Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang Tunay na Pagsamba sa “Lupain ng Ararat”

Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang Tunay na Pagsamba sa “Lupain ng Ararat”

Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang Tunay na Pagsamba sa “Lupain ng Ararat”

Isang may uban nang Armenianong ama ng tatlong anak ang nakatayo sa korte suprema ng kaniyang bansa. Nakataya ang kalayaan niya at ng kaniyang maraming kapananampalataya. Nakikinig ang Korte habang sumisipi siya sa Bibliya upang ipaliwanag ang kaniyang mga paniniwala. Upang maunawaan kung paanong ang pagdinig na ito ay nagbunga ng malaking tagumpay para sa tunay na pagsamba sa lupaing ito, suriin natin ang mga pangyayaring umakay rito.

ANG Armenia ay nasa gawing silangan ng Turkey at nasa timugang bahagi lamang ng napakalawak na kabundukan ng Caucasus. Mahigit na tatlong milyon ang populasyon nito. Makikita mula sa Yerevan, ang kabisera ng bansa, ang napakagandang tanawin ng dalawang taluktok ng Bundok Ararat, kung saan, ayon sa tradisyon, sumadsad ang arka ni Noe pagkatapos ng pangglobong Delubyo.​—Genesis 8:4. *

Mula pa noong 1975, isinasagawa na ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang Kristiyanong gawain sa Armenia. Nang matamo ng Armenia ang kalayaan mula sa dating Unyong Sobyet noong 1991, nilikha ang State Council for Religious Affairs upang irehistro ang mga organisasyong panrelihiyon. Subalit paulit-ulit na tinanggihang irehistro ng konsehong ito ang mga Saksi ni Jehova, na ang pangunahing dahilan ay ang isyu hinggil sa Kristiyanong neutralidad. Dahil dito, mula 1991, mahigit nang 100 kabataang Saksi sa Armenia ang nahatulan at karamihan dito ay nabilanggo dahil sa kanilang salig-Bibliyang paninindigan may kinalaman sa paglilingkod militar.

Humiling din ang Council sa pampamahalaang tanggapan ng tagausig na imbestigahan ang relihiyosong gawain ni Lyova Margaryan, isang Kristiyanong elder at masipag na abogado na nagtatrabaho sa lokal na planta ng kuryente na mula sa enerhiyang atomika. Nang bandang huli, si Brother Margaryan ay isinakdal sa bisa ng Artikulo 244, isang labí ng sinaunang batas ng Sobyet na ipinasa noon pang panahon ni Khrushchev, na ang intensiyon ay hadlangan at sa dakong huli ay ubusin ang mga Saksi ni Jehova at iba pang mga grupo ng relihiyon.

Pinangyari ng batas na iyan na maging krimen ang pag-oorganisa o pangunguna sa isang relihiyosong grupo na, sa pamamagitan daw ng pagkukunwaring nangangaral ng relihiyosong paniniwala, ay ‘umaakit ng mga kabataan na dumalo sa relihiyosong mga pulong ng isang di-rehistradong relihiyon’ at ‘umiimpluwensiya sa mga miyembro na tanggihan ang kanilang mga tungkulin sa bayan.’ Upang suhayan ang kaniyang pahayag, idiniin ng tagausig ang pagdalo ng mga menor-de-edad na mga bata sa mga pulong na pinangangasiwaan ni Brother Margaryan sa lunsod ng Metsamor. Nagparatang din ang tagausig na pinipilit daw ni Brother Margaryan ang mga kabataang miyembro ng kongregasyon na tanggihan ang paglilingkod militar.

Nagsimula ang Paglilitis

Nagsimula ang paglilitis noong Biyernes, Hulyo 20, 2001, sa pandistritong hukuman sa Armavir na pinangangasiwaan ni Hukom Manvel Simonyan. Nagpatuloy ito hanggang Agosto. Sa panahon ng kanilang testimonyo, ang mga saksi para sa tagausig ay umamin sa bandang huli na ang ilang bahagi ng mga nakasulat na pahayag laban kay Brother Margaryan ay idinikta lamang sa kanila ng mga kinatawan ng National Security Ministry (dating KGB) at pinilit silang pirmahan ang mga pahayag na ito. Sa isang pagkakataon, isang babae ang umamin na tinuruan siya ng isang opisyal ng Security Ministry na sabihing ang “mga Saksi ni Jehova ay laban sa ating pamahalaan at sa ating relihiyon.” Inamin ng babaing ito na wala siyang personal na kilalang Saksi ni Jehova kundi pawang mga akusasyon lamang ang naririnig niya sa telebisyon ng Estado laban sa kanila.

Nang si Brother Margaryan na ang magsalita, pinatunayan niyang ang menor-de-edad na mga batang dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay pinahihintulutan naman ng kanilang mga magulang. Ipinaliwanag din niya na ang paglilingkod militar ay isang personal na desisyon. Tumagal nang ilang araw ang sunud-sunod na pagtatanong ng tagausig. Sa tulong ng Bibliya, mahinahon namang sinasagot ni Brother Margaryan ang mga tanong tungkol sa kaniyang mga paniniwala, habang tinitingnan ng tagausig ang mga teksto sa Kasulatan sa kaniyang sariling Bibliya.

Noong Setyembre 18, 2001, ipinahayag ng hukom na si Margaryan ay “walang kasalanan,” na sinasabing “walang bakas ng krimen” sa kaniyang mga ginagawa. Isang nagsisiwalat na ulat tungkol sa kaso ang lumabas sa Associated Press. Ganito ang mababasa: “Isang lider ng mga Saksi ni Jehova sa Armenia ang pinawalang-sala ngayon sa paratang na pangungumberte at pagpilit sa mga kabataan na takasan ang paglilingkod militar. Pagkatapos ng dalawang-buwang paglilitis, sinabi ng Korte na kulang ang ebidensiya laban sa lider na si Levon Markarian [Lyova Margaryan]. Muntik na siyang mabilanggo nang limang taon. . . . Bagaman ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Armenia ang kalayaan sa relihiyon, napakahirap para sa mga bagong grupo ang magparehistro at ang mga patakaran ay pabor sa nananaig na Simbahang Apostoliko Armeniano.” Sa inilathalang opisyal na pahayag nito noong Setyembre 18, 2001, ang Organization for Security and Cooperation in Europe (OSCE) ay nagsabi: “Bagaman ikinatutuwa ang naging hatol, patuloy na ikinalulungkot ng OSCE Office kung bakit nagkaroon pa ng ganitong paglilitis.”

Patuloy ang Paglilitis

Pero, nag-apela ang mga tagausig, at nadagdagan pa ng apat na buwan ang paglilitis sa apelasyon. Sa pasimula ng paglilitis, nang si Brother Margaryan na ang magbibigay ng testimonyo, ang unang tanong sa kaniya ay iniharap ng isang hukom na nasa lupon. Habang sumasagot si Brother Margaryan, pinigil siya at kinontra ng tsirman. Pagkatapos noon, hindi na niya pinahintulutan si Brother Margaryan na tapusin ang pagsagot sa kahit man lamang isang tanong. Sa di-malamang dahilan, hindi rin niya ipinasama sa rekord ang karamihan sa mga tanong ng depensa kay Brother Margaryan. Sa panahon ng paglilitis, ang mga panatikong laban sa mga Saksi, na pumunô sa silid-hukuman, ay paulit-ulit na nagbabato ng masasakit na salita kay Brother Margaryan. Pagkatapos ng sesyon, ibinrodkas sa telebisyon ang maraming mali at pilipit na mga ulat tungkol sa paglilitis, na sinasabi, halimbawa, na sa diwa raw ay umamin na si Brother Margaryan sa kaniyang kasalanan.

Nang nasa mga kalagitnaan na ng paglilitis, ginulat ng tsirman ng lupon na kinabibilangan ng tatlong hukom ang mga tagapakinig nang iharap niya ang isang liham mula sa State Council for Religious Affairs na doo’y hinihilingan ang tanggapan ng pag-uusig na gumawa ng mga hakbang laban kay Brother Margaryan. Ikinagulat ito ng internasyonal na tagasubaybay sa paglilitis, yamang sa aplikasyon nito para maging miyembro ng Council of Europe, kinilala ng Armenia ang obligasyon nito na “tiyaking lahat ng Simbahan o relihiyosong komunidad, lalo na ang mga tinutukoy na ‘di-tradisyonal,’ ay makapagsagawa ng kanilang relihiyon nang walang diskriminasyon.”

Habang patuloy ang paglilitis nang sumunod na mga linggo, lalong umigting ang kalagayan. Patuloy na nililigalig at sinasalakay ng mga salansang ang mga Saksi sa loob at labas ng gusaling-panghukuman. May mga babaing Saksi na sinipa sa lulod. Nang may sumalakay sa isang Saksi ngunit hindi ito gumanti, hinampas siya sa gulugod mula sa likuran at kinailangan siyang maospital.

Samantala, isang bagong hukom ang inatasan sa kaso. Sa kabila ng pagsisikap ng ilan sa mga tagapakinig na takutin ang abogado ng depensa, sinawata ito ng bagong tsirman, anupat inutusan pa nga ang pulis na ilabas sa silid-hukuman ang isang babaing nagbabanta sa abogado ng depensa.

Patuloy Hanggang Korte Suprema

Sa wakas, noong Marso 7, 2002, sinang-ayunan ng korte sa apelasyon ang hatol ng korte sa paglilitis. Ang nakapagtataka, isang araw bago sabihin ang hatol na ito, nabuwag ang State Council for Religious Affairs. Minsan pa, iniapela uli ng tagausig ang desisyon, na sa pagkakataong ito ay sa korte suprema na ng Armenia​—ang Court of Cassation. Hiniling naman ngayon ng mga tagausig na ibalik ng Korte ang kaso para sa panibagong paglilitis para sa “opisyal na pagpapalabas ng hatol na nagkasala.”

Nagpulong ang isang lupon ng mga hukom na may anim na miyembro, na pinangunguluhan ni Hukom Mher Khachatryan, bandang alas-11:00 n.u. noong Abril 19, 2002. Sa kaniyang pambungad na pananalita, isa sa mga tagausig ang nagpahayag ng matinding galit dahil sa pagkabigo ng dalawang nakaraang korte na patunayang nagkasala si Brother Margaryan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang tagausig naman ang pinigil at tuwirang pinagtatanong ng apat na hukom. Pinagalitan ng isang hukom ang tagausig dahil sa pagtatangkang sulsulan ang Korte nang isangkot niya ang gawaing pangangaral at ang di-rehistradong kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa kaniyang argumento laban kay Brother Margaryan​—gayong isa man sa mga ito’y hindi naman itinuturing na gawang kriminal sa Artikulo 244. Kaya naman inilarawan ng hukom ang pagtatangkang ito ng tagausig bilang “pang-uusig sa pamamagitan ng kasong kriminal.” Binanggit naman ng isa pang hukom ang iba’t ibang kaso sa European Court na doo’y kinikilala ang mga Saksi ni Jehova bilang isang “kilalang relihiyon” na may karapatang proteksiyunan ng European Convention on Human Rights. Sa pagkakataong ito, isang pari sa loob ng silid-hukuman ang sumigaw na hinahati raw ng mga Saksi ni Jehova ang bansa. Inutusan siya ng Korte na tumahimik.

Pagkatapos ay tinawag naman ng mga hukom si Lyova Margaryan mula sa mga tagapakinig​—isang aksiyon na ngayon lamang ginawa sa korte suprema. Si Brother Margaryan ay nagbigay ng isang mainam na patotoo hinggil sa Kristiyanong paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang isyu. (Marcos 13:9) Pagkatapos ng isang maikling deliberasyon, bumalik ang Korte at buong pagkakaisang sumang-ayon sa hatol na “walang kasalanan.” Kitang-kitang nakahinga nang maluwag si Brother Margaryan. Sa kanilang nakasulat na desisyon, ganito ang sinabi ng Korte: “Ang gawaing ito [ni Lyova Margaryan] ay hindi itinuturing ng umiiral na batas bilang isang krimen, at ang ganitong uri ng akusasyon ay salungat sa Artikulo 23 ng Konstitusyon ng Armenia at sa Artikulo 9 ng European Convention.”

Mga Epekto ng Desisyon

Kung nagtagumpay ang tagausig, mabubuksan sana ang daan para sa legal na aksiyon laban sa iba pang mga elder na Saksi sa mga kongregasyon sa buong Armenia. Inaasahang mapipigilan ang gayong panliligalig dahil sa maliwanag na desisyong pinalabas ng Korte. Ang di-paborableng desisyon ay maaari rin sanang maging dahilan upang patuloy na tanggihang irehistro ang mga Saksi ni Jehova. Mabuti na lamang, inalis na ng Korte ang maling pagdadahilan na ito.

Hintayin natin kung papayagan ngang irehistro ang mahigit na 7,000 Saksi ni Jehova sa bansang ito. Samantala, buháy pa rin at sumusulong ang tunay na pagsamba sa “lupain ng Ararat.”

[Talababa]

^ par. 3 Isang dahilan ito kung bakit iniuugnay ng mga Armeniano ang kanilang bansa sa Bundok Ararat. Noong unang panahon, ang Armenia ay isang pagkalaki-laking kaharian na ang teritoryo ay sumasaklaw sa kabundukang ito. Kaya naman sa Isaias 37:38, ang pananalitang “lupain ng Ararat” ay isinalin na “Armenia” sa Griegong Septuagint na salin ng Bibliya. Ang Bundok Ararat ay nasa Turkey sa ngayon, malapit sa silanganing hanggahan nito.

[Larawan sa pahina 12]

Si Lyova Margaryan sa paglilitis sa kaniya

[Larawan sa pahina 13]

Si Brother Margaryan at ang kaniyang pamilya