Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
AYON SA SALAYSAY NI JETHA SUNAL
Pagkatapos mag-almusal, narinig namin ang patalastas sa radyo: “Ang mga Saksi ni Jehova ay ilegal, at ipinagbabawal ang kanilang gawain.”
NOON ay taóng 1950, at kaming apat na babae na nasa edad na 20 taon pataas ay naglilingkod bilang mga misyonera ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic. Isang taon na ang nakalipas nang dumating kami roon.
Dati ay hindi ko tunguhin sa buhay ang maglingkod bilang misyonera. Totoo, nagsisimba ako noong bata pa ako. Ngunit huminto sa pagsisimba ang aking ama noong Digmaang Pandaigdig I. Sa araw ng aking kumpil sa Simbahang Episkopal noong 1933, nagbasa lamang ng isang talata sa Bibliya ang obispo, at pagkatapos ay nagsimula na siyang magsalita tungkol sa pulitika. Gayon na lamang ang galit ni Inay anupat hindi na siya nagsimba kailanman.
Nagbago ang Paraan ng Aming Pamumuhay
Lima ang naging anak ng aking mga magulang na sina William Karl at Mary Adams. Ang mga anak na lalaki ay sina Don, Joel, at Karl. Ang aking kapatid na babaing si Joy ang bunsong anak, at ako naman ang panganay. Malamang na 13 taóng gulang ako nang pag-uwi ko galing sa paaralan isang araw, nasumpungan kong binabasa ni Inay ang isang buklet na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay may pamagat na The Kingdom, the Hope of the World. “Ito ang katotohanan,” ang sabi niya sa akin.
Ipinakipag-usap ni Inay sa aming lahat ang mga bagay na natututuhan niya mula sa Bibliya. Sa salita at sa gawa, malinaw na ipinaunawa niya sa amin ang kahalagahan ng payo ni Jesus: “Hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.”—Mateo 6:33.
Hindi ako laging nakikinig sa kaniya nang may pagpapahalaga. Minsan ay sinabi ko, “Inay, tigilan na ninyo ang pangangaral sa akin, kung hindi ay hindi ko na tutuyuin ang mga plato para sa inyo.”
Ngunit mataktika siyang nagpatuloy sa pakikipag-usap sa amin. Kaming lahat na mga anak niya ay regular niyang isinasama sa mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa bahay ni Clara Ryan, na nakatira nang di-kalayuan mula sa aming tahanan sa Elmhurst, Illinois, E.U.A.Nagtuturo rin si Clara ng pagtugtog sa piyano. Kapag nagtatanghal ang kaniyang mga estudyante para sa taunang resaytal, ginagamit niya ang pagkakataong iyon upang makapagsalita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. Dahil interesado ako sa musika, palibhasa’y nag-aral akong tumugtog ng biyolin mula nang ako’y pitong taóng gulang, nakinig ako sa sinabi ni Clara.
Di-nagtagal, kaming mga anak ay dumadalo na sa mga pulong ng kongregasyon kasama ni Inay sa kanlurang bahagi ng Chicago. Iyon ay isang mahabang paglalakbay sa pamamagitan ng bus at trambiya, subalit iyon ay bahagi ng aming maagang pagsasanay kung ano ang ibig sabihin ng hanapin muna ang Kaharian. Noong 1938, tatlong taon pagkabautismo kay Inay, sumama ako sa kaniya sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Chicago. Ito ay isa sa 50 lunsod na pinagkawing-kawing sa pamamagitan ng radyo-telepono para sa okasyong iyon. Nakaantig sa puso ko ang narinig ko roon.
Gayunman, ang aking hilig sa musika ay lubha ring kaakit-akit sa akin. Nagtapos ako sa haiskul noong 1938, at isinaayos ni Itay na makapag-aral ako sa American Conservatory of Music sa Chicago. Kaya sa sumunod na dalawang taon, nag-aral ako ng musika, tumugtog na kasama ng dalawang orkestra, at nag-isip na magkaroon ng karera sa larangang iyon.
Ang aking guro sa biyolin, si Herbert Butler, ay umalis sa Europa upang manirahan sa Estados Unidos. Kaya binigyan ko siya ng buklet na Refugees, * sa pag-aakalang baka basahin niya iyon. Binasa nga niya ang buklet, at pagkatapos ng aking aralin nang sumunod na linggo, sinabi niya: “Jetha, mahusay kang tumugtog, at kung magpapatuloy ka sa iyong pag-aaral, makakakuha ka ng trabaho sa isang orkestra sa radyo o sa pagtuturo ng musika. Pero,” ang sabi pa niya habang tinatapik-tapik ng kaniyang mga daliri ang buklet na ibinigay ko sa kaniya, “sa palagay ko ay ito ang nasa puso mo. Bakit hindi mo ito gawing karera sa buhay?”
Pinag-isipan ko iyon nang mabuti. Sa halip na magpatuloy sa konserbatoryo, tinanggap ko ang paanyaya ni Inay na dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Detroit, Michigan, noong Hulyo 1940. Nanuluyan kami sa mga tolda sa trailer
city. Siyempre pa, dinala ko ang aking biyolin, at tumugtog ako kasama ng orkestra ng kombensiyon. Ngunit sa trailer city, nakilala ko ang maraming payunir (buong-panahong mga ebanghelisador). Silang lahat ay maliligaya. Nagpasiya akong magpabautismo at mag-aplay para maglingkod bilang payunir. Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong makapagpatuloy sa buong-panahong ministeryo sa buong buhay ko.Nagsimula akong magpayunir sa aking tinubuang-bayan. Nang maglaon, naglingkod ako sa Chicago. Noong 1943, lumipat ako sa Kentucky. Nang tag-araw na iyon, noong malapit na ang pandistritong kombensiyon, natanggap ko ang isang paanyaya na mag-aral sa ikalawang klase ng Paaralang Gilead, kung saan makatatanggap ako ng pagsasanay para sa gawaing misyonero. Magpapasimula noon ang klase sa Setyembre 1943.
Noong panahon ng kombensiyon nang tag-araw na iyon, nakituloy ako sa isang Saksi na nagbigay sa akin ng anumang gusto ko mula sa mga damit ng kaniyang anak na babae. Ang kaniyang anak na babae ay umanib sa militar, at sinabihan niya ang kaniyang ina na ipamigay na ang lahat ng kaniyang mga gamit. Para sa akin, ang mga paglalaang ito ay katuparan ng pangako ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Mabilis na lumipas ang limang buwan sa Gilead, at nang magtapos ako noong Enero 31, 1944, sabik kong inasam na makapagsimula sa paglilingkod bilang misyonera.
Pinili Rin Nila ang Buong-Panahong Paglilingkod
Nagpatala si Inay upang maglingkod bilang payunir noong 1942. Nang panahong iyon, ang tatlo kong kapatid na lalaki at ang aking kapatid na babae ay nag-aaral pa. Madalas na nakikipagtagpo sa kanila si Inay pagkatapos ng kanilang mga klase at isinasama sila sa ministeryo sa larangan. Tinuruan din niya sila na makibahagi sa pag-aasikaso sa mga gawain sa bahay. Si Inay mismo ay madalas na nagpupuyat sa pamamalantsa at sa paggawa ng iba pang kinakailangang bagay upang makalabas siya sa ministeryo kapag araw.
Noong Enero 1943, samantalang nagpapayunir ako sa Kentucky, nagsimula ring magpayunir ang aking kapatid na si Don. Hindi ito ikinatuwa ni Itay, na umaasang ang lahat ng kaniyang anak ay magtatapos sa kolehiyo, gaya nila ni Inay. Pagkaraang magpayunir sa loob ng halos dalawang taon, inanyayahan si Don na ipagpatuloy ang kaniyang buong-panahong ministeryo bilang isa sa mga manggagawa sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
Nagsimulang magpayunir si Joel noong Hunyo 1943 samantalang siya ay naninirahan sa aming tahanan. Nang panahong iyon, nagsikap siya ngunit nabigong kumbinsihin si Itay na dumalo sa kombensiyon. Gayunman, matapos mabigo si Joel sa pagsisikap na makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa teritoryong iyon, sumang-ayon si Itay na makipag-aral sa kaniya sa aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Madali niyang nasagot ang mga tanong, ngunit iginiit niya na patunayan ni Joel mula sa Kasulatan ang sinasabi sa aklat. Tumulong iyon kay Joel upang dibdibin niya ang mga katotohanan sa Bibliya.
Umasa si Joel na ang eksemsiyon na ipinagkaloob ng Selective Service Board kay Don bilang isang ministro ay ipagkakaloob din sa kaniya. Ngunit nang makita ng lupon kung gaano kabata ang hitsura ni Joel, tumanggi silang ibilang siya na isang ministro at pinadalhan siya ng patalastas upang makipagkita siya sa kanila para sa tungkuling militar. Nang tumanggi siyang maitalaga sa tungkulin, isang mandamyento sa pag-aresto ang ipinalabas. Nang matagpuan siya ng FBI, gumugol siya ng tatlong araw sa bilangguan ng Cook County.
Ginamit ni Itay ang aming tahanan bilang pampiyansa. Pagkatapos noon, gayundin ang ginawa niya para sa iba pang kabataang Saksi na napaharap sa katulad na situwasyon. Ang gayong kawalang-katarungan ay nagpagalit sa aking ama, at
nagtungo siya sa Washington, D.C., kasama si Joel, upang alamin kung maaaring umapela. Sa wakas, natanggap ni Joel ang pasiya na ibilang siyang isang ministro, at napawalang-saysay ang kaso. Lumiham sa akin ang aking ama sa aking atas-misyonero, “Sa palagay ko, si Jehova ang dapat papurihan sa tagumpay na ito!” Nang magtatapos na ang Agosto 1946, inanyayahan din si Joel na maglingkod bilang manggagawa sa punong-tanggapan sa Brooklyn.Ilang beses na nagpayunir si Karl tuwing bakasyon sa kanilang paaralan bago siya nagtapos sa haiskul noong bandang pasimula ng 1947 at nag-umpisa siyang maglingkod bilang regular pioneer. Noon ay humihina na ang kalusugan ni Itay, kaya tinulungan muna siya ni Karl sa kaniyang negosyo bago ito umalis upang gampanan ang isang atas sa pagpapayunir sa ibang lugar. Noong bandang katapusan ng 1947, nagsimulang maglingkod si Karl kasama nina Don at Joel sa punong-tanggapan sa Brooklyn bilang isang miyembro ng pamilyang Bethel.
Nang magtapos sa haiskul si Joy, nagsimula siyang magpayunir. Pagkatapos noong 1951, nakasama niya ang kaniyang mga kuya sa Bethel. Naging tagapaglinis siya ng mga silid at nagtrabaho rin siya sa Departamento ng Suskrisyon. Noong 1955, nagpakasal siya kay Roger Morgan, isa ring miyembro ng pamilyang Bethel. Pagkalipas ng mga pitong taon, umalis sila sa Bethel dahil gusto nilang magkaroon ng sariling pamilya. Nang maglaon, nakapagpalaki sila ng dalawang anak, na naglilingkod din kay Jehova.
Nang ang lahat ng kaniyang mga anak ay nasa buong-panahong paglilingkuran na, inilaan ni Inay ang kinakailangang pampatibay-loob, anupat maging si Itay ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nagpabautismo noong 1952. Sa loob ng 15 taon, hanggang sa mamatay siya, talagang naging mapamaraan si Itay sa paghanap ng mga larangan upang maibahagi ang katotohanan ng Kaharian sa iba, bagaman nalilimitahan siya dahil sa kaniyang karamdaman.
Pagkaraan ng sandaling paghinto sa pagpapayunir dahil sa karamdaman ni Itay, nagpatuloy si Inay sa pagpapayunir hanggang sa mamatay siya. Hindi siya kailanman nagkaroon ng kotse; ni sumakay man sa bisikleta. Bagaman maliit na tao lamang, naglakad siya kung saan-saan, madalas ay sa liblib na mga dako ng lalawigan, upang magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
Pagpasok sa Larangan ng Pagmimisyonero
Pagkaraang magtapos sa Paaralang Gilead, isang grupo sa amin ang nagpayunir sa hilaga ng New York City sa loob ng isang taon hanggang sa makuha namin ang kinakailangang mga dokumento sa paglalakbay. Sa wakas, noong 1945 ay lumisan kami patungo sa aming atas, sa Cuba, kung saan unti-unti kaming nakibagay sa isang bagong paraan ng pamumuhay. Mahusay ang pagtugon sa aming pangangaral, at di-nagtagal, kaming lahat ay nagdaraos na ng maraming pag-aaral sa Bibliya. May ilang taon din kaming naglingkod doon. Pagkatapos ay inatasan naman kami sa Dominican Republic. Isang araw ay nakilala ko ang isang babae na humimok sa akin na makipagkita ako sa kaniyang kliyente, isang babaing Pranses na nagngangalang Suzanne Enfroy, na gustong magpatulong upang maunawaan ang Bibliya.
Si Suzanne ay isang Judio, at nang salakayin ni Hitler ang Pransiya, inilipat siya ng kaniyang asawa sa ibang lupain kasama ang kanilang dalawang anak. Agad na ibinahagi ni Suzanne sa iba ang mga
bagay na kaniyang natututuhan. Una ay nakipag-usap siya sa babae na humimok sa akin na dalawin siya, pagkatapos ay kay Blanche, isang kaibigan mula sa Pransiya. Kapuwa sila sumulong tungo sa bautismo.“Ano ang magagawa ko upang matulungan ang aking mga anak?” ang tanong ni Suzanne sa akin. Ang kaniyang anak na lalaki ay nag-aaral ng medisina, at ang anak naman niyang babae ay nag-aaral ng ballet, na umaasang makasasayaw sa Radio City Music Hall sa New York. Nagpadala si Suzanne ng mga suskrisyon ng Bantayan at Gumising! sa kanila. Bilang resulta, ang anak na lalaki ni Suzanne, ang kabiyak nito, at ang kakambal na babae ng kabiyak na ito ay pawang naging mga Saksi. Ang asawa ni Suzanne, si Louis, ay nag-aalala sa interes ng kaniyang asawa sa mga Saksi ni Jehova dahil ipinagbawal na noon ng pamahalaan ng Dominican Republic ang aming gawain. Ngunit nang makalipat na ang buong pamilya sa Estados Unidos, naging Saksi rin siya nang dakong huli.
Ipinagbabawal Ngunit Naglilingkod Pa Rin
Bagaman ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa Dominican Republic di-nagtagal matapos kaming atasan doon noong 1949, ang determinasyon namin ay sundin ang Diyos bilang Tagapamahala sa halip na mga tao. (Gawa 5:29) Patuloy naming hinanap muna ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag sa mabuting balita tungkol dito, gaya ng iniutos ni Jesus na gawin ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 24:14) Gayunman, natutuhan namin na maging ‘maingat na gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati’ habang isinasagawa namin ang aming gawaing pangangaral. (Mateo 10:16) Halimbawa, talagang malaki ang naitulong ng aking biyolin. Dala-dala ko ito kapag nagdaraos ako ng mga pag-aaral sa Bibliya. Hindi naging manunugtog ng biyolin ang aking mga estudyante, ngunit maraming pamilya ang naging mga lingkod ni Jehova!
Matapos ipatupad ang pagbabawal, kaming apat na babae—sina Mary Aniol, Sophia Soviak, Edith Morgan, at ako—ay lumipat mula sa tahanang misyonero sa San Francisco de Macorís tungo sa isa pang tahanang misyonero na nasa sangay sa Santo Domingo, ang kabisera. Ngunit bawat buwan, nagbibiyahe ako pabalik sa aming dating atas upang magturo ng musika. Pinangyari nito na madala ko sa pamamagitan ng lalagyan ng aking biyolin ang espirituwal na pagkain para sa aming mga kapatid na Kristiyano at makabalik ako na dala ang mga ulat ng kanilang gawaing pagpapatotoo.
Nang ang mga kapatid sa San Francisco de Macorís ay mabilanggo sa Santiago dahil sa kanilang Kristiyanong paninindigan hinggil sa neutralidad, hinilingan akong dalhan sila ng salapi at, kung maaari, ng mga Bibliya, at alamin ang kalagayan nila upang maibalita sa kanilang mga pamilya. Nang makita ng mga guwardiya ng bilangguan sa Santiago ang lalagyan ng aking biyolin na kipkip ko, nagtanong sila, “Para saan iyan?” “Para aliwin sila,” ang sagot ko.
Kabilang sa mga awitin na tinugtog ko ay yaong kinatha ng isang Saksi habang siya ay nasa kampong piitan ng mga Nazi. Ang awit na iyon ay ang bilang 29 ngayon sa aklat-awitan ng mga Saksi ni Jehova. Tinugtog ko ito upang matutuhan itong awitin ng aming mga kapatid na nakabilanggo.
Napag-alaman ko na marami sa mga Saksi ang inilipat sa isang bukirin na pag-aari ni Trujillo, ang
pinuno ng pamahalaan. Sinabi sa akin na malapit lamang ito sa ruta ng bus. Kaya nang magtatanghali na, bumaba ako sa bus at nagtanong kung saan ang bukiring iyon. Itinuro ng may-ari ng isang maliit na tindahan ang lugar na lampas pa sa tagaytay ng mga bundok at inalok ako na ipagagamit niya ang kaniyang kabayo kasama ang isang batang lalaki upang gumabay sa akin basta iiwan ko ang aking biyolin bilang prenda.Paglampas sa mga burol na iyon, kinailangan kaming lumusong sa isang ilog, anupat dalawa kaming nakasakay sa kabayo habang lumalangoy ito. Doon ay nakita namin ang isang langkay ng mga parrot, na may tulad-bahagharing balahibo na kulay berde at asul na nagniningning sa araw. Napakagandang tanawin niyaon! Nanalangin ako: “Salamat po, Jehova, sa napakagandang pagkakalikha ninyo sa kanila.” Sa wakas, pagsapit ng alas kuwatro ng hapon, dumating kami sa bukirin. May-kabaitan akong hinayaan ng nangangasiwang sundalo na makipag-usap sa mga kapatid, at pinahintulutan niya ako na ibigay sa kanila ang lahat ng bagay na dala ko para sa kanila, maging ang isang napakaliit na Bibliya.
Nang pauwi na kami, hindi ako tumigil sa pananalangin dahil madilim na noon. Nakabalik kami sa tindahan, na basang-basa dahil sa ulan. Yamang nakaalis na ang huling bus na bibiyahe sa araw na iyon, hiniling ko sa may-ari ng tindahan na parahin ang dumaraang trak para sa akin. Sasama kaya ako sa dalawang lalaki na nakasakay sa trak? Isa sa kanila ang nagtanong sa akin: “Kilala mo ba si Sophie? Nakikipag-aral siya sa aking kapatid na babae.” Ipinasiya ko na ito na ang sagot ni Jehova sa aking panalangin! Inihatid nila ako nang ligtas sa Santo Domingo.
Noong 1953, kabilang ako sa mga nanggaling sa Dominican Republic na dumalo sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York. Ang buong pamilya namin, pati ang aking ama, ay naroon. Pagkatapos iulat kung paano sumusulong ang gawaing pangangaral sa Dominican Republic, kami ng aking kasamang misyonera na si Mary Aniol ay nagkaroon ng maliit na bahagi sa programa upang itanghal kung paano namin isinagawa ang aming pangangaral sa kabila ng pagbabawal.
Natatanging mga Kagalakan sa Gawaing Paglalakbay
Noong tag-araw na iyon ay nakilala ko si Rudolph Sunal, na naging asawa ko nang sumunod na taon. Naging Saksi ang kaniyang pamilya sa Allegheny, Pennsylvania, di-nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Pagkaraang mabilanggo bilang isang neutral na Kristiyano noong Digmaang Pandaigdig II, naglingkod siya sa Bethel sa Brooklyn, New York. Di-naglaon pagkatapos naming makasal, inanyayahan siyang dumalaw sa mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa loob ng sumunod na 18 taon, sinamahan ko siya sa gawaing pansirkito.
Ang aming paglilingkod ay umabot sa Pennsylvania, West Virginia, New Hampshire, at Massachusetts, bukod pa sa ibang lugar. Kadalasan ay nanunuluyan kami sa tahanan ng aming mga kapatid na Kristiyano. Isang natatanging kagalakan na lubos silang makilala at makasama sa paglilingkod kay Jehova. Laging magiliw at tunay ang pag-ibig at pagkamapagpatuloy na ipinakikita nila sa amin. Matapos pakasalan ni Joel ang dati kong kasamang misyonera, si Mary Aniol, gumugol sila ng tatlong taon sa gawaing paglalakbay, na dumadalaw sa mga kongregasyon sa Pennsylvania at Michigan. Pagkatapos, noong 1958, inanyayahan muli si Joel na
maging miyembro ng pamilyang Bethel, sa pagkakataong ito ay kasama na si Mary.Si Karl noon ay halos pitong taon nang nasa Bethel nang atasan siya sa gawaing pansirkito sa loob ng ilang buwan upang magtamo ng karagdagang karanasan. Pagkatapos ay naging instruktor siya sa Paaralang Gilead. Noong 1963, pinakasalan niya si Bobbie, na naglingkod nang tapat sa Bethel hanggang sa mamatay siya noong Oktubre 2002.
Sa maraming taon ng kaniyang pamamalagi sa Bethel, paminsan-minsan ay naglalakbay si Don sa iba’t ibang lupain upang paglingkuran ang mga nagtatrabaho sa mga tanggapang pansangay at sa larangan ng pagmimisyonero. Ang kaniyang atas ay umaabot hanggang sa Silangan, Aprika, Europa, at sa iba’t ibang bahagi ng kontinente ng Amerika. Ang matapat na asawa ni Don, si Dolores, ay madalas na kasama niyang naglalakbay.
Nagbago ang Aming mga Kalagayan
Pagkaraan ng mahabang panahon ng pagkakasakit, namatay ang aking ama, ngunit bago siya namatay ay sinabi niya sa akin na napakaligaya niya na pinili naming maglingkod sa Diyos na Jehova. Sinabi niya na tumanggap kami ng mas maraming pagpapala kaysa sa pagpapalang matatanggap namin sakaling itinaguyod namin ang pag-aaral sa kolehiyo na nilayon niya para sa amin. Matapos kong tulungan si Inay na lumipat sa isang lugar na malapit sa aking kapatid, si Joy, tinanggap namin ng aking asawa ang mga atas sa pagpapayunir sa New England upang mapalapit kami sa kaniyang ina, na nangangailangan noon ng aming tulong. Nang mamatay ang kaniyang ina, tumira sa amin ang aking ina sa loob ng 13 taon. Pagkatapos, noong Enero 18, 1987, tinapos niya ang kaniyang makalupang atas sa edad na 93 taóng gulang.
Madalas, kapag pinapupurihan siya ng mga kaibigan dahil ang lahat ng kaniyang anak ay napalaki niya na umiibig at naglilingkod kay Jehova, may-kahinhinang sumasagot si Inay: “Nagkataon lamang na maiinam na ‘lupa’ ang binungkal ko.” (Mateo 13:23) Kaylaking pagpapala na magkaroon ng mga magulang na may takot sa Diyos na nagbigay sa amin ng mainam na halimbawa sa kasigasigan at kapakumbabaan!
Una Pa Rin ang Kaharian
Patuloy naming inuuna ang Kaharian ng Diyos sa aming buhay at sinisikap din naming ikapit ang payo ni Jesus hinggil sa pamamahagi sa iba. (Lucas 6:38; 14:12-14) Si Jehova naman ay saganang naglalaan ng aming mga pangangailangan. Kami ay may tiwasay at maligayang buhay.
Hindi nawala ang hilig namin ni Rudy sa musika. Isa ngang kalugud-lugod na panahon kapag ang iba na may gayunding hilig ay dumadalaw sa aming tahanan upang magkasama-sama sa paglilibang sa gabi at sama-samang tutugtugin ang aming mga instrumento. Ngunit ang musika ay hindi siyang karera ko. Ito ay isang karagdagang kaluguran sa buhay. Ngayon ay nakikita namin ng aking asawa ang mga bunga ng aming ministeryo bilang payunir, ang mga tao na tinulungan namin sa nakalipas na mga taon.
Sa kabila ng mga karamdaman sa kasalukuyan, masasabi ko na ang aming buhay ay naging napakaligaya at napakatiwasay sa 60 taóng ito ng buong-panahong ministeryo. Tuwing umaga paggising ko, pinasasalamatan ko si Jehova sa pagsagot sa aking panalangin nang pumasok ako sa buong-panahong ministeryo maraming taon na ang nakalilipas, at iniisip ko, ‘Ngayon, paano ko hahanapin muna ang Kaharian sa araw na ito?’
[Talababa]
^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag sa ngayon.
[Larawan sa pahina 24]
Ang aming pamilya noong 1948 (mula kaliwa pakanan): Sina Joy, Don, Inay, Joel, Karl, ako, at si Itay
[Larawan sa pahina 25]
Si Inay ay nagpakita ng halimbawa ng kasigasigan sa ministeryo
[Larawan sa pahina 26]
Sina Karl, Don, Joel, Joy, at ako sa ngayon, pagkalipas ng mahigit sa 50 taon
[Larawan sa pahina 27]
Mula sa kaliwa pakanan: Ako, sina Mary Aniol, Sophia Soviak, at Edith Morgan bilang mga misyonera sa Dominican Republic
[Larawan sa pahina 28]
Kasama si Mary (kaliwa) sa Yankee Stadium, noong 1953
[Larawan sa pahina 29]
Kasama ang aking asawa nang siya ay nasa gawaing pansirkito