Mga Kabataang Nagpapasaya sa Puso ni Jehova
Mga Kabataang Nagpapasaya sa Puso ni Jehova
Ang mga araling artikulong ito ay inihanda lalo na para sa mga kabataang kabilang sa mga Saksi ni Jehova. Kaya pinasisigla namin ang mga kabataan na pag-aralang mabuti ang materyal na ito at malayang magkomento kapag tinalakay ito sa kongregasyon sa Pag-aaral sa Bantayan.
“Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kawikaan 27:11.
1, 2. (a) Ipaliwanag kung ang pagkaakit sa mga bagay ng sanlibutan ay nangangahulugang hindi ka na karapat-dapat na maging Kristiyano. (Roma 7:21) (b) Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ni Asap? (Tingnan ang kahon sa pahina 13.)
GUNIGUNIHIN na namimili ka ng damit. Habang tumitingin-tingin ka, may nakita kang damit na agad na nakaakit sa iyo. Waring bagay na bagay sa iyo ang kulay at istilo nito, at ipinahihiwatig ng presyo na murang-mura ito. Ngunit sinuri mong mabuti ang damit. Laking gulat mo nang makita mong natatastas ang mga gilid nito, at hindi pinagbuti ang pagkakatahi. Bagaman kaakit-akit ang damit, hindi maganda ang pagkakagawa rito. Gagastusin mo ba ang iyong pera sa gayong mahinang klase na produkto?
2 Ihambing ito sa situwasyong maaaring mapaharap sa iyo bilang isang kabataang Kristiyano. Sa unang tingin, ang mga bagay ng sanlibutang ito—kagayang-kagaya ng damit na iyon—ay waring lubhang kaakit-akit. Halimbawa, maaaring magpunta ang iyong mga kaeskuwela sa masasayang parti, magdroga, uminom ng inuming de-alkohol, makipag-date nang walang kaakibat na pananagutan, at makipagtalik bago ikasal. Kung minsan ba ay naaakit ka sa gayong istilo ng pamumuhay? Hinahangad mo bang matikman nang kahit kaunti man lamang ang tinatawag nilang kalayaan? Kung oo, huwag mong ipalagay agad na balakyot ka at hindi na karapat-dapat na maging Kristiyano. Tutal, kinikilala ng Bibliya na ang sanlibutan ay maaaring maging lubhang kaakit-akit—kahit na sa isang taong nagnanais mapaluguran ang Diyos.—2 Timoteo 4:10.
3. (a) Bakit walang-saysay na itaguyod ang mga bagay ng sanlibutan? (b) Paano inilarawan ng isang Kristiyano ang kawalang-kabuluhan ng makasanlibutang mga hangarin?
3 Ngayon, pakisuyong tingnang mabuti ang mga bagay ng sanlibutan, kung paanong tinitingnan mo ang isang damit na gusto mong bilhin. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba ang kalidad ng tela at tahi ng sistemang ito ng mga bagay?’ Sinasabi ng Bibliya na “ang sanlibutan ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Anumang kalugurang makukuha rito ay pansamantala lamang kahit na ito’y sa pinakakaayaayang kalagayan. Karagdagan pa, malaki ang kabayaran ng di-makadiyos na paggawi. Tiyak na hindi ito sulit. Isang Kristiyano, na kinailangang magbata sa tinatawag niyang “mga kirot na bunga ng buhay na sinayang noong kabataan,” ay nagsabi: “Ang sanlibutan ay maaaring magtinging maganda at kaakit-akit. At nais nitong papaniwalain ka na matatamo mo ang uring ito ng katuwaan nang walang kirot. Subalit maliwanag na hindi ito maaari. Gagamitin ka ng sanlibutan, at kapag natapos na ito sa iyo, itatapon ka na nito.” * Bakit mo sasayangin ang iyong kabataan sa gayon kababaw na paraan ng pamumuhay?
Proteksiyon Laban sa “Isa na Balakyot”
4, 5. (a) Nang malapit na siyang mamatay, ano ang hiniling ni Jesus kay Jehova sa panalangin? (b) Bakit angkop ang hiling na ito?
4 Yamang natatanto na walang mabuting maiaalok ang sistemang ito ng mga bagay, pinagsisikapan ng mga kabataang kabilang sa mga Saksi ni Jehova na umiwas sa pakikipagkaibigan sa sanlibutang ito. (Santiago 4:4) Isa ka ba sa tapat na mga kabataang ito? Kung gayon, dapat kang papurihan. Siyempre pa, hindi madaling labanan ang panggigipit ng kasamahan at maging iba sa lahat, ngunit may makatutulong sa iyo.
5 Nang malapit na siyang mamatay, idinalangin ni Jesus na “bantayan” ni Jehova ang kaniyang mga alagad “dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:15) May mabuting dahilan kung bakit hiniling ito ni Jesus. Alam niya na hindi magiging madali ang landasin ng katapatan para sa kaniyang mga tagasunod, anuman ang edad nila. Bakit? Gaya ng kinilala ni Jesus, ang isa sa mga dahilan ay haharapin ng kaniyang mga alagad ang isang makapangyarihan at di-nakikitang kaaway—ang “isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. Sinasabi ng Bibliya na ang masamang espiritung nilalang na ito ay “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”—1 Pedro 5:8.
6. Paano natin nalaman na si Satanas ay walang habag sa mga kabataan?
6 Sa buong kasaysayan, may sadistikong kaluguran si Satanas sa pagdudulot ng pinakamalulupit na kabuktutan sa mga tao. Isaalang-alang ang kahila-hilakbot na mga kalamidad na pinasapit ni Satanas kay Job at sa kaniyang pamilya. (Job 1:13-19; 2:7) Marahil ay maaalaala mo sa buong buhay mo ang naibalitang mga pangyayari na nagpapakita ng marahas na espiritu ni Satanas. Palihim na gumagala si Satanas upang manila, at sa kaniyang paghahanap ng masisila, hindi siya naaawa sa mga kabataan. Halimbawa, noong pasimula ng unang siglo C.E., nagpakana si Herodes na ipapatay ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem, na ang edad ay dalawang taóng gulang o mas bata pa rito. (Mateo 2:16) Malamang na si Satanas ang nag-udyok kay Herodes—isang pagsisikap na patayin ang bata na balang-araw ay magiging ipinangakong Mesiyas ng Diyos at maglalapat ng hatol ng Diyos laban kay Satanas! (Genesis 3:15) Maliwanag, si Satanas ay walang habag sa mga kabataan. Ang tanging intensiyon niya ay silain ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Lalong totoo ito sa ngayon, yamang si Satanas ay inihagis na mula sa langit tungo sa lupa, “na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:9, 12.
7. (a) Paanong ibang-iba si Jehova kay Satanas? (b) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa iyong pagtatamasa ng kasiyahan sa buhay?
7 Ibang-iba si Satanas, na may “malaking galit,” kay Jehova na may “magiliw na pagkamahabagin.” (Lucas 1:78) Siya ang pinakalarawan ng pag-ibig. Sa katunayan, palibhasa’y gayon na lamang ang pagpapamalas ng ating Maylalang sa dakilang katangiang ito, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaylaking pagkakaiba ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay at ng Diyos na pribilehiyo mong sambahin! Samantalang hinahangad ni Satanas na manila, ‘hindi nais ni Jehova na ang sinuman ay mapuksa.’ (2 Pedro 3:9) Minamalas niyang mahalaga ang buhay ng bawat tao—pati na ang sa iyo. Kapag tinatagubilinan ka ni Jehova sa kaniyang Salita na huwag maging bahagi ng sanlibutan, hindi siya nagtatangkang pagkaitan ka ng kasiyahan sa buhay o higpitan ang iyong kalayaan. (Juan 15:19) Sa kabaligtaran pa nga, binabantayan ka niya dahil sa isa na balakyot. Nais ng iyong makalangit na Ama na magkaroon ka ng di-hamak na mas magandang buhay kaysa sa panandaliang mga kaluguran ng sanlibutang ito. Hangad niya na makamit mo ang “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. (1 Timoteo 6:17-19) Nais ni Jehova na magtagumpay ka, at hinihimok ka niyang abutin ang tunguhing iyon. (1 Timoteo 2:4) Karagdagan pa, may pantanging paanyaya sa iyo si Jehova. Ano iyon?
“Pasayahin Mo ang Aking Puso”
8, 9. (a) Ano ang regalong maibibigay mo kay Jehova? (b) Paano tinutuya ni Satanas si Jehova, gaya ng inilarawan sa kaso ni Job?
8 Nakabili ka na ba ng isang regalo para sa isang matalik na kaibigan at pagkatapos ay nakita mo ang ngiti sa kaniyang mukha taglay ang pagkagulat at pagpapahalaga nang matanggap niya ito? Marahil ay pinag-isipan mo nang husto kung anong regalo ang naaangkop sa taong iyon. Ngayon ay pag-isipan mo ang tanong na ito: Anong uri ng regalo ang maibibigay mo sa iyong Maylalang, ang Diyos na Jehova? Sa una, waring kakatwa ang ideyang ito. Ano ba ang kailangan ng Makapangyarihan-sa-lahat mula sa isang hamak na tao? Ano pa ba ang maibibigay mo sa kaniya na hindi pa niya taglay? Ganito ang sagot ng Bibliya sa Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”
9 Gaya marahil ng nalalaman mo mula sa iyong pag-aaral ng Bibliya, si Satanas na Diyablo ang tumutuya kay Jehova. Iginigiit niya na naglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos, hindi dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa makasariling mga hangarin. Inaangkin ni Satanas na kapag hinayaan silang magdusa, mabilis nilang iiwan ang tunay na pagsamba. Halimbawa, isaalang-alang ang sinabi ni Satanas kay Jehova hinggil sa matuwid na lalaking si Job: “Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid? Ang gawa ng kaniyang mga kamay ay iyong pinagpala, at ang kaniyang mga alagang hayop ay lumaganap sa lupa. Ngunit, upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:10, 11.
10. (a) Paano natin nalaman na kinuwestiyon ni Satanas hindi lamang ang katapatan ni Job kundi pati yaong sa ibang mga tao? (b) Paano ka nasasangkot sa isyu ng pagkasoberano?
10 Gaya ng isiniwalat sa ulat ng Bibliya, kinuwestiyon ni Satanas hindi lamang ang katapatan ni Job kundi pati rin ang katapatan ng lahat ng naglilingkod sa Diyos—kasama ka. Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Satanas kay Jehova hinggil sa sangkatauhan sa pangkalahatan: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao [hindi lamang ni Job kundi ng kahit sino] ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Nakikita mo ba ang iyong papel sa mahalagang isyung ito? Gaya ng ipinahihiwatig sa Kawikaan 27:11, sinasabi ni Jehova na mayroon kang maibibigay sa kaniya—isang saligan upang may maisagot siya sa kaniyang manunuya, si Satanas. Gunigunihin—tinatawag ka ng Soberano ng Sansinukob na makibahagi sa pagsagot sa pinakadakilang isyu sa buong kasaysayan. Tunay ngang kasindak-sindak na pananagutan at pribilehiyo ang taglay mo! Magagawa mo ba ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Nagawa iyon ni Job. (Job 2:9, 10) Gayundin ang ginawa ni Jesus at ng iba pang di-mabilang na mga tao sa buong kasaysayan, pati na ng maraming kabataan. (Filipos 2:8; Apocalipsis ) Magagawa mo rin iyon. Gayunman, tiyak na walang sinuman ang maaaring maging neutral sa bagay na ito. Sa iyong pagkilos, maipakikita mo kung sinusuportahan mo ang panunuya ni Satanas o ang pagsagot ni Jehova. Alin ang pipiliin mong itaguyod? 6:9
Si Jehova ay Nagmamalasakit sa Iyo!
11, 12. Mahalaga ba kay Jehova kung piliin mong maglingkod sa kaniya o hindi? Ipaliwanag.
11 Talaga bang mahalaga kay Jehova kung alin ang pipiliin mo? Hindi pa ba sapat ang dami ng taong nanatiling tapat sa kaniya upang may maibigay siyang sapat na sagot kay Satanas? Totoo, iginiit ng Diyablo na walang sinuman ang maglilingkod kay Jehova nang dahil sa pag-ibig, at napatunayan nang mali ang paratang na iyon. Gayunpaman, nais ni Jehova na pumanig ka sa kaniya sa isyu ng pagkasoberano dahil nagmamalasakit siya sa iyo bilang indibiduwal. Sinabi ni Jesus: “Hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.”—Mateo 18:14.
12 Maliwanag, interesado si Jehova sa landas mong pipiliin. Higit pa riyan, apektado siya nito. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na lubhang naaantig ang damdamin ni Jehova sa mabuti o masamang pagkilos ng mga tao. Halimbawa, nang paulit-ulit na maghimagsik ang mga Israelita, ‘nasaktan’ si Jehova. (Awit 78:40, 41) Bago ang Delubyo noong panahon ni Noe, nang “ang kasamaan ng tao ay laganap,” si Jehova ay “nasaktan sa kaniyang puso.” (Genesis 6:5, 6) Isip-isipin kung ano ang ibig sabihin nito. Kung tatahakin mo ang maling landas, sasaktan mo ang kalooban ng iyong Maylalang. Hindi ito nangangahulugang mahina ang Diyos o nadaraig siya ng emosyon. Sa halip, mahal ka niya at nagmamalasakit siya sa iyong kapakanan. Sa kabilang dako naman, kapag ginawa mo ang tama, napasasaya mo ang puso ni Jehova. Natutuwa siya hindi lamang dahil sa mayroon pa siyang maisasagot kay Satanas kundi dahil maaari mo na siyang maging Tagapagbigay-gantimpala. At iyan ang gusto niyang gawin. (Hebreo 11:6) Tunay na mayroon kang isang maibiging Ama, ang Diyos na Jehova!
Saganang Pagpapala sa Ngayon
13. Paanong ang paglilingkod kay Jehova ay nagdudulot ng pagpapala ngayon pa man?
13 Ang mga pagpapalang nagmumula sa paglilingkod kay Jehova ay hindi lamang mararanasan sa hinaharap. Maraming kabataang kabilang sa mga Saksi ni Jehova ang pinagpapala ng kagalakan at kasiyahan ngayon pa man, at may mabuting dahilan ito. “Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso,” gaya ng isinulat ng salmista. (Awit 19:8) Mas alam ni Jehova kung ano ang makabubuti sa atin kaysa sa sino pa mang tao. Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
14. Paano ka matutulungan ng mga simulain ng Bibliya na maiwasan ang kirot ng pagkakautang?
14 Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na maiwasan ang labis na kirot at pasakit. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na yaong nagkaroon ng pag-ibig sa salapi ay “napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Naranasan na ba ng sinuman sa iyong mga kasamahan ang mapait na katotohanan ng tekstong ito? Nalubog sa utang ang ilang kabataan dahil lamang sa iniisip nilang kailangan nilang taglayin ang pinakabagong mga damit na may kilalang mga tatak at ang pinakabagong mga gadyet. Talagang isang masaklap na anyo ng pang-aalipin ang mapabigatan ng matagal at matataas-ang-interes na mga bayarin sa mga bagay na hindi mo naman talaga kayang bilhin!—Kawikaan 22:7.
15. Sa anu-anong paraan ipinagsasanggalang ka ng mga simulain ng Bibliya mula sa kirot na bunga ng seksuwal na imoralidad?
15 Isaalang-alang din ang tungkol sa seksuwal na imoralidad. Taun-taon sa buong daigdig, di-mabilang na mga tin-edyer na walang asawa ang nabubuntis. Ang ilan ay nagsisilang ng sanggol na hindi naman nila gusto o hindi nila kayang palakihin. Nagpapa-abort naman ang iba at nagdurusa dahil sa maligalig na budhi. Nariyan din ang mga kabataang nagkakaroon ng sakit na naililipat sa pagtatalik, tulad ng AIDS. Siyempre pa, sa isa na nakakakilala kay Jehova, ang pinakamalubhang epekto nito ay ang nasirang kaugnayan kay Jehova. * (Galacia 5:19-21) May mabuting dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”—1 Corinto 6:18.
Paglilingkod sa “Maligayang Diyos”
16. (a) Paano natin nalaman na nais ni Jehova na masiyahan ka sa iyong kabataan? (b) Bakit nagtatakda si Jehova ng mga tagubilin para sundin mo?
16 Inilalarawan ng Bibliya si Jehova bilang ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Nais niyang maging maligaya ka rin. Sa katunayan, sinasabi mismo ng kaniyang Salita: “Masiyahan ka sa iyong kabataan. Magsaya ka habang bata ka pa.” (Eclesiastes 11:9, Today’s English Version) Ngunit nakikita ni Jehova ang higit pa sa kasalukuyan at nalalaman niya ang pangmatagalang mga epekto ng kapuwa mabuti at masamang paggawi. Iyan ang dahilan kung bakit pinaaalalahanan ka niya: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o sumapit ang mga taon kapag sasabihin mo: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ ”—Eclesiastes 12:1.
17, 18. Paano ipinahayag ng isang kabataang Kristiyano ang kaniyang kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova, at paano mo rin masusumpungan ang gayong kagalakan?
17 Sa ngayon, maraming kabataan ang nakasusumpong ng malaking kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova. Halimbawa, ganito ang sabi ng 15-taóng-gulang na si Lina: “May kumpiyansa ako at paggalang sa sarili. May malusog akong pangangatawan dahil sa pag-iwas ko sa paninigarilyo at droga. Taglay ko ang mahalagang patnubay na ibinibigay sa akin sa kongregasyon na tumutulong sa akin na labanan ang napakasamang panggigipit ni Satanas. Mababanaag sa aking mukha ang kaligayahan dahil sa nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa loob ng Kingdom Hall. Higit sa lahat, taglay ko ang di-matutumbasang pag-asa na walang-hanggang buhay sa lupa.”
18 Kagaya ni Lina, maraming kabataang Kristiyano ang puspusang nakikipagpunyagi para sa kanilang pananampalataya, at nagdudulot ito sa kanila ng kagalakan. Natatanto nila na ang kanilang buhay—bagaman may mga problema sa pana-panahon—ay may tunay na layunin at tunay na kinabukasan. Kung gayon, ipagpatuloy mo ang paglilingkod sa Diyos na nagmamalasakit sa iyong kapakanan. Pasayahin ang kaniyang puso, at pasasayahin ka niya ngayon at magpakailanman!—Awit 5:11.
[Mga talababa]
^ par. 3 Tingnan ang artikulong “Ibinalik ng Katotohanan ang Aking Buhay,” na lumitaw sa Oktubre 22, 1996, isyu ng Gumising!
^ par. 15 Nakaaaliw malaman na kapag nagsisisi ang isang tao, inihinto ang paggawa ng mali, at ipinagtapat ang kaniyang mga kasalanan, “magpapatawad [si Jehova] nang sagana.”—Isaias 55:7.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang panganib na napapaharap sa iyo mula sa “isa na balakyot,” si Satanas?
• Paano mo mapasasaya ang puso ni Jehova?
• Paano ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ay nagmamalasakit sa iyo?
• Anu-ano ang ilang pagpapala na nagmumula sa paglilingkod kay Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Muntik Nang Madupilas ang Isang Matuwid na Tao
Si Asap ay isang prominenteng manunugtog na Levita sa templo ni Jehova sa sinaunang Israel. Kumatha pa nga siya ng mga awit na ginamit sa pangmadlang pagsamba. Gayunman, sa kabila ng kaniyang pantanging mga pribilehiyo, may panahong naakit si Asap sa di-makadiyos na paggawi ng kaniyang mga kasamahan, na waring lumalabag sa mga kautusan ng Diyos nang walang masamang epekto. Inamin ni Asap nang maglaon, “ang aking mga paa ay muntik nang mapaliko, ang aking mga hakbang ay muntik nang madupilas. . . . Nainggit ako sa mga hambog, kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot.”—Awit 73:2, 3.
Nang dakong huli, nagtungo si Asap sa santuwaryo ng Diyos at ipinanalangin ang bagay na ito. Nang malasin niya muli ang mga bagay-bagay sa espirituwal na paraan, kaniyang naunawaan na kinapopootan ni Jehova ang kasamaan at darating ang panahon, aanihin ng kapuwa balakyot at matuwid ang kanilang inihasik. (Awit 73:17-20; Galacia 6:7, 8) Tunay nga, ang balakyot ay nasa madulas na dako. Sa dakong huli, mararanasan nila ang pagbagsak kapag winasak ni Jehova ang di-makadiyos na sistemang ito.—Apocalipsis 21:8.
[Mga larawan sa pahina 15]
Nagmamalasakit si Jehova sa iyong kapakanan, samantalang ang tunguhin ni Satanas ay silain ka
[Larawan sa pahina 16]
Maraming kabataan ang nakasusumpong ng walang katumbas na kaligayahan sa paglilingkod kay Jehova kasama ng mga kapuwa Kristiyano