Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit sinasabi sa Isaias 30:21 na ang salita ni Jehova ay naririnig sa “likuran mo,” samantalang ipinahihiwatig naman sa naunang talata na si Jehova ay nasa harapan sa pagsasabing, “Ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo”?

Ang Isaias 30:20, 21 ay kababasahan ng ganito: “Hindi na magtatago ang iyong Dakilang Tagapagturo, at ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.”

Kung ituturing na literal ang teksto, nakikita ng mambabasa si Jehova, ang Dakilang Tagapagturo, sa harapan niya ngunit naririnig ang Kaniyang tinig mula sa likuran. Gayunman, makasagisag ang mga salitang ito at dapat itong unawain sa gayong paraan.

Ang larawang ipinaiisip ng matalinghagang pananalita ng talata 20 ay yaong sa isang lingkod na handang maglingkod sa kaniyang panginoon at handang sumunod sa mga tagubilin nito. Kung paanong pinagmamasdang mabuti ng isang lingkod ang kamay ng kaniyang panginoon upang mahiwatigan ang kalooban nito, itinutuong mabuti ng bayan ni Jehova sa ngayon ang kanilang pansin sa pasulong na mga tagubiling salig sa Bibliya na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisasyon. (Awit 123:1, 2) Oo, sinusunod nila ang kaniyang patnubay, anupat alisto sa anumang bagay na ipinahihiwatig ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang “tapat at maingat na alipin.”​—Mateo 24:45-47.

Ano naman ang ipinahihiwatig ng salitang naririnig ng kaniyang mga lingkod mula sa likuran? Makatuwirang sabihin na ang tinig mula sa likuran ay ang tinig ng Diyos na narinig noon, na nakaulat sa kaniyang nasusulat na Salita na ipinaliliwanag naman sa atin sa pamamagitan ng kaniyang “tapat na katiwala.” (Lucas 12:42) Naririnig ng makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos ang kaniyang tinig sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng mga simulain nito sa kanilang buhay sa tulong ng mga publikasyong inihanda ng “tapat at maingat na alipin,” ang “tapat na katiwala.” Sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagiging pamilyar sa napapanahong patnubay na inilalaan ng Dakilang Tagapagturo at sa pamamagitan ng pag-aaral sa Salita ng Diyos, na isinulat maraming siglo na ang nakalipas, siya ay makasagisag na nakikita ng kaniyang mga lingkod sa harapan nila at naririnig nila ang kaniyang tinig mula sa likuran.​—Roma 15:4.