Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kasuwato ba ng mga simulain sa Kasulatan na ipatong ng isang Kristiyano ang kaniyang kamay sa Bibliya at manumpa na sasabihin niya ang buong katotohanan sa hukuman?
Ang bawat indibiduwal ay dapat na personal na magpasiya sa bagay na ito. (Galacia 6:5) Gayunman, hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang panunumpa upang sabihin ang katotohanan sa hukuman.
Ang panunumpa ay matagal nang isang laganap na kaugalian. Halimbawa, noong sinaunang panahon, ang mga Griego ay nagtataas ng kamay sa langit o humahawak sa isang altar habang nanunumpa. Kapag ang isang Romano ay nanumpa na magsasabi ng katotohanan sa hukuman, siya ay may hawak na bato at nagsasabi ng ganito: “Kung sasadyain kong manlinlang, samantalang inililigtas niya ang lunsod at ang kuta, itapon nawa ako [ng diyos na si] Jupiter mula sa lahat ng mabuti, kung paanong itatapon ko ang batong ito.”—Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, nina John McClintock at James Strong, Tomo VII, pahina 260.
Ang gayong mga paggawi ay nagpapahiwatig na nakahilig ang sangkatauhan na kilalanin ang pag-iral ng isang diyos na nagmamasid sa mga tao at pagsusulitan nila. Mula pa noong sinaunang panahon, natatanto na ng tunay na mga mananamba ni Jehova na alam niya kung ano ang sinasabi at ginagawa nila. (Kawikaan 5:21; 15:3) Nanunumpa sila sa harap ng Diyos, wika nga, o siya ay nagsisilbing saksi nila. Halimbawa, ginawa ito nina Boaz, David, Solomon, at Zedekias. (Ruth 3:13; 2 Samuel 3:35; 1 Hari 2:23, 24; Jeremias 38:16) Hinahayaan din ng mga mananamba ng tunay na Diyos na papanumpain sila ng iba. Ganiyan ang nangyari kay Abraham at kay Jesu-Kristo.—Genesis 21:22-24; Mateo 26:63, 64.
Kung minsan, iginagalaw ng isang taong nanunumpa sa harap ni Jehova ang kaniyang kamay. Sinabi ni Abram (Abraham) sa hari ng Sodoma: “Itinataas ko ang aking kamay bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maygawa ng langit at lupa.” (Genesis 14:22) Ang isang anghel na nakikipag-usap sa propetang si Daniel ay ‘nagtaas ng kaniyang kanang kamay at ng kaniyang kaliwang kamay sa langit at sumumpa sa pamamagitan ng Isa na buháy sa panahong walang takda.’ (Daniel 12:7) Maging ang Diyos ay tinutukoy na makasagisag na nagtataas ng kaniyang kamay sa panunumpa.—Deuteronomio 32:40; Isaias 62:8.
Hindi ipinagbabawal ng Kasulatan ang panunumpa. Gayunman, ang isang Kristiyano ay hindi na kailangang manumpa upang patunayan ang bawat sinasabi niya. Sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:33-37) Katulad ito ng sinabi ng alagad na si Santiago. Nang sabihin niyang “huwag na kayong sumumpa,” nagbababala siya laban sa di-seryosong panunumpa. (Santiago 5:12) Hindi sinabi ni Jesus o ni Santiago na mali ang manumpa upang sabihin ang katotohanan sa hukuman.
Kung gayon, paano kung hilingang manumpa ang isang Kristiyanong nasa hukuman na tunay ang kaniyang patotoo? Baka madama niya na maaari siyang manumpa nang gayon. Kung hindi naman, maaari siyang pahintulutang magbigay ng patunay na hindi siya nagsisinungaling.—Galacia 1:20.
Kapag ang pamamaraan sa silid-hukuman ay nagsasangkot ng alinman sa pagtataas ng kamay o pagpapatong ng kamay sa Bibliya kapag nanunumpa, maaaring magpasiyang sumunod ang isang Kristiyano. Baka nasa isip niya ang maka-Kasulatang mga halimbawa ng paggalaw ng kamay kapag nanunumpa. Para sa isang Kristiyano, ang mas mahalaga kaysa sa anumang paggalaw ng kamay kapag nanunumpa ay ang pag-alaala niya na nanunumpa siya sa harap ng Diyos na magsasabi siya ng katotohanan. Ang gayong sumpa ay isang seryosong bagay. Kung nadarama ng isang Kristiyano na maaari at dapat niyang sagutin ang tanong na ibinangon sa kaniya sa gayong mga kalagayan, dapat niyang isaisip na nasa ilalim siya ng sumpa na magsasabi ng katotohanan, na sabihin pa ay siya namang nais sabihin ng isang Kristiyano sa lahat ng panahon.