Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw ay Malugod na Inaanyayahan

Ikaw ay Malugod na Inaanyayahan

Ikaw ay Malugod na Inaanyayahan

ANG Huling Hapunan, na itinatag ng Panginoong Jesu-Kristo mga 2,000 taon na ang nakalilipas, ay hindi lamang isang pangyayaring may kawili-wiling kasaysayan. Ito ay may matinding epekto sa mga tao mula nang ito’y pasinayaan. Palibhasa’y naantig sa kanilang nabasa sa mga ulat ng Ebanghelyo hinggil sa naganap noong gabing iyon, marami ang nagsikap na alalahanin ang Hapunan ng Panginoon sa iba’t ibang paraan.

Maiintindihan naman kung bakit ito pinag-uukulan ng pansin, palibhasa’y iniutos mismo ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ang pangyayaring ito at ginagawa naman nila ito nang regular. Espesipiko niyang sinabi sa kanila: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”​—Lucas 22:19; 1 Corinto 11:23-25.

Sabihin pa, upang maging totoong kasiya-siyang karanasan ang pagdiriwang na ito, ang isa ay kailangang magkaroon ng tumpak na kaunawaan sa kahulugan nito, gaya ng masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bukod dito, mahalagang malaman kung ano ang sinasabi ng Bibliya kung kailan at paano ipagdiriwang ang pangyayaring ito.

Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magtitipon sa gabi ng Miyerkules, Abril 16, 2003, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus. Ito ay isang panahon upang suriin ang Kasulatan at panariwain ang kanilang pananampalataya at pag-ibig sa Panginoong Jesu-Kristo, na nagsabi: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ikaw ay malugod na inaanyayahan upang makipagtipong kasama nila sa gabing iyon upang mapatibay rin ang iyong pananampalataya at pag-ibig kay Jesu-Kristo at sa makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.