Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit sinasabi ng Bibliya na dapat sumigaw ang isang tao kapag siya ay tinangkang halayin?
Ang sinumang hindi nakaranas ng nakasisindak at makahayop na pagsalakay ng isang manghahalay ay hindi kailanman tunay na makauunawa kung paano nito maaaring sirain ang buhay ng isa. Lubhang kahila-hilakbot na karanasan ito para sa biktima anupat maaari siyang bagabagin nito sa kaniyang buong buhay. * Isang kabataang babaing Kristiyano na sinalakay ng isang manghahalay maraming taon na ang nakalilipas ang naglahad: “Hindi ko mailarawan ang nadama kong pangingilabot nang gabing iyon o ang trauma na kailangan kong daigin magmula noon.” Mauunawaan naman, mas gusto ng marami na huwag nang isipin pa ang nakatatakot na paksang ito. Gayunman, ang banta ng panghahalay ay talagang nangyayari sa balakyot na daigdig na ito.
Hindi nag-aatubili ang Bibliya na ilahad ang ilang kaso ng panghahalay at tangkang panghahalay na naganap noong unang panahon. (Genesis 19:4-11; 34:1-7; 2 Samuel 13:1-14) Ngunit nagbibigay rin ito ng payo kung ano ang dapat gawin ng isa kapag tinatangka siyang halayin. Ang sinasabi ng Kautusan hinggil sa bagay na ito ay masusumpungan sa Deuteronomio 22:23-27. Dalawang kalagayan ang sinasaklaw nito. Sa unang kalagayan, nasumpungan ng isang lalaki ang isang kabataang babae sa lunsod at sinipingan ito. Magkagayunman, ang babae ay hindi sumigaw upang humingi ng saklolo. Dahil dito, napagpasiyahan na ang babae ay may-sala “sa dahilang hindi siya sumigaw sa lunsod.” Kung sumigaw sana siya, maaaring nasaklolohan siya ng mga tao na nasa malapit. Sa ikalawang kalagayan, nasumpungan ng isang lalaki ang isang kabataang babae sa kabukiran, kung saan “sinunggaban siya ng lalaki at sinipingan siya.” Bilang pagtatanggol, ang babae ay “sumigaw, ngunit walang sinumang magliligtas sa kaniya.” Di-tulad ng babae sa unang pangyayari, ang babaing ito ay maliwanag na hindi pumayag sa ginawa ng sumalakay sa kaniya. Nanlaban siya nang husto sa lalaki, sumisigaw para humingi ng tulong, ngunit siya ay nadaig. Pinatutunayan ng kaniyang pagsigaw na ayaw niyang maging biktima; wala siyang kasalanan.
Bagaman ang mga Kristiyano sa ngayon ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga simulaing binanggit hinggil sa bagay na ito ay nagbibigay sa kanila ng patnubay. Idiniriin ng nabanggit na salaysay ang kahalagahan ng paglaban at pagsigaw para humingi ng tulong. Ang pagsigaw kapag tinatangkang halayin ay itinuturing pa ring matalinong gawin. Ganito ang sabi ng isang eksperto sa paghadlang sa krimen: “Kapag sinalakay ang isang babae, ang pinakamahusay pa ring sandata niya ay ang kaniyang malakas na boses.” Ang sigaw ng isang babae ay makatatawag-pansin sa iba, na makatutulong sa kaniya, o maaaring gumulantang sa sumasalakay at sa gayo’y maitaboy ito. Isang kabataang babaing Kristiyano na sinalakay ng isang manghahalay ang nagsabi: “Sumigaw ako nang pagkalakas-lakas, at umatras siya. Nang lumapit siyang muli sa akin, sumigaw ako at tumakbo. Noon ay madalas kong isipin, ‘Paano ako matutulungan ng pagsigaw kapag sinunggaban na ako ng isang malaking lalaki na iisang bagay lamang ang iniisip?’ Pero natuklasan kong epektibo pala ito!”
Maging sa malungkot na pangyayari kung saan nadaig at nahalay ang isang babae, ang kaniyang paglaban at pagsigaw para humingi ng tulong ay hindi nawawalan ng kabuluhan. Sa kabaligtaran pa nga, pinatutunayan nito na ginawa niya ang lahat ng posibleng makakaya niya upang labanan ang sumalakay sa kaniya. (Deuteronomio 22:26) Siya man ay nahalay, maaari pa rin siyang magkaroon ng malinis na budhi, paggalang sa sarili, at katiyakan na siya ay malinis sa paningin ng Diyos. Ang nakasisindak na karanasang iyon ay maaaring magdulot sa kaniya ng mga sugat sa damdamin, ngunit ang pagkaalam na ginawa niya ang kaniya buong makakaya upang labanan ang pagsalakay ay makatutulong nang malaki sa kaniyang unti-unting paggaling.
Sa pag-unawa sa pagkakapit ng Deuteronomio 22:23-27, dapat nating matanto na ang maikling salaysay na ito ay hindi sumasaklaw sa lahat ng posibleng kalagayan. Halimbawa, wala itong sinasabi sa kalagayang hindi makasigaw ang sinalakay na babae dahil siya ay pipi, walang malay, o hindi makakilos dahil sa takot o sapilitang tinakpan ang bibig niya ng kamay o ng tape para hindi makasigaw. Gayunman, yamang kayang timbang-timbangin ni Jehova ang lahat ng salik, lakip na ang mga motibo, nakikitungo siya nang may unawa at katarungan sa gayong mga kaso, sapagkat “ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Batid niya ang aktuwal na nangyari at ang mga pagsisikap na ginawa ng biktima upang labanan ang sumalakay sa kaniya. Kung gayon, maaaring ipasakamay na lamang ng biktima kay Jehova ang mga bagay-bagay, yamang hindi siya nakasigaw bagaman kaniyang ginawa ang lahat ng makakaya niya sa ilalim ng gayong mga kalagayan.—Awit 55:22; 1 Pedro 5:7.
Magkagayunman, ang ilang babaing Kristiyano na sinalakay at hinalay ay patuloy na pinahihirapan ng pagkadama ng pagkakasala. Kapag sumasagi ito sa isip, nadarama nilang higit pa sana ang kanilang nagawa upang hadlangan ang nangyari. Gayunman, sa halip na sisihin ang kanilang sarili, maaaring manalangin kay Jehova ang mga biktimang ito, humiling ng tulong sa kaniya, at magkaroon ng tiwala sa kaniyang saganang maibiging-kabaitan.—Exodo 34:6; Awit 86:5.
Kaya naman, ang mga babaing Kristiyano na kasalukuyang nakararanas ng mga sugat sa damdamin dahil sa dinanas nila sa kamay ng isang manghahalay ay makapagtitiwala na lubusang nauunawaan ni Jehova ang pait ng kalooban na kanilang nadarama. Tinitiyak sa kanila ng Salita ng Diyos: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Ang karagdagang tulong upang maharap nila ang kanilang trauma ay maaaring magmula sa pagtanggap nila ng taimtim na pang-unawa at mabait na suporta ng mga kapananampalataya sa kongregasyong Kristiyano. (Job 29:12; 1 Tesalonica 5:14) Karagdagan pa, ang mismong pagsisikap ng mga biktima na magtuon ng pansin sa positibong mga kaisipan ay tutulong sa kanila na madama “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:6-9.
[Talababa]
^ par. 3 Bagaman ang tinutukoy ng artikulong ito ay mga babaing biktima, ang mga simulaing tinatalakay ay kumakapit din sa mga lalaking tinatangkang halayin.