Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-uusig Dahil sa Relihiyon—Bakit?

Pag-uusig Dahil sa Relihiyon—Bakit?

Pag-uusig Dahil sa Relihiyon​—Bakit?

SANG-AYON ka ba na dapat usigin ang mga tao dahil sa kanilang relihiyon? Malamang na hindi​—marahil hangga’t hindi sila nakikialam sa mga karapatan ng iba. Gayunman, matagal nang umiiral ang pag-uusig dahil sa relihiyon at nangyayari pa rin ito. Halimbawa, marami sa mga Saksi ni Jehova sa Europa at sa iba pang bahagi ng daigdig ay madalas na pinagkakaitan ng kanilang mga karapatan at pinagmamalupitan sa buong nakalipas na ika-20 siglo.

Nang panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova ay dumanas ng napakalupit, sistematiko, at matagal na pag-uusig sa ilalim ng dalawang pangunahing totalitaryong rehimen sa Europa. Ano ang itinuturo sa atin ng kanilang karanasan hinggil sa pag-uusig dahil sa relihiyon? At ano ang matututuhan natin sa paraan ng kanilang pagtugon sa pagdurusa?

“Hindi Bahagi ng Sanlibutan”

Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging mga taong masunurin sa batas, mapayapa, at may matuwid na moral. Hindi sila sumasalansang sa mga pamahalaan o nakikipaglaban sa mga ito, ni nagbubuyo man sila ng pag-uusig dahil gusto nilang maging mga martir. Ang mga Kristiyanong ito ay neutral sa pulitika. Kasuwato ito ng mga salita ni Jesus: “Hindi . . . bahagi ng sanlibutan [ang mga tagasunod ko], kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kinikilala ng karamihan sa mga pamahalaan ang neutral na paninindigan ng mga Saksi. Ngunit ang totalitaryong mga tagapamahala ay walang gaanong paggalang sa kahilingan ng Bibliya na hindi dapat maging bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano.

Ang dahilan nito ay ipinaliwanag sa isang komperensiya sa University of Heidelberg, Alemanya, noong Nobyembre 2000. Ang komperensiya ay may temang “Pagsupil at Paggigiit ng Sariling mga Karapatan: Ang mga Saksi ni Jehova sa Ilalim ng mga Diktadurang Pambansang Sosyalista at Komunista.” Ganito ang sinabi ni Dr. Clemens Vollnhals ng Hannah-Arendt-Institute for Research Into Totalitarianism: “Hindi lamang pulitika ang saklaw ng mga gawain ng mga totalitaryong rehimen. Hinihiling ng mga ito ang lubusang pagpapasakop ng buong pagkatao ng bawat isa.”

Hindi maaaring ipasakop ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang “buong pagkatao” sa isang pamahalaan ng tao, yamang sa Diyos na Jehova lamang sila nanata ng lubos na katapatan. Nasusumpungan ng mga Saksi na naninirahan sa ilalim ng mga totalitaryong diktadura na nagkakasalungatan kung minsan ang mga kahilingan ng Estado at ng kanilang pananampalataya. Ano ang ginagawa nila kapag napaharap sa gayong pagkakasalungatan? Ayon sa kasaysayan, ikinakapit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang buhay ang simulaing ipinahayag ng mga alagad ni Jesu-Kristo: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

Libu-libong Saksi ang nanatiling matapat sa kanilang pananampalataya at patuloy na naging neutral sa makapulitikang mga gawain, sa kabila ng pinakamalupit na pag-uusig. Paano sila nakapagbata? Saan sila nakakuha ng lakas upang magawa iyon? Hayaan nating sila mismo ang sumagot. At tingnan natin kung ano ang matututuhan ng lahat, Saksi man o di-Saksi, sa kanilang mga karanasan.

[Blurb sa pahina 4]

Ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ay dumanas ng napakalupit at matagal na pag-uusig sa ilalim ng dalawang totalitaryong rehimen noong ika-20 siglo

[Blurb sa pahina 4]

“Hindi lamang pulitika ang saklaw ng mga gawain ng mga totalitaryong rehimen. Hinihiling ng mga ito ang lubusang pagpapasakop ng buong pagkatao ng bawat isa.”​—Dr. Clemens Vollnhals

[Larawan sa pahina 4]

Ipinagkait sa pamilyang Kusserow ang kanilang kalayaan dahil ayaw nilang ikompromiso ang kanilang pananampalataya

[Larawan sa pahina 4]

Pinatay si Johannes Harms sa isang bilangguan ng mga Nazi dahil sa kaniyang paniniwala