Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Nasagot ang mga Tanong ng Ilan

Kung Paano Nasagot ang mga Tanong ng Ilan

Kung Paano Nasagot ang mga Tanong ng Ilan

MILYUN-MILYONG tao ang nananalangin. Kumbinsido ang ilan na sinasagot ang kanilang mga panalangin. Nag-iisip naman ang iba kung pinakikinggan nga ba talaga ang kanilang mga panalangin. Ang iba ay naghahanap ng mga sagot ngunit hindi nila naiisip iharap ang kanilang mga hiling sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos.

Ipinakikilala ng Bibliya ang tunay na Diyos bilang ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kapag nananalangin ka, nakatitiyak ka bang iniuukol mo ang iyong mga panalangin sa tunay na Diyos? Ang iyo bang mga panalangin ay yaong uri na sasagutin niya?

Para sa maraming tao mula sa lahat ng bahagi ng lupa, ang sagot ay napatunayang oo! Paano nasagot ang mga tanong nila? Ano ang natutuhan nila?

Ang Diyos​—Sino Siya?

Isang guro sa Portugal na naturuan ng mga madre at mga pari ang taimtim na nagsasagawa ng kaniyang pananampalataya. Nang baguhin at talikdan ng simbahan ang mga gawaing inakala niyang mahalaga, siya ay nalito. Sa kaniyang paglalakbay ay naging pamilyar siya sa mga paraan ng pagsamba sa Silangan, at nagsimula siyang mag-isip kung mayroon ba talagang iisang tunay na Diyos. Paano ba siya dapat sumamba? Nang tanungin niya ang pari nila hinggil sa mga bagay sa Bibliya, ipinagwalang-bahala nito ang kaniyang mga tanong at nadismaya siya rito.

Namahagi sa lunsod na kinaroroonan ng gurong ito ang simbahang Katoliko ng isang pamplet na nagbababala sa mga nagsisimba rito na huwag makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit nananatili pa rin sa kaniyang isipan ang kaniyang mga tanong. Isang araw, nang dumalaw sa kaniya ang mga Saksi, nakinig siya at nagpakita ng interes sa kaniyang napakinggan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakipag-usap siya sa kanila.

Upang masagot ang marami niyang tanong, ang babaing ito ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Linggu-linggo, may mahaba siyang listahan ng mga tanong na ihaharap sa kanila. Nais niyang malaman ang pangalan ng Diyos, kung iisa lamang ba ang tunay na Diyos, kung sinasang-ayunan ba niya ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba, at marami pang iba. Napansin niya na ang lahat ng kaniyang natanggap na sagot ay mula sa Bibliya at hindi personal na mga opinyon, kaya nagulat at nalugod siya sa kaniyang natututuhan. Unti-unti, nasagot ang marami niyang tanong. Sa ngayon, sumasamba na siya kay Jehova sa espiritu at katotohanan, gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo na gagawin ng “mga tunay na mananamba.”​—Juan 4:23.

Sa Sri Lanka, regular at sama-samang binabasa ng isang pamilya ang Bibliya, ngunit hindi nasasagot ang maraming tanong na mahalaga sa kanila. Bagaman kailangan nila ang tulong, hindi ito maibigay ng kanilang pari. Gayunman, dumalaw ang mga Saksi ni Jehova at nag-iwan sa pamilya ng nakatutulong na literatura. Nang maglaon, nang makapagbigay ng kasiya-siyang mga sagot sa kanilang mga tanong sa Bibliya ang mga Saksi ni Jehova, pumayag na silang mag-aral ng Bibliya. Lubha silang naging interesado sa kanilang natututuhan sa mga pag-aaral na ito.

Gayunman, dahil sa pagdodoktrina ng simbahan mula sa kaniyang pagkabata, hindi matanggap ng asawang babae na ang Ama ni Jesu-Kristo ang “tanging tunay na Diyos,” gaya mismo ng sinabi ni Jesus. (Juan 17:1, 3) Itinuro sa kaniya na si Jesus ay kapantay ng Ama at na ang “misteryong” ito ay hindi dapat kuwestiyunin. Sa taimtim at desperadong paraan, nanalangin siya kay Jehova, na ginagamit ang Kaniyang pangalan, at hiniling sa Kaniya na ipakita kung sino si Jesus. Pagkatapos ay muli niyang sinuri nang maingat ang kaugnay na mga teksto. (Juan 14:28; 17:21; 1 Corinto 8:5, 6) Waring nabuksan ang kaniyang mga mata nang malinaw niyang makita na si Jehova​—ang Maylalang ng langit at lupa, at Ama ni Jesu-Kristo​—ang tunay na Diyos.​—Isaias 42:8; Jeremias 10:10-12.

Pagdurusa​—Bakit?

Labis-labis na nagdusa ang lalaking si Job. Lahat ng kaniyang anak ay namatay sa isang bagyo, at naging mahirap siya. Dinanas din niya ang isang makirot na karamdaman at binatá ang panggigipit ng huwad na mga kaibigan. Sa gitna ng lahat ng ito, paminsan-minsan ay nagsalita si Job nang padalus-dalos. (Job 6:3) Ngunit isinaalang-alang ng Diyos ang mga kalagayan. (Job 35:15) Alam niya kung ano ang nasa puso ni Job at naglaan siya ng payo na kinakailangan ni Job. Ginagawa rin niya iyan sa mga tao sa ngayon.

Sa Mozambique, sampung taóng gulang lamang si Castro nang mamatay ang kaniyang ina. Lungkot na lungkot siya. “Bakit pa siya kailangang mamatay at iwan kami?” ang tanong niya. Bagaman pinalaki siya ng mga magulang na may takot sa Diyos, litung-lito siya. Ano ang makapagbibigay-kasiyahan sa kaniyang isip at puso? Nakasumpong siya ng kaaliwan nang kaniyang basahin ang isang maliit na Bibliyang Chichewa at ipakipag-usap ito sa mga kuya niya.

Unti-unti, naunawaan ni Castro na namatay ang kaniyang ina, hindi dahil sa kawalang-katarungan ng Diyos, kundi dahil sa minanang di-kasakdalan. (Roma 5:12; 6:23) Ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli ay nagbigay sa kaniya ng pinakamalaking kaaliwan dahil nakita niya rito ang saligan upang magtiwala na makikita niyang muli ang kaniyang ina. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Nakalulungkot, pagkalipas lamang ng apat na taon, namatay ang kaniyang ama. Ngunit sa pagkakataong ito, mas nakayanan ni Castro ang kawalan na ito. Sa ngayon, iniibig niya si Jehova at matapat na ginagamit ang kaniyang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Nakikita ng lahat ng nakakakilala sa kaniya ang kagalakang nasumpungan niya.

Maraming tao na namatayan ng mga minamahal ang nakasusumpong ng kaaliwan sa mga katotohanan ding iyon sa Bibliya na nakaaliw kay Castro. Itinatanong ng ilang nakaranas ng matinding paghihirap dahil sa kagagawan ng mga taong balakyot ang gaya ng itinanong ni Job: “Bakit nga ba patuloy na nabubuhay ang mga balakyot?” (Job 21:7) Kung talagang makikinig ang mga tao sa sagot ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, matututuhan nila na ang paraan ng paghawak ng Diyos sa mga bagay-bagay ay talagang para sa kanilang ikabubuti.​—2 Pedro 3:9.

Hindi personal na naranasan ni Barbara, na pinalaki sa Estados Unidos, ang kahila-hilakbot na mga bagay na dulot ng digmaan. Ngunit lumaki siya nang ang buong daigdig ay nasa digmaan. Araw-araw ay nasa pahayagan ang mga kalupitan ng digmaan. Noong pumapasok pa siya sa paaralan, naguguluhan siya sa mga kaganapan sa kasaysayan na nangyayari sa mga paraang waring di-mahuhulaan. Ano ang dahilan nito? May pakialam ba ang Diyos sa nangyayari? Naniniwala siya na umiiral ang Diyos, ngunit nagkakasalungatan ang damdamin niya hinggil sa Kaniya.

Gayunman, unti-unting nagbago ang pananaw ni Barbara sa buhay bunga ng pakikisama niya sa mga Saksi ni Jehova. Nakinig siya at nakipag-aral ng Bibliya sa kanila. Dumalo siya sa mga pulong sa Kingdom Hall. Dumalo pa nga siya sa isa sa kanilang malalaking kombensiyon. Karagdagan pa, nang magbangon siya ng mga tanong, napansin niya na hindi magkakaiba ang mga sagot ng iba’t ibang Saksi. Sa halip, ang mga Saksi ay nagsasalita nang may pagkakaisa sapagkat ang kanilang pag-iisip ay nakasalig sa Bibliya.

Binanggit ng mga Saksi ang patotoo mula sa Bibliya na ang sanlibutan ay naiimpluwensiyahan ni Satanas na Diyablo, ang tagapamahala nito, at na ipinakikita ng sanlibutan ang kaniyang espiritu. (Juan 14:30; 2 Corinto 4:4; Efeso 2:1-3; 1 Juan 5:19) Ipinaliwanag nila na ang mga pangyayaring nakalilito kay Barbara ay inihula sa Bibliya. (Daniel, kabanata 2, 7, at 8) Inihula ng Diyos ang mga iyon dahil may kakayahan siyang malaman ang hinaharap kapag nais niyang gawin ito. Pinangyari ng Diyos ang ilan sa mga kaganapang iyon. Ang iba naman ay pinahintulutan lamang niyang mangyari. Ipinakita ng mga Saksi kay Barbara na inihula rin ng Bibliya ang mabubuti at masasamang pangyayari sa ating panahon at ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng mga pangyayari. (Mateo 24:3-14) Ipinakita nila sa kaniya ang mga pangako ng Bibliya hinggil sa isang bagong sanlibutan kung saan mananaig ang katuwiran at mawawala na ang pagdurusa.​—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.

Unti-unting naunawaan ni Barbara na bagaman hindi ang Diyos na Jehova ang may pananagutan sa pagdurusa ng tao, hindi Niya ito pinipigilan sa pamamagitan ng pamimilit sa mga tao na sundin ang Kaniyang mga utos kapag hindi nila gustong gawin iyon. (Deuteronomio 30:19, 20) Gumawa ang Diyos ng mga paglalaan na sa pamamagitan nito ay maaari tayong mabuhay magpakailanman sa kaligayahan, ngunit binibigyan niya tayo ng pagkakataon ngayon na ipakita kung mamumuhay nga tayo na kasuwato ng kaniyang matuwid na mga daan. (Apocalipsis 14:6, 7) Nagpasiya si Barbara na pag-aralan ang mga kahilingan ng Diyos at mamuhay ayon dito. Nasumpungan din niya sa mga Saksi ni Jehova ang uri ng pag-ibig na sinabi ni Jesus na siyang pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga tagasunod.​—Juan 13:34, 35.

Makikinabang ka rin sa mga paglalaang ito na nakatulong kay Barbara.

Ang Buhay na May Kabuluhan

Maging ang mga taong waring may kasiya-siyang buhay ay maaaring naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na nakalilito sa kanila. Halimbawa, mula pa noon ay taimtim nang hinahangad ni Matthew, isang kabataang lalaki sa Britanya, na masumpungan ang tunay na Diyos at ang layunin ng buhay. Namatay ang ama ni Matthew nang siya ay 17 taóng gulang. Pagkatapos nito, nagtamo si Matthew ng isang university degree sa musika. Saka niya unti-unting natanto ang kawalang-kabuluhan ng kaniyang materyalistikong paraan ng pamumuhay. Iniwan niya ang kaniyang tahanan upang manirahan sa London, at doon ay nasangkot siya sa droga, mga night club, astrolohiya, espiritismo, at Zen Buddhism at iba pang mga pilosopiya​—lahat ng ito ay dahil sa paghahanap ng isang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Desperado siyang tumawag sa Diyos upang tulungan siyang masumpungan ang katotohanan.

Pagkalipas ng dalawang araw, nakita ni Matthew ang isang dating kaibigan at ipinaliwanag niya ang kaniyang magulong kalagayan. Ang lalaking ito ay nakipag-aral noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang ipakita kay Matthew ang 2 Timoteo 3:1-5, namangha siya kung paano tumpak na inilarawan ng Bibliya ang sanlibutan sa palibot natin. Nang mabasa niya ang Sermon sa Bundok, naantig ang kaniyang puso. (Mateo, kabanata 5-7) Noong una, nag-atubili siya dahil may nabasa siyang ilang babasahin na namimintas sa mga Saksi ni Jehova, ngunit sa wakas ay nagpasiya siyang dumalo sa mga pulong sa isang malapit na Kingdom Hall.

Nasiyahan si Matthew sa kaniyang napakinggan at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa isa sa matatanda sa kongregasyon. Di-nagtagal, natanto niya na ang kaniyang natututuhan ay ang matagal na niyang hinahanap, ang sagot sa kaniyang naunang panalangin sa Diyos. Nagtamasa siya ng mga kapakinabangan nang talikdan niya ang mga gawaing hindi nakalulugod kay Jehova. Habang nililinang niya ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos, napakilos siyang iayon ang kaniyang buhay sa mga utos ng Diyos. Natutuhan ni Matthew na ang gayong buhay ay tunay na makabuluhan.​—Eclesiastes 12:13.

Hindi itinadhanang makita ni Matthew o ng iba pang binanggit sa artikulong ito ang isang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Magkagayunman, natutuhan nila na ang Diyos na Jehova ay may maibiging layunin na sumasaklaw sa lahat ng nalulugod na sumunod sa kaniyang mga utos. (Gawa 10:34, 35) Kasama sa layuning iyan ang walang-hanggang buhay sa isang daigdig na wala nang digmaan, sakit, at gutom​—maging kamatayan. (Isaias 2:4; 25:6-8; 33:24; Juan 3:16) Iyan ba ang gusto mo? Kung oo, marami ka pang matututuhan hinggil sa paghahanap sa susi ng isang kasiya-siyang buhay sa pamamagitan ng pagdalo sa salig-Bibliyang mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Malugod kang inaanyayahan na gawin ito.

[Larawan sa pahina 7]

Marubdob na manalangin sa Diyos, na ginagamit ang kaniyang personal na pangalan

[Larawan sa pahina 7]

Makipag-aral ng Bibliya sa mga tunay na nagtuturo ng nilalaman nito

[Mga larawan sa pahina 7]

Dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Taong naglalakad: Chad Ehlers/Index Stock Photography