Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Wikang Aramaiko—Bakit Dapat Maging Interesado Rito?

Ang Wikang Aramaiko—Bakit Dapat Maging Interesado Rito?

Ang Wikang Aramaiko​—Bakit Dapat Maging Interesado Rito?

ANG Aramaiko ay isang sinaunang wikang Semitiko na may malapit na kaugnayan sa Hebreo at orihinal na sinasalita ng mga Arameano. Gayunman, sa paglipas ng panahon, ito ay sumaklaw sa iba’t ibang diyalekto (ang ilan sa mga ito ay itinuring na ibang wika) at ginamit nang malawakan, lalo na sa Timog-Kanlurang Asia. Partikular nang ginamit ang Aramaiko mula noong ikalawang milenyo B.C.E. hanggang noong mga 500 C.E. Ito ay isa sa tatlong wika na ginamit sa orihinal na pagsulat sa Bibliya. Ang Hebreong salita na Ara·mithʹ ay limang ulit na lumilitaw at ito ay isinasaling “sa wikang Siryano” o “sa wikang Aramaiko.”​—2 Hari 18:26; Isaias 36:11; Daniel 2:4; Ezra 4:7.

Ang Aramaikong ginamit sa Bibliya, na dating tinatawag na Chaldee, ay masusumpungan sa Ezra 4:8 hanggang 6:18 at 7:12-26; Jeremias 10:11; at Daniel 2:4b hanggang 7:28. Lumilitaw rin ang mga pananalitang Aramaiko sa ibang bahagi ng Bibliya, ngunit ang marami sa mga pagtatangka ng mga iskolar na ipakitang galing sa Aramaiko ang mga Hebreong salita ay mga pala-palagay lamang.

Ang paggamit ng ilang pananalitang Aramaiko ay hindi nakapagtataka, sapagkat ang mga Hebreo ay matagal nang may malapit na kaugnayan sa mga Arameano at sa wikang Aramaiko. Kabilang sa pinakaunang mga salin ng Hebreong Kasulatan sa ibang mga wika ay ang Aramaikong mga Targum, bagaman hindi isinulat ang mga ito kundi pagkalipas pa ng ilang siglo pagkatapos magsimula ang paggawa ng Griegong Septuagint, noong mga 280 B.C.E.

Ang Wika

Ang Aramaiko at Hebreo ay kapuwa ibinibilang sa Semitikong pamilya ng mga wika sa Hilagang-kanluran. Bagaman malaki ang pagkakaiba ng Aramaiko sa Hebreo, ito ay isang kauring wika yamang ang mga titik at mga pangalan ng alpabeto nito ay kapareho niyaong sa Hebreo. Katulad ng Hebreo, isinusulat ito mula kanan pakaliwa, at ang orihinal na Aramaikong sulat ay puro katinig. Gayunman, nang dakong huli, ang Aramaikong ginamit sa Bibliya ay minarkahan ng mga Masorete ng mga tanda kung anong patinig ang gagamitin, gaya ng kanilang ginawa sa Hebreo. Ang Aramaiko ay naimpluwensiyahan ng pagkakahantad nito sa ibang wika. Bukod sa pagtataglay ng iba’t ibang Hebreo, Akkadiano, at Persianong pangalang pantangi ng mga lugar at mga tao, makikita sa Aramaikong ginamit sa Bibliya ang impluwensiya ng Hebreo pagdating sa mga terminong panrelihiyon, ang impluwensiya naman ng Akkadiano ay mapapansin lalo na sa mga terminong pampulitika at ukol sa pananalapi, at makikita naman ang impluwensiya ng Persiano sa mga terminong nauugnay sa pulitika at legal na mga bagay.

Bukod sa magkapareho ang sulat ng Aramaiko at Hebreo, may pagkakatulad din ang pagbabago ng anyo ng mga pandiwa, pangngalan, at panghalip ng mga ito. Ang mga pandiwa nito ay may dalawang aspekto, ang ginaganap [imperfect] (nagpapahiwatig ng isinasagawa ngunit hindi pa natatapos na kilos) at ang ginanap na [perfect] (nangangahulugan ng natapos nang kilos). Gumagamit ang Aramaiko ng pang-isahan, pandalawahan, at pangmaramihang pangngalan at mayroon itong dalawang kasarian, ang panlalaki at ang pambabae. Hindi ito katulad ng iba pang wikang Semitiko dahil mapapansin ang mas malimit na paggamit nito sa tunog ng patinig na a, at sa ibang paraan, pati ang mas malimit na paggamit sa ilang katinig, tulad ng d para sa z at t para sa sh.

Mga Pangunahing Dibisyon

Sa pangkalahatan, ang Aramaiko ay nahahati sa Kanluranin at Silanganing grupo. Gayunman, ayon sa kasaysayan ay kinikilala ang apat na sumusunod na grupo: Lumang Aramaiko, Opisyal na Aramaiko, Aramaiko ng Levant, at Silanganing Aramaiko. Ipinalalagay na malamang na ginamit ang iba’t ibang diyalekto ng Aramaiko sa palibot at sa loob ng Fertile Crescent at sa Mesopotamia noong ikalawang milenyo B.C.E. Mapapansin ang pagkakaiba ng sinaunang mga anyo ng Aramaiko at Hebreo sa Genesis 31:47. Matapos magkasundo sina Jacob at Laban, isang bunton ng mga bato ang itinayo bilang saksi sa kanila. Tinawag ito ni Laban na “Jegar-sahaduta” sa Aramaiko (Siryano), samantalang tinawag naman ito ni Jacob na “Galeed” sa Hebreo, at pareho itong nangangahulugang “Bunton ng Patotoo.”

Ang Lumang Aramaiko ay isang katawagang ikinapit sa ilang inskripsiyon na natuklasan sa hilagang Sirya at ipinalalagay na mula pa ito noong ikasampu hanggang ikawalong siglo B.C.E. Gayunman, isang bagong diyalekto ng Aramaiko ang unti-unting naging karaniwang wika o internasyonal na pangalawahing wika noong panahon ng Imperyo ng Asirya, anupat hinalinhan ang Akkadiano bilang ang wika na ginagamit sa pagliham ng mga opisyal ng pamahalaan sa malalayong sakop ng imperyo. Dahil sa gamit nito, ang pamantayang anyo na ito ng Aramaiko ay tinatawag na Opisyal na Aramaiko. Patuloy itong ginamit noong panahon na ang Babilonya ang siyang Kapangyarihang Pandaigdig (625-539 B.C.E.) at pagkatapos nito, noong panahon ng Imperyo ng Persia (538-331 B.C.E.). Lalo itong ginamit nang malawakan nang panahon iyon, palibhasa’y ito ang opisyal na wika ng pamahalaan at kalakalan sa isang malawak na rehiyon, gaya ng pinatutunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya. Makikita ito sa mga talaang nasa mga tapyas ng bato na may inskripsiyong cuneiform; sa mga bibinga, papiro, pantatak, barya; sa mga inskripsiyon sa bato, at sa iba pa. Ang sinaunang mga bagay na ito ay natagpuan sa mga lupain na gaya ng Mesopotamia, Persia, Ehipto, Anatolia, hilagang Arabia; sa mga rehiyon sa Hilaga na kasinlayo ng Kabundukan ng Ural; at sa Silangan na kasinlayo ng Afghanistan at Kurdistan. Ang paggamit sa Opisyal na Aramaiko ay nagpatuloy hanggang sa Hellenistikong panahon (323-30 B.C.E.).

Waring ang Opisyal na Aramaikong ito ang masusumpungan sa mga sulat nina Ezra, Jeremias, at Daniel. Nagbibigay rin ng katibayan ang Kasulatan na ang Aramaiko ay isang karaniwang wika noong mga panahong iyon. Kaya naman, noong ikawalong siglo B.C.E., ang hinirang na mga tagapagsalita ni Haring Hezekias ng Juda ay nakiusap sa kinatawan ni Haring Senakerib ng Asirya na si Rabsases, na nagsasabi: “Pakisuyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Siryano [Arameano, at samakatuwid ay Aramaiko], sapagkat nakikinig kami; at huwag kang magsalita sa amin sa wika ng mga Judio sa pandinig ng mga taong nasa pader.” (Isaias 36:11; 2 Hari 18:26) Naiintindihan ng mga opisyal ng Juda ang Aramaiko, o Siryano, ngunit lumilitaw na hindi ito naiintindihan ng pangkaraniwang mga Hebreo noong panahong iyon sa Jerusalem.

Kung Anong Wika ang Ginamit ni Jesus

Lubhang magkakaiba ang opinyon ng mga iskolar hinggil sa tanong na ito. Gayunman, may kinalaman sa mga wikang ginamit sa Palestina nang nasa lupa si Jesu-Kristo, sinabi ni Propesor G. Ernest Wright: “Walang alinlangan na iba’t ibang wika ang maririnig sa mga lansangan ng mga pangunahing lunsod. Maliwanag na Griego at Aramaiko ang karaniwang mga wika, at malamang na kapuwa ito naiintindihan ng karamihan sa mga taong taga-lunsod maging sa ‘makabago’ at ‘kanluraning’ mga lunsod na gaya ng Cesarea at Samaria kung saan mas karaniwan ang Griego. Ang mga sundalo at mga opisyal na Romano ay maaaring nag-uusap sa wikang Latin, samantalang ang karaniwang mga Judio ay malamang na gumagamit ng mas bagong uri ng Hebreo kapag nakikipag-usap sa isa’t isa, isang wika na alam nating hindi klasikal na Hebreo ni Aramaiko, sa kabila ng pagkakahawig nito sa dalawa.” Ganito pa ang komento ni Propesor Wright hinggil sa wikang ginamit ni Jesu-Kristo: “Ang wikang ginamit ni Jesus ay pinagtatalunan nang husto. Wala tayong tiyak na paraan ng pag-alam kung nakapagsasalita siya ng Griego o Latin, ngunit sa kaniyang ministeryo ng pagtuturo, palagi niyang ginagamit ang alinman sa Aramaiko o popular na Hebreo na lubhang naimpluwensiyahan ng Aramaiko. Nang kausapin ni Pablo ang mga mang-uumog sa Templo, sinasabi na nagsalita siya sa wikang Hebreo (Gawa 21:40). Sa pangkalahatan, ipinalalagay ng mga iskolar na nangangahulugan ito ng Aramaiko, ngunit malaki ang posibilidad na isang popular na Hebreo ang karaniwang wika noon ng mga Judio.”​—Biblical Archaeology, 1963, p. 243.

Posible na si Jesus at ang kaniyang unang mga alagad, tulad ni apostol Pedro, ay nagsasalita kung minsan ng Aramaikong Galilea, yamang si Pedro ay sinabihan noong gabing inaresto si Kristo: “Tiyak na isa ka rin sa kanila, sapagkat sa katunayan, nahahalata ka sa iyong pananalita.” (Mateo 26:73) Maaaring nasabi ito dahil ginagamit noon ng apostol ang Aramaikong Galilea, bagaman hindi ito tiyak, o maaaring ginagamit niya ang isang Hebreong Galilea na naiiba sa diyalektong ginagamit sa Jerusalem o sa ibang lugar sa Judea. Bago ito, nang dumating si Jesus sa Nazaret sa Galilea at pumasok sa sinagoga roon, bumasa siya mula sa hula ni Isaias, na maliwanag na nakasulat sa Hebreo, at pagkatapos ay sinabi: “Ngayon ay natutupad ang kasulatang ito na karirinig lamang ninyo.” Walang sinasabi na isinalin ni Jesus ang talatang ito sa Aramaiko. Kaya malamang na ang mga taong naroroon nang panahong iyon ay madaling nakauunawa ng Hebreong ginamit sa Bibliya. (Lucas 4:16-21) Maaari ring pansinin na binanggit ng Gawa 6:1, na tumutukoy sa panahon nang katatapos pa lamang ng Pentecostes 33 C.E., ang hinggil sa mga Judiong nagsasalita ng Griego at mga Judiong nagsasalita ng Hebreo sa Jerusalem.

Ang isa pang puntong sumusuporta na talagang ginamit ang isang anyo ng Hebreo sa Palestina nang nasa lupa si Jesu-Kristo ay ang naunang mga pahiwatig na unang isinulat ni apostol Mateo ang ulat ng kaniyang Ebanghelyo sa wikang Hebreo. Halimbawa, sinabi ni Eusebius (noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E.) na “ibinigay ng ebanghelistang si Mateo ang kaniyang Ebanghelyo sa wikang Hebreo.” (Patrologia Graeca, Tomo XXII, tudling 941) At sinabi ni Jerome (noong ikaapat at ikalimang siglo C.E.) sa kaniyang akda na De viris inlustribus (Hinggil sa Tanyag na mga Tao), kabanata III: “Si Mateo, na siya ring si Levi, na dating maniningil ng buwis na naging apostol, ay kumatha muna ng isang Ebanghelyo ni Kristo sa Judea sa wika at titik Hebreo para sa kapakinabangan niyaong sa pagtutuli na naniwala. . . . Bukod dito, ang Hebreo mismo ay naingatan hanggang sa panahong ito sa aklatan sa Cesarea, na masikap na tinipon ng martir na si Pamphilus.” (Salin mula sa tekstong Latin na isinaayos ni E. C. Richardson at inilathala sa seryeng “Texte und Untersuchungen zur Geschichte der altchristlichen Literatur,” Leipzig, 1896, Tomo 14, p. 8, 9.) Samakatuwid, malamang na ginamit ni Jesu-Kristo ang isang anyo ng wikang Hebreo at isang diyalekto ng Aramaiko nang siya ay isang tao sa lupa.