Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bahagi Ko sa Pagsulong ng Pandaigdig na Edukasyon sa Bibliya

Ang Bahagi Ko sa Pagsulong ng Pandaigdig na Edukasyon sa Bibliya

Ang Bahagi Ko sa Pagsulong ng Pandaigdig na Edukasyon sa Bibliya

AYON SA SALAYSAY NI ROBERT NISBET

Kami ng aking kapatid na si George ay tinanggap ni Haring Sobhuza II ng Swaziland sa kaniyang maharlikang tahanan. Taóng 1936 noon, subalit tandang-tanda ko pa ang aming pag-uusap. Ang matagal na pakikipag-usap kong ito sa isang hari ay bahagi ng aking matagal na kaugnayan sa isang dakilang gawain ng edukasyon sa Bibliya. Ngayon sa ika-95 taon ng aking buhay, ginugunita ko nang may kasiyahan ang aking bahagi sa gawaing iyon, na dahil dito’y nakapaglakbay ako sa limang iba’t ibang kontinente.

NAGSIMULA iyon noong 1925 nang dumalaw ang isang ahente ng tsa na nagngangalang Dobson sa aming pamilya sa Edinburgh, Scotland. Nasa mga huling taon na ako ng aking pagkatin-edyer at ako ay nagtatrabaho bilang isang aprentis na parmasiyutiko. Bagaman nasa kabataan pa ako, nababahala na ako sa napakalaking mga pagbabago na idinulot ng digmaang pandaigdig noong 1914-18 sa mga pamilya at sa relihiyosong pamumuhay. Sa isa sa kaniyang mga pagdalaw, iniwan sa amin ni G. Dobson ang aklat na The Divine Plan of the Ages. Ang paraan ng presentasyon nito hinggil sa isang matalinong Maylalang na may tiyak na “plano” ay waring napakamakatuwiran at kaayon ng Diyos na nais kong sambahin.

Di-nagtagal, kami ng aking ina ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Noong Setyembre 1926, sinagisagan naming mag-ina ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang kombensiyon sa Glasgow. Bawat kandidato sa bautismo ay tumanggap ng mahabang damit na may panali sa bukung-bukong upang isuot bilang pang-ibabaw sa aming karaniwang damit na pampaligo. Nang panahong iyon, ito ay itinuturing na angkop na kasuutan sa gayong seryosong okasyon.

Noong mga unang araw na iyon, ang aming kaunawaan sa maraming bagay ay nangangailangan ng paglilinaw. Ang karamihan, kung hindi man lahat, sa mga miyembro ng kongregasyon ay nagdiriwang ng Pasko. Iilan lamang ang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Maging ang ilang matanda ay tutol sa pamamahagi ng literatura kung Linggo, dahil nadarama nilang ito ay paglabag sa Sabbath. Gayunman, ang mga artikulo ng Bantayan noong 1925 ay nagsimulang magbigay ng higit na pagdiriin sa mga kasulatan gaya ng Marcos 13:10: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.”

Paano maisasagawa ang gayong pambuong-daigdig na gawain? Sa aking unang pagsisikap na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay, basta sinabi ko sa may-bahay na ako ay nagtitinda ng kanais-nais na relihiyosong mga aklat at pagkatapos ay inialok ko ang The Harp of God, isang aklat na nagpapaliwanag sa sampung mahahalagang aral ng Bibliya, na itinutulad ang mga ito sa sampung kuwerdas ng isang alpa. Nang maglaon, kami ay pinagkalooban ng testimony card, na naglalaman ng isang maikling mensahe para basahin ng may-bahay. Gumamit din kami ng nakarekord na mga pahayag na may habang apat at kalahating minuto na maaaring patugtugin sa isang nabibitbit na ponograpo. Ang unang mga modelo nito ay napakabigat dalhin, ngunit ang huling mga modelo ay mas magaan, at ang ilan ay maaari pa ngang patugtugin nang patayo.

Mula noong 1925 hanggang dekada ng 1930, nangaral kami sa pinakamahusay na paraan na angkop sa mga kalagayan noon. Pagkatapos noong mga unang taon ng dekada 1940, sinimulan ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa lahat ng kongregasyon. Tinuruan kami na tuwirang ipakipag-usap nang personal ang mensahe ng Kaharian sa mga may-bahay na gustong makinig. Natutuhan din namin ang kahalagahan ng pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. Sa diwa, masasabi namin na ito ang pandaigdig na gawain ng pagtuturo sa Bibliya sa ngayon na noon ay nagpapasimula pa lamang.

Pampatibay-loob Mula kay Brother Rutherford

Ang pagnanais ko na magkaroon ng higit na bahagi sa edukasyonal na gawain ay umakay sa akin upang magpatala sa buong-panahong ministeryo bilang payunir noong 1931. Ako ay nakaiskedyul na magsimula kaagad pagkatapos ng isang kombensiyon sa London. Gayunman, sa panahon ng isang pamamahinga sa tanghali, hiniling ni Brother Joseph Rutherford, na nangangasiwa sa gawain nang panahong iyon, na makausap ako. Plano niyang papuntahin sa Aprika ang isang payunir. “Handa ka bang magtungo roon?” ang tanong niya. Bagaman medyo nasorpresa ako, sinabi ko nang may katatagan: “Opo, pupunta ako roon.”

Ang aming pangunahing tunguhin ng mga araw na iyon ay ang makapagpasakamay ng maraming literatura sa Bibliya hangga’t maaari, at iyon ay nangangahulugan ng paglalakbay sa tuwina. Pinatibay ako na manatiling walang asawa, kagaya ng karamihan sa mga kapatid na lalaki na may responsableng mga posisyon ng pangangasiwa noon. Ang aking teritoryo ay nagsisimula sa Cape Town, sa timugang dulo ng Aprika, at umaabot hanggang sa silangang bahagi ng kontinente, lakip na ang mga pulo sa baybayin ng Indian Ocean. Upang marating ang kanlurang hanggahan, kailangang maglakbay ako patawid sa mainit na buhangin ng Disyerto ng Kalahari hanggang sa pinagmumulan ng Ilog Nilo sa Lawa ng Victoria. Kasama ang aking kapareha, kailangan kaming gumugol ng anim na buwan bawat taon sa isa o higit pang bansa sa Aprika sa malawak na lugar na ito.

Dalawang Daang Karton ng Espirituwal na mga Kayamanan

Nang ako ay dumating sa Cape Town, ipinakita sa akin ang 200 karton ng literatura na nakatalagang ipadala sa Silangang Aprika. Ang mga literatura ay inimprenta sa apat na wika sa Europa at apat na wika sa Asia, subalit wala sa mga ito ang nasa mga wika sa Aprika. Nang itanong ko kung bakit naroroon na ang lahat ng mga literaturang ito bago pa ako dumating, sinabi sa akin na iyon ay nakalaan para kina Frank at Gray Smith, dalawang payunir na nagtungo kamakailan sa Kenya upang mangaral. Halos pagdating na pagdating nila sa Kenya, ang dalawa ay nagkaroon ng malarya, at nakalulungkot, si Frank ay namatay.

Bagaman pinapag-isip akong mabuti ng balitang ito, hindi ito nakahadlang sa akin. Ako at ang aking kapareha na si David Norman ay lumisan sa Cape Town sakay ng barko para sa una naming atas, na mga 5,000 kilometro mula sa Tanzania. Isang ahente sa paglalakbay sa Mombasa, Kenya, ang nag-asikaso sa aming suplay na literatura at nagpadala sa mga karton saan mang destinasyong hilingin namin. Sa simula, kami ay nagpatotoo sa mga distrito ng negosyo​—sa mga tindahan at mga opisina​—sa bawat bayan. Ang bahagi ng suplay naming literatura na binubuo ng set na 9 na aklat at 11 buklet ay nakilala bilang rainbow sets dahil sa iba’t ibang kulay ng mga ito.

Sumunod, kami ay nagpasiyang dumalaw sa pulo ng Zanzibar, mga 30 kilometro mula sa silangang baybayin. Sa loob ng maraming siglo, ang Zanzibar ay naging isang sentro ng bentahan ng mga alipin subalit nakilala rin dahil sa mga klabo, na humahalimuyak sa lahat ng lugar sa bayan. Ang paghahanap ng daan ay medyo mahirap, palibhasa’y ginawa ang bayan nang walang anumang plano. Ang mga kalye ay magulo at lumiliko sa nakalilitong paraan, anupat kaydali naming mawala. Ang aming otel ay kumpleto naman sa pangangailangan, subalit ito ay may mga pinto na may malalaking pako at makakapal na dingding at mas mukhang isang bilangguan kaysa sa isang otel. Subalit, umani kami ng mabubuting resulta roon at maligayang nakasumpong ng mga Arabe, Indian, at iba pa na nagnanais na tumanggap ng ating mga literatura.

Mga Tren, Bangka, at mga Kotse

Ang paglalakbay sa Silangang Aprika nang mga araw na iyon ay hindi madali. Halimbawa, sa paglalakbay namin mula sa Mombasa tungo sa mga bulubundukin ng Kenya, ang aming tren ay huminto dahil sa salot ng balang. Milyun-milyong balang ang tumakip sa lupa at sa mga riles ng tren, kaya naging napakadulas ng mga ito anupat hindi tuloy kumakapit ang mga gulong ng tren. Ang tanging solusyon ay buhusan muna ang riles ng umuusok na mainit na tubig na mula sa tren. Sa ganitong paraan, naging mabagal ang aming pag-usad hanggang sa makalampas kami sa kulumpon ng mga balang. At kaylaking ginhawa nang ang tren ay magsimulang umakyat sa mas mataas na lugar at aming malanghap ang simoy ng mas malamig na klima sa mga bulubunduking lugar!

Bagaman ang mga bayan sa baybaying dagat ay madaling mapuntahan sakay ng tren at bangka, ang mga lalawigan ay mas maalwang mararating ng kotse. Natuwa ako nang sumama sa akin ang kapatid kong si George, anupat nakabili kami ng isang malaki-laking panel van, na sapat ang laki upang malagyan ng mga kama, kusina, bodega, at mga bintanang hindi mapapasok ng lamok. Mayroon din kaming mga loudspeaker na nakakabit sa bubong. Dahil sa mga ito, nakapagpatotoo kami sa bahay-bahay sa araw at nakapag-anyaya ng mga tao sa aming mga pahayag sa gabi na idinaos sa mga liwasan ng pamilihan. Ang isang popular na rekording na aming pinatutugtog ay pinamagatang “Mainit ba ang Impiyerno?” Minsan kaming naglakbay sa Timog Aprika patungong Kenya, na 3,000-kilometrong paglalakbay sa aming “mobile home,” at nagagalak na sa panahong ito ay mayroon na kaming iba’t ibang buklet sa ilang wika sa Aprika, na may-pananabik na tinanggap ng mga tagaroon.

Isang kasiya-siyang karanasan para sa amin na sa ganitong mga paglalakbay, nakikita namin ang maraming buhay-iláng sa Aprika. Sabihin pa, para sa aming kaligtasan, nananatili kami sa loob ng van pagkagat ng dilim, subalit nakapagpapatibay ng pananampalataya na makita ang gayong pagkasari-saring hayop na nilalang ni Jehova sa kanilang likas na tirahan.

Nagsimula ang Pagsalansang

Bagaman nag-iingat kami sa mababangis na hayop, walang kuwenta ito kung ihahambing sa pag-iingat namin kapag napapaharap sa iba’t ibang opisyal ng pamahalaan at sa ilang galít na galít na mga pinuno ng relihiyon na nagsimulang sumalansang sa aming lantarang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang isang malaking suliranin na kailangan naming harapin ay isang panatiko na tumawag sa kaniyang sarili na Mwana Lesa, na nangangahulugang “Anak ng Diyos,” at ang kaniyang grupo na kilala bilang Kitawala, na sa kasamaang palad ay nangangahulugang “Watchtower.” Mga ilang panahon bago kami dumating, nilunod ng taong ito ang maraming Aprikano, na diumano’y binabautismuhan niya. Sa wakas siya ay inaresto at binitay. Nang maglaon, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang taong bumitay sa kaniya upang ipaliwanag na ang taong ito ay walang kaugnayan sa ating Samahang Watch Tower.

Nagkaroon din kami ng mga problema sa maraming taga-Europa, na dahil sa pinansiyal na kapakinabangan ay hindi natutuwa sa aming edukasyonal na gawain. Isang manedyer ng bodega ang nagreklamo: “Kung mananatili ang taong puti sa bansang ito, hindi dapat matuklasan ng mga Aprikano na sinasamantala sila dahil sa mababang suweldo nila.” Sa gayunding kadahilanan, ipinagtabuyan din ako sa kaniyang opisina ng hepe ng isang kompanya sa pagmimina ng ginto. Pagkatapos ay galít na sinamahan ako hanggang sa lansangan.

Walang alinlangan na dahil sa impluwensiya ng gayong relihiyoso at komersiyal na mga mananalansang, iniutos ng pamahalaan ng Rhodesia (ngayon ay Zimbabwe) na kami ay umalis sa bansang iyon. Iniapela namin ang desisyong ito at kami ay nagtagumpay na mapahintulutang manatili roon, sa kondisyon na hindi kami mangangaral sa mga Aprikano. Ayon sa isang opisyal, “hindi angkop sa kaisipang Aprikano” ang ating mga literatura. Gayunman, sa ibang bansa, ang ating edukasyonal na gawain sa mga Aprikano ay hindi hinahadlangan kundi tinatanggap pa nga. Isa sa mga bansang ito ay ang Swaziland.

Isang Maharlikang Pagtanggap sa Swaziland

Ang Swaziland ay isang maliit at nagsasariling bansa na may 17,364 na kilometro kuwadrado sa looban ng Timog Aprika. Dito namin nakausap ang napakatatas magsalita na si Haring Sobhuza II, na binanggit sa pambungad ng salaysay na ito. Napakagaling niya sa wikang Ingles, na kaniyang natamo sa pag-aaral sa isang unibersidad sa Britanya. Suot ang di-pormal na pananamit, kami ay malugod niyang tinanggap.

Ang aming pakikipag-usap sa kaniya ay nakasentro sa makalupang Paraiso na nilayon ng Diyos para sa mga taong wastong nakaayon. Bagaman hindi gaanong interesado sa paksang iyon, niliwanag niya ang isang kaugnay na bagay na lubha niyang ikinababahala. Ang hari ay nakatalaga sa pagpapasulong sa pamantayan ng pamumuhay ng mahihirap at walang pinag-aralang mga tao. Hindi niya gusto ang ginagawa ng maraming misyonero ng Sangkakristiyanuhan, na lumilitaw na higit na interesado sa pagpaparami ng mga miyembro ng simbahan kaysa sa edukasyon. Gayunman, ang hari ay pamilyar sa gawain ng ilan sa ating mga payunir, at pinapurihan niya tayo sa ating edukasyonal na gawain sa Bibliya, dahil handa tayong gumawa nito nang walang kabayaran o iba pang mga obligasyon.

Bumilis ang Edukasyon sa Bibliya

Noong 1943 ang Watchtower Bible School of Gilead ay itinatag para sa pagsasanay ng mga misyonero. Idiniin ang pagsubaybay sa lahat ng nasumpungang interes sa halip na basta magpasakamay lamang ng mga literatura sa Bibliya. Noong 1950, kami ni George ay inanyayahang dumalo sa ika-16 na klase ng Gilead. Dito ko unang nakilala si Jean Hyde, isang debotong kapatid na babaing taga-Australia na inatasan sa gawaing misyonero sa Hapon pagkatapos ng aming graduwasyon. Kalakaran noon ang pananatiling walang asawa, kaya nanatili lamang kaming magkaibigan.

Pagkatapos ng aming pagsasanay sa Gilead, kami ni George ay tumanggap ng atas bilang misyonero sa Mauritius, isang pulo sa Indian Ocean. Nakipagkaibigan kami sa mga tagaroon, natutuhan ang kanilang wika, at nagdaos sa kanila ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, ang aking nakababatang kapatid na lalaki na si William at ang kaniyang asawang si Muriel ay nagtapos din sa Gilead. Sila ay ipinadala sa aking dating pinangaralang teritoryo​—sa Kenya.

Mabilis na lumipas ang walong taon, at sa pang-internasyonal na kombensiyon sa New York noong 1958, nakita kong muli si Jean Hyde. Ipinagpatuloy namin ang aming pagkakaibigan at pagkatapos ay naging magkatipan. Ang aking atas bilang misyonero ay binago mula sa Mauritius tungo sa Hapon, at doon kami ikinasal ni Jean noong 1959. Nagsimula kami noon sa napakaligayang yugto ng gawaing misyonero sa Hiroshima, na nang panahong iyon ay may isa lamang maliit na kongregasyon. Ngayon, mayroon nang 36 na mga kongregasyon sa lunsod na iyon.

Sayonara sa Hapon

Sa paglipas ng mga taon, naging higit at higit na mahirap para sa amin ang misyonerong paglilingkod dahil sa mga suliranin naming dalawa sa kalusugan, at nang dakong huli ay kinailangan na nga naming lisanin ang Hapon at tumira sa sariling bayan ni Jean sa Australia. Napakalungkot nang araw na kami ay umalis sa Hiroshima. Samantalang nasa plataporma ng istasyon ng tren, sinabi naming sayonara, o paalam, sa lahat ng minamahal naming kaibigan.

Kami ngayon ay namamalagi na sa Australia, at sa abot ng aming limitadong mga kakayahan, patuloy kaming naglilingkod kay Jehova kasama ng Kongregasyon ng Armidale sa estado ng New South Wales. Tunay na isang malaking kagalakan na maibahagi ang kayamanan ng Kristiyanong katotohanan sa napakaraming tao sa loob halos ng walong dekada! Nakita ko ang kamangha-manghang pagsulong ng programa ng edukasyon sa Bibliya at personal kong nasaksihan ang mahalagang espirituwal na mga pangyayari. Walang sinumang tao o grupo ng mga tao ang maaaring mag-angkin ng papuri para rito. Tunay nga, bilang paghiram sa mga salita ng salmista, “ito ay nagmula kay Jehova; kamangha-mangha ito sa ating mga mata.”​—Awit 118:23.

[Larawan sa pahina 28]

Ang kapatid kong si George sa tabi ng aming tahanang-sasakyan

[Larawan sa pahina 28]

Nang ako ay nasa Lawa ng Victoria

[Larawan sa pahina 29]

Mga estudyante sa haiskul na dumalo sa pahayag pangmadla sa Swaziland noong 1938

[Mga larawan sa pahina 30]

Kapiling si Jean sa araw ng aming kasal noong 1959 at ngayon