‘Magpakalakas-loob Ka at Magpakatibay!’
‘Magpakalakas-loob Ka at Magpakatibay!’
“Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—JUAN 16:33.
1. Dahil sa kalagayang mapapaharap sa mga Israelita sa Canaan, anong pampatibay-loob ang tinanggap nila?
NANG patawid na ang mga Israelita sa Ilog Jordan patungo sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Moises: “Magpakalakas-loob kayo at magpakatibay. Huwag kayong matakot o magitla sa harap nila, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ang hahayong kasama mo.” Pagkatapos ay tinawag ni Moises si Josue, na siyang mangunguna sa mga Israelita sa pagpasok sa Canaan, at inulit niya kay Josue ang payo na magpakalakas-loob. (Deuteronomio 31:6, 7) Nang maglaon, pinasigla mismo ni Jehova si Josue, na sinasabi: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay . . . Magpakalakas-loob ka lamang at lubhang magpakatibay.” (Josue 1:6, 7, 9) Napapanahon ang mga pananalitang iyon. Kakailanganin ng mga Israelita ang lakas ng loob upang maharap ang makapangyarihang mga kaaway na nasa kabilang panig ng Jordan.
2. Nasa anong situwasyon tayo ngayon, at ano ang kailangan natin?
2 Sa ngayon, malapit nang tumawid ang tunay na mga Kristiyano patungo sa ipinangakong bagong sanlibutan at, kagaya ni Josue, kailangan silang magpakalakas-loob. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:14) Gayunman, naiiba ang ating kalagayan kung ihahambing kay Josue. Nakipagbaka si Josue na ginagamit ang tabak at sibat. Espirituwal naman ang ating pakikipaglaban at hindi tayo kailanman gumagamit ng literal na mga sandata. (Isaias 2:2-4; Efeso 6:11-17) Bukod dito, kinailangan pang makipaglaban si Josue sa maraming malulupit na digmaan kahit na pagkatapos pumasok sa Lupang Pangako. Ngunit nararanasan naman natin ang pinakamahihirap na pakikipagpunyagi sa ngayon—bago tayo tumawid patungo sa bagong sanlibutan. Tingnan natin ang ilang situwasyon na nangangailangan ng lakas ng loob.
Bakit Tayo Kailangang Magpunyagi?
3. Ano ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa pangunahing sumasalansang sa atin?
3 Sumulat si apostol Juan: “Alam natin na tayo ay nagmumula sa Diyos, ngunit ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ipinakikita ng mga salitang iyon ang isang pangunahing dahilan kung bakit kailangang magpunyagi ang mga Kristiyano upang mapanatili ang kanilang pananampalataya. Kapag iniingatan ng isang Kristiyano ang kaniyang katapatan, sa isang antas ay nangangahulugan iyon ng kabiguan para kay Satanas na Diyablo. Kaya si Satanas ay kumikilos na gaya ng “isang leong umuungal” na nagsisikap na takutin at silain ang tapat na mga Kristiyano. (1 Pedro 5:8) Sa katunayan, nakikipagdigma siya sa pinahirang mga Kristiyano at sa kanilang mga kasamahan. (Apocalipsis 12:17) Sa pakikipagdigmang ito, ginagamit niya ang mga tao upang isakatuparan ang kaniyang mga layunin, namamalayan man nila ito o hindi. Kailangan ang lakas ng loob upang makapanindigang matatag laban kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mga kinatawan.
4. Anong babala ang ibinigay ni Jesus, ngunit anong katangian ang ipinakita ng tunay na mga Kristiyano?
4 Yamang alam ni Jesus na sasalansangin nang husto ni Satanas at ng kaniyang mga kinatawan ang mabuting balita, binigyan Niya ng babala ang kaniyang mga tagasunod: “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga Mateo 24:9) Natupad ang mga salitang iyon noong unang siglo, at natutupad din ito sa ngayon. Sa katunayan, ang pag-uusig na binata ng ilang Saksi ni Jehova sa ating panahon ay kasinlupit ng alinmang pag-uusig sa kasaysayan. Magkagayunman, malakas ang loob ng tunay na mga Kristiyano sa harap ng gayong panggigipit. Alam nila na “ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo,” at ayaw nilang mabitag sa isang silo.—Kawikaan 29:25.
bansa dahil sa aking pangalan.” (5, 6. (a) Anong mga situwasyon ang humihiling na tayo ay magpakalakas ng loob? (b) Paano tumutugon ang tapat na mga Kristiyano kapag sinusubok ang kanilang lakas ng loob?
5 May iba pang mga hamon bukod sa pag-uusig na kailangan din nating harapin nang may lakas ng loob. Para sa ilan, ang pakikipag-usap sa mga estranghero hinggil sa mabuting balita ay isang hamon. Nasusubok ang lakas ng loob ng ilang batang nag-aaral sa paaralan kapag hinihilingan silang manumpa ng katapatan sa bayan o sa bandila. Yamang sa diwa ay isang relihiyosong kapahayagan ang gayong panunumpa, may-katapangang nagpapasiya ang mga batang Kristiyano na kumilos sa paraang nakalulugod sa Diyos, at nakapagpapagalak ng puso ang kanilang mainam na rekord.
6 Kailangan din natin ang lakas ng loob kapag minamaniobra ng mga mananalansang ang media upang magpalaganap ng masasamang ulat hinggil sa mga lingkod ng Diyos o kapag sinisikap nilang ipagbawal ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pagpapakana ng “kaguluhan sa pamamagitan ng batas.” (Awit 94:20) Halimbawa, ano ang dapat nating madama kapag ang mga ulat sa pahayagan, radyo, o telebisyon hinggil sa mga Saksi ni Jehova ay pilipit na mga salaysay o lantarang mga kasinungalingan? Dapat ba tayong magulat? Hindi. Inaasahan natin ang gayong mga bagay. (Awit 109:2) At hindi tayo nagugulat kapag naniniwala ang ilang tao sa inilathalang mga kasinungalingan at pilipit na mga salaysay, dahil “ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita.” (Kawikaan 14:15) Subalit, hindi pinaniniwalaan ng matapat na mga Kristiyano ang bawat salitang sinasabi hinggil sa kanilang mga kapatid, at tiyak na hindi nila hinahayaan ang masasamang ulat na maging dahilan upang lumiban sila sa mga pulong Kristiyano, bawasan ang kanilang paglilingkod sa larangan, o manghina sa kanilang pananampalataya. Sa kabaligtaran pa nga, “inirerekomenda [nila] ang [kanilang] sarili bilang mga ministro ng Diyos . . . sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at mabuting ulat; gaya ng mga manlilinlang [ayon sa mga mananalansang] at gayunma’y [ang totoo, sila’y] tapat.”—2 Corinto 6:4, 8.
7. Anong mapanuring mga tanong ang maaari nating itanong sa ating sarili?
7 Ganito ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya kay Timoteo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan . . . Kaya nga huwag mong ikahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon.” (2 Timoteo 1:7, 8; Marcos 8:38) Pagkabasa sa mga salitang iyon, maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Ikinahihiya ko ba ang aking pananampalataya, o malakas ang aking loob? Ipinaaalam ko ba sa mga nakakasama ko sa trabaho (o sa paaralan) na ako ay isang Saksi ni Jehova, o sinisikap kong ilihim iyon? Nahihiya ba akong maiba sa ibang mga tao, o nalulugod ako na maging iba dahil sa aking kaugnayan kay Jehova?’ Kung ang sinuman ang may negatibong damdamin hinggil sa pangangaral ng mabuting balita o sa paninindigan sa isang di-popular na paniniwala, tandaan niya ang payo ni Jehova kay Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay.” Huwag kalilimutan na ang mahalaga ay ang pangmalas ni Jehova at ni Jesu-Kristo, hindi ang opinyon ng ating mga katrabaho o ng ating mga kaeskuwela.—Galacia 1:10.
Kung Paano Malilinang ang Lakas ng Loob
8, 9. (a) Sa isang pagkakataon, paano sinubok ang lakas ng loob ng sinaunang mga Kristiyano? (b) Paano tumugon sina Pedro at Juan sa harap ng mga banta, at ano ang naranasan nila at ng kanilang mga kapatid?
8 Paano natin malilinang ang lakas ng loob na makatutulong sa atin na mapanatili ang ating katapatan sa mahihirap na panahong ito? Buweno, paano nalinang ng sinaunang mga Kristiyano ang lakas ng loob? Isaalang-alang kung ano ang nangyari nang pag-utusan ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ng Jerusalem sina Pedro at Juan na huminto sa pangangaral sa ngalan ni Jesus. Tumangging huminto ang mga alagad at sila’y pinagbantaan at pagkatapos ay pinalaya. Pagkatapos na pagkatapos nito, muli silang sumama sa kanilang mga kapatid, at silang lahat ay sama-samang nanalangin, na nagsasabi: “Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” (Gawa 4:13-29) Bilang tugon, pinalakas sila ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu, at gaya ng pinatotohanan ng mga lider na Judio nang maglaon, “pinunô [nila] ang Jerusalem” ng kanilang turo.—Gawa 5:28.
9 Suriin natin kung ano ang nangyari nang pagkakataong iyon. Nang pagbantaan sila ng mga lider na Judio, hindi inisip ng mga alagad na magpadala sa panggigipit. Sa halip, nanalangin ang mga alagad ukol sa lakas ng loob upang patuloy silang makapangaral. Pagkatapos ay kumilos sila kasuwato ng kanilang panalangin, at pinalakas sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Ipinakikita ng karanasan nila na ang isinulat ni Pablo sa ibang konteksto pagkalipas ng ilang taon ay kumakapit sa mga Kristiyano kapag sila ay pinag-uusig. Sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
10. Paano nakatutulong sa mga likas na mahiyain ang karanasan ni Jeremias?
10 Subalit, paano kung ang isang tao ay likas na mahiyain? Maaari ba niyang paglingkuran si Jehova nang may katapangan sa harap ng pananalansang? Oo! Tandaan ang reaksiyon ni Jeremias nang atasan siya ni Jehova na maging propeta. Sinabi ng kabataang lalaki: “Ako ay isang bata lamang.” Maliwanag, nadama niyang hindi siya karapat-dapat. Gayunman, pinasigla siya ni Jehova sa mga pananalitang ito: “Huwag mong sabihin, ‘Ako ay isang bata lamang.’ Kundi sa lahat niyaong pagsusuguan ko sa iyo ay paroroon ka; at ang lahat ng iuutos ko sa iyo ay sasalitain mo. Huwag kang matakot dahil sa kanilang mga mukha, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka.’ ” (Jeremias 1:6-10) May tiwala si Jeremias kay Jehova, at bilang resulta, sa tulong ng lakas ni Jehova ay napagtagumpayan niya ang kaniyang pag-aatubili at naging isang namumukod-tangi at malakas-ang-loob na saksi sa Israel.
11. Ano ang tumutulong sa mga Kristiyano sa ngayon na maging gaya ni Jeremias?
11 Ang mga pinahirang Kristiyano sa ngayon ay Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Napasisigla sila ng mga salita ni Jehova kay Jeremias: “Huwag kang matakot.” Hindi nila kinalilimutan na inatasan sila ng Diyos at ipinangangaral nila ang kaniyang mensahe.—2 Corinto 2:17.
may atas na katulad niyaong kay Jeremias, at taglay ang suporta ng “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” patuloy nilang inihahayag ang mga layunin ni Jehova, kahit sa harap ng kawalang-interes, panlilibak, at pag-uusig. (Mga Halimbawa ng Lakas ng Loob na Dapat Tularan
12. Anong napakainam na halimbawa ng lakas ng loob ang ipinakita ni Jesus, at paano niya pinatibay ang kaniyang mga tagasunod?
12 Matutulungan tayo sa ating pagsisikap na malinang ang lakas ng loob kung bubulay-bulayin natin ang mga halimbawa ng iba na kumilos nang may lakas ng loob gaya ni Jeremias. (Awit 77:12) Halimbawa, habang sinusuri natin ang ministeryo ni Jesus, humahanga tayo sa kaniyang katapangan nang tuksuhin siya ni Satanas at nang harapin niya ang pananalansang ng determinadong mga lider na Judio. (Lucas 4:1-13; 20:19-47) Sa pamamagitan ng lakas ni Jehova, di-natinag ang pananalig ni Jesus, at di-nagtagal bago siya mamatay, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33; 17:16) Kung susundin ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang halimbawa, madaraig din nila ang sanlibutan. (1 Juan 2:6; Apocalipsis 2:7, 11, 17, 26) Ngunit kailangan nilang ‘lakasan ang kanilang loob.’
13. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ni Pablo para sa mga taga-Filipos?
13 Ilang taon pagkamatay ni Jesus, sina Pablo at Silas ay itinapon sa bilangguan sa Filipos. Nang maglaon, pinatibay ni Pablo ang kongregasyon sa Filipos na patuloy na “[tumayong] matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa at nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita, at sa anumang paraan ay hindi nagagawang takutin ng [kanilang] mga kalaban.” Upang mapalakas sila hinggil dito, sinabi ni Pablo: “Ang mismong bagay na ito [ang pag-uusig sa mga Kristiyano] ay isang katunayan ng pagkapuksa para sa [mga mang-uusig], ngunit ng kaligtasan para sa inyo; at ang pahiwatig na ito ay mula sa Diyos, sapagkat sa inyo ibinigay ang pribilehiyo alang-alang kay Kristo, hindi lamang upang manampalataya kayo sa kaniya, kundi upang magdusa rin alang-alang sa kaniya.”—Filipos 1:27-29.
14. Ano ang naging resulta ng katapangan ni Pablo sa Roma?
14 Nang sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Filipos, nasa bilangguan uli siya, sa pagkakataong ito ay sa Roma naman. Gayunman, patuloy siyang nangaral sa iba nang may katapangan. Ano ang resulta nito? Sumulat siya: “Ang aking mga gapos ay naging hayag na kaalaman may kaugnayan kay Kristo sa gitna ng lahat ng Tanod ng Pretorio at ng lahat ng iba pa; at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y nakadama ng pagtitiwala dahil sa aking mga gapos ng bilangguan, ay nagpapakita ng lalong higit pang lakas ng loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot.”—Filipos 1:13, 14.
15. Saan tayo makasusumpong ng maiinam na halimbawa ng pananampalataya na makapagpapatibay sa ating determinasyon na magpakalakas-loob?
15 Pinatitibay-loob tayo ng halimbawa ni Pablo. Gayundin ang nagagawa ng maiinam na halimbawang ipinakita ng mga Kristiyano sa makabagong panahon na nagbata ng pag-uusig sa mga bansang nasa ilalim ng pamamahala ng diktadura o ng klero. Marami sa mga salaysay na ito ay iniulat sa mga magasing Bantayan at Gumising! at sa mga Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova. Habang binabasa mo ang mga ulat na iyon, tandaan na ang mga indibiduwal, na ang mga talambuhay ay inilalahad sa mga babasahing iyon, ay pangkaraniwang mga tao na tulad natin; ngunit nang sila’y mapaharap sa napakahirap na mga kalagayan, binigyan sila ni Jehova ng lakas na higit sa karaniwan at nakapagbata sila. Makatitiyak tayo na gayundin ang gagawin niya sa atin kung hinihiling ito ng mga kalagayan.
Nakalulugod at Nakapagpaparangal kay Jehova ang Ating Paninindigang May Lakas ng Loob
16, 17. Paano natin malilinang sa ngayon ang isang saloobing may lakas ng loob?
16 Kung ang isa ay naninindigang matatag para sa katotohanan at katuwiran, iyan ay pagpapamalas ng lakas ng loob. Kung ang isa ay nagpapakita ng gayong paninindigan bagaman nakadarama siya ng takot, iyan ay pagpapamalas ng higit na lakas ng loob. Sa katunayan, sinumang Kristiyano ay maaaring magpakalakas-loob kung talagang gusto niyang gawin ang kalooban ni Jehova, kung determinado siyang manatiling tapat, kung patuloy siyang magtitiwala sa Diyos, at kung palagi niyang tatandaan na pinalakas ni Jehova noon ang di-mabilang na mga indibiduwal na kagaya niya. Karagdagan pa, kapag natatanto natin na nakalulugod at nakapagpaparangal kay Jehova ang ating paninindigang may lakas ng loob, lalo pa tayong nagiging determinado na huwag manghina. Handa nating batahin ang panlilibak o ang mas matindi pa rito sapagkat mahal na mahal natin siya.—1 Juan 2:5; 4:18.
17 Huwag kalilimutan na kapag nagdurusa tayo dahil sa ating pananampalataya, hindi ito nangangahulugan na may ginawa tayong pagkakamali. (1 Pedro 3:17) Nagdurusa tayo dahil itinataguyod natin ang pagkasoberano ni Jehova, dahil gumagawa tayo ng mabuti, at dahil sa pagiging hindi bahagi ng sanlibutan. Hinggil dito, sinabi ni apostol Pedro: “Kung, kapag gumagawa kayo ng mabuti at nagdurusa kayo, binabata ninyo iyon, ito ay isang bagay na kaayaaya sa Diyos.” Sinabi rin ni Pedro: “Patuloy na ipagkatiwala . . . niyaong mga nagdurusa na kasuwato ng kalooban ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa sa isang tapat na Maylalang habang gumagawa sila ng mabuti.” (1 Pedro 2:20; 4:19) Oo, ang ating pananampalataya ay nakalulugod sa ating maibiging Diyos, si Jehova, at nagdudulot ito ng karangalan sa kaniya. Isa ngang napakatibay na dahilan upang magpakalakas-loob!
Pakikipag-usap sa mga Awtoridad
18, 19. Kapag tayo ay naninindigan nang may lakas ng loob sa harap ng isang hukom, sa diwa ay anong mensahe ang ipinababatid natin sa kaniya?
18 Nang banggitin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila ay pag-uusigin, sinabi rin niya: “Ibibigay . . . kayo [ng mga tao] sa mga lokal na hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. Aba, dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mateo 10:17, 18) Kailangan ang lakas ng loob kapag haharap sa isang hukom o tagapamahala dahil sa maling mga paratang. Magkagayunman, kapag may-katapangan nating ginagamit ang gayong mga pagkakataon upang magpatotoo sa mga indibiduwal na iyon, sinasamantala natin ang mahirap na situwasyon upang maisakatuparan ang isang mahalagang bagay. Sa diwa, ipinaaabot natin sa mga humahatol sa atin ang mga salita ni Jehova, na nakaulat sa ika-2 Awit: “Ngayon, O mga hari, gumamit kayo ng kaunawaan; hayaan ninyong maituwid kayo, O mga hukom sa lupa. Maglingkod kayo kay Jehova nang may takot.” (Awit 2:10, 11) Madalas na kapag maling pinararatangan sa hukuman ang mga Saksi ni Jehova, itinataguyod ng mga hukom ang kalayaan sa pagsamba, at pinahahalagahan natin iyon. Gayunman, hinahayaan ng ilang hukom na maimpluwensiyahan sila ng mga mananalansang. Sa gayong mga hukom ay sinasabi ng Kasulatan: “Hayaan ninyong maituwid kayo.”
Roma 14:10) Para naman sa atin, makatarungan man o hindi ang hatol sa atin ng isang taong hukom, may dahilan tayo na magpakalakas-loob dahil sinusuportahan tayo ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa kaniya.”—Awit 2:12.
19 Dapat mabatid ng mga hukom na ang pinakamataas na batas ay yaong sa Diyos na Jehova. Dapat nilang tandaan na lahat ng tao, kasama na ang mga hukom, ay magsusulit sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (20. Bakit tayo maaaring maging maligaya kapag kailangan nating batahin ang pag-uusig at paninirang-puri?
20 Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.” (Mateo 5:11, 12) Siyempre pa, hindi kalugud-lugod ang pag-uusig, ngunit ang ating paninindigang matatag sa kabila ng pag-uusig, lakip na ang mapanirang-puring mga ulat sa media, ay dahilan upang magsaya. Nangangahulugan ito na pinalulugdan natin si Jehova at makatatanggap tayo ng gantimpala. Ang ating paninindigang may lakas ng loob ay nagpapakita na tayo ay may tunay na pananampalataya at tinitiyak nito sa atin ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa katunayan, ipinakikita nito na lubusan tayong nagtitiwala kay Jehova. Ang gayong pagtitiwala ay mahalaga sa isang Kristiyano, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Anong mga situwasyon sa ngayon ang humihiling ng lakas ng loob?
• Paano natin malilinang ang lakas ng loob?
• Sinu-sino ang ilang maiinam na halimbawa na nagpakita ng lakas ng loob?
• Bakit nais nating kumilos nang may lakas ng loob?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 9]
Sina Simone Arnold (Liebster na ngayon) sa Alemanya, Widdas Madona sa Malawi, at Lydia at Oleksii Kurdas sa Ukraine ay nagpakita ng lakas ng loob at nilabanan ang isa na balakyot
[Mga larawan sa pahina 10]
Hindi natin ikinahihiya ang mabuting balita
[Larawan sa pahina 11]
Ang lakas ng loob ni Pablo sa bilangguan ay may malaking nagawa para sa mabuting balita
[Larawan sa pahina 12]
Kung lakas-loob nating ipaliliwanag ang ating maka-Kasulatang paninindigan sa isang hukom, ipinababatid natin ang isang mahalagang mensahe