Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kung ang isang Kristiyano ay nakaririnig ng mga tinig, palagi ba itong nangangahulugan na siya’y sinasalakay ng demonyo?
Hindi naman. Bagaman iniulat na ganito nga ang ginagawa ng mga demonyo, nabatid ng maraming indibiduwal na nakaririnig ng mga tinig o nakararanas ng ibang di-maipaliwanag at nakababahalang pakiramdam na sila pala’y may pisikal na karamdaman.
Kahit noong unang siglo, maliwanag na alam nilang nagkakapareho kung minsan ang epekto ng mga pagsalakay ng demonyo at ng mga kondisyon ng kalusugan. Sa Mateo 17:14-18, mababasa natin ang tungkol sa isang batang lalaki na pinagaling ni Jesus. Bagaman nakita sa batang lalaki ang mga sintomas ng malubhang epilepsiya, ang kaniyang karamdaman ay aktuwal na kagagawan ng isang demonyo. Gayunman, sa isang pagkakataon bago nito nang dalhin kay Jesus ang pulutong ng mga taong may karamdaman para pagalingin, kabilang sa mga ito ang ilang “inaalihan ng demonyo at epileptiko.” (Mateo 4:24) Malamang na alam nila noon na ang ilang epileptiko ay hindi inaalihan ng demonyo. Sila’y may pisikal na karamdaman.
Iniulat na ang ilang may schizophrenia, isang sakit na karaniwan nang nagagamot, ay nakaririnig ng mga tinig o nakararanas ng iba pang mga sintomas na sa tingin ay parang mahiwaga. * May iba pang mga kondisyon sa pisikal na maaari ring maging dahilan ng pagkalito ng isip na posibleng ipagkamali ng ilan na kagagawan ng mga demonyo. Kaya bagaman hindi isinasaisantabi ng isang indibiduwal na nagsasabing nakaririnig ng mga tinig o may kakaibang pakiramdam ang hinggil sa pagsalakay ng demonyo, dapat siyang himukin na suriin muna kung isang pisikal na karamdaman ang kaniyang nararanasan.
[Talababa]
^ par. 5 Tingnan ang “Paglutas sa Hiwaga ng Sakit sa Isip,” sa Pebrero 8, 1987, Gumising!, kasamang magasin ng Ang Bantayan.