Ang Hapunan ng Panginoon ay May Malaking Kahulugan Para sa Iyo
Ang Hapunan ng Panginoon ay May Malaking Kahulugan Para sa Iyo
MAYROON bang mahalaga at namamalaging kahulugan para sa iyo ang Hapunan ng Panginoon? Upang masagot ito, tiyakin muna natin ang kahulugang iniugnay ni Jesu-Kristo mismo sa pantanging pangyayaring ito.
Noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., nakipagtipon si Jesus sa kaniyang 12 apostol sa isang silid sa itaas sa Jerusalem upang ipagdiwang ang taunang Paskuwa. Matapos nilang kainin ang hapunan ng Paskuwa, nilisan ng taksil na si Hudas ang silid upang ipagkanulo si Jesus. (Juan 13:21, 26-30) Sa natitirang 11 apostol, sinimulan ni Jesus “ang hapunan ng Panginoon.” (1 Corinto 11:20) Tinutukoy rin ito bilang Memoryal, yamang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Gawin ninyo ito bilang memoryal para sa akin.” Ito lamang ang tanging okasyon na iniutos na alalahanin ng mga Kristiyano.—1 Corinto 11:24, The Jerusalem Bible.
Ayon sa diksyunaryong Webster’s, ang memoryal ay isang bagay na tumutulong “upang maingatan ang alaala” o “mapanatiling buháy ang alaala.” Sa maraming dako, ang mga tao ay nagtatayo ng monumento o nagtatalaga ng isang pantanging araw upang alalahanin, o gunitain, ang isang tao o isang bagay na mahalaga. Sa pagkakataong ito ay itinatag ni Jesus ang isang pinakaalaalang hapunan—isang hapunan na magsisilbing pantulong sa alaala, anupat tumutulong sa kaniyang mga alagad na maingatan sa alaala ang lubhang makahulugang mga pangyayari noong mahalagang araw na iyon. Para sa mga darating na salinlahi, ipagugunita ng pinakaalaalang hapunan na ito sa mga nagmamasid ang malalim na kahulugan ng ginawa ni Jesus nang gabing iyon, lalo na ang mga sagisag na ginamit niya. Anong mga sagisag, o emblema, ang ginamit ni Jesus, at ano ang kahulugan ng mga ito? Suriin natin ang ulat ng Bibliya hinggil sa naganap nang gabing iyon noong 33 C.E.
Sagradong mga Sagisag
“Kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol ito, at ibinigay sa kanila, na sinasabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ ”—Lucas 22:19.
Nang kunin ni Jesus ang tinapay at sabihing, “ito ay nangangahulugan ng aking katawan,” ipinahihiwatig niya na ang tinapay na walang lebadura ay kumakatawan, o sumasagisag, sa kaniya mismong walang-kasalanang katawang laman, na ibinigay niya “alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Juan 6:51) Bagaman sinasabi ng ilang salin ng Bibliya na “ito ay [Griego, es·tinʹ] aking katawan,” sinasabi naman ng Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer na ang pandiwang ito ay kadalasang nangangahulugang “tumukoy, ipangahulugan, ipahiwatig.” Nagpapahayag ito ng ideya ng pagiging kumakatawan, o sumasagisag.—Mateo 26:26.
Totoo rin ito sa kopa ng alak. Sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Lucas 22:20.
Sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus hinggil sa kopa: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mateo 26:28) Ginagamit ni Jesus ang alak sa kopa bilang isang sagisag, o simbolo, ng kaniyang sariling dugo. Ang kaniyang itinigis na dugo ang magiging saligan ng “isang bagong tipan” para sa mga alagad na pinahiran ng espiritu, na mamamahalang kasama niya bilang mga hari at saserdote sa langit.—Jeremias 31:31-33; Juan 14:2, 3; 2 Corinto 5:5; Apocalipsis 1:5, 6; 5:9, 10; 20:4, 6.
Ang alak sa kopa ay nagsisilbi ring paalaala na ang itinigis na dugo ni Jesus ang magiging saligan sa paglalaan ng “kapatawaran ng mga kasalanan,” sa gayon ay binubuksan ang daan upang matawag ang mga nakikibahagi tungo sa makalangit na buhay bilang kasamang mga tagapagmana ni Kristo. Mauunawaan naman, yaong may makalangit na pagtawag na ito—isang limitadong bilang—ang siya lamang nakikibahagi sa tinapay at alak sa Memoryal.—Lucas 12:32; Efeso 1:13, 14; Hebreo 9:22; 1 Pedro 1:3, 4.
Subalit paano naman ang lahat ng tagasunod ni Jesus na hindi kabilang sa bagong tipan? Ito ang “ibang mga tupa” ng Panginoon, na ang pag-asa ay hindi upang mamahalang kasama ni Kristo sa langit kundi upang magtamasa ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. (Juan 10:16; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4) Bilang “isang malaking pulutong” ng tapat na mga Kristiyano na “nag-uukol . . . sa [Diyos] ng sagradong paglilingkod araw at gabi,” nalulugod silang maging nagpapahalagang mga tagamasid sa Hapunan ng Panginoon. Sa diwa, ang kanilang mga salita at gawa ay nagpapahayag: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.”—Apocalipsis 7:9, 10, 14, 15.
Gaano Kadalas?
“Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—Lucas 22:19.
Gaano kadalas dapat ipagdiwang ang Memoryal upang maingatan sa alaala ang kamatayan ni Kristo? Walang espesipikong sinabi si Jesus hinggil dito. Gayunman, yamang itinatag niya ang Hapunan ng Panginoon noong Nisan 14, ang gabi ng Paskuwa, na ipinagdiriwang ng mga Israelita taun-taon, maliwanag na nilayon ni Jesus na alalahanin ang Memoryal sa gayunding paraan. Yamang taun-taon ay ipinagdiriwang ng mga Israelita ang pagliligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, taun-taon ding ginugunita ng mga Kristiyano ang pagliligtas sa kanila mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.—Exodo 12:11, 17; Roma 5:20, 21.
Ang konsepto ng taunang pagdiriwang upang gunitain ang isang mahalagang pangyayari ay karaniwan lamang. Halimbawa, isaalang-alang ang pagdiriwang ng mag-asawa sa anibersaryo ng kanilang kasal o ang paggunita ng isang bansa sa isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan nito. Ang paggunita ay karaniwan nang nagaganap minsan sa isang taon sa anibersaryo ng pangyayaring iyon. Kapansin-pansin naman, sa loob ng ilang siglo pagkamatay ni Kristo, maraming nag-aangking Kristiyano ang tinawag na mga Quartodeciman, na nangangahulugang “Mga Panlabing-apatan,” dahil ginugunita nila ang kamatayan ni Jesus minsan sa isang taon, tuwing Nisan 14.
Simple Ngunit Malalim ang Kahulugan
Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon ay magpapangyari na ‘patuloy na maihayag ng mga alagad ni Jesus 1 Corinto 11:26) Samakatuwid, ang paggunitang ito ay magtutuon ng pansin sa mahalagang papel na ginampanan ni Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, sa pagsasakatuparan sa layunin ng Diyos.
ang kamatayan ng Panginoon.’ (Sa pamamagitan ng kaniyang pagiging tapat hanggang sa kamatayan, ipinagbangong-puri ni Jesu-Kristo ang Diyos na Jehova bilang isang marunong at maibiging Maylalang at isang matuwid na Soberano. Salungat sa mga pag-aangkin ni Satanas at di-tulad ni Adan, pinatunayan ni Jesus na posible para sa isang tao na manatiling tapat sa Diyos, kahit sa ilalim ng matitinding panggigipit.—Job 2:4, 5.
Naiingatan din ng Hapunan ng Panginoon ang may-pagpapahalagang pag-alaala sa mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ni Jesus. Sa kabila ng matitinding pagsubok, nanatiling ganap na masunurin si Jesus sa kaniyang Ama. Kaya naman naihandog niya ang kaniya mismong sakdal na buhay bilang tao upang bayaran ang malaking pinsalang naidulot ng pagkakasala ni Adan. Gaya ng ipinaliwanag mismo ni Jesus, dumating siya “upang . . . ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Dahil dito, ang lahat ng maglalagak ng pananampalataya kay Jesus ay mapatatawad sa kanilang mga pagkakasala at makatatanggap ng buhay na walang hanggan kasuwato ng orihinal na layunin ni Jehova para sa sangkatauhan.—Roma 5:6, 8, 12, 18, 19; 6:23; 1 Timoteo 2:5, 6. *
Itinatampok din ng lahat ng ito ang saganang kabutihan at ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa paglalaan ng kaligtasan para sa sangkatauhan. Sinasabi ng Bibliya: “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.”—1 Juan 4:9, 10.
Oo, tunay ngang isang kamangha-manghang pagdiriwang ang Memoryal! Simple at praktikal na maipagdiriwang ito sa buong daigdig sa ilalim ng napakaraming iba’t ibang kalagayan, subalit makasagisag ito upang mapanatili ang makahulugang paalaala sa loob ng mahabang yugto ng panahon.
Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo
Ang kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Kristo bilang hain ay naganap kalakip ang malaking pagsasakripisyo sa panig niya at ng kaniyang Ama, si Jehova. Bilang isang sakdal na tao, hindi daranasin Roma 5:12; Hebreo 7:26) Maaari sana siyang mabuhay magpakailanman. Hindi sana nakitil ang kaniyang buhay kahit na sa sapilitang paraan kung hindi niya ito pinahintulutan. Sinabi niya: “Walang tao ang kumuha [ng aking buhay mula] sa akin, kundi ibinibigay ko ito sa sarili kong pagkukusa.”—Juan 10:18.
ni Jesus ang minanang kamatayan na dinaranas natin. (Gayunman, kusang-loob na inihandog ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang hain upang “sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.” (Hebreo 2:14, 15) Ang mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig ni Kristo ay makikita rin sa paraan ng pagpatay na ipinahintulot niyang gawin sa kaniya. Alam na alam niya kung paano siya magdurusa at mamamatay.—Mateo 17:22; 20:17-19.
Ipinaaalaala rin sa atin ng Memoryal ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na ipinakita kailanman ng ating makalangit na Ama, si Jehova. Tunay ngang nakapipighati sa kaniya, na “napakamagiliw sa pagmamahal at mahabagin,” na marinig at makita ang “malalakas na paghiyaw at mga luha” ni Jesus sa hardin ng Getsemani, ang sadistikong paghagupit, ang malupit na pagbabayubay, at ang dahan-dahan ngunit napakasakit na kamatayan. (Santiago 5:11, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; Hebreo 5:7; Juan 3:16; 1 Juan 4:7, 8) Kahit ang paggunita lamang dito maging sa ngayon, na maraming siglo na ang nakalipas, ay masakit pa rin sa damdamin ng marami.
Isip-isipin na lamang na gayon kalaki ang ibinayad ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa mga makasalanan! (Roma 3:23) Araw-araw ay napapaharap tayo sa masaklap na katotohanan ng ating likas na pagkamakasalanan at ng ating di-kasakdalan. Gayunman, salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, makapamamanhik tayo sa Diyos ukol sa kapatawaran. (1 Juan 2:1, 2) Pinangyayari nito na matamasa natin ang kalayaan ng pagsasalita sa Diyos at ang malinis na budhi. (Hebreo 4:14-16; 9:13, 14) Bukod diyan, maaari nating asahan na tayo ay mabuhay nang walang hanggan sa isang paraisong lupa. (Juan 17:3; Apocalipsis 21:3, 4) Ang mga ito at ang marami pang ibang pagpapala ay pawang mga resulta ng pinakadakilang gawa ng pagsasakripisyo sa sarili ni Jesus.
Pagpapakita ng Pagpapahalaga sa Hapunan ng Panginoon
Walang alinlangan, ang Hapunan ng Panginoon ay isang kamangha-manghang kapahayagan ng “nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” At ang paglalaan ng Diyos na Jehova ng haing pantubos—na pinangyari ng mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig ni Jesus—ay tunay ngang “di-mailarawang kaloob na walang bayad” mula sa kaniya. (2 Corinto 9:14, 15) Hindi ka ba pinasisigla ng mga kapahayagang ito ng kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na magkaroon ng matindi at namamalaging pagkadama ng pasasalamat at pagpapahalaga?
Nagtitiwala kami na gayon nga ang epekto ng mga ito. Kaya naman, malugod ka naming inaanyayahan na makipagtipon kasama ng mga Saksi ni Jehova sa pagdiriwang sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Sa taóng ito, ang Memoryal ay gaganapin sa Miyerkules, Abril 16, pagkalubog ng araw. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay malulugod na ipaalam sa iyo ang eksaktong oras at dako para sa pinakamahalagang okasyong ito.
[Talababa]
^ par. 19 Para sa mas masusing pagtalakay hinggil sa pantubos, pakisuyong tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]
“ITO AY AKING KATAWAN” O “ITO AY NANGANGAHULUGAN NG AKING KATAWAN”—ALIN?
Nang sabihin ni Jesus, “ako ang pinto” at, “ako ang tunay na punong ubas,” walang nag-isip na siya ay isang literal na pinto o isang literal na punong ubas. (Juan 10:7; 15:1) Sa katulad na paraan, kapag sinisipi ng The New Jerusalem Bible si Jesus sa pagsasabing: “Ang kopang ito ay ang bagong tipan,” hindi natin iniisip na ang kopa mismo ang literal na bagong tipan. Gayundin naman, nang sabihin niyang ang tinapay “ay” kaniyang katawan, maliwanag na ang tinapay ay nangangahulugan, o sumasagisag, sa kaniyang katawan. Kaya naman, ang salin ni Charles B. Williams ay nagsasabi: “Ito ay sumasagisag sa aking katawan.”—Lucas 22:19, 20.
[Larawan sa pahina 5]
Ang tinapay na walang lebadura at ang alak ay angkop na mga sagisag ng walang-kasalanang katawan ni Jesus at ng kaniyang itinigis na dugo
[Larawan sa pahina 7]
Ang Memoryal ay isang paalaala hinggil sa dakilang pag-ibig na ipinakita ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo