Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?

Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?

Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?

“Ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi na kayo, at magkaroon kayo ng pananampalataya sa mabuting balita.”​—MARCOS 1:15.

1, 2. Paano mo ipaliliwanag ang Marcos 1:14, 15?

NOON ay taóng 30 C.E. Nagsimula na si Jesu-Kristo sa kaniyang napakahalagang ministeryo sa Galilea. Ipinangangaral niya “ang mabuting balita ng Diyos,” at maraming taga-Galilea ang napakilos sa kaniyang sinabi: “Ang takdang panahon ay natupad na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi na kayo, at magkaroon kayo ng pananampalataya sa mabuting balita.”​—Marcos 1:14, 15.

2 Dumating na “ang takdang panahon” para pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo at para gumawa ang mga tao ng pasiya na magdudulot sa kanila ng pagsang-ayon ng Diyos. (Lucas 12:54-56) “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na” dahil naroroon na si Jesus bilang Hinirang na Hari. Ang kaniyang gawaing pangangaral ay nagpakilos sa mga taong may matuwid na puso na magsisi. Subalit paano sila nagpamalas​—at paano tayo magpapamalas​—ng “pananampalataya sa mabuting balita”?

3. Paano ipinakita ng mga tao na may pananampalataya sila sa mabuting balita?

3 Gaya ni Jesus, hinimok ni apostol Pedro na magsisi ang mga tao. Ganito ang sinabi ni Pedro nang kausap niya ang mga Judio sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Libu-libo ang nagsisi, nagpabautismo, at naging mga tagasunod ni Jesus. (Gawa 2:38, 41; 4:4) Noong 36 C.E., gayundin ang ginawa ng nagsising mga Gentil. (Gawa 10:1-48) Sa panahon natin, ang pananampalataya sa mabuting balita ay nagpapakilos sa libu-libo na magsisi sa kanilang mga kasalanan, mag-alay sa Diyos, at magpabautismo. Tinatanggap nila ang mabuting balita ng kaligtasan at nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Bukod diyan, nagsasagawa sila ng katuwiran at naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos.

4. Ano ang pananampalataya?

4 Subalit ano ba ang pananampalataya? Sumulat si apostol Pablo: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Tinitiyak sa atin ng ating pananampalataya na lahat ng ipinangako ng Diyos na nasa kaniyang Salita ay parang natupad na. Para bang mayroon tayong titulo na nagpapatunay na pag-aari natin ang isang ari-arian. Ang pananampalataya ay isa ring “malinaw na pagtatanghal,” o katibayan para makumbinsi, hinggil sa di-nakikitang mga bagay. Ang unawa ng ating isip at pagpapahalaga ng ating puso ay kumukumbinsi sa atin na tunay ang gayong mga bagay, bagaman hindi pa natin nakikita ang mga iyon.​—2 Corinto 5:7; Efeso 1:18.

Kailangan Natin ang Pananampalataya!

5. Bakit napakahalaga ng pananampalataya?

5 Isinilang tayo na may espirituwal na pangangailangan ngunit hindi tayo isinilang na may pananampalataya. Sa katunayan, “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Gayunman, kailangang may pananampalataya ang mga Kristiyano upang manahin nila ang mga pangako ng Diyos. (Hebreo 6:12) Matapos banggitin ang maraming halimbawa ng pananampalataya, sumulat si Pablo: “Yamang napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin, habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:1, 2) Ano ba “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin”? Ito ay ang kawalan ng pananampalataya, maging ang pagkawala ng pananampalataya na dating taglay. Upang mapanatili ang matibay na pananampalataya, kailangan tayong ‘tuminging mabuti kay Jesus’ at sumunod sa kaniyang halimbawa. Kailangan din nating tanggihan ang imoralidad, labanan ang mga gawa ng laman, at iwasan ang materyalismo, makasanlibutang mga pilosopiya, at di-makakasulatang mga tradisyon. (Galacia 5:19-21; Colosas 2:8; 1 Timoteo 6:9, 10; Judas 3, 4) Bukod dito, kailangan tayong maniwala na sumasaatin ang Diyos at ang payo na nasa kaniyang Salita ay talagang mabisa.

6, 7. Bakit angkop na manalangin ukol sa pananampalataya?

6 Hindi tayo makapagluluwal ng pananampalataya sa pamamagitan lamang ng ating sariling pagsisikap. Ang pananampalataya ay isa sa mga bunga ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Kaya, paano kung kailangang patibayin ang ating pananampalataya? Sinabi ni Jesus: “Kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Oo, manalangin tayo ukol sa banal na espiritu, sapagkat maaari itong magluwal sa atin ng pananampalataya na kailangan upang magawa ang kalooban ng Diyos kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan.​—Efeso 3:20.

7 Angkop na manalangin ukol sa higit pang pananampalataya. Nang palalayasin ni Jesus ang demonyo sa isang batang lalaki, nagsumamo ang ama ng bata: “Mayroon akong pananampalataya! Tulungan mo ako kung saan ako nangangailangan ng pananampalataya!” (Marcos 9:24) “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya,” ang sabi ng mga alagad ni Jesus. (Lucas 17:5) Kung gayon, manalangin tayo ukol sa pananampalataya, anupat nagtitiwala na sasagutin ng Diyos ang gayong mga panalangin.​—1 Juan 5:14.

Mahalaga ang Pananampalataya sa Salita ng Diyos

8. Paano tayo matutulungan ng pananampalataya sa Salita ng Diyos?

8 Nang malapit na siyang mamatay bilang hain, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.” (Juan 14:1) Bilang mga Kristiyano, may pananampalataya tayo sa Diyos at sa kaniyang Anak. Subalit gayundin ba sa Salita ng Diyos? Makapagdudulot ito ng matinding impluwensiya ukol sa ikabubuti ng ating buhay kung pag-aaralan natin at ikakapit ito taglay ang lubos na pananampalataya na naglalaan ito ng pinakamabuting payo at patnubay para sa atin.​—Hebreo 4:12.

9, 10. Paano mo ipaliliwanag ang sinasabi sa Santiago 1:5-8 tungkol sa pananampalataya?

9 Ang buhay natin bilang di-sakdal na mga tao ay punô ng suliranin. Gayunman, ang pananampalataya sa Salita ng Diyos ay tunay na makatutulong sa atin. (Job 14:1) Halimbawa, ipagpalagay na hindi natin alam kung paano haharapin ang isang pagsubok. Ganito ang payo ng Salita ng Diyos sa atin: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya. Ngunit patuloy siyang humingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nag-aalinlangan ay tulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan. Sa katunayan, huwag ipalagay ng taong iyon na siya ay tatanggap ng anuman mula kay Jehova; siya ay isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.”​—Santiago 1:5-8.

10 Hindi tayo dudustain ng Diyos na Jehova dahil sa kakulangan ng karunungan at pananalangin ukol dito. Sa halip, tutulungan niya tayong malasin nang wasto ang pagsubok. Ang nakatutulong na mga kasulatan ay maaaring itawag-pansin sa atin ng mga kapananampalataya o habang tayo ay nag-aaral ng Bibliya. O baka akayin tayo ng banal na espiritu ni Jehova sa ibang paraan. Ipagkakaloob sa atin ng ating makalangit na Ama ang karunungan upang makayanan ang mga pagsubok kung ‘patuloy tayong hihingi nang may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan.’ Kung tayo ay katulad ng alon sa dagat na itinutulak ng hangin, hindi tayo makaaasa na tatanggap tayo ng anuman mula sa Diyos. Bakit? Dahil mangangahulugan ito na tayo ay di-makapagpasiya at di-matatag sa pananalangin o sa iba pang bagay​—oo, maging sa ating pananampalataya. Samakatuwid, kailangan tayong magkaroon ng matatag na pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa patnubay na inilalaan nito. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa kung paano ito nagbibigay ng tulong at patnubay.

Pananampalataya at Panustos

11. Ang pananampalataya sa Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng anong katiyakan hinggil sa ating araw-araw na mga pangangailangan?

11 Paano kung tayo ngayon ay kinakapos sa pangunahing mga pangangailangan o naghihirap? Ang pananampalataya sa Salita ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng mapananaligang pag-asa na tutustusan ni Jehova ang ating araw-araw na mga pangangailangan at sa dakong huli ay saganang maglalaan para sa lahat ng umiibig sa kaniya. (Awit 72:16; Lucas 11:2, 3) Masusumpungan nating nakapagpapatibay-loob na bulay-bulayin kung paano naglaan ng pagkain si Jehova para sa kaniyang propetang si Elias sa panahon ng taggutom. Nang maglaon, makahimalang naglaan ang Diyos ng patuluyang suplay ng harina at langis na nagpanatiling buháy sa isang babae, sa anak nito, at kay Elias. (1 Hari 17:2-16) Pinaglaanan din ni Jehova ang propetang si Jeremias noong panahon ng pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem. (Jeremias 37:21) Bagaman kaunti lamang ang pagkain nina Jeremias at Elias, inalagaan sila ni Jehova. Gayundin ang kaniyang ginagawa para sa mga nananampalataya sa kaniya sa ngayon.​—Mateo 6:11, 25-34.

12. Paano tutulong ang pananampalataya upang matamo ang pangunahing mga pangangailangan?

12 Ang pananampalataya kalakip ang pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya ay hindi magpapayaman sa atin sa materyal, ngunit tutulong ito sa atin na matamo ang pangunahing mga pangangailangan natin. Bilang paglalarawan: Pinapayuhan tayo ng Bibliya na maging matapat, may kakayahan at masisipag na indibiduwal. (Kawikaan 22:29; Eclesiastes 5:18, 19; 2 Corinto 8:21) Hindi natin dapat maliitin kailanman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mainam na reputasyon bilang isang manggagawa. Kahit sa mga lugar na mahirap makahanap ng magandang trabaho, ang matapat, may-kasanayan at masisipag na manggagawa ay mas napapabuti kaysa sa iba. Bagaman maaaring hindi mariwasa sa materyal ang gayong mga manggagawa, kadalasan naman ay nasasapatan ang mga pangunahing pangangailangan nila at nasisiyahan sa pagkain na kanila mismong pinagpagalan.​—2 Tesalonica 3:11, 12.

Tinutulungan Tayo ng Pananampalataya na Mabata ang Pamimighati

13, 14. Paano tumutulong sa atin ang pananampalataya upang mabata ang pamimighati?

13 Makatotohanang ipinakikita ng Salita ng Diyos na likas lamang na mamighati kapag namatay ang isang minamahal. Ang tapat na patriyarkang si Abraham ay nagdalamhati sa pagkamatay ng kaniyang minamahal na asawang si Sara. (Genesis 23:2) Si David ay nalipos ng pamimighati nang marinig niya na namatay ang kaniyang anak na si Absalom. (2 Samuel 18:33) Maging ang sakdal na taong si Jesus ay tumangis sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro. (Juan 11:35, 36) Kapag namatay ang isang minamahal, baka makaranas tayo ng halos nakagugupong kalungkutan, ngunit ang pananampalataya sa mga pangakong nasa Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin upang mabata ang gayong pamimighati.

14 “Ako ay may pag-asa sa Diyos,” ang sabi ni Pablo, ‘na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at mga di-matuwid.’ (Gawa 24:15) Kailangan tayong magkaroon ng pananampalataya sa paglalaan ng Diyos para muling mabuhay ang mga karamihan. (Juan 5:28, 29) Kabilang sa mga ito sina Abraham at Sara, Isaac at Rebeka, Jacob at Lea​—pawang natutulog ngayon sa kamatayan at naghihintay ng pagkabuhay-muli tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Genesis 49:29-32) Kaylaking kagalakan nga kapag ginising ang mga minamahal mula sa pagkakatulog sa kamatayan upang mabuhay rito sa lupa! (Apocalipsis 20:11-15) Samantala, hindi papawiin ng pananampalataya ang lahat ng kalungkutan, ngunit pananatilihin tayo nitong malapít sa Diyos, na tumutulong sa atin upang mabata ang pangungulila.​—Awit 121:1-3; 2 Corinto 1:3.

Pinalalakas ng Pananampalataya ang Nanlulumo

15, 16. (a) Bakit natin masasabi na hindi kakaiba ang panlulumo ng mga nananampalataya? (b) Ano ang magagawa natin upang makayanan ang panlulumo?

15 Ipinakikita rin ng Salita ng Diyos na kahit ang mga nananampalataya ay maaaring maging biktima ng panlulumo. Noong panahon ng matinding pagsubok sa kaniya, nadama ni Job na pinabayaan siya ng Diyos. (Job 29:2-5) Ang wasak na kalagayan ng Jerusalem at ng mga pader nito ay nagpalungkot kay Nehemias. (Nehemias 2:1-3) Gayon na lamang ang paghihinagpis ni Pedro matapos niyang ikaila si Jesus anupat “tumangis [siya] nang may kapaitan.” (Lucas 22:62) At hinimok ni Pablo ang mga kapuwa mananampalataya sa kongregasyon sa Tesalonica na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tesalonica 5:14) Samakatuwid, ang panlulumo ng mga nananampalataya sa ngayon ay hindi kakaiba. Kung gayon, ano ang magagawa natin upang makayanan ang panlulumo?

16 Maaaring nanlulumo tayo dahil napapaharap tayo sa ilang malulubhang problema. Sa halip na malasin ang mga ito na isang malaking problema, baka malutas natin ang mga ito nang isa-isa sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya. Makatutulong ito upang mabawasan ang ating panlulumo. Maaari ring makatulong ang timbang na gawain at sapat na pahinga. Isang bagay ang tiyak: Ang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita ay nakabubuti sa espirituwal sapagkat pinatitibay nito ang ating pananalig na talagang nagmamalasakit siya sa atin.

17. Paano natin nalalaman na nagmamalasakit si Jehova sa atin?

17 Ibinibigay sa atin ni Pedro ang nakaaaliw na katiyakang ito: “Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Pedro 5:6, 7) Umawit ang salmista: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” (Awit 145:14) Dapat nating paniwalaan ang mga katiyakang ito, sapagkat masusumpungan ang mga ito sa Salita ng Diyos. Bagaman maaaring mamalagi ang panlulumo, tunay ngang nakapagpapatibay ng pananampalataya na malaman na maaari nating ihagis ang lahat ng ating kabalisahan sa ating maibigin at makalangit na Ama!

Pananampalataya at Iba Pang mga Pagsubok

18, 19. Paano tayo tinutulungan ng pananampalataya upang makayanan ang sakit at maaliw ang mga kapananampalatayang may karamdaman?

18 Maaari tayong makaranas ng matinding pagsubok sa ating pananampalataya kapag tayo o ang ating mga minamahal ay may malubhang karamdaman. Bagaman walang iniuulat ang Bibliya na makahimalang pinagaling ang mga Kristiyanong tulad nina Epafrodito, Timoteo, at Trofimo, walang-alinlangan na tinulungan silang magbata ni Jehova. (Filipos 2:25-30; 1 Timoteo 5:23; 2 Timoteo 4:20) Bukod dito, umawit ang salmista hinggil sa “sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita”: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:1-3) Paano makatutulong sa atin ang mga salita ng salmista upang maaliw ang mga kapananampalatayang may karamdaman?

19 Ang isang paraan ng pagbibigay ng espirituwal na tulong ay sa pamamagitan ng pananalangin na kasama ang mga maysakit o para sa mga maysakit. Bagaman hindi tayo humihiling ng makahimalang pagpapagaling sa ngayon, maaari tayong humiling na pagkalooban sila ng Diyos ng tibay ng loob upang makayanan ang kanilang karamdaman at ng kinakailangang espirituwal na lakas upang mabata ang gayong mga panahon ng panghihina. Palalakasin sila ni Jehova, at patitibayin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-asam sa panahon na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Kaylaking kaaliwan na malaman na sa pamamagitan ng binuhay-muling si Jesu-Kristo at ng Kaharian ng Diyos, ang masunuring sangkatauhan ay tatanggap ng permanenteng kalayaan mula sa kasalanan, sakit, at kamatayan! Para sa dakilang mga pag-asang ito, pinasasalamatan natin si Jehova, na siyang ‘magpapagaling sa lahat ng ating karamdaman.’​—Awit 103:1-3; Apocalipsis 21:1-5.

20. Bakit masasabi na matutulungan tayo ng pananampalataya upang mabata “ang kapaha-pahamak na mga araw” ng pagtanda?

20 Matutulungan din tayo ng pananampalataya upang mabata “ang kapaha-pahamak na mga araw” ng pagtanda, kapag ang kalusugan at lakas ay humihina. (Eclesiastes 12:1-7) Kaya ang mga kasama nating may-edad na ay makapananalangin na gaya ng tumatandang salmista na umawit: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova . . . Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan.” (Awit 71:5, 9) Nadama ng salmista na kailangan niya ang suporta ni Jehova, gaya ng nadarama ng marami sa ating mga kapuwa Kristiyano na tumanda na sa paglilingkod sa Diyos. Dahil sa kanilang pananampalataya, makatitiyak sila na taglay nila ang namamalaging suporta ng walang-hanggang mga bisig ni Jehova.​—Deuteronomio 33:27.

Panatilihin ang Pananampalataya sa Salita ng Diyos

21, 22. Kung may pananampalataya tayo, paano ito makaaapekto sa ating kaugnayan sa Diyos?

21 Ang pananampalataya sa mabuting balita at sa buong Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na lalong mapalapit kay Jehova. (Santiago 4:8) Totoo, siya ang ating Soberanong Panginoon, subalit siya rin ang ating Maylalang at Ama. (Isaias 64:8; Mateo 6:9; Gawa 4:24) “Ikaw ang aking Ama, ang aking Diyos at ang Bato ng aking kaligtasan,” ang awit ng salmista. (Awit 89:26) Kung mananampalataya tayo kay Jehova at sa kaniyang kinasihang Salita, maituturing din natin siyang ‘Bato ng ating kaligtasan.’ Tunay ngang isang nakapagpapasiglang pribilehiyo!

22 Si Jehova ang Ama ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa. (Roma 8:15) At ang pananampalataya sa ating makalangit na Ama ay hindi kailanman hahantong sa kabiguan. Sinabi ni David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Bukod dito, taglay natin ang katiyakang ito: “Hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.”​—1 Samuel 12:22.

23. Ano ang hinihiling sa atin upang matamasa ang isang namamalaging kaugnayan kay Jehova?

23 Sabihin pa, upang matamasa ang isang namamalaging kaugnayan kay Jehova, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya sa mabuting balita at tanggapin natin ang Kasulatan kung ano talaga ito​—ang Salita ng Diyos. (1 Tesalonica 2:13) Dapat tayong magkaroon ng lubos na pananampalataya kay Jehova at hayaan natin ang kaniyang Salita na maging liwanag sa ating landas. (Awit 119:105; Kawikaan 3:5, 6) Lalago ang ating pananampalataya habang nananalangin tayo sa kaniya nang may pagtitiwala sa kaniyang pagkamahabagin, awa, at suporta.

24. Anong nakaaaliw na kaisipan ang nasa Roma 14:8?

24 Pinakilos tayo ng pananampalataya na mag-alay nang walang hanggan sa Diyos. Palibhasa’y may matibay na pananampalataya, kahit na tayo ay mamatay, tayo ay kaniyang nakaalay na mga lingkod na may pag-asang muling mabuhay. Oo, “kapuwa kung nabubuhay tayo at kung mamamatay tayo, tayo ay kay Jehova.” (Roma 14:8) Lagi nating isapuso ang nakaaaliw na kaisipang iyan habang pinananatili natin ang ating pagtitiwala sa Salita ng Diyos at patuloy na nananampalataya sa mabuting balita.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang pananampalataya, at bakit kailangan natin ang katangiang ito?

• Bakit mahalaga na may pananampalataya tayo sa mabuting balita at sa buong Salita ng Diyos?

• Paano tayo tinutulungan ng pananampalataya na harapin ang iba’t ibang pagsubok?

• Ano ang tutulong sa atin upang mapanatili ang pananampalataya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 12]

Tinustusan ni Jehova sina Jeremias at Elias dahil may pananampalataya sila

[Mga larawan sa pahina 13]

May matibay na pananampalataya sina Job, Pedro, at Nehemias

[Mga larawan sa pahina 15]

Upang matamasa ang isang namamalaging kaugnayan kay Jehova, dapat tayong magkaroon ng pananampalataya sa mabuting balita