Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Kailangang Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?

Bakit Kailangang Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?

Bakit Kailangang Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?

“Tinanggap ko mula sa Panginoon yaong ibinigay ko rin sa inyo.”​—1 Corinto 11:23.

1, 2. Ano ang ginawa ni Jesus nang gabi ng Paskuwa noong 33 C.E.?

ANG bugtong na anak ni Jehova ay naroroon. Gayundin ang 11 lalaki na ‘nanatiling kasama niya sa kaniyang mga pagsubok.’ (Lucas 22:28) Huwebes ng gabi noon, Marso 31, 33 C.E., at malamang na napapalamutian ng kabilugan ng buwan ang kalangitan na nasa ibabaw ng Jerusalem. Katatapos pa lamang ipagdiwang ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol ang Paskuwa. Pinaalis na noon ang taksil na si Hudas Iscariote, ngunit hindi pa panahon para umalis ang iba. Bakit? Dahil may gagawin si Jesus na napakahalaga. Ano iyon?

2 Yamang naroon ang manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo, hayaan nating siya ang maglahad sa atin. Sumulat siya: “Kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.’ ” (Mateo 26:26-28) Ito ba’y isang minsanang pangyayari lamang? Ano ang kahulugan nito? Mayroon ba itong anumang kahulugan para sa atin sa ngayon?

“Patuloy Ninyong Gawin Ito”

3. Bakit mahalaga ang ginawa ni Jesus noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E.?

3 Ang ginawa ni Jesu-Kristo noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., ay hindi lamang isang nagkataong pangyayari sa kaniyang buhay. Tinalakay ito ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga pinahirang Kristiyano sa Corinto, kung saan ang parisang itinatag ni Jesus ay sinusunod pa rin kahit mahigit na 20 taon na ang nakalipas. Bagaman si Pablo ay hindi kasama ni Jesus at ng 11 apostol noong 33 C.E., tiyak na napag-alaman niya mula sa ilang apostol kung ano ang nangyari sa okasyong iyon. Karagdagan pa, maliwanag na natiyak ni Pablo ang mga aspekto ng pangyayaring iyon sa pamamagitan ng kinasihang kapahayagan. Sinabi ni Pablo: “Tinanggap ko mula sa Panginoon yaong ibinigay ko rin sa inyo, na ang Panginoong Jesus, nang gabing ibibigay na siya, ay kumuha ng tinapay at, nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin ang ginawa niya may kinalaman sa kopa, pagkatapos niyang makapaghapunan, na sinasabi: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo. Patuloy ninyong gawin ito, sa tuwing iinumin ninyo ito, bilang pag-alaala sa akin.’ ”​—1 Corinto 11:23-25.

4. Bakit dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano ang Hapunan ng Panginoon?

4 Pinatutunayan ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na talagang iniutos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Ang mga salitang ito ay isinalin din na: “Gawin ninyo ito bilang paggunita sa akin” (Today’s English Version) at “Gawin ninyo ito bilang memoryal para sa akin.” (The Jerusalem Bible) Sa katunayan, ang pagdiriwang na ito ay karaniwan nang tinutukoy bilang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Tinatawag din ito ni Pablo na Hapunan ng Panginoon​—isang angkop na katawagan, yamang gabi noon nang itatag ito. (1 Corinto 11:20) Inuutusan ang mga Kristiyano na ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon. Ngunit bakit itinatag ang pagdiriwang na ito?

Kung Bakit Ito Itinatag

5, 6. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit itinatag ni Jesus ang Memoryal? (b) Magbigay ng isa pang dahilan kung bakit itinatag ang Hapunan ng Panginoon.

5 Ang isang dahilan kung bakit itinatag ang Memoryal ay may kaugnayan sa isang layunin ng kamatayan ni Jesus. Namatay siya bilang tagapagbangong-puri ng pagkasoberano ng kaniyang makalangit na Ama. Pinatunayan kung gayon ni Kristo na sinungaling si Satanas na Diyablo, na may-kabulaanang nagbintang na naglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos dahil sa sakim na mga motibo. (Job 2:1-5) Ang katapatan ni Jesus hanggang kamatayan ay nagpatunay na hindi totoo ang pag-aangking ito at nakapagpasaya ito sa puso ni Jehova.​—Kawikaan 27:11.

6 Ang isa pang dahilan kung bakit itinatag ang Hapunan ng Panginoon ay upang ipaalaala sa atin na sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal at walang-salang tao, ‘ibinigay ni Jesus ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28) Nang magkasala sa Diyos ang unang tao, naiwala niya ang sakdal na buhay bilang tao at ang lahat ng pag-asa nito. Gayunman, sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sa katunayan, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Ang pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon ay nagpapaalaala sa atin sa dakilang pag-ibig na ipinakita kapuwa ni Jehova at ng kaniyang Anak may kaugnayan sa kamatayan ni Jesus bilang hain. Tunay ngang dapat nating pahalagahan ang pag-ibig na iyon!

Kailan Ito Dapat Ipagdiwang?

7. Paanong sa tuwing makikibahagi sa Memoryal ang mga pinahirang Kristiyano, patuloy nilang inihahayag ang kamatayan ng Panginoon?

7 Ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa Hapunan ng Panginoon: “Sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1 Corinto 11:26) Ang bawat isa sa mga pinahirang Kristiyano ay makikibahagi sa mga emblema ng Memoryal hanggang sa mamatay sila. Sa gayon, sa harap ng Diyos na Jehova at ng sanlibutan, paulit-ulit nilang inihahayag ang kanilang pananampalataya sa inilaan ng Diyos na haing pantubos ni Jesus.

8. Hanggang kailan ipagdiriwang ng lupon ng mga pinahiran ang Hapunan ng Panginoon?

8 Hanggang kailan ipagdiriwang ng lupon ng mga pinahirang Kristiyano ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo? “Hanggang sa dumating siya,” ang sabi ni Pablo, na maliwanag na nangangahulugang magpapatuloy ang mga pagdiriwang na ito hanggang sa pagdating ni Jesus upang tanggapin ang kaniyang mga pinahirang tagasunod tungo sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa panahon ng kaniyang “pagkanaririto.” (1 Tesalonica 4:14-17) Kasuwato ito ng mga sinabi ni Jesus sa 11 matapat na apostol: “Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”​—Juan 14:3.

9. Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na nakaulat sa Marcos 14:25?

9 Nang itatag ni Jesus ang Memoryal, tinukoy niya ang kopa ng alak at sinabi sa kaniyang tapat na mga apostol: “Hindi na ako iinom pa ng bunga ng punong ubas hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago sa kaharian ng Diyos.” (Marcos 14:25) Yamang si Jesus ay hindi iinom ng literal na alak sa langit, maliwanag na ang nasa isip niya ay ang kagalakan na kung minsan ay isinasagisag ng alak. (Awit 104:15; Eclesiastes 10:19) Ang kanilang pagsasama-sama sa Kaharian ay magiging isang nakagagalak na karanasan na lubhang inaasam-asam niya at ng kaniyang mga tagasunod-yapak.​—Roma 8:23; 2 Corinto 5:2.

10. Gaano kadalas dapat ipagdiwang ang Memoryal?

10 Dapat bang ipagdiwang ang kamatayan ni Jesus nang buwan-buwan, linggu-linggo, o araw-araw pa nga? Hindi. Itinatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon at pinatay siya noong araw ng Paskuwa, na ipinagdiriwang bilang “pinakaalaala” ng pagliligtas sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E. (Exodo 12:14) Ang Paskuwa ay ginaganap lamang nang minsan sa isang taon, sa ika-14 na araw ng buwan ng Nisan ng mga Judio. (Exodo 12:1-6; Levitico 23:5) Ipinahihiwatig nito na dapat lamang ipagdiwang ang kamatayan ni Jesus na kasindalas ng Paskuwa​—taun-taon​—hindi buwan-buwan, linggu-linggo, o araw-araw.

11, 12. Ano ang isinisiwalat ng kasaysayan hinggil sa sinaunang mga pag-alaala sa Memoryal?

11 Kung gayon, angkop lamang na ipagdiwang ang Memoryal nang taun-taon tuwing Nisan 14. Ganito ang sabi ng isang reperensiyang akda: “Ang mga Kristiyano sa Asia Minor ay tinawag na mga Quartodeciman [mga Panglabing-apatan] dahil sa kanilang di-nagbabagong kaugalian na pagdiriwang ng pascha [Hapunan ng Panginoon] tuwing ika-14 ng Nisan . . . Ang petsa ay maaaring pumatak sa Biyernes o sa anumang iba pang araw ng sanlinggo.”​—The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, Tomo IV, pahina 44.

12 Sa pagkokomento hinggil sa kaugalian noong ikalawang siglo C.E., sinabi ng istoryador na si J. L. von Mosheim na ipinagdiriwang ng mga Quartodeciman ang Memoryal tuwing Nisan 14 dahil “kanilang nadama na obligado silang sumunod sa halimbawa ni Kristo gaya ng pagsunod nila sa isang batas.” Isa pang istoryador ang nagsabi: “Ang ginagawa ng mga simbahang Quartodeciman ng Asia ay kapareho ng ginagawa ng simbahan sa Jerusalem. Noong ika-2 siglo ay inaalaala ng mga simbahang ito sa panahon ng kanilang Pascha tuwing ika-14 ng Nisan ang pagtubos na pinangyari ng kamatayan ni Kristo.”​—Studia Patristica, Tomo V, 1962, pahina 8.

Kahulugan ng Tinapay

13. Anong uri ng tinapay ang ginamit ni Jesus nang itatag niya ang Hapunan ng Panginoon?

13 Nang itatag ni Jesus ang Memoryal, “kumuha siya ng tinapay, bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol ito at ibinigay sa [mga apostol].” (Marcos 14:22) Ang tinapay na ginamit sa okasyong iyon ay ang uri na kagagamit lamang sa Paskuwa noon. (Exodo 13:6-10) Yamang ito ay ginawa nang walang lebadura, lapad ito at malutong at kailangang pagputul-putulin para maipamahagi. Nang makahimalang paramihin ni Jesus ang tinapay para sa libu-libong tao, iyon din ay lapad at malutong na gaya ng biskuwit, sapagkat pinagputul-putol niya ito upang ito ay maipamahagi. (Mateo 14:19; 15:36) Kung gayon, maliwanag na ang pagpuputul-putol sa tinapay na pang-Memoryal ay walang espirituwal na kahulugan.

14. (a) Bakit angkop na walang lebadura ang tinapay na pang-Memoryal? (b) Anong uri ng tinapay ang maaaring mabili o magawa para magamit sa Hapunan ng Panginoon?

14 May kaugnayan sa ginamit na tinapay nang itatag ang Memoryal, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo.” (1 Corinto 11:24; Marcos 14:22) Angkop lamang na walang lebadura ang tinapay. Bakit? Sapagkat ang lebadura ay maaaring magpahiwatig ng kasamaan, kabalakyutan, o kasalanan. (1 Corinto 5:6-8) Inilarawan ng tinapay ang sakdal at walang-salang katawang-tao ni Jesus, na angkop na inihandog bilang haing pantubos. (Hebreo 7:26; 10:5-10) Isinasaisip ito ng mga Saksi ni Jehova at sinusunod nila ang halimbawang ibinigay ni Jesus sa pamamagitan ng paggamit ng tinapay na walang lebadura sa mga pagdiriwang ng Memoryal. Sa ilang pagkakataon, gumagamit sila ng walang-pampalasa at walang-lebadurang biskuwit (matzo) ng mga Judio na hindi nilagyan ng ibang sangkap, tulad ng sibuyas o itlog. O kaya naman, maaaring gawin ang tinapay na walang lebadura sa pamamagitan ng kaunting harina na mula sa butil (kung maaari, trigo) na hinaluan ng kaunting tubig. Ang masa ay kailangang panipisin at maaaring iluto sa kawali na minantikaan nang kaunti hanggang sa matuyo at lumutong ang tinapay.

Kahulugan ng Alak

15. Ano ang nasa kopa nang itatag ni Kristo ang Memoryal ng kaniyang kamatayan?

15 Matapos ipasa ang tinapay na walang lebadura, kumuha ng isang kopa si Jesus, ‘naghandog ng pasasalamat at ibinigay ito sa mga apostol, at silang lahat ay uminom mula rito.’ Nagpaliwanag si Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami.” (Marcos 14:23, 24) Ano ang nasa kopa? Pinakasim na alak, hindi yaong di-pinakasim na katas ng ubas. Kapag binabanggit ng Kasulatan ang alak, ang tinutukoy nito ay hindi ang di-pinakasim na katas ng ubas. Halimbawa, ang pinakasim na alak, hindi ang katas ng ubas, ang nakapagpapaputok sa “mga lumang sisidlang balat,” gaya ng sinabi ni Jesus. At ipinaratang ng mga kaaway ni Kristo na siya ay “mahilig uminom ng alak.” Iyon ay magiging walang-saysay na paratang kung ang alak ay basta katas lamang ng ubas. (Mateo 9:17; 11:19) Ang alak ay iniinom sa panahon ng pagdiriwang ng Paskuwa, at ginamit ito ni Kristo nang itatag niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan.

16, 17. Anong uri ng alak ang angkop sa mga pagdiriwang ng Memoryal, at bakit?

16 Tanging pulang alak lamang ang angkop na sagisag sa inilalarawan ng nilalaman ng kopa, samakatuwid nga, ang itinigis na dugo ni Jesus. Sinabi niya mismo: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami.” At si apostol Pedro ay sumulat: “Alam ninyo [mga pinahirang Kristiyano] na hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, sa pamamagitan ng pilak o ginto, na kayo ay iniligtas mula sa inyong walang-bungang anyo ng paggawi na tinanggap sa pamamagitan ng tradisyon mula sa inyong mga ninuno. Kundi iyon ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo, tulad niyaong sa walang-dungis at walang-batik na kordero, kay Kristo mismo.”​—1 Pedro 1:18, 19.

17 Ang pulang alak na mula sa ubas ang siyang uri na tiyak na ginamit ni Jesus nang itatag niya ang Memoryal. Gayunman, ang ilang makabagong pulang alak ay di-angkop dahil hinaluan ito ng alkohol o brandi o sinangkapan ng mga yerba at mga espesya. Ang dugo ni Jesus ay kumpleto na sa ganang sarili, anupat hindi na nangangailangan ng anumang ihahalo rito. Kaya, ang mga alak na gaya ng port, sherry, at vermouth ay hindi angkop. Ang kopang pang-Memoryal ay dapat maglaman ng di-pinatamis at di-hinaluan na pulang alak. Ang pulang alak na mula sa ubas na ginawa sa bahay at di-pinatamis ay maaaring gamitin, at gayundin ang mga alak na gaya ng red burgundy at claret.

18. Bakit hindi gumawa ng himala si Jesus may kinalaman sa tinapay at alak na pang-Memoryal?

18 Nang itatag ang hapunang ito, si Jesus ay hindi gumawa ng himala, anupat binago ang mga emblema tungo sa pagiging literal na laman at dugo niya. Ang pagkain sa laman at pag-inom sa dugo ng tao ay kanibalismo, isang paglabag sa kautusan ng Diyos. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10) Taglay pa rin noon ni Jesus ang kaniyang buong katawang-laman at ang lahat ng kaniyang dugo. Ang kaniyang katawan ay inihandog bilang isang sakdal na hain, at ang kaniyang dugo ay itinigis noong sumunod na hapon nang araw ding iyon ng mga Judio, noong Nisan 14. Samakatuwid, ang tinapay at alak na pang-Memoryal ay makasagisag lamang, lumalarawan sa laman at dugo ni Kristo. *

Ang Memoryal​—Isang Salu-salo

19. Bakit maaaring gamitin ang higit sa isang plato at isang kopa sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon?

19 Nang itatag ni Jesus ang Memoryal, inanyayahan niya ang kaniyang tapat na mga apostol na uminom sa iisang kopa. Ganito ang sabi ng Ebanghelyo ni Mateo: “Kumuha [si Jesus] ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat.’ ” (Mateo 26:27) Ang paggamit ng “isang kopa” lamang, hindi ng maraming kopa, ay hindi nagdulot ng problema, yamang nang okasyon iyon ay 11 lamang na makikibahagi ang maliwanag na nasa iisang mesa at madali nilang maipapasa ang kopa sa isa’t isa. Sa taóng ito, milyun-milyon ang magtitipon para sa Hapunan ng Panginoon sa mahigit na 94,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Palibhasa’y napakaraming magpupulong sa gabi ng pagdiriwang na ito, hindi maaaring gumamit ng iisang kopa lamang para sa lahat. Subalit ang simulain ay pinananatili sa malalaking kongregasyon sa pamamagitan ng paggamit ng ilang kopa upang maipasa ang mga ito sa mga dumalo sa makatuwirang haba ng panahon. Gayundin naman, maaaring gumamit ng higit sa isang plato para sa tinapay. Walang ipinahihiwatig ang Kasulatan na ang kopa o baso mismo ay dapat na may espesipikong disenyo. Gayunman, ito at ang plato ay dapat magpamalas ng dignidad ng okasyon. Isang katalinuhan na iwasang punuin ang kopa hanggang sa punto na posibleng matapon ang alak habang ipinapasa ito.

20, 21. Bakit natin masasabi na ang Memoryal ay isang salu-salo?

20 Bagaman maaaring gamitin ang higit sa isang plato ng tinapay o isang kopa ng alak, ang Memoryal ay isang salu-salo. Sa sinaunang Israel, maaaring isaayos ng isang lalaki ang isang salu-salo sa pamamagitan ng pagdadala ng hayop sa santuwaryo ng Diyos, kung saan ito ay kakatayin. Ang isang bahagi ng hayop ay sinusunog sa altar, ang ibang bahagi naman ay napupunta sa nangangasiwang saserdote at ang isa pang bahagi ay napupunta sa mga saserdoteng anak ni Aaron, na doo’y nakikibahagi sa pagkain ang nagbigay ng handog at ang kaniyang sambahayan. (Levitico 3:1-16; 7:28-36) Ang Memoryal din naman ay isang salu-salo dahil nagsasangkot ito ng magkakasamang pakikibahagi.

21 Kasali si Jehova sa salu-salong ito bilang ang May-akda ng kaayusan. Si Jesus ang hain, at ang mga pinahirang Kristiyano ay nakikibahagi sa mga emblema bilang mga kasama sa salu-salo. Ang pagkain sa mesa ni Jehova ay nangangahulugan na ang mga nakikibahagi ay may pakikipagpayapaan sa kaniya. Kasuwato nito, sumulat si Pablo: “Ang kopa ng pagpapala na pinagpapala natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa dugo ng Kristo? Ang tinapay na pinagpuputul-putol natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa katawan ng Kristo? Sapagkat may iisang tinapay, tayo, bagaman marami, ay iisang katawan, dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.”​—1 Corinto 10:16, 17.

22. Anong mga tanong tungkol sa Memoryal ang kailangan pa rin nating isaalang-alang?

22 Ang Hapunan ng Panginoon ang tanging taunang relihiyosong pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay angkop dahil inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Sa Memoryal, inaalaala natin ang kamatayan ni Jesus, isang kamatayan na nagbangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova. Gaya ng natalakay na natin, sa salu-salong ito, ang tinapay ay nangangahulugan ng inihain na katawang-tao ni Kristo at ang alak naman ay ng kaniyang itinigis na dugo. Gayunman, kakaunti lamang ang nakikibahagi sa mga emblemang tinapay at alak. Bakit ganoon? May tunay bang kahulugan ang Memoryal para sa milyun-milyon na hindi nakikibahagi? Ang totoo, ano ang dapat na maging kahulugan sa iyo ng Hapunan ng Panginoon?

[Talababa]

^ par. 18 Tingnan ang Tomo 2, pahina 271, ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Anu-ano ang Iyong Sagot?

• Bakit itinatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon?

• Gaano kadalas dapat ipagdiwang ang Memoryal?

• Ano ang kahulugan ng walang-lebadurang tinapay na pang-Memoryal?

• Ano ang inilalarawan ng alak na pang-Memoryal?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Itinatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon