Ang Altar—Ano ang Dako Nito sa Pagsamba?
Ang Altar—Ano ang Dako Nito sa Pagsamba?
ITINUTURING mo ba ang altar na isang mahalagang bahagi ng iyong pagsamba? Para sa maraming nagsisimba sa Sangkakristiyanuhan, maaaring ang altar ang siyang pinakasentro ng kanilang pansin. Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa paggamit ng mga altar sa pagsamba?
Ang unang altar na binanggit sa Bibliya ay yaong itinayo ni Noe upang maghandog ng mga haing hayop nang lumabas siya sa arka ng kaligtasan pagkatapos ng Delubyo. *—Genesis 8:20.
Pagkatapos ng kalituhan sa mga wika sa Babel, nangalat ang sangkatauhan sa ibabaw ng buong lupa. (Genesis 11:1-9) Palibhasa’y may likas na hilig na sumamba, sinikap ng mga tao na lumapit sa Diyos, na naging lalong hindi pamilyar sa kanila, anupat ‘inaapuhap’ nila siya na parang mga bulag. (Gawa 17:27; Roma 2:14, 15) Mula noong panahon ni Noe, maraming tao ang nagtayo ng mga altar para sa kanilang mga diyus-diyosan. Ginamit ng mga relihiyon at ng mga tao ang mga altar sa huwad na pagsamba. Palibhasa’y nahiwalay sa tunay na Diyos, ginamit ng ilan ang mga altar ukol sa kahila-hilakbot na mga ritwal na nagsasangkot ng mga biktimang tao, maging ng mga bata. Nang talikuran nila si Jehova, nagtayo ng mga altar ang ilang hari ng Israel para sa paganong mga diyos, tulad ni Baal. (1 Hari 16:29-32) Ngunit kumusta naman ang paggamit ng mga altar sa tunay na pagsamba?
Ang mga Altar at ang Tunay na Pagsamba sa Israel
Pagkatapos ni Noe, ang iba pang tapat na mga lalaki ay nagtayo ng mga altar upang gamitin sa kanilang pagsamba sa tunay na Diyos na si Jehova. Nagtayo si Abraham ng mga altar sa Sikem, sa isang dako sa Bethel, sa Hebron, at sa Bundok Moria, kung saan naghandog siya ng isang barakong tupa na inilaan ng Diyos kapalit ni Isaac. Nang maglaon, dahil sa udyok ng kanilang puso ay nagtayo ng mga altar sina Isaac, Jacob, at Moises upang gamitin sa pagsamba nila sa Diyos.—Genesis 12:6-8; 13:3, 18; 22:9-13; 26:23-25; 33:18-20; 35:1, 3, 7; Exodo 17:15, 16; 24:4-8.
Nang ibigay ng Diyos sa bayan ng Israel ang kaniyang Kautusan, iniutos niya na itayo nila ang tabernakulo, isang naililipat-lipat na tolda, na tinatawag ding “tolda ng kapisanan,” bilang ang pinakasentrong pitak ng kaayusan sa paglapit sa kaniya. (Exodo 39:32, 40) Ang tabernakulo, o tolda, ay may dalawang altar. Ang isa na para sa mga handog na sinusunog, na gawa sa kahoy ng akasya at kinalupkupan ng tanso, ay inilagay sa harapan ng pasukan at ginamit sa paghahandog ng mga haing hayop. (Exodo 27:1-8; 39:39; 40:6, 29) Ang altar para sa insenso, na gawa rin sa kahoy ng akasya ngunit kinalupkupan ng ginto, ay inilagay sa loob ng tabernakulo, bago ang kurtina ng Kabanal-banalan. (Exodo 30:1-6; 39:38; 40:5, 26, 27) Isang espesyal na insenso ang sinusunog doon dalawang beses sa isang araw, sa umaga at sa gabi. (Exodo 30:7-9) Sinunod ng permanenteng templo na itinayo ni Haring Solomon ang disenyo ng tabernakulo, na may dalawang altar.
Ang “Tunay na Tolda” at ang Makasagisag na Altar
Nang ibigay ni Jehova sa Israel ang Kautusan, higit pa sa mga tagubilin ang inilaan niya upang patnubayan ang buhay ng kaniyang bayan at ang kanilang paglapit sa kaniya sa pamamagitan ng paghahain at pananalangin. Marami sa mga kaayusan nito ay bumubuo sa tinatawag ni apostol Pablo na “isang makasagisag na paglalarawan,” “isang ilustrasyon,” o “isang anino ng makalangit na mga bagay.” (Hebreo 8:3-5; 9:9; 10:1; Colosas 2:17) Sa ibang salita, ang maraming aspekto ng Kautusan ay hindi lamang nagsilbing gabay ng mga Israelita hanggang sa pagdating ng Kristo kundi ito rin ay patiunang pagpapaaninaw sa mga layunin ng Diyos na matutupad sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Galacia 3:24) Oo, may makahulang kahalagahan ang mga aspekto ng Kautusan. Halimbawa, ang kordero ng Paskuwa, ang dugo na ginamit bilang tanda ng pagliligtas sa mga Israelita, ay patiunang lumarawan kay Jesu-Kristo. Siya “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan,” na ang dugo ay itinigis upang palayain tayo mula sa kasalanan.—Juan 1:29; Efeso 1:7.
Maraming bagay na nauugnay sa tabernakulo at paglilingkod sa templo ang lumalarawan sa espirituwal na mga realidad. (Hebreo 8:5; 9:23) Sa katunayan, sumulat si Pablo hinggil sa “tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” Sinabi pa niya: “Si Kristo ay dumating bilang isang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na naganap na, sa pamamagitan ng mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay, samakatuwid nga, hindi sa paglalang na ito.” (Hebreo 8:2; 9:11) Ang “dakila at lalong sakdal na tolda” ay ang kaayusan sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Ipinahihiwatig ng pananalitang ginamit sa Kasulatan na ang dakilang espirituwal na templo ay ang kaayusan na sa pamamagitan nito’y makalalapit ang mga tao kay Jehova salig sa pampalubag-loob na hain ni Jesu-Kristo.—Hebreo 9:2-10, 23-28.
Ang pagkaalam mula sa Salita ng Diyos na lumalarawan ang ilan sa mga paglalaan at mga kaayusan ng Kautusan sa mas dakila at mas makahulugang espirituwal na mga realidad ay tiyak na nagpapatibay ng pananampalataya na kinasihan nga ang Bibliya. Pinasisidhi rin nito ang pagpapahalaga sa makadiyos na karunungan na pantanging makikita sa Kasulatan.—Roma 11:33; 2 Timoteo 3:16.
Ang altar ng handog na sinusunog ay mayroon ding makahulang kahalagahan. Waring inilalarawan nito ang “kalooban” ng Diyos, o ang kaniyang pagnanais na tanggapin ang sakdal na hain ni Jesus bilang tao.—Hebreo 10:1-10.
Nang maglaon sa aklat ng mga Hebreo, si Pablo ay nagbigay ng ganitong kapansin-pansing komento: “Tayo ay may altar na mula roon ay walang awtoridad na kumain yaong mga gumagawa ng sagradong paglilingkod sa tolda.” (Hebreo 13:10) Anong altar ang tinutukoy niya?
Inaangkin ng maraming Katolikong tagapagbigay-kahulugan na ang altar na binanggit sa Hebreo 13:10 ay yaong ginagamit sa Eukaristiya, ang “sakramento” kung saan ang hain ni Kristo ay sinasabing nanunumbalik sa panahon ng Misa. Ngunit makikita mo sa konteksto na ang altar na tinatalakay ni Pablo ay makasagisag. Itinuturing ng ilang iskolar na makasagisag ang terminong “altar” sa tekstong ito. Para kay Giuseppe Bonsirven, isang Jesuita, “ito ay lubos na kasuwato ng lahat ng simbolismo ng liham [sa mga Hebreo].” Sinabi niya: “Sa pananalita ng mga Kristiyano, ang salitang ‘altar’ ay unang ginamit sa espirituwal na diwa at ikinapit lamang ito sa eukaristiya at lalong higit sa mesa ng eukaristiya pagkatapos ng panahon ni Irenaeus, at partikular na pagkatapos ni Tertullian at ni San Cyprian.”
Gaya ng sinabi ng isang magasing Katoliko, ang paggamit ng altar ay lumaganap noong “panahon ni Constantino” kasabay ng “pagtatayo ng mga basilika.” Sinabi ng Rivista di Archeologia Cristiana (Muling Pagsusuri sa Kristiyanong Arkeolohiya): “Tiyak na noong unang dalawang siglo, walang patotoo na may itinalagang dako ng pagsamba kundi mga liturhikong mga pagtitipon na ginaganap sa mga silid sa pribadong mga tahanan . . . , mga silid na pagkatapos ng seremonya ay kaagad na ibinabalik sa orihinal nitong gamit.”
Paggamit ng Sangkakristiyanuhan sa Altar
“Ang altar,” ang sabi ng babasahing Katoliko na La Civiltà Cattolica “ay ang pinakasentro hindi lamang ng gusali ng simbahan kundi ng buháy na Simbahan din naman.” Subalit hindi nagtatag si Jesus ng kahit isang relihiyosong seremonya na isasagawa sa isang altar; ni nag-utos man siya sa kaniyang mga alagad na magsagawa ng mga seremonya na gumagamit ng altar. Ang pagbanggit ni Jesus ng altar sa Mateo 5:23, 24 at sa iba pang teksto ay tumutukoy sa relihiyosong mga kaugalian na laganap sa mga Judio, ngunit hindi niya ipinahihiwatig na ang kaniyang mga tagasunod ay sasamba sa Diyos na ginagamit ang isang altar.
Sumulat ang Amerikanong istoryador na si George Foot Moore (1851-1931): “Ang pangunahing mga pitak ng Kristiyanong pagsamba ay laging di-nagbabago, ngunit nang maglaon, ang simpleng mga seremonya na inilarawan ni Justin noong kalagitnaan ng ikalawang siglo ay naging mararangyang ritwal sa pagsamba.” Napakarami at napakasalimuot ng Katolikong mga ritwal at pangmadlang relihiyosong mga seremonya anupat nabuo ang isang asignatura sa pag-aaral sa Katolikong mga seminaryo—ang liturhiya. Nagpatuloy si Moore: “Ang tendensiyang ito, na likas sa lahat ng ritwal, ay lubhang pinalabis pa ng impluwensiya ng Lumang Tipan nang ituring ang klerong Kristiyano bilang ang kahalili sa pagkasaserdote ng dating relihiyon ng mga Judio. Ang napakagandang pananamit ng mataas na saserdote, ang seremonyal na mga kasuutan ng iba pang mga saserdote, ang mariringal na prusisyon, ang mga koro ng Levitikong mga mang-aawit na umaawit ng mga salmo, ang mga usok ng insenso mula sa iniuugoy na mga insensaryo—lahat ng ito ay waring isang bigay-Diyos na huwaran para sa relihiyosong pagsamba, na nagbigay-katuwiran sa simbahan na makipagkompetensiya sa karangyaan ng sinaunang mga kulto.”
Baka magulat ka na malaman na ang maraming ritwal, seremonya, kasuutan, at iba pang mga bagay na ginagamit sa pagsamba ng iba’t ibang simbahan ay nakabatay, hindi sa Kristiyanong mga turo ng mga Ebanghelyo, kundi sa mga kaugalian at mga ritwal ng mga Judio at mga pagano. Sinasabi ng Enciclopedia Cattolica na “minana ng [Katolisismo] ang paggamit ng altar mula sa Judaismo at sa isang bahagi ay sa paganismo.” Isinulat ni Minucius Felix, isang apolohista noong ikatlong siglo C.E., na ang mga Kristiyano ay ‘walang mga templo ni mga altar.’ Gayundin ang sinabi ng diksyunaryong ensayklopidiya na Religioni e Miti (Mga Relihiyon at mga Alamat): “Itinakwil ng sinaunang mga Kristiyano ang paggamit ng altar upang mapaiba sila mula sa Judio at paganong pagsamba.”
Sapagkat pangunahin nang nakasalig ang Kristiyanismo sa mga simulain na dapat tanggapin at ikapit sa araw-araw na pamumuhay at sa bawat lupain, hindi na kailangan ang isang banal na lunsod sa lupa, o isang literal na templo na may mga altar, o mga taong saserdote na may pantanging ranggo at kapansin-pansing mga kasuutan. “Ang oras ay dumarating,” ang sabi ni Jesus, “na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. . . . Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:21, 23) Winawalang-bahala ng pagiging masalimuot ng mga ritwal at ng paggamit ng mga altar ng maraming simbahan ang sinabi ni Jesus hinggil sa kung paano dapat sambahin ang tunay na Diyos.
[Talababa]
^ par. 3 Mas maaga rito, maaaring naghandog sina Cain at Abel kay Jehova na ginagamit ang mga altar.—Genesis 4:3, 4.