-isipan ni Tony ang direksiyon ng kaniyang buhay.
Bagaman dati siyang nagsisimba, nadama ni Tony na malayo siya sa isang Diyos na sinasabing nagpaparusa sa mga makasalanan sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila nang walang hanggan sa impiyerno. Subalit nang dalawin siya ng dalawang Saksi ni Jehova, nagulat si Tony nang malaman niya na hindi pala ganoon ang Diyos. At natuwa si Tony na maitutuwid pala niya ang kaniyang buhay at matatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Si Tony ay pinakilos ng sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:27) Lalo nang naantig si Tony sa nakapagpapasiglang mga salitang: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Napaharap naman ngayon si Tony sa hamon na baguhin ang kaniyang buhay upang makasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya. Sinabi niya: “Ang unang naihinto ko ay ang paninigarilyo, isang bagay na hindi ko magawa noon, bagaman maraming beses ko na itong tinangkang gawin. Dahil sa lakas mula kay Jehova, naihinto ko ang paggamit ng heroin at marihuwana, mga bisyo sa droga na umalipin sa akin sa nakaraang 15 taon. Hindi ko kailanman inakala na posibleng ihinto ang mga bisyong ito.”
Sa halip na matakot sa isang Diyos na walang-hanggang nagpapahirap sa mga tao sa impiyerno—isang doktrinang hindi matatagpuan saanman sa Bibliya—tinanggap ni Tony at ng kaniyang asawa ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:21) “Kinailangan ko ang malaking panahon at puspusang pagsisikap upang maiayon ko ang aking buhay sa mga pamantayan ng Diyos,” ang pag-amin ni Tony, “ngunit dahil sa pagpapala ni Jehova ay nagtagumpay ako.”
Oo, ang dating sugapang ito sa droga ay naging isang Kristiyano. Silang mag-asawa ay gumugugol ng Hebreo 4:12.
libu-libong oras sa gawaing pagtuturo ng Bibliya, anupat kusang-loob na ginagamit ang kanilang panahon at mga pag-aari. Abala rin sila sa pagpapalaki sa kanilang dalawang anak na may takot sa Diyos. Ang malaking pagbabagong ito ay naisagawa sa pamamagitan ng di-mahahadlangang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa katunayan, gaya ng sabi ni apostol Pablo, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—Sa kabila ng gayong nakapagpapatibay na mga halimbawa, walang-katuwirang iginigiit ng ilan na ang salig-Bibliyang gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova ay nagwawasak ng mga pamilya at sumisira ng kapaki-pakinabang na mga simulain ng mga kabataan. Walang-pagsalang pinasisinungalingan ng karanasan ni Tony ang gayong paggigiit.
Gaya ni Tony, natutuhan ng marami na maaaring panagumpayan ang nakamamatay na mga pagkasugapa. Paano? Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at pananalig sa kaniya at sa kaniyang Salita, gayundin sa pamamagitan ng suporta ng nagmamalasakit at maibiging mga kasamahang Kristiyano. Maligayang nagtapos si Tony sa ganitong pananalita: “Nakita ko kung paano ipinagsasanggalang ng mga simulain ng Bibliya ang aking mga anak. Iniligtas ng mga turo ng Bibliya ang aking pag-aasawa. At ngayon ay mas madali nang nakakatulog ang aking mga kapitbahay dahil hindi na ako isang banta sa kanila.”
[Blurb sa pahina 9]
‘Dahil sa lakas mula kay Jehova, naihinto ko ang isang bisyo sa droga na umalipin sa akin sa loob ng 15 taon’
[Kahon sa pahina 9]
May Epekto ang mga Simulain ng Bibliya
Iba’t ibang simulain ng Bibliya ang tumulong sa maraming sugapa sa droga na huminto sa nakapagpapahinang bisyong ito. Kabilang sa mga simulaing ito ang mga sumusunod:
“Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Ang paggamit ng droga ay labag sa kautusan ng Diyos.
“Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” (Kawikaan 9:10) Ang pagpipitagan kay Jehova salig sa tumpak na kaalaman sa kaniya at sa kaniyang mga daan ay nakatutulong sa marami na makalaya mula sa impluwensiya ng droga.
“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Ang mapangwasak na mga bisyo ay maaaring ihinto sa pamamagitan ng taos-pusong pagtitiwala sa Diyos at lubos na pananalig sa kaniya.