Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napagtagumpayan Nila ang Pag-uusig

Napagtagumpayan Nila ang Pag-uusig

Napagtagumpayan Nila ang Pag-uusig

ISINILANG si Frieda Jess noong 1911 sa Denmark, at mula roon ay lumipat sila ng kaniyang mga magulang sa Husum sa hilagang Alemanya. Pagkalipas ng ilang taon, nagtrabaho siya sa Magdeburg, at noong 1930, nabautismuhan siya bilang isang Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Lumuklok sa kapangyarihan si Hitler noong 1933, at para kay Frieda, ang pangyayaring ito ang siyang pasimula ng 23 taóng pagmamaltrato sa kamay ng hindi lamang isang totalitaryong pamahalaan kundi dalawa.

Noong Marso 1933, nagdaos ng pangkalahatang halalan ang pamahalaang Aleman. Ganito ang paliwanag ni Dr. Detlef Garbe, pinuno ng Neuengamme Concentration Camp Memorial na malapit sa Hamburg: “Nais ng mga kabilang sa Pambansang Sosyalista na pilitin ang karamihan na suportahan ang kanilang kansilyer (chancellor) at lider (führer), si Adolf Hitler.” Sinunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo ni Jesus na manatiling neutral sa pulitika at maging “hindi bahagi ng sanlibutan,” kaya hindi sila bumoto. Ang resulta? Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova.​—Juan 17:16.

Palihim na isinakatuparan ni Frieda ang kaniyang mga gawaing Kristiyano, anupat tumulong pa nga siya sa paglilimbag ng magasing Bantayan. “Ang ilang magasin ay ipinuslit sa mga kampong piitan para sa aming mga kapananampalataya,” ang sabi niya. Inaresto siya noong 1940 at pinagtatanong ng mga Gestapo, at pagkatapos nito ay gumugol siya ng maraming buwan sa bilangguan nang nag-iisa. Paano siya nakapagbata? Ang sabi niya: “Ang panalangin ang aking kanlungan. Maaga pa ay nananalangin na ako at nananalangin ako nang maraming beses sa isang araw. Ang panalangin ang nagbigay sa akin ng lakas at tumulong sa akin na huwag masyadong mabalisa.”​—Filipos 4:6, 7.

Pinalaya si Frieda, subalit noong 1944, inaresto siyang muli ng mga Gestapo. Sa pagkakataong ito ay sinentensiyahan siyang mabilanggo nang pitong taon sa bilangguan ng Waldheim. Sinabi pa ni Frieda: “Inatasan ako ng mga guwardiya sa bilangguan na magtrabaho sa mga palikuran kasama ng iba pang mga babae. Kadalasan ay kasama ko ang isang kapuwa bilanggo na taga-Czechoslovakia, kaya marami akong ipinakipag-usap sa kaniya tungkol kay Jehova at sa aking pananampalataya. Pinanatili akong malakas ng mga pag-uusap na iyon.”

Pinalaya Ngunit Pansamantala Lamang

Pinalaya ng mga sundalong Sobyet ang mga bilanggo sa Waldheim noong Mayo 1945, at si Frieda ay malaya na namang nakabalik sa Magdeburg at sa kaniyang pangmadlang ministeryo, ngunit pansamantala lamang. Muli na namang naging tampulan ng pagtatangi ang mga Saksi, sa pagkakataong ito, ng mga awtoridad sa Soviet Occupational Zone. Ganito ang isinulat ni Gerald Hacke ng Hannah-Arendt-Institute for Research Into Totalitarianism: “Ang mga Saksi ni Jehova ay isa sa ilang grupo sa lipunan na halos tuluy-tuloy na pinag-usig ng dalawang diktadura sa Alemanya.”

Bakit may panibago na namang pagtatangi? Muli, ang pangunahing isyu ay ang Kristiyanong neutralidad. Noong 1948, nagdaos ng plebisito ang Silangang Alemanya, isang tuwirang pagboto ng mga tao, at gaya ng paliwanag ni Hacke, “ang pangunahing dahilan [ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova] ay ang hindi nila pakikibahagi sa plebisito.” Noong Agosto 1950, ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya. Daan-daan ang inaresto, pati na si Frieda.

Muli na namang humarap si Frieda sa hukuman at sinentensiyahan siya ng anim na taóng pagkakabilanggo. “Sa pagkakataong ito ay kasama ko ang aking mga kapananampalataya, at ang pagsasamahang ito ay naging isang malaking tulong.” Nang mapalaya siya noong 1956, lumipat siya sa Kanlurang Alemanya. Sa edad na 90 taon, naninirahan ngayon si Frieda sa Husum, at naglilingkod pa rin sa tunay na Diyos na si Jehova.

Nakaranas si Frieda ng 23 taóng pag-uusig sa ilalim ng dalawang diktadura. “Sinikap ng mga Nazi na sirain ang aking pangangatawan; sinikap naman ng mga Komunista na sirain ang aking loob. Saan ako nakakuha ng lakas? Mula sa mabubuting kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya noong ako’y malaya pa, palagiang pananalangin kapag nag-iisa, pakikisama sa mga kapananampalataya hangga’t maaari, at pagbabahagi ng aking mga paniniwala sa iba sa bawat pagkakataon.”

Pasismo sa Hungary

Ang isa pang lupain na doo’y dumanas ang mga Saksi ni Jehova ng maraming dekada ng pagtatangi ay ang Hungary. Naranasan ng ilan ang pag-uusig sa kamay ng hindi lamang dalawang totalitaryong rehimen kundi tatlo. Isang halimbawa rito ay si Ádám Szinger. Isinilang si Ádám sa Paks, Hungary, noong 1922 at pinalaki siya na isang Protestante. Noong 1937, may dumalaw na mga Estudyante ng Bibliya sa tahanan nina Ádám, at agad siyang nagpakita ng interes sa kanilang mensahe. Ang kaniyang natutuhan mula sa Bibliya ay kumumbinsi sa kaniya na hindi salig sa Bibliya ang mga turo ng kaniyang simbahan. Kaya iniwan niya ang Simbahang Protestante at sumama sa mga Estudyante ng Bibliya sa kanilang pangmadlang ministeryo.

Lumalakas ang impluwensiya noon ng Pasismo sa Hungary. Maraming beses na nakita ng mga pulis na nangangaral si Ádám sa bahay-bahay at inaresto nila siya para pagtatanungin. Tumindi ang panggigipit sa mga Saksi, at noong 1939, ipinagbawal ang kanilang gawain. Noong 1942, inaresto si Ádám, ibinilanggo, at binugbog nang husto. Ano ang tumulong sa kaniya upang mabata ang pagdurusa at ang maraming buwan na pagkakabilanggo bagaman siya ay 19 na taóng gulang lamang? “Nang ako’y nasa bahay pa, pinag-aralan kong mabuti ang Bibliya at marami akong naunawaan sa mga layunin ni Jehova.” Nabautismuhan lamang sa wakas si Ádám bilang isang Saksi ni Jehova pagkalaya niya mula sa bilangguan. Ginawa iyon sa kadiliman ng gabi noong Agosto 1942, sa isang ilog malapit sa kaniyang tahanan.

Bilangguan sa Hungary at Kampo ng Sapilitang Pagtatrabaho sa Serbia

Samantala, noong ikalawang digmaang pandaigdig, nagsanib ang Hungary at Alemanya sa paglaban sa Unyong Sobyet, at noong taglagas ng 1942, nakalap si Ádám para maglingkod sa militar. Ganito ang ulat niya: “Sinabi ko na hindi ako makapaglilingkod sa militar dahil sa natutuhan ko mula sa Bibliya. Ipinaliwanag ko ang aking neutral na paninindigan.” Sinentensiyahan siya ng 11 taon sa bilangguan. Subalit hindi nagtagal sa Hungary si Ádám.

Noong 1943, mga 160 Saksi ni Jehova ang tinipon mula sa iba’t ibang kulungan, isinakay sa mga gabara, at ibiniyahe sa Ilog Danube patungong Serbia. Kabilang sa kanila si Ádám. Sa Serbia, ang mga bilanggong ito ay napasailalim ngayon sa kontrol ng Third Reich ni Hitler. Ipiniit sila sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Bor at pinuwersang magtrabaho sa isang minahan ng tanso. Pagkalipas ng halos isang taon, ibinalik sila sa Hungary, kung saan pinalaya si Ádám ng mga sundalong Sobyet noong tagsibol ng 1945.

Ang Hungary sa Ilalim ng Kontrol ng mga Komunista

Ngunit hindi nagtagal ang kalayaan. Noong malapit nang magtapos ang dekada ng 1940, hinigpitan ng mga Komunistang awtoridad sa Hungary ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng ginawa ng mga Pasista noong bago magsimula ang digmaan. Noong 1952, si Ádám, na noo’y 29 na taóng gulang na at may asawa at dalawang anak, ay inaresto at pinaratangang gumawa ng krimen nang muli siyang tumangging maglingkod sa militar. Nagpaliwanag si Ádám sa hukuman: “Hindi ito ang unang pagkakataon na tumanggi akong maglingkod sa militar. Noong panahon ng digmaan, nabilanggo ako at ipinatapon sa Serbia sa gayunding dahilan. Tumanggi akong umanib sa militar dahil sa aking budhi. Ako ay isang Saksi ni Jehova, at mananatili akong neutral sa pulitika.” Ang sentensiya kay Ádám ay walong taon sa bilangguan, na nang maglaon ay pinababa nang apat na taon.

Patuloy na dumanas ng pagtatangi si Ádám hanggang noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, mahigit na 35 taon matapos dumalaw sa unang pagkakataon ang mga Estudyante ng Bibliya sa tahanan ng kaniyang mga magulang. Sa loob ng panahong iyon, sinentensiyahan siya ng anim na hukuman ng 23 taóng pagkakabilanggo, anupat napiit sa di-kukulangin sa sampung bilangguan at mga kampo. Binatá niya ang sunud-sunod na pag-uusig sa ilalim ng tatlong rehimen​—ng mga Pasista sa Hungary noong bago ang digmaan, ng mga Aleman na kabilang sa Pambansang Sosyalista sa Serbia, at ng mga Komunista noong panahon ng cold war sa Hungary.

Nakatira pa rin si Ádám sa kaniyang tinubuang-bayan na Paks, at naglilingkod nang matapat sa Diyos. Mayroon ba siyang pambihirang mga kakayahan na nagpangyaring mabata niya ang mga hirap nang gayon na lamang katagumpay? Wala. Ganito ang paliwanag niya:

“Mahalaga ang pag-aaral ng Bibliya, pananalangin, at pakikisama sa mga kapananampalataya. Ngunit nais kong idiin ang dalawa pang bagay. Una, si Jehova ang Pinagmumulan ng lakas. Ang matalik na kaugnayan sa kaniya ang naging parang salbabida ko. At ikalawa, lagi kong isinasaisip ang Roma kabanata 12, na nagsasabi: ‘Huwag ipaghiganti ang inyong sarili.’ Kaya hindi ako kailanman nagkimkim ng galit. Ilang ulit akong nagkaroon ng pagkakataon na gantihan ang mga umusig sa akin, pero hindi ko iyon ginawa. Hindi natin dapat gamitin ang lakas na ibinibigay ni Jehova upang gantihan ng masama ang masama.”

Wakas ng Lahat ng Pag-uusig

Hindi na ngayon nahahadlangan ang pagsamba nina Frieda at Ádám kay Jehova. Subalit ano ang isinisiwalat ng mga karanasang gaya ng sa kanila kung tungkol sa pag-uusig dahil sa relihiyon? Na ang gayong pag-uusig ay hindi matagumpay​—lalo na kapag isinagawa laban sa tunay na mga Kristiyano. Bagaman ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay umubos ng maraming ari-arian at naging sanhi ng napakatinding pagdurusa, nabigo itong makamit ang layunin nito. Sa ngayon, dumarami ang mga Saksi ni Jehova sa Europa kung saan dating namahala ang dalawang makapangyarihang diktadura.

Paano tumugon ang mga Saksi sa pag-uusig? Gaya ng ipinakikita ng mga ulat nina Frieda at Ádám, ikinapit nila ang payo ng Bibliya: “Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:21) Talaga bang madaraig ng mabuti ang masama? Oo, kapag ito ay bunga ng matibay na pananampalataya sa Diyos. Ang tagumpay ng mga Saksi ni Jehova sa pag-uusig sa Europa ay tagumpay ng espiritu ng Diyos, isang pagtatanghal ng kapangyarihan ukol sa ikabubuti na sanhi ng pananampalataya na iniluluwal ng banal na espiritu sa mapagpakumbabang mga Kristiyano. (Galacia 5:22, 23) Sa marahas na daigdig sa ngayon, iyan ay isang aral na maaaring pag-isipang mabuti ng lahat.

[Mga larawan sa pahina 5]

Si Frieda Jess (Thiele na ngayon) noong siya ay arestuhin at ngayon

[Mga larawan sa pahina 7]

Si Ádám Szinger noong siya ay mabilanggo at ngayon