Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Malilinang ang Isang Timbang na Pangmalas sa Trabaho

Kung Paano Malilinang ang Isang Timbang na Pangmalas sa Trabaho

Kung Paano Malilinang ang Isang Timbang na Pangmalas sa Trabaho

DAHIL sa matinding panggigipit sa ngayon sa daigdig ng pangglobong merkado, mahigpit na kompetisyon, at maramihang produksiyon, maraming tao ang nawawalan na ng ganang pumasok sa trabaho araw-araw. Subalit, dapat tayong masiyahan sa ating trabaho. Bakit? Sapagkat nilikha tayo ayon sa larawan ng Diyos​—at nalulugod ang Diyos sa kaniyang trabaho. Halimbawa, nang suriin niyang muli ang kaniyang mga ginawa sa pagtatapos ng anim na “araw” ng paglalang, o mahahabang yugto ng panahon, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti,” ang sabi ng Genesis 1:31.

Walang alinlangan na ang pagmamahal ni Jehova sa trabaho ang isang dahilan kung bakit siya tinawag na “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kung gayon, hindi ba makatuwirang isipin na mientras tinutularan natin siya, lalo naman tayong nagiging maligaya? Hinggil dito, si Haring Solomon ng sinaunang Israel, isang pambihirang tagapagtayo at organisador, ay sumulat: “Ang bawat tao . . . ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”​—Eclesiastes 3:13.

Maaaring maging isang hamon ang maglinang ng isang timbang at mabuting pangmalas sa trabaho sa mabilis-magbagong kalagayan sa lugar ng trabaho ngayon. Subalit pinagpapala ng Diyos na Jehova yaong sumusunod sa kaniyang maibiging patnubay. (Awit 119:99, 100) Ang gayong mga tao ay pinahahalagahan at pinagtitiwalaang mga empleado kaya naman mas malamang na mapanatili sila sa kanilang trabaho. Natututuhan din nilang malasin ang kanilang buhay at trabaho hindi lamang mula sa materyal na pananaw kundi sa espirituwal na pangmalas din naman. Ito ang nagpapangyari sa kanila na makagawa ng mga desisyon sa buhay na pinag-isipang mabuti at maunawaan na ang kanilang kaligayahan at pagkadama ng kasiguruhan ay hindi nakatali sa kanilang trabaho o sa di-maaasahang kalagayan sa larangan ng paghahanap ng trabaho. (Mateo 6:31-33; 1 Corinto 2:14, 15) Ito ang tumutulong sa kanila upang malinang ang isang tunay na timbang na etika sa trabaho.

Linangin ang Makadiyos na Etika sa Trabaho

Ang ilang tao ay subsob sa pagtatrabaho, anupat walang ibang importanteng bagay sa kanilang buhay kundi ang trabaho. Ang iba naman ay basta naghihintay na matapos ang trabaho sa buong maghapon para makauwi agad. Ano ba ang timbang na pangmalas dito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Sa katunayan, masama pa nga ang ibinubunga ng pagtatrabaho nang labis o nang napakahaba​—walang-kabuluhang “paghahabol sa hangin.” Bakit? Sapagkat baka sinisira natin ang mismong mga bagay na makapagdudulot ng malaking kaligayahan sa atin: ang ating kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan, ang ating espirituwalidad, ang ating kalusugan, at maging ang haba ng ating buhay. (1 Timoteo 6:9, 10) Ang timbang na pangmalas ay maging kontento sa ilang materyal na ari-arian kalakip ang pagkakaroon ng makatuwirang antas ng kapayapaan sa halip na mapabigatan ng dalawang dakot ng pagpapagal na may alitan at kalungkutan.

Bagaman hinihimok ang gayong timbang na pangmalas, hindi naman sinasang-ayunan ng Bibliya ang katamaran. (Kawikaan 20:4) Sinisira ng katamaran ang paggalang sa sarili at paggalang ng iba sa atin. Mas masahol pa, sinisira nito ang ating kaugnayan sa Diyos. Tahasang sinasabi ng Bibliya na ang taong ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain ng pagkaing pinaghirapan ng iba. (2 Tesalonica 3:10) Sa halip, dapat siyang magbago ng kaniyang ugali at magbanat ng buto, nang sa gayo’y mapaglalaanan niya sa marangal na paraan ang kaniyang sarili at ang mga umaasa sa kaniya. Baka makatulong pa nga siya sa mga taong talagang nangangailangan kapag nagbanat siya ng buto​—isang ugali na hinihimok ng Salita ng Diyos.​—Kawikaan 21:25, 26; Efeso 4:28.

Sinanay Mula sa Pagkabata na Magpahalaga sa Trabaho

Ang mabubuting kaugalian sa trabaho ay hindi nagkataon lamang; natututuhan ang mga ito simula sa pagkabata. Kaya pinapayuhan ng Bibliya ang mga magulang: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kawikaan 22:6) Bukod pa sa pagiging mabuting halimbawa bilang mga nagtatrabaho mismo, pinasisimulan ng matatalinong magulang ang pagsasanay sa kanilang maliliit na anak sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga gawaing-bahay na angkop sa edad nila. Bagaman baka magreklamo ang mga bata sa ilang gawaing-bahay, madarama nilang sila ay pinahahalagahang mga miyembro ng pamilya​—lalo na kapag pinapupurihan sila ni Inay at ni Itay dahil sa mabuting trabaho nila. Nakalulungkot, pinalalaki sa layaw ng ilang magulang ang kanilang mga anak, marahil ay dahil sa maling kabaitan. Dapat pag-isipang mabuti ng mga magulang ang Kawikaan 29:21, na nagsasabi: “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod [o anak] mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay.”

Ang responsableng mga magulang ay may masidhing interes din sa pag-aaral ng kanilang mga anak, anupat hinihimok silang mag-aral at magsikap na mabuti sa paaralan. Makatutulong ito nang malaki sa mga kabataan kapag nagsimula na silang magtrabaho sa dakong huli.

Maging Matalino sa Iyong Pagpili ng Trabaho

Bagaman hindi sinasabi sa atin kung anong uri ng trabaho ang dapat pasukan, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng mahuhusay na alituntunin upang hindi maapektuhan ang pagsulong ng ating espirituwalidad, paglilingkuran sa Diyos, at iba pang mahahalagang pananagutan. Halimbawa, si apostol Pablo ay sumulat: “Ang panahong natitira ay maikli na. Mula ngayon yaong . . . mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:29-31) Walang bagay na permanente o lubusang matatag sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Ang pag-uukol natin dito ng ating buong panahon at lakas ay tulad ng pagbubuhos ng lahat ng ating inipong salapi sa buong buhay natin sa isang bahay na itinayo sa bahaing lugar. Napakahangal ngang pamumuhunan!

Isinalin ng ibang Bibliya ang pariralang “hindi gumagamit nito nang lubusan” bilang “huwag maging abalang-abala rito” at “huwag maging labis na okupado sa mga ito.” (The Jerusalem Bible; Today’s English Version) Hindi kailanman nakakaligtaan ng matatalinong tao ang katotohanan na ang panahon “ay maikli na” para sa kasalukuyang sistema at ang pagiging “abalang-abala,” o pagiging “labis na okupado” rito ay tiyak na aakay sa kabiguan at kalungkutan.​—1 Juan 2:15-17.

‘Hindi Ka sa Anumang Paraan Pababayaan ng Diyos’

Mas alam ni Jehova ang ating pangangailangan kaysa sa nalalaman natin. Batid din niya kung nasaan tayo sa agos ng panahon sa pagtupad ng kaniyang layunin. Kaya naman pinaaalalahanan niya tayo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ” (Hebreo 13:5) Tunay ngang nakaaaliw ang mga salitang iyan! Dahil sa tinutularan ang maibiging pagmamalasakit ng Diyos sa kaniyang bayan, iniukol ni Jesus ang malaking bahagi ng kaniyang bantog na Sermon sa Bundok sa pagtuturo sa kaniyang mga alagad ng tamang pangmalas sa trabaho at materyal na mga bagay.​—Mateo 6:19-33.

Pinagsisikapang sundin ng mga Saksi ni Jehova ang mga turong iyon. Halimbawa, nang alukin ng isang among lalaki ang isang Saksi, isang elektrisyan, na regular na mag-overtime, tinanggihan ng empleado ang pagkakataong iyon. Bakit? Sapagkat ayaw niyang makasagabal ang kaniyang sekular na trabaho sa panahon na kaniyang iniuukol sa pamilya niya at sa espirituwal na mga bagay. Yamang siya ay isang mahusay at mapagkakatiwalaang trabahador, iginalang ng kaniyang amo ang mga kahilingan niya. Mangyari pa, hindi laging ganiyan ang nangyayari, at baka kailangang maghanap ng ibang mapapasukan ang isa upang mapanatili ang isang timbang na istilo ng pamumuhay. Magkagayunman, karaniwang natutuklasan ng mga taong lubusang nagtitiwala kay Jehova na ang kanilang mabuting paggawi at etika sa trabaho ang dahilan kung bakit sila nagugustuhan ng kanilang amo.​—Kawikaan 3:5, 6.

Kapag Naging Kasiya-siya Na ang Lahat ng Trabaho

Sa kasalukuyang di-sakdal na sistemang ito ng mga bagay, ang trabaho at pag-asa sa trabaho ay hindi kailanman mawawalan ng mga problema at kawalang kasiguruhan. Sa katunayan, mas lalala pa nga ang mga bagay-bagay habang lalong nagiging mabuway ang daigdig at ang mga ekonomiya ay nagbabagu-bago, o bumabagsak pa nga. Subalit pansamantala lamang ang kalagayang ito. Hindi na magtatagal at wala nang sinuman ang mawawalan ng trabaho. Bukod pa rito, ang lahat ng trabaho ay magiging tunay na kawili-wili at kasiya-siya. Paano ito magiging posible? Ano ang magdudulot ng gayong pagbabago?

Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, binanggit mismo ni Jehova ang pagsapit ng panahong iyan. “Lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa,” ang sabi ni Jehova, “at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17) Tinutukoy niya ang kaniyang bagong gobyerno, na sa ilalim nito ay magiging totoo ang isang lubhang bago at naiibang lipunan ng mga tao.​—Daniel 2:44.

May kinalaman sa magiging paraan ng pamumuhay at pagtatrabaho ng mga tao roon, nagpapatuloy ang hula: “Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan; sapagkat sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga inapo na kasama nila.”​—Isaias 65:21-23.

Kaylaking pagbabago nga ang magagawa ng bagong sanlibutang iyan na ginawa ng Diyos! Hindi mo ba nanaising tumira sa gayong sanlibutan, isang sanlibutan kung saan “hindi [ka] magpapagal nang walang kabuluhan” kundi lubusan kang masisiyahan sa “bunga” ng iyong pagpapagal? Subalit pansinin kung sino ang magtatamasa ng gayong mga pagpapala: “Sila ang supling na binubuo ng mga pinagpala ni Jehova.” Maaari kang maging isa sa “mga pinagpala[ng]” iyon sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol kay Jehova at pagsunod sa kaniyang mga kahilingan. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka na matamo ang kaalamang iyon na nagbibigay ng buhay sa pamamagitan ng isang sistematikong pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

[Kahon sa pahina 6]

“GUSTUNG-GUSTO SILA NG MARAMING NAGPAPATRABAHO”

“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao,” ang sabi ng Bibliya. (Colosas 3:23) Maliwanag, magiging isang kanais-nais na empleado ang isang tao na ang etika sa trabaho ay ginagabayan ng mainam na simulaing ito. Sa dahilang ito, si J. J. Luna, sa kaniyang aklat na How to Be Invisible, ay nagpapayo sa mga among naghahanap ng empleado na tumingin sa mga miyembro ng ilang relihiyosong grupo, subalit sinabi niya: “Pero ang totoo, karaniwan nang mga Saksi [ni Jehova] ang nakukuha natin.” Kalakip sa mga dahilan na kaniyang ibinigay ay ang pagiging kilala nila sa kanilang katapatan, at iyan ang dahilan kung bakit “gustung-gusto sila ng maraming nagpapatrabaho” sa iba’t ibang uri ng trabaho.

[Mga larawan sa pahina 5]

Nagdudulot ng kasiyahan ang pagiging timbang sa trabaho na may kalakip na espirituwal na mga gawain at paglilibang