Huwag Mong Ipaubaya sa Pagkakataon ang Puso ng Iyong Anak!
Huwag Mong Ipaubaya sa Pagkakataon ang Puso ng Iyong Anak!
SA MGA kamay ng isang bihasang magpapalayok, ang isang walang-kuwentang limpak ng luwad ay maaaring maging isang kaakit-akit na kagamitan. Iilan lamang sa mga dalubhasang manggagawa ang nakagagawa ng gayong kaakit-akit na kagamitan mula sa walang-kuwentang bagay. Sa loob ng maraming milenyo, umasa ang lipunan sa magpapalayok sa paggawa ng mga tasa, plato, kaldero, banga, at mga plorerang pampalamuti.
Ang mga magulang din ay nakapagbibigay ng walang kasinghalagang kontribusyon sa lipunan sa pamamagitan ng paghubog sa pagkatao at personalidad ng kanilang mga anak. Inihahambing ng Bibliya ang bawat isa sa atin sa luwad, at iniatas ng Diyos sa mga magulang ang mahalagang tungkulin na hubugin ang “luwad” ng kanilang mga anak. (Job 33:6; Genesis 18:19) Kagaya ng paglikha ng isang magandang kagamitang luwad, ang pagbago sa anak tungo sa pagiging isang responsable at timbang na adulto ay hindi madaling atas. Ang gayong pagbabago ay hindi nangyayari nang basta-basta lamang.
Maraming impluwensiya ang gumaganap ng papel sa paghubog sa puso ng ating mga anak. Nakalulungkot, ang ilan sa mga impluwensiyang ito ay nakapipinsala. Kaya sa halip na ipaubaya sa pagkakataon ang puso ng isang anak, sasanayin ng isang matalinong magulang ang anak “ayon sa daang nararapat sa kaniya,” taglay ang pagtitiwala na ‘kapag tumanda na siya ay hindi niya iyon lilihisan.’—Kawikaan 22:6.
Sa panahon ng mahaba at mahalagang proseso ng pagpapalaki sa isang anak, kailangang mag-ukol ng panahon ang matatalinong Kristiyanong magulang upang itaboy ang negatibong mga impluwensiya na nagbabanta sa puso ng kanilang mga anak. Ang kanilang pag-ibig ay masusubok nang husto habang matiyaga nilang ibinibigay sa anak “ang tagubilin, at pagtutuwid, na nararapat sa pagpapalaking Kristiyano.” (Efeso 6:4, The New English Bible) Sabihin pa, ang tungkulin ng mga magulang ay magiging mas madali kung maaga silang magpapasimula.
Maagang Pasimula
Gustong gamitin ng mga magpapalayok ang luwad na may sapat na lambot upang mahubog sa isang hugis ngunit may sapat ding tibay upang manatili sa hugis matapos itong hubugin. Pagkaraang dalisayin ang luwad, mas gusto nilang gamitin ito sa
loob ng anim na buwan. Gayundin naman, ang pinakamainam na panahon para simulan ng mga magulang ang paghubog sa puso ng kanilang anak ay kapag ito’y napakadaling tumanggap ng tagubilin at hindi mahirap hubugin.Sinasabi ng mga espesyalista sa mga bata na pagsapit sa edad na walong buwan, natututuhan na ng bata na makilala ang mga tunog ng kaniyang katutubong wika, nakalilikha na siya ng matalik na buklod sa kaniyang mga magulang, nakapaglilinang na ng mga kakayahan sa pag-unawa, at nakapagsisimula na siyang magsuri sa daigdig na nasa palibot niya. Ang pinakamainam na panahon upang simulan ang paghubog sa kaniyang puso ay kapag bata pa siya. Kaylaking bentaha nga ang matatamo ng iyong anak kung gaya ni Timoteo, ‘malaman niya ang banal na kasulatan mula sa pagkasanggol’!—2 Timoteo 3:15. *
Likas na tinutularan ng mga sanggol ang kanilang mga magulang. Maliban sa paggaya sa mga tunog, pananalita, at kilos, natututuhan din nila ang tungkol sa pag-ibig, kabaitan, at pagkamahabagin kapag nakikita nilang ipinamamalas ng kanilang mga magulang ang mga katangiang ito. Kung gusto nating sanayin ang ating anak ayon sa mga kautusan ni Jehova, dapat muna nating isapuso ang mga utos ng Diyos. Ang gayong taos-pusong pagpapahalaga ay magpapakilos sa mga magulang na makipag-usap nang regular sa kanilang mga anak tungkol kay Jehova at sa kaniyang Salita. ‘Salitain mo iyon,’ ang payo ng Bibliya, “kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) Ipinaliwanag nina Francisco at Rosa kung paano nila ginawa ito sa kanilang dalawang batang anak. *
“Bukod sa araw-araw na pakikipag-usap, sinisikap naming kausapin nang isa-isa ang aming mga anak sa loob ng di-kukulangin sa 15 minuto araw-araw. Kapag may nakita kaming problema, gumugugol kami nang higit na panahon—at talaga namang may nakikita kaming mga problema. Halimbawa, kamakailan ay umuwi galing sa paaralan ang aming limang-taóng-gulang na anak na lalaki at sinabi niya sa amin na hindi siya naniniwala kay Jehova. Lumilitaw na ginawa siyang katatawanan ng isa sa kaniyang mga kaklase at sinabi nito na walang Diyos.”
Natanto ng mga magulang na ito na kailangang linangin ng mga anak ang pananampalataya sa kanilang Maylalang. Ang gayong pananampalataya ay maaaring paunlarin mula sa kanilang likas na pagkawili sa mga nilalang ng Diyos. Talaga namang gustung-gusto ng mga bata na hawakan ang isang hayop, pumitas ng mga bulaklak sa iláng, o maglaro sa buhanginan sa tabing-dagat! Matutulungan sila ng mga magulang na makita ang kaugnayan ng mga nilalang at ng Maylalang. (Awit 100:3; 104:24, 25) Ang pagkasindak at paggalang na mapauunlad nila sa paglalang ni Jehova ay maaaring manatili sa kanila sa buong buhay nila. (Awit 111:2, 10) Kalakip ng gayong pagkaunawa, maaaring mapaunlad ng bata ang hangaring mapalugdan ang Diyos at ang pagkatakot na mapagalit siya. Ito ay mag-uudyok sa kaniya na ‘lumayo sa kasamaan.’—Kawikaan 16:6.
Bagaman karamihan sa mga bata ay mausisa at madaling matuto, maaaring hindi madali sa kanila na sumunod. (Awit 51:5) Baka igiit nila kung minsan ang kanilang sariling paraan o ipilit nila na makuha ang lahat ng gusto nila. Ang mga magulang ay nangangailangan ng katatagan, pagtitiis, at disiplina upang hindi mag-ugat ang mga saloobing ito. (Efeso 6:4) Ito ang naging karanasan nina Phyllis at Paul, na matagumpay na nakapagpalaki ng limang anak.
Ganito ang naalaala ni Phyllis: “Bagaman magkakaiba ang personalidad ng bawat bata, gusto ng bawat isa na matamo ang kani-kaniyang naisin. Mahirap ito, pero nang dakong huli ay natutuhan din nila ang kahulugan ng salitang ‘hindi.’ ” Ganito naman ang sabi ng kaniyang asawang si Paul: “Kadalasan, sinasabi namin sa kanila ang mga dahilan ng aming
mga pasiya kapag nasa edad na sila upang makaunawa. Bagaman lagi naming sinisikap na maging mabait, tinuruan namin silang igalang ang bigay-Diyos na awtoridad.”Bagaman ang unang mga taon ng bata ay maaaring magdulot sa kaniya ng mga problema, nasusumpungan ng karamihan sa mga magulang na ang pinakamatinding hamon ay dumarating sa panahon ng pagtitin-edyer kapag ang hindi pa may-gulang na puso ay napaharap sa maraming bagong pagsubok.
Pag-abot sa Puso ng Isang Tin-edyer
Kailangang gawin ng magpapalayok ang kaniyang trabaho bago matuyo ang luwad. Upang magkaroon siya ng ekstrang panahon, maaari niyang dagdagan ng tubig ang luwad para mapanatili itong mamasa-masa at malambot. Gayundin naman, kailangang puspusang magpagal ang mga magulang upang hindi maging matigas ang puso ng kanilang tin-edyer. Siyempre pa, ang kanilang pangunahing kasangkapan ay ang Bibliya, na sa pamamagitan nito ay maaari silang ‘sumaway, magtuwid ng mga bagay-bagay, at magsangkap sa kanilang anak ukol sa bawat mabuting gawa.’—2 Timoteo 3:15-17.
Gayunman, maaaring hindi na madaling tanggapin ng isang tin-edyer ang payo ng magulang, di-gaya noong maliit pa siya. Maaaring magbibigay na ng higit na pansin ngayon ang mga tin-edyer sa kanilang mga kasamahan, kaya maaaring hindi na maging mabisa ang prangkahan at bukás na pakikipag-usap sa kanilang mga magulang. Panahon ito ng karagdagang pagtitiis at kasanayan, yamang nagsisimulang magbago ang mga papel na ginagampanan ng mga magulang at mga bata. Ang tin-edyer ay kailangang makibagay sa mga pagbabago ng kaniyang katawan at emosyon. Kailangan na niya ngayong magpasiya at magtatag ng mga tunguhin na makaaapekto sa natitirang bahagi ng kaniyang buhay. (2 Timoteo 2:22) Sa mapanghamong yugtong ito ng buhay, kailangan niyang harapin ang impluwensiya na maaaring magdulot ng kapaha-pahamak na epekto sa kaniyang puso—ang panggigipit ng kasamahan.
Bihirang maranasan ang gayong panggigipit sa isa lamang kapansin-pansing pangyayari. Sa halip, ito ay karaniwan nang ipinahahayag sa isang serye ng mga komento o mga situwasyon na nakapanghihina ng loob. Sinasalakay ng mga ito ang maituturing na kahinaan ng karamihan—ang matinding pagkatakot na tanggihan ng ibang kabataan. Palibhasa’y nakikipagpunyagi upang makilala ang sarili at nagnanais na siya ay tanggapin, maaaring simulan ng isang kabataan na tangkilikin ‘ang mga bagay na nasa sanlibutan’ na itinataguyod ng ibang kabataan.—1 Juan 2:15-17; Roma 12:2.
Ang lalong masama pa rito, ang likas na mga hangarin ng di-sakdal na puso ay maaaring magpalakas sa impluwensiya ng kaniyang mga kasamahan. Ang mga paghimok na gaya ng “Magsaya ka” at “Gawin mo ang gusto mo” ay maaaring maging lubhang kaakit-akit. Naalaala ni María ang kaniyang karanasan: “Nakinig ako sa mga kapuwa ko tin-edyer na naniniwalang may karapatan ang mga kabataan na magpakasaya nang lubusan, anuman ang kahihinatnan nito. Yamang gusto kong gawin ang ginawa
ng aking mga kaibigan sa paaralan, muntik na akong masuong sa problema.” Bilang isang magulang, gusto mong tulungan ang iyong tin-edyer na anak na mapanagumpayan ang gayong panggigipit, ngunit paano mo ito magagawa?Sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa, paulit-ulit na tiyakin sa kaniya na nagmamalasakit ka. Sikaping malaman kung ano ang nadarama niya sa mga bagay-bagay, at sikaping maunawaan ang kaniyang mga problema, na maaaring mas mahirap kaysa sa mga problemang naranasan mo noon sa paaralan. Lalung-lalo na sa panahong ito, kailangang malasin ka ng iyong anak bilang isa na mapagtatapatan niya ng kaniyang niloloob. (Kawikaan 20:5) Sa pamamagitan ng kaniyang mga kilos at disposisyon, maaaring mapansin mo na siya’y nababahala at nalilito. Tumugon sa kaniyang di-nasasambit na mga hinaing, at ‘aliwin ang kaniyang puso.’—Colosas 2:2.
Siyempre pa, mahalaga na maging matatag sa kung ano ang tama. Nasumpungan ng maraming magulang na paminsan-minsan ay kasalungat ng nais nila ang nais ng kanilang anak, ngunit hindi sila maaaring magparaya kapag may matatag na saligan ang kanilang desisyon. Sa kabilang panig naman, tiyaking maliwanag na nauunawaan mo ang situwasyon bago ka magpasiya kung maglalapat ka ng maibiging disiplina o hindi at kung paano ito ilalapat kung kinakailangan.—Kawikaan 18:13.
Maging sa Loob Man ng Kongregasyon
Ang isang luwad na sisidlan ay maaaring magmukhang tapos na, subalit malibang ito ay madarang sa hurnuhan, maaari itong madaling sirain ng mismong mga likido na siyang nakadisenyong ilagay rito. Inihahambing ng Bibliya ang mga pagsubok at mga problema sa gayong maapoy na proseso, yamang pinalilitaw ng mga ito kung ano talaga ang ating pagkatao. Sabihin pa, partikular nang tinutukoy ng Bibliya ang mga pagsubok sa ating pananampalataya, subalit sa pangkalahatan, ang punto ay kumakapit din sa iba pang mga pagsubok. (Santiago 1:2-4) Kapansin-pansin, ang ilang mahihirap na pagsubok na napapaharap sa mga kabataan ay maaaring manggaling sa loob ng kongregasyon.
Bagaman ang iyong anak na tin-edyer ay waring may mabuting espirituwal na kalusugan, baka sa loob niya ay nakikipagpunyagi siya sa isang nababahaging puso. (1 Hari 18:21) Halimbawa, napaharap si Megan sa makasanlibutang mga ideya na nagmumula sa ibang mga kabataan na dumadalo sa Kingdom Hall:
“Naimpluwensiyahan ako ng isang grupo ng mga kabataan na nagturing sa Kristiyanismo bilang nakayayamot at isang hadlang sa pagsasaya. Sinasabi nila ang gaya ng: ‘Pagsapit na pagsapit ko sa edad na 18, iiwan ko na ang katotohanan,’ o kaya ‘Gustung-gusto ko nang iwan ang katotohanan.’ Iniwasan nila ang mga kabataan na bumabanggit ng anumang bagay na salungat doon, anupat tinatawag silang mga banal.”
Kailangan lamang ang isa o dalawang indibiduwal na may masamang saloobin upang mahimok ang iba pa. Ginagawa ng bawat isa sa grupo ang karaniwan nang ginagawa ng karamihan. Maaaring ipagwalang-bahala ng kamangmangan at pagtatapang-tapangan ang karunungan at pagiging disente. Sa maraming bansa, may malulungkot na pangyayari na doo’y nasuong sa problema ang mga kabataang Kristiyano dahil sinunod nila ang karamihan.
Roma 12:13) Pasiglahin ang iyong anak na magtaguyod ng kapaki-pakinabang na gawain, tulad ng pag-aaral na tumugtog ng isang instrumento sa musika o pagiging bihasa sa iba pang wika o kasanayan. Malaki ang posibilidad na magagawa niya ito sa loob ng ligtas na kapaligiran ng tahanan.
Sabihin pa, kailangan ng mga tin-edyer ang kaunting kasiya-siyang pagsasamahan. Paano mo mailalaan ito bilang isang magulang? Pag-isipang mabuti ang kanilang libangan, at magplano ng kawili-wiling mga gawain kasama ng pamilya o ng ilang kabataan at adulto. Kilalanin ang mga kaibigan ng iyong anak. Anyayahan silang kumain, o gumugol ng isang gabi kasama nila. (Maaaring Maging Sanggalang ang Pag-aaral sa Paaralan
Ang pag-aaral ng isang tin-edyer sa paaralan ay makatutulong din sa kaniya na mailagay sa tamang dako ang paglilibang. Ganito ang sabi ni Loli, na 20 taon nang administrador sa isang malaking paaralan: “Marami na akong nakitang mga kabataang Saksi na nag-aral. Kapuri-puri ang paggawi ng marami sa kanila, ngunit ang ilan ay walang kaibahan sa ibang mga estudyante. Ang may mabubuting halimbawa ay yaong laging nag-aaral nang mabuti. Masidhi kong ipinapayo sa mga magulang na mag-ukol sila ng aktibong interes sa akademikong pagsulong ng kanilang mga anak, kilalanin ang mga guro ng mga ito, at kumbinsihin ang kanilang mga anak na mahalaga ang magkaroon ng mahuhusay na marka. Ang ilan ay magiging namumukod-tangi, ngunit ang lahat ay maaaring makaabot sa kasiya-siyang antas at makapagtamo ng paggalang ng kanilang mga guro.”
Ang gayong pag-aaral ay makatutulong din sa mga tin-edyer na sumulong sa espirituwal. Maituturo nito sa kanila ang mabubuting kaugalian sa pag-aaral, disiplina sa isip, at pagkadama ng pananagutan. Ang kanilang kakayahang bumasa nang mahusay at umunawa ng mga ideya ay tiyak na magpapasigla sa kanila na maging mas mahuhusay na estudyante at guro ng Salita ng Diyos. (Nehemias 8:8) Ang mga kahilingan ng kanilang gawain sa paaralan at ng kanilang espirituwal na pag-aaral ay makatutulong upang mailagay sa tamang dako ang paglilibang.
Isang Karangalan sa Iyo at kay Jehova
Sa sinaunang Gresya, maraming plorera ang nagtataglay ng lagda ng magpapalayok at ng tagapagpalamuti. Sa katulad na paraan, karaniwan nang dalawa sa pamilya ang nakikibahagi sa paghubog sa mga anak. Kapuwa ang ama at ina ay nakikibahagi sa paghubog sa puso ng kanilang anak, at ang “mga lagda” ay kapuwa taglay ng inyong anak sa makasagisag na paraan. Gaya ng isang matagumpay na magpapalayok, at/o tagapagpalamuti, maaari mong ipagmalaki ang iyong nagawa sa paghubog sa isang kabataan na maging mahalaga at maganda.—Kawikaan 23:24, 25.
Ang tagumpay ng malaking pagsisikap na ito ay pangunahin nang nakasalalay sa antas ng iyong pagpapagal upang mahubog ang puso ng iyong anak. Harinawang masabi mo: “Ang kautusan ng kaniyang Diyos ay nasa kaniyang puso; ang kaniyang mga hakbang ay hindi susuray.” (Awit 37:31) Ang kalagayan ng puso ng isang anak ay napakahalaga para ipaubaya lamang sa pagkakataon.
[Mga talababa]
^ par. 8 Binabasa ng ilang magulang ang Bibliya sa kanilang bagong-silang na sanggol. Ang nakagiginhawang tinig at ang kasiya-siyang karanasang ito ay maaaring magpasigla sa bata na pahalagahan ang pagbabasa sa buong buhay niya.
^ par. 9 Binago ang ilang pangalan.