Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sikaping Malasin ang Iba Kung Paano Sila Minamalas ni Jehova

Sikaping Malasin ang Iba Kung Paano Sila Minamalas ni Jehova

Sikaping Malasin ang Iba Kung Paano Sila Minamalas ni Jehova

“Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos.”​—1 SAMUEL 16:7.

1, 2. Paano naiiba ang pangmalas ni Jehova kay Eliab sa pangmalas ni Samuel, at ano ang ating matututuhan dito?

NOONG ika-11 siglo B.C.E., isinugo ni Jehova ang propetang si Samuel para sa isang lihim na misyon. Inutusan niyang magtungo ang propeta sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Jesse at pahiran ang isa sa mga anak ni Jesse upang maging hari ng Israel sa hinaharap. Nang makita ni Samuel ang panganay na anak ni Jesse, si Eliab, inakala niya na natagpuan na niya ang pinili ng Diyos. Ngunit sinabi ni Jehova: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya. Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:6, 7) Ang naging pangmalas ni Samuel kay Eliab ay hindi katulad ng pangmalas ni Jehova. *

2 Kaydali nga para sa mga tao na magkamali sa kanilang pangmalas sa iba! Sa isang panig, baka malinlang tayo ng mga indibiduwal na may kaakit-akit na panlabas na anyo ngunit wala namang prinsipyo. Sa kabilang panig naman, baka masyado tayong mahigpit at istrikto sa ating pagsusuri sa pagkatao ng taimtim na mga indibiduwal na ang personalidad ay nakayayamot sa atin.

3, 4. (a) Kapag may bumangong problema sa pagitan ng dalawang Kristiyano, ano ang dapat na determinadong gawin ng bawat isa? (b) Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili kapag nagkaroon tayo ng malubhang di-pagkakaunawaan sa isang kapananampalataya?

3 Maaaring bumangon ang mga problema kapag agad tayong humahatol sa iba​—maging sa matatagal na nating kakilala. Marahil ay nagkaroon kayo ng malubhang away ng isang Kristiyano na dati mong matalik na kaibigan. Gusto mo bang ayusin ang di-pagkakaunawaan? Ano ang tutulong sa iyo upang magawa ito?

4 Bakit hindi suriin nang masusi, matagal, at positibo ang iyong kapatid na Kristiyano? At gawin ito habang isinasaalang-alang ang mga salita ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Pagkatapos ay tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit inilapit ni Jehova ang taong ito sa Kaniyang Anak? Anong kanais-nais na mga katangian ang taglay ng indibiduwal na ito? Ipinagwawalang-bahala ko ba o minamaliit ang mga katangiang ito? Bakit kami naging magkaibigan noong una? Ano ang naglapít sa akin sa taong ito?’ Sa simula, baka mahirapan kang makaisip ng mabubuting katangian, lalo na kung matagal-tagal ka nang nagkikimkim ng sama ng loob. Gayunman, ito ay isang mahalagang hakbang sa paglutas sa inyong di-pagkakaunawaan. Upang ilarawan kung paano ito maaaring gawin, humanap tayo ng positibong mga katangian sa dalawang lalaki na kung minsan ay inilalarawan sa negatibong paraan. Sila ay sina propeta Jonas at apostol Pedro.

Isang Tapatang Pagsusuri kay Jonas

5. Anong atas ang ibinigay kay Jonas, at paano siya tumugon?

5 Si Jonas ay naglingkod bilang propeta sa hilagang kaharian ng Israel noong panahon ni Haring Jeroboam II, na anak ni Jehoas. (2 Hari 14:23-25) Isang araw, inutusan ni Jehova si Jonas na umalis sa Israel at magtungo sa Nineve, ang kabisera ng makapangyarihang Imperyo ng Asirya. Ano ang kaniyang atas? Babalaan ang mga mamamayan nito na ang kanilang dakilang lunsod ay wawasakin. (Jonas 1:1, 2) Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, tumakas si Jonas! Sumakay siya sa isang barko na patungong Tarsis, na napakalayo sa Nineve.​—Jonas 1:3.

6. Bakit si Jonas ang pinili ni Jehova upang magtungo sa Nineve?

6 Ano ang naaalaala mo kapag iniisip mo si Jonas? Iniisip mo ba na isa siyang masuwaying propeta? Ang mababaw na pagsusuri sa kaniyang pagkatao ay maaaring umakay sa gayong konklusyon. Ngunit inatasan kaya ng Diyos si Jonas bilang isang propeta dahil masuwayin siya? Siyempre hindi! Tiyak na may kanais-nais na mga katangian si Jonas. Isaalang-alang ang kaniyang rekord bilang propeta.

7. Ano ang mga kalagayan nang maglingkod si Jonas kay Jehova sa Israel, at paanong ang pagkaalam dito ay nakaaapekto sa iyong pangmalas sa kaniya?

7 Ang totoo ay tapat na nagpagal si Jonas sa Israel, isang napakatigas na teritoryo. Inilarawan ni propeta Amos, na halos kapanahon ni Jonas, ang mga Israelita noong panahong iyon bilang mga taong materyalistiko at mahilig sa kaluguran. * Maraming masasamang bagay ang nagaganap noon sa lupain, ngunit lubusan itong ipinagwawalang-bahala ng mga Israelita. (Amos 3:13-15; 4:4; 6:4-6) Gayunman, araw-araw ay buong-katapatang isinagawa ni Jonas ang kaniyang atas na mangaral sa kanila. Kung ikaw ay isang tagapaghayag ng mabuting balita, alam mo kung gaano kahirap makipag-usap sa mga taong kontento na sa sarili at walang interes. Kung gayon, bagaman kinikilala natin ang mga kahinaan ni Jonas, huwag nating kaliligtaan ang kaniyang mga katangian ng katapatan at pagbabata habang nangangaral siya sa walang-pananampalatayang mga Israelita.

8. Anong mga hamon ang mapapaharap sa isang propetang Israelita sa Nineve?

8 Ang atas na magtungo sa Nineve ay nagsasangkot pa ng mas mahirap na hamon. Upang marating ang lunsod, kinailangang maglakad si Jonas nang mga 800 kilometro​—isang mahirap na paglalakbay na tatagal nang mga isang buwan. Kapag nakarating na roon, kailangang mangaral ang propeta sa mga Asiryano, na kilalá sa pagiging malupit. Madalas na kalakip sa kanilang pakikidigma ang sadistikong pagpapahirap. Ipinaghahambog pa nga nila ang kanilang kalupitan. Hindi nga nakapagtataka na tinawag ang Nineve na “lunsod ng pagbububo ng dugo”!​—Nahum 3:1, 7.

9. Nang manganib ang mga marinero dahil sa malakas na unos, anong mga katangian ang ipinamalas ni Jonas?

9 Palibhasa’y bantulot sa pagsunod sa utos ni Jehova, sumakay si Jonas sa isang barko na nagdala sa kaniya nang palayo nang palayo sa kaniyang atas. Gayunman, hindi nawalan ng tiwala si Jehova sa kaniyang propeta ni nagsaayos man Siya na palitan ito ng iba. Sa halip, kumilos si Jehova upang tulungan si Jonas na matanto kung gaano kaselan ang kaniyang atas.Nagpasapit ang Diyos ng isang malakas na unos sa dagat. Ang barko na sinasakyan ni Jonas ay siniklut-siklot ng mga alon. Mamamatay na sana noon ang walang-salang mga tao, dahil lamang kay Jonas! (Jonas 1:4) Paano kaya tutugon si Jonas? Palibhasa’y ayaw niyang mamatay ang mga magdaragat na nakasakay sa barko dahil lamang sa kaniya, sinabi ni Jonas sa kanila: “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat, at ang dagat ay papayapa para sa inyo.” (Jonas 1:12) Nang sa wakas ay ihagis ng mga marinero sa dagat si Jonas, wala siyang dahilan upang mag-isip na ililigtas siya ni Jehova mula roon. (Jonas 1:15) Gayunman, handang mamatay si Jonas upang hindi masawi ang mga magdaragat. Hindi ba natin namamalas dito ang mga katangiang gaya ng lakas ng loob, kapakumbabaan, at pag-ibig?

10. Ano ang nangyari pagkatapos ulitin ni Jehova ang pag-aatas kay Jonas?

10 Sa wakas, iniligtas ni Jehova si Jonas. Hindi na ba kailanman makapaglilingkod muli si Jonas bilang kinatawan ng Diyos dahil sa kaniyang ginawa? Hindi naman, yamang maawain at maibiging inulit ni Jehova ang pag-aatas sa propeta na mangaral sa mga Ninevita. Nang dumating si Jonas sa Nineve, lakas-loob niyang sinabi sa mga naninirahan doon na napansin ng Diyos ang kanilang malubhang kasamaan at na wawasakin ang kanilang lunsod pagkalipas ng 40 araw. (Jonas 1:2; 3:4) Matapos marinig ang prangkahang mensahe ni Jonas, nagsisi ang mga Ninevita, at hindi winasak ang kanilang lunsod.

11. Ano ang nagpapahiwatig na natutuhan ni Jonas ang isang mahalagang aral?

11 Hindi pa rin taglay ni Jonas ang tamang pangmalas. Subalit sa pamamagitan ng praktikal na halimbawa, matiising tinulungan ni Jehova si Jonas na malaman niya na hindi lamang Siya tumitingin sa panlabas na anyo. Sinusuri rin Niya ang puso. (Jonas 4:5-11) Ang matapat na salaysay na iniulat mismo ni Jonas ay nagpapatunay na natutuhan niya ang isang mahalagang aral. Ang pagiging handa niyang iulat ang kaniyang mga pagkukulang maging sa nakahihiyang detalye ay lalo pang nagpapatunay sa kaniyang kapakumbabaan. Kailangan ang lakas ng loob upang aminin ang isang pagkakamali!

12. (a) Paano natin nalalaman na pareho ang pangmalas ni Jehova at ni Jesus sa mga tao? (b) Pinasisigla tayo na panatilihin ang anong pangmalas hinggil sa mga taong pinangangaralan natin ng mabuting balita? (Tingnan ang kahon sa pahina 18.)

12 Pagkaraan ng maraming siglo, nagbigay ng positibong komento si Jesu-Kristo hinggil sa isang pangyayari sa buhay ni Jonas. Sinabi niya: “Kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng pagkalaki-laking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, gayundin ang Anak ng tao ay mapapasapuso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi.” (Mateo 12:40) Kapag binuhay muli si Jonas, malalaman niya na inihambing ni Jesus ang Kaniya mismong pamamalagi sa libingan sa madilim na panahong ito sa buhay ng propeta. Hindi ba tayo nagagalak maglingkod sa isang Diyos na hindi nagtatakwil sa kaniyang mga lingkod kapag nakagawa sila ng mga pagkakamali? Sumulat ang salmista: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) Tunay nga, malaki ang magagawa ng “alabok” na ito​—kasali na ang di-sakdal na mga tao sa ngayon​—sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos!

Isang Timbang na Pangmalas kay Pedro

13. Anong mga katangian ni Pedro ang maaaring maalaala mo, ngunit bakit siya pinili ni Jesus bilang isang apostol?

13 Ngayon ay isaalang-alang natin sa maikli ang ikalawang halimbawa, yaong kay apostol Pedro. Kung hihilingan ka na ilarawan si Pedro, agad mo bang maaalaala ang mga katangiang gaya ng pagiging padalus-dalos, pabugsu-bugso, o pangahas pa nga? May pagkakataon na talagang kumilos nang gayon si Pedro. Gayunman, pipiliin kaya ni Jesus si Pedro bilang isa sa kaniyang 12 apostol kung si Pedro ay isa talagang lalaking padalus-dalos, pabugsu-bugso, o pangahas? (Lucas 6:12-14) Siyempre hindi! Maliwanag na hindi na pinansin ni Jesus ang mga kapintasang ito kundi nakita niya ang positibong mga katangian ni Pedro.

14. (a) Ano ang maaaring dahilan ng waring pagkatahasan ni Pedro? (b) Bakit dapat tayong magpasalamat sa madalas na pagtatanong ni Pedro?

14 May mga pagkakataong kumilos si Pedro bilang tagapagsalita ng ibang mga apostol. Maaaring malasin ito ng iba bilang katibayan ng kawalan ng kahinhinan. Ngunit ganoon nga ba? Sinasabi ng ilan na maaaring mas matanda si Pedro kaysa sa ibang mga apostol​—marahil ay mas matanda pa nga siya kaysa kay Jesus mismo. Kung tama iyon, maaari itong makatulong upang maipaliwanag kung bakit madalas na si Pedro ang unang nagsasalita. (Mateo 16:22) Gayunman, may isa pang salik na dapat isaalang-alang. Si Pedro ay isang espirituwal na tao. Ang pagkauhaw niya sa kaalaman ang nagtulak sa kaniya na magbangon ng mga tanong. Ito ay naging kapaki-pakinabang sa atin. Maraming mahahalagang sinabi si Jesus bilang sagot sa mga tanong ni Pedro, at ang mga ito ay naingatan sa Bibliya. Halimbawa, dahil sa pagtugon sa sinabi ni Pedro kung kaya binanggit ni Jesus ang tungkol sa “tapat na katiwala.” (Lucas 12:41-44) At pag-isipan ang tanong ni Pedro: “Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” Umakay ito sa nakapagpapatibay na pangako ni Jesus: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.”​—Mateo 15:15; 18:21, 22; 19:27-29.

15. Bakit masasabi na talagang matapat si Pedro?

15 Mayroon pang mainam na katangian si Pedro​—siya ay matapat. Nang tumigil sa pagsunod kay Jesus ang marami sa mga alagad dahil hindi nila maunawaan ang isa sa kaniyang mga turo, si Pedro ang nagsalita alang-alang sa 12 apostol at nagsabi: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:66-68) Tunay ngang nakapagpasaya sa puso ni Jesus ang mga salitang iyon! Nang maglaon, nang ang mga mang-uumog ay dumating upang arestuhin ang Panginoon, karamihan sa kaniyang mga apostol ay nagsitakas. Gayunman, sinundan ni Pedro ang pulutong sa may di-kalayuan at pumasok siya sa looban mismo ng mataas na saserdote. Lakas ng loob, hindi karuwagan, ang nagdala sa kaniya roon. Habang pinagtatatanong si Jesus, sumali si Pedro sa isang grupo ng mga Judio na nagpapainit ng kanilang sarili sa maliwanag na apoy. Nakilala siya ng isa sa mga alipin ng mataas na saserdote at pinaratangan siya na kasama siya ni Jesus. Oo, ipinagkaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon, ngunit huwag nating kalilimutan na dahil sa pagkamatapat at pagkabahala kay Jesus kung kaya napasuong si Pedro sa mapanganib na situwasyong iyon, isang situwasyon na hindi tinangkang harapin ng karamihan sa mga apostol.​—Juan 18:15-27.

16. Ano ang praktikal na dahilan kung bakit natin isinaalang-alang ang positibong mga katangian nina Jonas at Pedro?

16 Ang positibong mga katangian ni Pedro ay di-hamak na nakalalamang sa kaniyang mga pagkukulang. Totoo rin iyon kay Jonas. Kung paanong nagkaroon tayo ng mas positibong pangmalas kay Jonas at kay Pedro kaysa sa maaaring taglay natin noon, dapat din nating sanayin ang ating sarili na maging mas positibo sa pagsusuri sa pagkatao ng ating espirituwal na mga kapatid sa kasalukuyan. Ang paggawa nito ay aakay sa mas mabuting pakikipag-ugnayan sa kanila. Bakit may tunay na pangangailangan ukol dito?

Ikinakapit ang Aral sa Ngayon

17, 18. (a) Bakit maaaring magkaroon ng di-pagkakasundo sa pagitan ng mga Kristiyano? (b) Anong payo sa Bibliya ang makatutulong sa atin upang malutas ang mga problema sa mga kapananampalataya?

17 Ang mga lalaki, babae, at mga bata mula sa lahat ng antas ng kabuhayan, edukasyon, at lahing pinagmulan ay may-pagkakaisang naglilingkod ngayon kay Jehova. (Apocalipsis 7:9, 10) Tunay ngang sari-saring personalidad ang makikita natin sa kongregasyong Kristiyano! Yamang tayo ay matalik na nagsasama-sama sa paglilingkod sa Diyos, tiyak na magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan paminsan-minsan.​—Roma 12:10; Filipos 2:3.

18 Bagaman nakikita natin ang mga pagkukulang ng ating mga kapatid, hindi natin pinagtutuunan ng pansin ang mga iyon. Sinisikap nating tularan si Jehova, na tungkol sa kaniya ay umawit ang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga personalidad na maaaring magbaha-bahagi sa atin, “[itinataguyod] natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Sinisikap nating malasin ang mga indibiduwal kung paano sila minamalas ni Jehova, anupat pinalalampas ang kanilang mga kapintasan at pinagtutuunan ng pansin ang mabubuting katangian. Kapag ginagawa natin ito, tumutulong ito sa atin na ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa.’​—Colosas 3:13.

19. Sabihin ang praktikal na mga hakbang na maaaring gawin ng isang Kristiyano sa paglutas sa malulubhang di-pagkakaunawaan.

19 Paano kung bumangon ang mga di-pagkakaunawaan na talagang hindi maatim ng ating puso? (Awit 4:4) Nangyari na ba ito sa pagitan mo at ng isang kapananampalataya? Bakit hindi subuking lutasin ang problema? (Genesis 32:13-15) Una, lapitan si Jehova sa panalangin, anupat hinihiling ang kaniyang patnubay. Pagkatapos, habang isinasaisip ang maiinam na katangian ng taong iyon, lapitan siya taglay ang “kahinahunan na nauukol sa karunungan.” (Santiago 3:13) Sabihin sa kaniya na gusto mong makipagpayapaan. Tandaan ang kinasihang payo: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Ang payo na maging “mabagal sa pagkapoot” ay nagpapahiwatig na maaaring gumawi o magsalita ang isang tao sa paraang makapagpapagalit sa iyo. Kapag nangyari iyon, humingi ng tulong kay Jehova na patuloy mong mapigil ang iyong sarili. (Galacia 5:22, 23) Hayaan mong ipahayag ng iyong kapatid ang kaniyang niloloob, at makinig ka nang mabuti. Huwag kang sumabad, kahit na hindi ka sang-ayon sa lahat ng kaniyang sinasabi. Maaaring mali ang pangmalas niya, ngunit iyon ang kaniyang pangmalas. Sikaping unawain ang problema ayon sa kaniyang pananaw. Maaaring mangahulugan iyan na mamalasin mo ang iyong sarili ayon sa pangmalas ng iyong kapatid.​—Kawikaan 18:17.

20. Kapag nilulutas ang mga di-pagkakaunawaan, ano pang mga hakbang ang malamang na magbunga ng pagkakasundo?

20 Kapag panahon mo na para magsalita, magpakita ng kagandahang-loob. (Colosas 4:6) Sabihin mo sa iyong kapatid kung ano ang pinahahalagahan mo sa kaniya. Humingi ng paumanhin sa anumang nagawa mo na naging sanhi ng di-pagkakaunawaan. Kung ang iyong mapagpakumbabang pagsisikap ay magbunga ng pagkakasundo, magpasalamat ka kay Jehova. Kung hindi naman, patuloy kang humiling ng patnubay kay Jehova habang humahanap ka ng iba pang pagkakataon upang makipagpayapaan.​—Roma 12:18.

21. Paano ka natulungan ng pagtalakay na ito upang malasin ang iba kung paano sila minamalas ni Jehova?

21 Iniibig ni Jehova ang lahat ng kaniyang mga lingkod. Nalulugod siyang gamitin tayong lahat sa paglilingkod sa kaniya sa kabila ng ating mga di-kasakdalan. Habang lalo tayong natututo tungkol sa kaniyang pangmalas sa iba, ang pag-ibig natin sa ating mga kapatid ay sisidhi. Kung sakaling lumamig ang pag-ibig natin sa isang kapuwa Kristiyano, maaari itong muling paningasin. Kaylaking pagpapala ang mapapasaatin kung magiging determinado tayo sa ating pagsisikap na ipakita ang positibong pangmalas sa iba​—oo, malasin sila kung paano sila minamalas ni Jehova!

[Mga talababa]

^ par. 1 Naging maliwanag nang dakong huli na hindi taglay ng makisig na si Eliab ang mga katangian ng isang angkop na hari ng Israel. Nang hamunin ng higanteng Filisteo na si Goliat ang mga Israelita sa labanan, si Eliab, pati na ang iba pang mga lalaki ng Israel, ay naduwag sa takot.​—1 Samuel 17:11, 28-30.

^ par. 7 Dahil sa ilang malalaking pananakop at pagkakasauli ng dating teritoryo at sa tributo na malamang na nakolekta bilang resulta nito, maliwanag na malaki ang ginampanan ni Jeroboam II sa lalong pagyaman ng hilagang kaharian.​—2 Samuel 8:6; 2 Hari 14:23-28; 2 Cronica 8:3, 4; Amos 6:2.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano minamalas ni Jehova ang mga pagkukulang ng kaniyang tapat na mga lingkod?

• Anong positibong mga katangian nina Jonas at Pedro ang masasabi mo?

• Anong pangmalas hinggil sa iyong mga kapatid na Kristiyano ang naipasiya mong panatilihin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 18]

Pag-isipan Kung Paano Minamalas ng Diyos ang Iba

Habang binubulay-bulay mo ang ulat ng Bibliya hinggil kay Jonas, nakikita mo ba ang pangangailangang baguhin ang iyong pangmalas sa mga taong palagi mong pinangangaralan ng mabuting balita? Baka sila ay waring kontento na sa sarili o walang interes, gaya ng mga Israelita, o maaaring salansang sila sa mensahe ng Diyos. Gayunman, paano sila minamalas ng Diyos na Jehova? Maging ang ilang indibiduwal na prominente sa sistemang ito ng mga bagay ay maaaring bumaling kay Jehova balang-araw, kung paanong ang hari ng Nineve ay nagsisi bilang resulta ng pangangaral ni Jonas.​—Jonas 3:6, 7.

[Larawan sa pahina 15]

Minamalas mo ba ang iba kung paano sila minamalas ni Jehova?

[Larawan sa pahina 16, 17]

Nakakita ng positibong bagay na masasabi si Jesus sa karanasan ni Jonas