Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagmamalasakit si Jehova sa Ordinaryong mga Tao

Nagmamalasakit si Jehova sa Ordinaryong mga Tao

Nagmamalasakit si Jehova sa Ordinaryong mga Tao

KAILANGAN ba tayong magkaroon ng pambihirang katangian o maging namumukod-tangi sa isang paraan upang mapansin ng Diyos? Si Abraham Lincoln, ang ika-16 na presidente ng Estados Unidos, ay sinisipi na nagsabi: “Mas gusto ng Panginoon ang pangkaraniwang mga tao. Kaya naman napakarami niyang nilalang na gaya nila.” Marami ang nakadarama na sila ay ordinaryong mga tao na walang kakaibang bagay na maibibigay. Ang pagiging ordinaryo ay maaaring mangahulugan ng pagiging “dukha, nakabababa.” Gayundin naman, ang salitang “pangkaraniwan” ay maaaring magpahiwatig ng “kawalan ng pribilehiyo o natatanging katayuan,” “pagiging mas mababa sa ordinaryong mga pamantayan,” o “pangalawahin” pa nga. Anong uri ng mga tao ang gusto mong makasama? Mga arogante, mapaggiit at mapagmapuring indibiduwal? Hindi ba’t mas gugustuhin mong makasama ang palakaibigan, mapagpakumbaba at mahinhing mga tao na nagpapakita ng taimtim at magiliw na interes sa iba?

Yamang ang pananakot at pang-aalipusta sa damdamin ay karaniwan sa daigdig sa ngayon, nahihirapan ang ilan na maniwalang may personal na interes ang Diyos sa kanila. “Galing ako sa isang pamilya na bibihirang magpahayag ng pag-ibig. Ako ay hinamak, kinantiyawan, at pinagtawanan. Kaya, sa maagang bahagi ng aking buhay ay nadama ko na wala akong halaga,” ang sulat ng isang mambabasa ng magasing ito. “Hindi pa rin mapawi sa damdamin ko ang aking nakaraan na nakapagpapahina ng aking loob kapag dumaranas ako ng problema.” Gayunman, may mga dahilan upang maniwala na may personal na interes ang Diyos sa ordinaryong mga tao.

Ang Interes ng Diyos sa Pangkaraniwang mga Tao

“Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin, at ang kaniyang kadakilaan ay di-masaliksik,” ang sulat ni Haring David. (Awit 145:3) Gayunman, hindi ito nakahahadlang kay Jehova sa pagmamalasakit sa atin sa maibigin at mahabaging paraan. (1 Pedro 5:7) Halimbawa, sinabi ng salmista: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

Ang mga bagay na nakaaakit ng pansin sa sanlibutan, gaya ng pisikal na kagandahan, prestihiyo, o kayamanan, ay hindi siyang itinuturing ng Diyos na mahalaga. Ipinakita ng Kautusan ng Diyos sa Israel ang kaniyang mahabaging interes sa mga maralita, ulila, babaing balo, at mga banyaga. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita, na pinagmalupitan mismo sa Ehipto: “Huwag mong pagmamalupitan ang isang naninirahang dayuhan o sisiilin siya . . . Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang babaing balo o batang lalaking walang ama. Kung pipighatiin mo siya, kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing.” (Exodo 22:21-24) Bukod dito, ipinahayag ni propeta Isaias ang kaniyang pagtitiwala sa pagmamalasakit ng Diyos sa mga maralita: “Ikaw ay naging moog sa maralita, moog sa dukha sa kaniyang kabagabagan, kanlungan sa bagyong maulan, lilim sa init, kapag ang bugso ng mga mapaniil ay parang bagyong maulan laban sa isang pader.”​—Isaias 25:4.

Sa buong panahon ng kaniyang ministeryo, si Jesu-Kristo, na “eksaktong larawan” ng Diyos, ay naging halimbawa sa kaniyang mga alagad sa pagpapakita ng tunay na interes sa pangkaraniwang mga tao. (Hebreo 1:3) Nang makita niya ang mga pulutong na “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol,” “nahabag [si Jesus] sa kanila.”​—Mateo 9:36.

Pansinin din kung anong uring mga tao ang pinili ni Jesus bilang kaniyang mga apostol​—mga lalaking inilarawan bilang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Pagkamatay ni Jesus, sinimulang anyayahan ng kaniyang mga tagasunod ang lahat ng uri ng tao na makinig sa Salita ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo na ang “isang di-sumasampalataya o pangkaraniwang tao” ay maaaring mapabilang sa kongregasyong Kristiyano at maging isang mananampalataya. (1 Corinto 14:24, 25) Sa halip na piliin lamang yaong mga hinahangaan ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan, pinili ng Diyos ang maraming simple at ordinaryong mga tao para maglingkod sa kaniya. “Nakikita ninyo ang kaniyang pagtawag sa inyo, mga kapatid,” ang sabi ni apostol Pablo, “na hindi marami na marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang ipinanganak na maharlika; kundi pinili ng Diyos ang mangmang na mga bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong; at pinili ng Diyos ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang malalakas na bagay; at pinili ng Diyos ang mabababang bagay ng sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na wala, upang mapawi niya ang mga bagay na umiiral, upang walang laman ang maghambog sa paningin ng Diyos.”​—1 Corinto 1:26-29.

Sa ngayon, ang Diyos ay may taimtim ding interes sa atin. Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Kung gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan anupat isinugo niya ang kaniyang Anak sa lupa upang mamatay para sa atin, wala tayong dahilan upang makadama na hindi tayo iniibig o pinahahalagahan. (Juan 3:16) Ipinakita ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod ang kahalagahan ng pakikitungo maging sa pinakamababa sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na para bang si Jesus mismo ang pinakikitunguhan nang personal. Sinabi niya: “Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.” (Mateo 25:40) Anuman ang maging pangmalas sa atin ng sanlibutan, kung iniibig natin ang katotohanan, tayo ay natatangi sa paningin ng Diyos.

Ganiyan ang nadama ni Francisco, * isang batang lalaking taga-Brazil na walang ama, pagkatapos niyang malinang ang isang personal na kaugnayan sa Diyos. Ipinaliwanag niya: “Ang pagkakilala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon ay tumulong sa akin na mapagtagumpayan ang nadarama kong kawalang-kapanatagan at pagkamahiyain. Natutuhan ko na si Jehova ay may personal na interes sa bawat isa sa atin.” Para kay Francisco, si Jehova ay naging isang tunay na Ama.

Pagmamalasakit sa mga Kabataan

Tunay na interesado si Jehova sa mga kabataan hindi lamang bilang isang grupo kundi bilang mga indibiduwal. Sabihin pa, bata man tayo o matanda, hindi natin nais na mag-isip nang matayog tungkol sa ating sarili. Gayunman, baka mayroon tayong talino at katangian na magagamit ng Diyos sa hinaharap. Alam ni Jehova kung anong pagpapahusay at pagsasanay ang kailangan natin upang magamit nating mabuti ang ating mga kakayahan. Halimbawa, pansinin ang ulat sa 1 Samuel kabanata 16. Yamang ang ibang potensiyal na mga kandidato para maging hari ng Israel ay waring mas kuwalipikado sa pangmalas ng propetang si Samuel, ipinaliwanag ni Jehova ang Kaniyang mga dahilan sa pagpili kay David, ang bunsong anak ni Jesse, bilang ang panghinaharap na hari ng Israel: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya [ang nakatatandang kapatid na lalaki ni David]. Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”​—1 Samuel 16:7.

Makapagtitiwala ba ang mga kabataan sa ngayon na may tunay na interes sa kanila si Jehova? Isaalang-alang si Ana, isang kabataang babaing taga-Brazil. Katulad ng iba pang maraming kabataan, nabahala siya sa nakikita niyang katiwalian at kawalang-katarungan. Nang maglaon ay sinimulan siyang isama ng kaniyang ama, pati na ang kaniyang mga kapatid na babae, sa mga Kristiyanong pagpupulong. Di-nagtagal, nasiyahan na siya sa kaniyang natututuhan tungkol sa Salita ng Diyos. Sinimulang basahin ni Ana ang Bibliya pati na ang mga publikasyong Kristiyano at sinimulan din niyang manalangin sa Diyos na Jehova. Unti-unti, nalinang niya ang isang matalik na kaugnayan sa Diyos. Ipinaliwanag niya: “Nasisiyahan akong sumakay sa aking bisikleta patungo sa isang burol malapit sa aming tahanan kung saan maaari kong masdan ang magagandang paglubog ng araw. Nananalangin ako kay Jehova at pinasasalamatan ko siya dahil sa kaniyang kabaitan at pagkabukas-palad, anupat sinisikap kong ipahayag kung gaano ko siya kamahal. Ang pagkakilala ko sa Diyos na Jehova at pagkaalam sa kaniyang mga layunin ay nagdulot sa akin ng kapanatagan at pagkadama ng katiwasayan.” Humahanap ka rin ba ng pagkakataon upang muni-munihin ang maibiging pagmamalasakit ni Jehova?

Totoo, ang ating kinalakhan ay maaaring humadlang sa pagtatamasa natin ng matalik na kaugnayan kay Jehova. Kuning halimbawa si Lidia. Nang ipahayag niya sa kaniyang ama ang isang bagay na lubha niyang ikinababahala, ipinagkibit-balikat lamang ito ng kaniyang ama sa pagsasabing: “Walang kuwenta ‘yan.” Bagaman nauunawaan niya na gusto ng kaniyang ama na kalimutan niya ang problema, sinabi ni Lidia: “Ibinigay sa akin ng pag-aaral ng Bibliya ang lahat ng bagay na nais ko at higit pa roon. Ang kaakit-akit na personalidad ni Jehova ang naging dahilan kung bakit naging matalik na kaibigan ko siya. Ngayon ay mayroon akong maibigin at maunawaing Ama na mapagtatapatan ko ng aking niloloob at ng aking pinakatatagu-tagong pangamba. Maaari akong gumugol ng maraming oras sa pakikipag-usap sa pinakamahalagang Persona sa sansinukob, anupat nakatitiyak na pakikinggan niya ako.” Ang mga teksto sa Bibliya na gaya ng Filipos 4:6, 7 ay nakatulong sa kaniya na madama ang maibiging pagmamalasakit ni Jehova. Sinasabi ng tekstong iyon: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”

Tulong Upang Maasikaso ang Iyong mga Pangangailangan

Ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pagmamalasakit sa kaniyang mga lingkod bilang mga indibiduwal gayundin sa kaniyang pandaigdig na kongregasyon. Maipakikita natin ang ating pag-ibig sa ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng paggugol ng panahon sa pakikipag-usap sa kaniya. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala kailanman ang ating kaugnayan sa kaniya. Laging isinasaisip ni David ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Sinabi niya: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan. Sa iyo ako umaasa buong araw.”​—Awit 25:4, 5.

Ang ideya ng pagkakaroon ng matalik na kaugnayan sa Diyos ay maaaring bago sa iyo. Anuman ang problema mo, lagi kang makapagtitiwala na matutulungan ka ng Kataas-taasan, kasuwato ng kaniyang kalooban. (1 Juan 5:14, 15) Kung gayon, pag-aralang gawing espesipiko ang iyong mga panalangin, anupat isinasaalang-alang ang iyong mga kalagayan at pangangailangan.

Ang kahalagahan ng pagkilala sa ating mga pangangailangan ay itinampok sa panalangin na binigkas ni Haring Solomon nang pasinayaan ang templo: “Sakaling magkaroon ng taggutom sa lupain, sakaling magkaroon ng salot, sakaling magkaroon ng pagkatuyot at amag, mga balang at mga ipis; sakaling kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga pintuang-daan​—anumang uri ng salot at anumang uri ng karamdaman​—anumang panalangin, anumang paghiling ng lingap ang gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, sapagkat alam ng bawat isa sa kanila ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling kirot . . . Kung gayon ay makinig ka nawa mula sa langit, . . . at magpatawad ka at magbigay sa bawat isa ng ayon sa lahat ng kaniyang mga lakad.” (2 Cronica 6:28-30) Totoo, ikaw lamang ang ‘nakaaalam sa iyong sariling salot at sa iyong sariling kirot.’ Kung gayon, napakahalaga nga na kilalanin ang iyong tunay na mga pangangailangan at mga naisin. Kung gagawin mo ito, “ibibigay [ni Jehova] sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.”​—Awit 37:4.

Patibayin ang Iyong Kaugnayan kay Jehova

Si Jehova ay nalulugod na tamasahin ng ordinaryong mga tao ang isang matalik na pakikipag-ugnayan sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita: “ ‘Ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin,’ sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat.” (2 Corinto 6:18) Tunay nga, nais ni Jehova at ng kaniyang Anak na magtagumpay tayo at magtamo ng buhay na walang hanggan. Talagang nakapagpapatibay na malaman na tutulungan tayo ni Jehova sa pag-aasikaso sa ating mga pananagutan sa pamilya, sa trabaho, at sa kongregasyong Kristiyano!

Gayunman, tayong lahat ay napapaharap sa mapanganib na panahon. Ang mahinang kalusugan, mga problema sa pamilya, mababang sahod, o iba pang bagay ay maaaring magdulot sa atin ng kirot. Baka hindi natin alam kung paano haharapin ang isang pagsubok. Ang tumitinding mga panggigipit ay tuwiran o di-tuwirang likha ng balakyot na tagapag-akusa, si Satanas na Diyablo, na nagtataguyod ng espirituwal na pakikidigma laban sa bayan ng Diyos. Gayunman, may isa na nakauunawa sa atin at tumutulong sa atin na mapanatili ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova. Siya ay walang iba kundi si Jesu-Kristo na nasa kaniyang itinaas na posisyon sa langit. Mababasa natin: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan. Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”​—Hebreo 4:15, 16.

Tunay ngang nakapagpapatibay na malaman na hindi tayo kailangang maging tanyag o mayaman upang matamasa ang paglingap ng Diyos! Kahit ikaw ay nasa kapighatian, tularan mo ang salmista na nanalangin: “Ako ay napipighati at dukha. Pinahahalagahan ako ni Jehova. Ikaw ang tulong sa akin at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas.” (Awit 31:9-14; 40:17) Makatitiyak ka na iniibig ni Jehova ang mapagpakumbaba at ordinaryong mga tao. Tunay nga, ‘maihahagis natin sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa atin.’​—1 Pedro 5:7.

[Talababa]

^ par. 10 Binago ang ilang pangalan.

[Mga larawan sa pahina 29]

Marami sa mga tagasunod ni Jesus ay walang pinag-aralan at pangkaraniwan

[Larawan sa pahina 30]

Nagsisikap ang mga Kristiyano na magkaroon ng matibay na pananampalataya

[Mga larawan sa pahina 31]

Hindi tayo kailangang maging prominente para matamasa ang paglingap ng Diyos