Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinubok sa Maapoy na Hurno ng Kapighatian

Sinubok sa Maapoy na Hurno ng Kapighatian

Sinubok sa Maapoy na Hurno ng Kapighatian

AYON SA SALAYSAY NI PERICLES YANNOURIS

Nanginginig ako sa ginaw dahil basâ ang amoy-amag na selda. Habang mag-isa akong nakaupo roon, na nababalutan lamang ng manipis na kumot, hindi mawaglit sa isip ko ang malamig na damdaming mababakas sa mukha ng aking bata pang asawa habang kinakaladkad ako ng mga miyembro ng milisya palabas ng bahay dalawang araw na ang nakalilipas, anupat naiwan siya kasama ang aming dalawang anak na sanggol na may sakit. Nang maglaon, pinadalhan ako ng aking asawa, na hindi ko kapananampalataya, ng isang balutan at isang maikling liham na nagsasabi: “Heto ang padala kong mga tinapay para sa iyo, at sana’y magkasakit ka rin na gaya ng iyong mga anak.” Makababalik pa kaya ako nang buháy para makita ang aking pamilya?

IYON ay isa lamang pangyayari sa mahaba at mahirap na pakikipaglaban ko para sa pananampalatayang Kristiyano, isang pakikipagpunyagi na kinabibilangan ng pagsalansang ng pamilya, pagtatakwil ng komunidad, pakikipagbaka sa korte, at matinding pag-uusig. Ngunit paano at bakit ako, na isang tahimik at may-takot sa Diyos na indibiduwal, ay napunta sa miserableng lugar na iyon? Hayaan ninyo akong magpaliwanag.

Isang Batang Dukha na May Matayog na Pangarap

Nang ipanganak ako noong 1909 sa Stavromeno, Creta, ang bansang iyon ay nakikipagpunyagi sa digmaan, karukhaan, at taggutom. Nang maglaon, ako at ang aking apat na nakababatang kapatid ay muntik nang hindi makaligtas sa salot ng trangkaso Espanyola. Natatandaan ko pa na ikinukulong kami ng aming mga magulang sa loob ng bahay namin sa loob ng maraming linggo upang hindi kami mahawa ng trangkaso.

Si Itay, na isang mahirap na magsasaka, ay isang taong napakarelihiyoso ngunit may bukás na kaisipan. Dahil tumira siya sa Pransiya at Madagascar, nahantad siya sa liberal na mga ideya tungkol sa relihiyon. Gayunman, ang aming pamilya ay nanatiling tapat sa Simbahang Griego Ortodokso, anupat dumadalo kami ng Misa bawat Linggo at pinatutuloy sa aming tahanan ang lokal na obispo sa panahon ng kaniyang taunang pagdalaw. Isa akong batang mang-aawit sa koro, at ang pangarap ko sa buhay ay maging isang pari.

Noong 1929, sumali ako sa puwersa ng pulisya. Kasalukuyan akong gumaganap noon ng tungkulin sa Tesalonica, sa hilagang Gresya, nang mamatay si Itay. Sa paghahanap ng kaaliwan at espirituwal na kaliwanagan, nagpalipat ako sa puwersa ng pulisya sa Bundok Athos, isang kalapit na komunidad ng mga monghe na itinuturing ng mga Kristiyanong Ortodokso bilang ang “banal na bundok.” * Naglingkod ako roon sa loob ng apat na taon at naobserbahan kong mabuti ang buhay ng mga monghe. Sa halip na mapalapít sa Diyos, kinilabutan ako sa tahasang imoralidad at katiwalian ng mga monghe. Nasuklam ako nang isang iginagalang kong archimandrita ang magpahiwatig na gusto niyang gumawa kami ng imoralidad. Sa kabila ng pagkasiphayo, taimtim ko pa ring ninais na maglingkod sa Diyos at maging isang pari. Nagsuot pa nga ako ng abito ng pari at nagpakuha ng larawan bilang alaala. Nang maglaon, bumalik ako sa Creta.

“Isa Siyang Diyablo!”

Noong 1942, pinakasalan ko ang isang magandang dilag, si Frosini, na nagmula sa isang iginagalang na pamilya. Pinatibay ng pag-aasawa ko ang aking pasiya na maging pari, yamang napakarelihiyoso ng aking mga biyenan. * Determinado akong magtungo sa Atenas upang mag-aral sa isang seminaryo. Nang magtatapos na ang 1943, nagpunta ako sa daungan ng Iráklion, sa Creta, ngunit hindi ako umalis patungong Atenas. Iyan marahil ay dahilan sa nakasumpong ako noon ng naiibang pinagmumulan ng espirituwal na kaginhawahan. Ano ba ang nangyari?

Sa loob ng ilang taon, nagtuturo si Emmanuel Lionoudakis, isang masiglang kabataang mangangaral na nakaugnay sa mga Saksi ni Jehova, ng nakapagbibigay-liwanag na mga katotohanan sa Bibliya sa buong Creta. * Naakit ang ilang tao sa maliwanag na pagkaunawa sa Salita ng Diyos na itinuturo ng mga Saksi at iniwan nila ang huwad na relihiyon. Sa kalapit na lunsod ng Sitía, isang grupo ng masisigasig na Saksi ang inorganisa. Ikinabahala ito ng lokal na obispo, na nakaaalam mismo​—palibhasa’y tumira sa Estados Unidos​—kung gaano kabisa sa pangangaral ang mga Saksi ni Jehova. Determinado siyang alisin ang “erehiya” na ito sa kaniyang nasasakupan. Sa kaniyang pagpapasimuno, regular na ibinibilanggo ng mga pulis ang mga Saksi at sapilitang dinadala sa mga korte dahil sa iba’t ibang maling paratang.

Sinubukang ipaliwanag sa akin ng isa sa mga Saksing ito ang katotohanan sa Bibliya, ngunit ipinagpalagay niya na hindi ako interesado. Kaya pinapunta niya ang isang mas makaranasang ministro upang kausapin ako. Maliwanag na ang aking bruskong pagtugon ang naging dahilan upang bumalik ang ikalawang Saksi sa maliit na grupo at mag-ulat: “Imposibleng maging Saksi si Pericles. Isa siyang diyablo!”

Unang Karanasan Ko sa Pagsalansang

Natutuwa ako na hindi ako itinuring ng Diyos sa gayong paraan. Noong Pebrero 1945, ibinigay sa akin ng kapatid kong si Demosthenes, na kumbinsidong itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan, ang buklet na Comfort All That Mourn. * Humanga ako sa nilalaman nito. Kaagad kaming huminto sa pagdalo sa Simbahang Ortodokso, sumama sa maliit na grupo sa Sitía, at nagpatotoo sa mga kapatid namin tungkol sa aming bagong tuklas na pananampalataya. Tinanggap nilang lahat ang katotohanan sa Bibliya. Gaya ng inaasahan, ang aking pasiya na iwan ang huwad na relihiyon ang naging dahilan upang itakwil at kapootan ako ng aking asawa at ng kaniyang pamilya. Sa loob ng ilang panahon ay tumangging makipag-usap sa akin ang biyenan kong lalaki. Sa bahay, may mga di-pagkakaunawaan at patuloy na igtingan. Sa kabila nito, noong Mayo 21, 1945, kami ni Demosthenes ay binautismuhan ni Brother Minos Kokkinakis. *

Sa wakas ay natupad ko rin ang aking pangarap at nakapaglingkod bilang isang tunay na ministro ng Diyos! Natatandaan ko pa ang aking unang araw sa ministeryong pagbabahay-bahay. Dala-dala ang 35 buklet sa aking bag, nagtungo akong mag-isa sakay ng bus sa isang nayon. Bagaman nahihiya, nagsimula akong magbahay-bahay. Mientras nagpapatuloy ako, lalong lumalakas ang loob ko. Nang dumating ang isang galít na pari, nagawa kong manindigan sa kaniya nang buong tapang, anupat ipinagwalang-bahala ang kaniyang mapilit na kahilingan na sumama ako sa kaniya sa himpilan ng pulisya. Sinabi ko sa kaniya na aalis lamang ako kapag nadalaw ko na ang buong nayon, at iyan mismo ang ginawa ko. Tuwang-tuwa ako anupat hindi ko na hinintay na dumating ang bus kundi sa halip ay nilakad ko na ang 15 kilometro pauwi.

Sa Kamay ng Walang-Habag na mga Maton

Noong Setyembre 1945, pinagkalooban ako ng karagdagang mga pananagutan sa aming bagong-tatag na kongregasyon sa Sitía. Di-nagtagal at sumiklab ang digmaang sibil sa Gresya. Buong-bangis na naglaban-laban ang magkakaibang partido dahil sa matinding poot. Palibhasa’y sinamantala ang kalagayan, hinimok ng obispo ang lokal na grupo ng gerilya na lipulin ang mga Saksi sa anumang paraan na ibig nilang gawin iyon. (Juan 16:2) Habang patungo ang grupo ng gerilya sa aming nayon sakay ng bus, naulinigan ng isang palakaibigang babae na nakasakay sa bus ang mga plano nila na isakatuparan ang kanilang gawaing “iniutos ng Diyos,” at binabalaan niya kami. Nagtago kami, at isa sa mga kamag-anak namin ang kumilos alang-alang sa amin. Nakaligtas kami.

Ito ang pasimula ng karagdagan pang kapighatian na darating. Ang pambubugbog at pananakot ay naging karaniwan na lamang. Pinipilit kami ng mga sumasalansang na bumalik sa simbahan, pabinyagan ang aming mga anak, at magkrus. Sa isang pagkakataon, binugbog nila ang aking kapatid hanggang sa inakala nilang patay na ito. Masakit para sa akin na makitang pinagpupunit ang damit ng aking dalawang kapatid na babae at pagkatapos ay binugbog sila. Nang panahong iyon, sapilitang bininyagan ng simbahan ang walong anak ng mga Saksi ni Jehova.

Noong 1949 ay namatay ang aking ina. Pinag-initan na naman kami ng pari, anupat inaakusahan kami ng di-pagsunod sa legal na mga kahilingan para sa permiso sa paglilibing. Nilitis ako sa korte at napawalang-sala. Nagbigay ito ng mainam na patotoo, yamang narinig ang pangalan ni Jehova sa pambukas na mga pananalita ng kaso. Ang tanging paraang natitira sa mga kaaway namin para “mapanumbalik ang aming katinuan” ay ang arestuhin kami at ipatapon. Ganito nga ang ginawa nila noong Abril 1949.

Tungo sa Maapoy na Hurno

Isa ako sa tatlong Saksi na inaresto. Hindi man lamang ako dinalaw ng aking asawa sa lokal na himpilan ng pulisya. Una kaming dinala sa isang bilangguan sa Iráklion. Gaya ng pagkakalarawan sa pasimula, ako ay nag-iisa at nalulumbay. Naiwan ko ang isang bata pang asawa na hindi kapananampalataya at dalawang sanggol. Marubdob akong nanalangin kay Jehova para humingi ng tulong. Sumagi sa isipan ko ang mga salita ng Diyos na nakaulat sa Hebreo 13:5: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” Natanto ko ang karunungan ng paglalagak ng lubos na pagtitiwala kay Jehova.​—Kawikaan 3:5.

Nalaman naming ipatatapon kami sa Makrónisos, isang tigang na pulo sa baybayin ng Attica, Gresya. Ang pagbanggit lamang sa Makrónisos ay sapat na upang masindak ang sinuman sapagkat ang kampong bilangguan doon ay kilalá sa pagpapahirap at pagpapatrabaho bilang alipin. Sa pagtungo sa bilangguan, tumigil kami sa Piraeus. Bagaman nakaposas pa, napatibay-loob kami nang magtungo sa barko ang ilan sa ating kapananampalataya at yakapin kami.​—Gawa 28:14, 15.

Waring isang bangungot ang buhay sa Makrónisos. Minaltrato ng mga sundalo ang mga bilanggo mula umaga hanggang gabi. Maraming bilanggong di-Saksi ang nasiraan ng bait, ang iba ay namatay, at marami ang nabaldado. Sa gabi, nakaririnig kami ng mga sigaw at mga daing ng mga pinahihirapan. Kakaunting init ang naibibigay ng aking manipis na kumot sa malalamig na gabi.

Unti-unti, naging kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa kampo dahil ang pangalang ito ay binabanggit sa panahon ng pagtawag sa mga pangalan tuwing umaga. Kaya naman, nagkaroon kami ng maraming pagkakataon upang makapagpatotoo. Nagkaroon pa nga ako ng pribilehiyo na bautismuhan ang isang pulitikal na bilanggo na sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay ng kaniyang buhay kay Jehova.

Sa panahon ng aking pagkatapon, patuloy akong sumusulat sa aking mahal na asawa nang hindi man lamang tumatanggap ng sagot mula sa kaniya. Hindi ito nakapigil sa akin para sumulat sa kaniya sa magiliw na paraan, anupat nagbibigay ng kaaliwan at katiyakan na pansamantala lamang ang paghihirap na iyon at na magiging maligaya kaming muli.

Samantala, dumami kami dahil sa pagdating ng marami pang kapatid. Sa aking pagtatrabaho sa opisina, nakipagkilala ako sa kumandante koronel ng kampo. Yamang iginagalang niya ang mga Saksi, nilakasan ko ang aking loob upang humiling sa kaniya na kung puwede ay tumanggap kami ng ilang literatura sa Bibliya mula sa aming tanggapan sa Atenas. “Imposible iyan,” ang sabi niya, “ngunit bakit hindi ninyo sabihin sa mga kasama ninyo sa Atenas na iimpake ito sa inyong bagahe, isulat ang pangalan ko doon, at ipadala ito sa akin?” Hindi talaga ako makapaniwala sa narinig ko! Pagkalipas ng ilang araw habang ibinababa namin ang kargada ng isang dumating na barko, sinaluduhan ng isang pulis ang koronel at ipinaalam sa kaniya: “Sir, dumating na ang bagahe ninyo.” “Anong bagahe?” ang sagot niya. Nagkataong nasa malapit ako para maulinigan ang pag-uusap, kaya bumulong ako sa kaniya: “Malamang po na sa amin iyan, na ipinadala sa inyong pangalan, gaya ng utos ninyo.” Iyan ang isa sa mga paraan upang matiyak ni Jehova na napakakain kami sa espirituwal na paraan.

Isang Di-inaasahang Pagpapala​—Pagkatapos ay Higit Pang Kapighatian

Sa pagtatapos ng 1950, ako ay pinalaya. Umuwi ako sa bahay​—masasaktin, maputla, buto’t balat, at hindi nakatitiyak sa magiging pagtanggap sa akin. Tuwang-tuwa akong makitang muli ang aking asawa at mga anak! Higit pa riyan, nagulat ako na malaman na humupa na ang poot ni Frosini. Ang mga sulat na ipinadala ko mula sa bilangguan ay napatunayang mabisa. Naantig si Frosini sa aking pagbabata at pagtitiyaga. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagkaroon kami ng mahaba at mahinahong pag-uusap. Tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya at nagkaroon siya ng pananampalataya kay Jehova at sa mga pangako ng Diyos. Ang isa sa pinakamaligayang araw sa aking buhay ay noong 1952 nang bautismuhan ko siya bilang isang nakaalay na lingkod ni Jehova!

Noong 1955 ay naglunsad kami ng isang kampanya upang ipamahagi sa lahat ng pari ang isang kopya ng buklet na Christendom or Christianity​—Which One Is “the Light of the World”? Inaresto ako at nilitis, kasama ang ilang kapuwa Saksi. Napakaraming kaso laban sa mga Saksi ni Jehova anupat kinailangang magdaos ng espesyal na sesyon ang korte upang dinggin ang lahat ng iyon. Nang araw na iyon, dumalo ang buong institusyong legal ng probinsiya, at ang silid ng korte ay punung-puno ng mga pari. Paroo’t parito sa pasilyo ang obispo. Ang isa sa mga pari ay nagsampa ng reklamo laban sa akin hinggil sa proselitismo. Tinanong siya ng hukom: “Napakahina ba ng iyong pananampalataya anupat maaari kang makumberte sa pamamagitan ng pagbabasa lamang ng isang brosyur?” Hindi naka-imik ang pari. Napawalang-sala ako, subalit ang ilang kapatid ay nasentensiyahan ng anim na buwang pagkabilanggo.

Nang sumunod na mga taon, paulit-ulit kaming inaresto, at dumami ang mga kaso sa korte. Laging abala ang aming mga abogado dahil sa pag-aasikaso sa mga paglilitis. Sa kabuuan, 17 ulit akong dinala sa korte. Sa kabila ng pagsalansang, regular kami sa aming gawaing pangangaral. May-kaligayahan naming tinanggap ang hamong ito, at ang maaapoy na pagsubok na ito ay dumalisay sa aming pananampalataya.​—Santiago 1:2, 3.

Bagong mga Pribilehiyo at mga Hamon

Noong 1957 ay lumipat kami sa Atenas. Di-nagtagal at nahirang ako na maglingkod sa isang bagong tatag na kongregasyon. Dahil sa taos-pusong suporta ng aking asawa ay napanatili naming simple ang aming buhay at nagawa naming unahin sa lahat ang espirituwal na mga gawain. Sa gayon ay nagawa naming iukol ang karamihan sa aming panahon sa gawaing pangangaral. Sa paglipas ng mga taon, hinilingan kaming lumipat sa iba’t ibang kongregasyon kung saan may pangangailangan.

Noong 1963, sumapit sa edad 21 ang aking anak na lalaki at kinailangan niyang mag-ulat para sa pangangalap sa hukbo. Dahil sa kanilang neutral na paninindigan, lahat ng kinalap na mga Saksi ay dumanas ng pambubugbog, panlilibak, at panghihiya. Ganiyan din ang naging karanasan ng aking anak na lalaki. Kaya ibinigay ko sa kaniya ang aking kumot na ginamit ko sa Makrónisos upang patibaying-loob siya sa simbolikong paraan na sundin ang halimbawa ng naunang mga tagapag-ingat ng katapatan. Ang mga kapatid na ipinatawag ay nilitis sa korteng militar at kadalasang sinisintensiyahan ng mula dalawa hanggang apat na taon. Pagkatapos silang palayain, muli silang ipinatatawag at sinisintensiyahan. Bilang isang relihiyosong ministro, nagawa kong dumalaw sa iba’t ibang bilangguan at nagkaroon ng limitadong pakikipag-ugnayan sa aking anak at sa iba pang tapat na mga Saksi. Ibinilanggo ang aking anak sa loob ng mahigit sa anim na taon.

Pinalakas Kami ni Jehova

Matapos mapanumbalik ang kalayaan sa relihiyon sa Gresya, nagkapribilehiyo ako na maglingkod bilang isang temporary special pioneer sa pulo ng Rhodes. Pagkatapos noong 1986 ay nagkaroon ng pangangailangan sa Sitía, Creta, kung saan ko pinasimulan ang aking karera bilang Kristiyano. Nalugod akong tanggapin ang atas na ito na maglingkod muli kasama ang aking mahal na mga kapananampalataya na kilalá ko na mula sa aking pagkabata.

Bilang patriyarka ng aking pamilya, natutuwa akong makita na halos 70 kamang-anak ko sa kabuuan ang naglilingkod nang buong-katapatan kay Jehova. At patuloy na dumarami ang bilang. Ang ilan ay naglilingkod bilang matatanda, ministeryal na mga lingkod, mga payunir, mga Bethelite, at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Sa loob ng mahigit na 58 taon, sinubok ang aking pananampalataya sa maapoy na hurno ng kapighatian. Ako ngayon ay 93 taóng gulang na, at sa aking pagbabalik-tanaw, wala akong pinagsisisihan tungkol sa paglilingkod sa Diyos. Pinagkalooban niya ako ng lakas upang tumugon sa kaniyang maibiging paanyaya: “Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at ang mga mata mong iyan ay malugod nawa sa aking mga daan.”​—Kawikaan 23:26.

[Mga talababa]

^ par. 9 Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 1, 1999, pahina 30-1.

^ par. 11 Ang mga pari ng Simbahang Griego Ortodokso ay pinahihintulutang mag-asawa.

^ par. 12 Para sa talambuhay ni Emmanuel Lionoudakis, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1999, pahina 25-9.

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 15 Para sa tagumpay sa korte na may kaugnayan kay Minos Kokkinakis, tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1993, pahina 27-31.

[Kahon sa pahina 27]

Makrónisos​—​Isang Pulo ng Sindak

Sa loob ng sampung taon, mula 1947 hanggang 1957, ang tigang at tiwangwang na pulo ng Makrónisos ay nagsilbing tahanan ng mahigit sa 100,000 bilanggo. Kabilang sa mga ito ang napakaraming tapat na mga Saksi na ipinadala roon dahil sa kanilang neutralidad bilang Kristiyano. Ang mga pasimuno sa kanilang pagkabilanggo ay kadalasan nang mga klerigong Griego Ortodokso na may kabulaanang nag-akusa na mga Komunista raw ang mga Saksi.

May kaugnayan sa proseso ng “reporma” na ginamit sa Makrónisos, ganito ang sabi ng Griegong ensayklopidiya na Papyros Larousse Britannica: “Ang mga pamamaraan sa malupit na pagpapahirap, . . . ang kalagayan ng pamumuhay, na di-katanggap-tanggap para sa isang sibilisadong bansa, at ang masamang pakikitungo ng mga guwardiya sa mga bilanggo . . . ay isang kadustaan sa kasaysayan ng Gresya.”

Sinabi sa ilang Saksi na hindi sila kailanman palalayain malibang itatwa nila ang kanilang relihiyosong mga paniniwala. Magkagayunman, ang katapatan ng mga Saksi ay hindi nasira. Karagdagan pa, tinanggap ng ilang pulitikal na bilanggo ang katotohanan sa Bibliya dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi.

[Larawan sa pahina 27]

Si Minos Kokkinakis (pangatlo mula sa kanan) at ako (pang-apat mula sa kaliwa) sa piitang isla ng Makrónisos

[Larawan sa pahina 29]

Paggawa kasama ng isang kapuwa Saksi sa Sitía, Creta, kung saan ako naglingkod noong kabataan ko