Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napapansin ba ni Jehova ang Iyong Ginagawa?

Napapansin ba ni Jehova ang Iyong Ginagawa?

Napapansin ba ni Jehova ang Iyong Ginagawa?

PAANO mo sasagutin ang tanong na iyan? Marami ang magsasabi: ‘Naniniwala akong napansin ng Diyos ang mga nagawa ng mga lalaking gaya nina Moises, Gideon, at David, pero ewan ko kung interesado rin siya sa anumang bagay na magagawa ko. Hindi naman siyempre ako gaya nina Moises, Gideon, o David.’

Totoo naman na may ilang tapat na lalaki noong panahon ng Bibliya na nakagawa ng pambihirang mga gawa ng pananampalataya. Sila’y ‘lumupig ng mga kaharian, nagtikom ng mga bibig ng mga leon, nagpatigil ng puwersa ng apoy, at tumakas sa talim ng tabak.’ (Hebreo 11:33, 34) Gayunman, ang iba naman ay nagpamalas ng kanilang pananampalataya sa di-gaanong kagila-gilalas na paraan, at tinitiyak sa atin ng Bibliya na napansin din ng Diyos ang kanilang mga gawa ng pananampalataya. Upang ilarawan ito, isaalang-alang ang maka-Kasulatang mga halimbawa ng isang pastol, isang propeta, at isang babaing balo.

Naghandog ng Hain ang Isang Pastol

Ano ang naaalaala mo tungkol kay Abel, ang pangalawang anak nina Adan at Eva? Maaalaala mong siya’y namatay na isang martir, isang bagay na iilan lamang sa atin ang malamang na makaranas. Pero napansin na ng Diyos si Abel sa ibang dahilan.

Isang araw, kumuha si Abel ng pinakapiling mga hayop sa kaniyang kawan at naghandog ng isang hain sa Diyos. Masasabing simple lamang sa ngayon ang kaniyang regalo, subalit napansin ito ni Jehova at nagpahayag ng kaniyang pagsang-ayon. Pero, hindi lamang iyan. Pagkaraan ng halos apat na libong taon, kinasihan ni Jehova si apostol Pablo na isulat ang tungkol dito sa aklat ng Hebreo. Kahit lumipas na ang maraming taon, hindi pa rin nalilimutan ng Diyos ang simpleng haing iyon!​—Hebreo 6:10; 11:4.

Paano nagpasiya si Abel sa uri ng hain na ihahandog niya? Walang sinasabi ang Bibliya, subalit tiyak na pinag-isipan niyang mabuti ang bagay na ito. Isa siyang pastol, kaya inaasahang ihahandog niya ang ilang hayop sa kaniyang kawan. Gayunman, pansinin na ibinigay niya ang pinakapili​—ang “matatabang bahagi.” (Genesis 4:4) Posible rin na pinag-isipan niyang mabuti ang mga salita ni Jehova sa serpiyente sa hardin ng Eden: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15; Apocalipsis 12:9) Bagaman hindi niya nauunawaan kung sino ang “babae” at ang kaniyang “binhi,” maaaring napagtanto ni Abel na ang ‘pagsugat sa sakong’ ng binhi ng babae ay mangangahulugan ng pagbububo ng dugo. Tiyak na napagtanto niyang wala nang higit pang mahalaga kaysa sa isang buháy at humihingang nilalang. Anuman ang pangyayari, talagang naaangkop lamang ang haing inihandog niya.

Gaya ni Abel, ang mga Kristiyano sa ngayon ay naghahandog ng mga hain sa Diyos. Naghahandog sila, hindi ng mga panganay sa kawan, kundi ng isang ‘hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa pangalan ng Diyos.’ (Hebreo 13:15) Gumagawa ang ating mga labi ng pangmadlang pagpapahayag kapag ibinabahagi natin ang ating pananampalataya sa iba.

Gusto mo bang mapasulong ang kalidad ng iyong hain? Kung gayon ay pag-isipang mabuti ang mga pangangailangan ng mga tao sa inyong teritoryo. Ano ba ang mga ikinababahala nila? Ang mga interes nila? Anong mga aspekto ng mensahe sa Bibliya ang magugustuhan nila? Sa bawat pangangaral mo, suriin ang iyong ginawang mga pagdalaw sa layuning mapasulong pa ang iyong pagiging mabisa. At kapag ipinakikipag-usap mo ang tungkol kay Jehova, gawin mo ito nang may pananalig, mula sa puso. Gawin mong isang tunay na “hain ng papuri” ang iyong hain.

Nangaral ang Isang Propeta sa mga Taong Ayaw Tumanggap

Isaalang-alang naman natin ang propetang si Enoc. Marahil, siya lamang ang kaisa-isang saksi ng Diyos na Jehova noon. Ikaw ba lamang, gaya ni Enoc, ang tanging miyembro ng inyong pamilya na tapat na naglilingkod kay Jehova? Ikaw ba lamang ang tanging estudyante sa inyong klase o tanging manggagawa sa inyong pinagtatrabahuhan na nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya? Kung gayon, baka mapaharap ka sa mga panggigipit. Baka udyukan ka ng iyong mga kaibigan, mga kamag-anak, mga kaklase, o mga kamanggagawa na labagin ang mga kautusan ng Diyos. “Wala namang makaaalam ng ginawa mo,” baka sabihin nila. “Hindi ka namin isusumbong.” Baka igiit nilang kahangalan lamang ang mabahala sa moral na mga pamantayan ng Bibliya dahil wala namang pakialam ang Diyos sa ginagawa mo. Dahil sa ikinaiinis nila ang pagiging iba ng iyong pag-iisip at pagkilos kaysa sa kanila, baka gawin nila ang lahat ng kanilang magagawa para pahinain ang iyong katatagan.

Totoo, hindi madaling tiisin ang gayong panggigipit, subalit hindi naman ito imposible. Alalahanin si Enoc, ang ikapitong lalaki sa linya mula kay Adan. (Judas 14) Nang panahong isilang si Enoc, karamihan sa mga tao ay nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral. Ang pananalita nila ay kahiya-hiya; ang paggawi nila ay “nakapangingilabot.” (Judas 15) Ang mga kilos nila’y katulad na katulad niyaong sa maraming tao sa ngayon.

Paano ito nakayanan ni Enoc? Interesado tayong malaman ang sagot na iyan sa ngayon. Bagaman maaaring si Enoc lamang noon ang tanging taong sumasamba kay Jehova, hindi naman talaga siya nag-iisa. Si Enoc ay lumakad na kasama ng Diyos.​—Genesis 5:22.

Ang buhay ni Enoc ay nakatuon sa pagpapalugod sa Diyos. Alam niyang ang paglakad na kasama ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan ng pamumuhay nang malinis sa moral. Inaasahan ni Jehova na siya’y mangangaral. (Judas 14, 15) Kailangang babalaan ang mga tao na ang kanilang di-makadiyos na mga gawa ay hindi nalilingid. Nagpatuloy si Enoc sa paglakad na kasama ng Diyos sa loob ng mahigit na 300 taon​—di-hamak na mas matagal kaysa sa tinitiis ng sinuman sa atin. Hanggang sa kaniyang kamatayan, nagpatuloy siya sa paglakad na kasama ng Diyos.​—Genesis 5:23, 24.

Gaya ni Enoc, tayo rin ay inatasang mangaral. (Mateo 24:14) Bukod pa sa pangangaral sa bahay-bahay, sinisikap nating mapaabutan ng mabuting balita ang ating mga kamag-anak, mga kakilala sa negosyo, at mga kaklase. Pero kung minsan, baka mag-atubili tayong magsalita. Ganoon ka ba? Huwag kang mawalan ng pag-asa. Tularan ang unang mga Kristiyano, at manalangin sa Diyos para sa katapangan. (Gawa 4:29) Huwag mong kalilimutan kailanman na habang lumalakad kang kasama ng Diyos, hinding-hindi ka nag-iisa.

Naghanda ng Pagkain ang Isang Babaing Balo

Akalain mo, isang babaing balo na di-binanggit ang pangalan ang tumanggap ng dalawang pagpapala dahil sa paghahanda ng simpleng pagkain! Hindi siya isang Israelita kundi isang banyagang nabuhay noong ikasampung siglo B.C.E. sa bayan ng Zarepat. Sa pagtatapos ng isang mahabang panahon ng tagtuyot at taggutom, ang suplay ng pagkain ng babaing balo ay halos paubos na. Ang natitira na lamang ay sandakot na harina at sapat na langis na mailuluto bilang huling pagkain nilang mag-ina.

Sa pagkakataong ito, dumating ang isang panauhin. Iyon ay ang propeta ng Diyos na si Elias, na gustong makisalo sa kakaunting pagkain ng babaing balo. Halos kulang pa ito sa kanilang mag-ina, at talaga namang wala na siyang maibibigay sa panauhin. Subalit tiniyak sa kaniya ni Elias, sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na kung bibigyan niya ang propeta ng pagkain, siya at ang kaniyang anak na lalaki ay hindi magugutom. Kailangan ang pananampalataya upang maniwalang ang Diyos ng Israel ay makapapansin sa kaniya, isang banyagang babaing balo. Pero, naniwala siya kay Elias, at ginantimpalaan naman siya ni Jehova. “Ang malaking banga ng harina ay hindi naubusan, at ang maliit na banga ng langis ay hindi kinapos, ayon sa salita ni Jehova na sinalita niya sa pamamagitan ni Elias.” Ang mag-ina ay nagkaroon ng regular na suplay ng pagkain hanggang sa matapos ang taggutom.​—1 Hari 17:8-16.

Gayunman, isa pang pagpapala ang naghihintay sa babaing balo. Mga ilang panahon matapos ang himalang iyon, nagkasakit ang kaniyang anak at namatay. Dahil sa awa, nakiusap si Elias kay Jehova na buhaying muli ang batang lalaki. (1 Hari 17:17-24) Mangangahulugan iyan ng isang himalang hindi pa nangyayari kailanman. Wala pang sinumang napaulat na binuhay muli! Kaaawaan kayang muli ni Jehova ang banyagang babaing balong ito? Oo. Binigyang-kapangyarihan ni Jehova si Elias na buhaying muli ang batang lalaki. Pagkaraan ay sinabi ni Jesus tungkol sa pinagpalang babaing ito: ‘Maraming babaing balo sa Israel. Gayunman, isinugo si Elias sa Zarepat sa lupain ng Sidon sa isang babaing balo.’​—Lucas 4:25, 26.

Napakabuway ng kalagayan ng ekonomiya sa ngayon, kahit na sa industriyalisadong mga lupain. Ang ilang malalaking korporasyon ay nagtatanggalan ng mga empleado na ilang dekada nang matapat na nagtatrabaho. Dahil sa panganib na mawalan ng trabaho, ang isang Kristiyano ay baka matuksong gumugol ng sobra-sobrang panahon sa pagtatrabaho, sa pag-asang hindi siya tatanggalin ng kanilang kompanya. Sa paggawa nito ay baka kaunting panahon na lamang ang matira sa kaniya para makadalo sa mga pulong Kristiyano, makibahagi sa ministeryo sa larangan, o mag-asikaso sa emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Gayunman, iniisip pa rin niyang hindi dapat mawala ang trabahong iyon anuman ang mangyari.

Ang isang Kristiyanong nagigipit sa kabuhayan ay may katuwirang mabahala. Mahirap makahanap ng trabaho sa mga panahong ito. Karamihan sa atin ay hindi naman nagsusumikap na yumaman, kundi gaya ng babaing balo ng Zarepat, gusto lamang nating may makain. Gayunman, pinaaalalahanan tayo ni apostol Pablo na sinabi ng Diyos: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” May-pagtitiwala nating masasabi: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” (Hebreo 13:5, 6) Itinaya ni Pablo ang kaniya mismong buhay sa pangakong iyan, at palagi naman siyang pinangangalagaan ni Jehova. Gayundin ang gagawin ng Diyos sa atin kung hindi natin siya tatalikuran.

Baka mag-isip tayo na hindi natin kailanman matutularan ang dakilang mga gawa ng espirituwal na mga indibiduwal na gaya nina Moises, Gideon, at David, subalit matutularan naman natin ang kanilang pananampalataya. At maaalaala natin ang simpleng mga gawa ng pananampalataya nina Abel, Enoc, at ng babaing balo ng Zarepat. Si Jehova ay interesado sa lahat ng mga gawa ng pananampalataya​—kahit maliliit ang mga ito. Kapag ang isang may-takot sa Diyos na estudyante ay ayaw tumanggap ng droga mula sa isang kasamahan, kapag ang isang manggagawang Kristiyano ay tumatanggi sa imoral na mga pahiwatig sa kaniyang pinagtatrabahuhan, o kapag ang isang may-edad nang Saksi ay hindi lumiliban sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon sa kabila ng pagod at mahinang kalusugan, nakikita ito ni Jehova. At masaya siya rito!​—Kawikaan 27:11.

Napapansin Mo ba ang Ginagawa ng Iba?

Oo, napapansin ni Jehova ang ating ginagawa. Kaya naman, bilang mga tagatulad sa Diyos, dapat tayong maging alisto na magpahalaga sa mga pagsisikap ng iba. (Efeso 5:1) Bakit hindi tingnang mabuti ang mga hamong kinakaharap ng iyong kapuwa mga Kristiyano para makadalo sa mga pulong sa kongregasyon, para makibahagi sa ministeryo sa larangan, para magawa pa nga ang kanilang araw-araw na mga gawain sa buhay?

Pagkatapos, ipabatid sa iyong kapuwa mananamba ni Jehova na pinahahalagahan mo ang kanilang mga pagsisikap. Matutuwa sila na napapansin mo pala sila, at ang pagmamalasakit mo ay maaaring magsilbing katiyakan na napapansin din sila ni Jehova.