Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inalaala ang Pinatay na mga Saksi ni Jehova

Inalaala ang Pinatay na mga Saksi ni Jehova

Inalaala ang Pinatay na mga Saksi ni Jehova

NOONG Marso 7, 2002, inalisan ng talukbong ang isang alaalang plake sa bayan ng Körmend sa kanlurang bahagi ng Hungary. Inalaala nito ang kamatayan ng tatlong Saksi ni Jehova na pinaslang ng mga Nazi noong 1945.

Nakakabit ang plake sa pader ng kasalukuyang punong-tanggapan ng kagawaran ng pamatay-sunog sa Hunyadi Road, kung saan naganap ang mga pagpatay sa harap ng publiko. Inialay ang plake bilang pag-alaala sa ‘mga Kristiyanong pinatay bilang mga taong tumangging magsundalo dahil sa budhi noong Marso 1945. Sina Antal Hőnisch (1911-​1945), Bertalan Szabó (1921-​1945), János Zsondor (1923-​1945), 2002, mga Saksi ni Jehova.’

Inilapat ang parusang kamatayan dalawang buwan lamang bago matapos ang Digmaang Pandaigdig II. Bakit pinatay ang mga Kristiyanong ito? Ganito ang paliwanag ng pahayagan sa Hungary na Vas Népe: “Nang humawak ng kapangyarihan si Hitler sa Alemanya, hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang mga tapat na Saksi ni Jehova ang naging puntirya ng pag-uusig at pagpapahirap, [pagpapatapon] sa mga kampong piitan at pagpatay kung hindi nila itatakwil ang kanilang relihiyosong paninindigan. . . . Noong Marso 1945, ganap na nangibabaw ang karahasan sa kanlurang bahagi ng Hungary. . . . Bahagi ng karahasang ito ang pagpapatapon at pagpatay sa mga miyembro ng mga Saksi ni Jehova.”

Hinati sa dalawang bahagi ang programa na may kaugnayan sa plake. Ang unang bahagi ay ginanap sa teatro ng Batthyány Castle, kung saan kabilang sa mga tagapagsalita si Propesor Szabolcs Szita, pinuno ng Holocaust Documentation Center sa Budapest; si László Donáth, miyembro ng Parliament’s Committee for Human Rights, Minority and Religious Affairs; at si Kálmán Komjáthy, isa sa mga nakasaksi sa mga pagpatay, na ngayon ay istoryador ng bayan sa lugar na iyon. Ang mahigit na 500 katao na dumalo ay nagtungo sa bayan para sa ikalawang bahagi ng programa​—ang pag-aalis sa talukbong ng plake, na isinagawa ng alkalde ng Körmend na si József Honfi.

Sa kaniyang liham ng pamamaalam, hinimok ni Ján Žondor (János Zsondor) ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid na huwag magdalamhati. Sumulat siya: “Nasa isipan ko pa rin ang mga salita ni Juan na masusumpungan sa Apocalipsis 2:10: ‘Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan.’ . . . Pakisabi sa pamilya ko na huwag magdalamhati, sapagkat namatay ako dahil sa katotohanan at hindi bilang kriminal.”

[Larawan sa pahina 32]

Bertalan Szabó

[Larawan sa pahina 32]

Antal Hőnisch

[Larawan sa pahina 32]

Ján Žondor