Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan—Sumusulong ba Kayo sa Espirituwal?

Mga Kabataan—Sumusulong ba Kayo sa Espirituwal?

Mga Kabataan​—Sumusulong ba Kayo sa Espirituwal?

“BAGAMAN dumadalo ako sa Kristiyanong mga pulong, wala akong pangarap na maglingkod kay Jehova,” ang sabi ni Hideo habang ginugunita niya noong siya’y nasa junior high school. “Madalas akong mangarap na ako’y popular sa aking mga kaklase at taas-noo ako sa paglalakad kasama ang aking kasintahan. Wala akong maliwanag na tunguhin, at hindi ko pinangarap na sumulong sa espirituwal.” Gaya ni Hideo, maraming kabataan ang basta na lamang napatatangay sa agos, anupat walang pagnanais na umabot ng anumang kapaki-pakinabang na mga tunguhin o anumang pagsulong.

Kung bata ka pa, malamang na tuwang-tuwa ka kapag may pinagkakaabalahan kang isport o libangan. Pero, kapag espirituwal na mga gawain na ang pag-uusapan, maaaring hindi na ganoon ang iyong nadarama. Posible kayang ikatuwa ang espirituwal na mga tunguhin? Tingnan mo ang mga salitang ito ng salmista: “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. . . . Ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.” (Awit 19:7, 8) Ang Salita ng Diyos ay umaakay sa “walang-karanasan” na kumilos nang may karunungan, ‘na nagpapaningning sa kaniyang mga mata.’ Oo, puwede mong ikalugod at ikagalak ang espirituwal na mga bagay. Pero ano kaya ang kailangan para ka makadama ng ganiyan? Saan ka kaya dapat magsimula?

Maganyak na Maglingkod sa Diyos

Una, dapat ka munang maganyak. Pag-isipan ang halimbawa ng kabataang si Haring Josias ng Juda. Nang matuklasan sa templo ang aklat ng Kautusan ni Jehova, ipinabasa ito ni Josias at labis siyang naantig sa kaniyang narinig. Dahil dito, “inalis ni Josias ang lahat ng karima-rimarim na bagay mula sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel.” (2 Cronica 34:14-21, 33) Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay nagpakilos kay Josias na pag-ibayuhin ang pagtataguyod ng dalisay na pagsamba.

Puwede mo ring linangin ang hangaring maglingkod kay Jehova kung regular mong babasahin ang Bibliya at bubulay-bulayin ang iyong binasa. Iyan ang nakaganyak kay Hideo. Nakipagkaibigan siya sa isang nakatatandang payunir, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang payunir na ito ay isang masipag na estudyante ng Bibliya na nagsisikap magkapit ng mga turo nito sa kaniyang buhay. Palibhasa’y lubhang napatibay ng halimbawa ng payunir, tinularan ni Hideo ang gayong gawain at nagkaroon siya ng matinding hangaring maglingkod sa Diyos at sa ibang tao. Nagkaroon ng layunin ang buhay niya dahil sa kaniyang espirituwal na pagsulong.

Ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya ay puwedeng makaganyak sa mga kabataan. Ganito ang paliwanag ni Takahiro: “Kapag matutulog na ako at naalaala kong hindi pa nga pala ako nakapagbabasa ng Bibliya sa araw na iyon, bumabangon ako at binabasa ito. Dahil dito, nadarama ko ang patnubay ni Jehova. Napakalaki ng naitulong ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya sa aking espirituwal na pagsulong. Yamang determinado akong pag-ibayuhin ang aking bahagi sa paglilingkod kay Jehova, di-nagtagal at nagregular payunir ako pagkatapos ng haiskul. At tuwang-tuwa ako dahil dito.”

Bukod sa pagbabasa ng Bibliya, ano pa ang makatutulong sa iyo upang higit kang maganyak na purihin si Jehova? Si Tomohiro ay tinuruan ng kaniyang ina ng katotohanan sa Bibliya. Ang sabi niya: “Noon lamang pag-aralan kong mabuti ang aklat na Life Does Have a Purpose sa edad na 19, saka lamang naantig ang aking damdamin ng pag-ibig ni Jehova at ng haing pantubos ni Jesus. Ang pagpapahalagang iyan sa pag-ibig ng Diyos ang gumanyak sa akin upang pag-ibayuhin ko pa ang paglilingkod kay Jehova.” (2 Corinto 5:14, 15) Gaya ni Tomohiro, maraming kabataan ang nahihikayat na sumulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pagtataguyod ng masikap na personal na pag-aaral ng Bibliya.

Pero, paano kung wala ka pa ring taimtim na hangaring maglingkod kay Jehova? May matatakbuhan ka ba para hingan ng tulong? Sumulat si apostol Pablo: “Sapagkat ang Diyos ang . . . kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” (Filipos 2:13) Kung mananalangin ka kay Jehova para humingi ng tulong, sagana niyang ipagkakaloob sa iyo ang kaniyang banal na espiritu, na magbibigay sa iyo ng lakas hindi lamang upang ‘kumilos’ kundi upang ‘magsaloob.’ Nangangahulugan ito na pag-iibayuhin ng banal na espiritu ng Diyos ang iyong hangaring gawin ang lahat ng iyong magagawa sa paglilingkod kay Jehova at tutulong sa iyo na sumulong sa espirituwal. Kaya nga, magtiwala ka sa kapangyarihan ni Jehova at patibayin mo ang iyong puso!

Magtakda ng Sariling mga Tunguhin

Kapag determinado ka nang maglingkod kay Jehova nang lubusan, kailangan kang magtakda ng personal na mga tunguhin upang sumulong sa espirituwal. Si Mana, isang kabataang Kristiyanong babae, ay nagsabi: “Napakalaking tulong sa akin ang pagtatakda ng mga tunguhin. Sa halip na maging paurong, nagiging pasulong ako taglay ang lakas ng loob. Habang isinasaisip ang aking mga tunguhin, marubdob akong nananalangin kay Jehova ukol sa patnubay, at nagawa ko ngang sumulong nang walang balakid.”

Ang iyong mga tunguhin ay dapat na maging makatotohanan at puwedeng abutin. Ang pagbabasa ng isang kabanata ng Bibliya araw-araw ay isang makatuwirang tunguhin. Puwede mo ring pasimulan ang isang proyekto ng pagsasaliksik. Upang ilarawan ito na ginagamit ang publikasyong makukuha sa Ingles, maaari mong pag-aralan ang mga katangian ni Jehova na nakatala sa ilalim ng subtitulong “Qualities by Name” sa ilalim ng pamagat na “Jehovah” sa Watch Tower Publications Index. Mga 40 ang nakatala rito na puwede mong isaalang-alang, at ang pagsasaliksik ay tiyak na lalong magpápalapít sa iyo kay Jehova at magpapasigla sa iyo na gumawa pa nang higit para sa kaniya. Kabilang sa mga tunguhing maaaring abutin ay ang magkomento kahit minsan man lamang sa bawat Kristiyanong pagpupulong na may pakikibahagi ang mga nakikinig, higit na makilala kahit man lamang isang miyembro ng kongregasyon sa bawat pulong, at hindi hinahayaang lumipas ang isang araw nang hindi nananalangin kay Jehova at hindi ipinakikipag-usap sa iba ang tungkol sa kaniya.

Kung hindi ka pa nagpapatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isa itong magandang tunguhin para sa iyo. Nakikibahagi ka na ba sa pangmadlang ministeryo? Kung hindi pa, baka gusto mong pagsikapan na maging isang di-bautisadong mamamahayag. Mangyari pa, ang susunod na hakbang ay ang taimtim na pagsasaalang-alang sa iyong kaugnayan kay Jehova at pag-aalay ng iyong sarili sa kaniya. Maraming kabataan ang nagsisikap na tumupad sa kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa buong-panahong ministeryo.

Bagaman mabuting magkaroon ng mga tunguhin sa iyong buhay, ingatan na huwag magkaroon ng espiritu ng pakikipagkompetensiya. Higit kang maliligayahan sa iyong ginagawa kung hindi mo ikukumpara ang iyong sarili sa iba.​—Galacia 5:26; 6:4.

Baka naman iniisip mong wala ka pang karanasan at mahirap para sa iyo na magtakda ng makatuwirang mga tunguhin. Kung gayon ay sundin mo ang payo ng Bibliya: “Ikiling mo ang iyong pandinig at dinggin mo ang mga salita ng marurunong.” (Kawikaan 22:17) Humingi ng tulong sa iyong mga magulang o sa ibang may-gulang na mga Kristiyano. Mangyari pa, ang mga magulang at ang iba ay kailangang maging makatuwiran at nakapagpapatibay sa bagay na ito. Kapag nabibigatan sa pag-abot sa isang tunguhing itinakda ng iba para sa kanila, maaaring mawala ang kagalakan ng mga kabataan at mawalan tuloy ng kabuluhan ang layunin ng pagtatakda ng mga tunguhin. Ganiyan ang nangyari sa isang batang babae, na nagsabi: “Sunud-sunod ang mga tunguhing itinakda ng aking mga magulang para sa akin, gaya ng pagpapatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan, pagpapabautismo, at pagiging isang payunir. Gumawa ako nang puspusang pagsisikap upang maabot ang bawat isa sa mga ito. Kapag naabot ko na ang isang tunguhin, hindi ako pinupuri ng aking mga magulang, sa halip, bibigyan na naman ako ng ibang tunguhin na dapat abutin. Dahil dito, nadama kong sapilitan na ang pag-abot sa mga tunguhin. Hirap na hirap ako at sa tingin ko’y parang wala rin naman akong nagagawa.” Bakit nagkagayon? Tama naman ang lahat ng mga tunguhin, pero hindi siya ang nagtakda ng mga ito. Para magtagumpay, ikaw mismo ang dapat maudyukan na kusang magtakda ng isang tunguhin para sa iyong sarili!

Isaisip si Jesu-Kristo. Nang pumarito siya sa lupa, alam niya kung ano ang inaasahan sa kaniya ng kaniyang Ama na si Jehova. Ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay hindi lamang isang tunguhin para kay Jesus, kundi isang misyon na dapat tuparin. Paano minalas ni Jesus ang kaniyang atas? Ang sabi niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Tuwang-tuwa si Jesus sa paggawa ng kalooban ni Jehova at tinupad niya ang inaasahan ng kaniyang Ama. Para itong pagkain kay Jesus​—nakasumpong siya ng kaluguran at kasiyahan sa pagtapos sa gawaing inaasahan sa kaniya. (Hebreo 10:5-10) Ikaw man ay malulugod kapag angkop kang naganyak na gawin ang ipinagagawa sa iyo ng iyong mga magulang.

Huwag Kang Manghihimagod sa Paggawa ng Kung Ano ang Mainam

Kapag nasa isip mo na ang isang tunguhin, magsikap na abutin ito. Ang Galacia 6:9 ay nagsasabi: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” Huwag umasa sa iyo lamang sariling lakas o kakayahan. Mapapaharap ka sa mga hadlang at paminsan-minsan ay makadarama pa nga ng pansamantalang kabiguan. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo [ang Diyos], at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:6) Aalalayan ka ni Jehova habang nagsisikap kang maabot ang iyong espirituwal na mga tunguhin.

Oo, sa paglinang sa hangaring maglingkod kay Jehova at sa pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin, magagawa mo na ‘ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.’ (1 Timoteo 4:15) Kung gayon ay magtatamasa ka ng isang makabuluhang buhay ng paglilingkod sa Diyos.

[Larawan sa pahina 9]

Ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa iyong binasa ay gaganyak sa iyo na maglingkod kay Jehova

[Larawan sa pahina 10]

Tinupad ni Jesus ang inaasahan ng kaniyang Ama