Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Masusumpungan ang Tunay na Kaaliwan?

Saan Masusumpungan ang Tunay na Kaaliwan?

Saan Masusumpungan ang Tunay na Kaaliwan?

“Ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo . . . [ay] umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.”​—2 CORINTO 1:3, 4.

1. Anong mga kalagayan ang maaaring maging dahilan upang madama ng mga tao ang malaking pangangailangan sa kaaliwan?

MAAARING madama ng isang tao na wasak na ang kaniyang buhay dahil sa isang nakalulumpong sakit. Nadarama ng mga tao ang paghihikahos dahil sa mga lindol, bagyo, at taggutom. Ang digmaan ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng mga miyembro ng pamilya, pagkasira ng mga tahanan, o sapilitang pag-iwan ng mga may-ari sa kanilang mga tirahan. Dahil sa kawalang-katarungan, maaaring madama ng mga tao na wala na silang mapagkukunan pa ng kaginhawahan. Ang mga apektado ng gayong mga kaabahan ay lubhang nangangailangan ng kaaliwan. Saan kaya ito masusumpungan?

2. Bakit ang kaaliwang inilalaan ni Jehova ay hindi mapapantayan?

2 Ang ilang indibiduwal at mga organisasyon ay nagsisikap na maglaan ng kaaliwan. Ang mababait na salita ay pinahahalagahan. Ang mga pagsisikap na magbigay ng pisikal na tulong ay nakatutugon sa panandaliang mga pangangailangan. Subalit si Jehova lamang, ang tunay na Diyos, ang makapag-aalis ng lahat ng pinsala at makapaglalaan ng uri ng tulong na kinakailangan upang ang gayong kalamidad ay hindi na muling mangyari pa. Tungkol sa kaniya, ang Bibliya ay nagsasabi: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian, upang maaliw namin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa amin ng Diyos.” (2 Corinto 1:3, 4) Paano ba tayo inaaliw ni Jehova?

Pagtutuon ng Pansin sa Ugat ng mga Suliranin

3. Paanong ang kaaliwang ipinagkakaloob ng Diyos ay nagtutuon ng pansin sa ugat ng mga suliranin ng sangkatauhan?

3 Ang buong sangkatauhan ay nagmana ng di-kasakdalan dahil sa pagkakasala ni Adan, at nagdulot ito ng di-mabilang na suliranin na sa wakas ay humahantong sa kamatayan. (Roma 5:12) Ang situwasyon ay lalo pang pinalubha ng bagay na si Satanas na Diyablo “ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Hindi lamang nagpahayag si Jehova ng kalungkutan dahil sa malungkot na kalagayang napapaharap sa sangkatauhan. Isinugo Niya ang kaniyang bugtong na Anak bilang pantubos upang maglaan ng kaligtasan, at sinabi Niya na maaaring maalis sa atin ang mga epekto ng Adanikong kasalanan kung mananampalataya tayo sa Kaniyang Anak. (Juan 3:16; 1 Juan 4:10) Inihula rin ng Diyos na ang pupuksa kay Satanas at sa kaniyang buong balakyot na sistema ng mga bagay ay si Jesu-Kristo, ang binigyan ng lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa.​—Mateo 28:18; 1 Juan 3:8; Apocalipsis 6:2; 20:10.

4. (a) Ano ang inilaan ni Jehova upang mapatibay ang ating pagtitiwala sa kaniyang mga ipinangakong kaginhawahan? (b) Paano tayo tinutulungan ni Jehova na maunawaan kung kailan darating ang kaginhawahan?

4 Upang mapatibay ang ating pagtitiwala sa kaniyang mga pangako, itinala ng Diyos ang saganang ebidensiya na anuman ang kaniyang ihula ay mangyayari. (Josue 23:14) Inilakip niya sa Bibliya ang isang ulat hinggil sa ginawa niya upang iligtas ang kaniyang mga lingkod sa harap ng mga kalagayan na waring imposible para sa mga tao. (Exodo 14:4-31; 2 Hari 18:13–19:37) At sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ipinakita ni Jehova na kabilang sa kaniyang layunin ang pagpapagaling ng “bawat uri ng kapansanan” ng mga tao, kahit na nga ang pagbuhay-muli ng mga patay. (Mateo 9:35; 11:3-6) Kailan mangyayari ang lahat ng ito? Bilang sagot, ang Bibliya ay naglalaman ng paglalarawan ng mga huling araw ng matandang sistemang ito, na magaganap muna bago ang mga bagong langit at bagong lupa ng Diyos. Ang paglalarawan ni Jesus ay katugma ng mga panahong kinabubuhayan natin sa ngayon.​—Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5.

Kaaliwan Para sa Isang Bayang Nasa Kabagabagan

5. Noong nagbibigay siya ng kaaliwan sa sinaunang Israel, sa ano inakay ni Jehova ang kanilang pansin?

5 Mula sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa sinaunang Israel, ating natutuhan kung paano siya nagdala ng kaaliwan sa kanila sa mga panahon ng kabagabagan. Ipinaalaala niya sa kanila kung anong uri siya ng Diyos. Ito ay nagpatibay sa kanilang pagtitiwala sa kaniyang mga pangako. Pinapangyari ni Jehova na gumamit ang kaniyang mga propeta ng malinaw na paghahambing sa pagitan niya, bilang ang tunay at nabubuhay na Diyos, at ng mga idolo, na hindi makatulong maging sa kanilang sarili ni sa kanilang mga mananamba. (Isaias 41:10; 46:1; Jeremias 10:2-15) Sa pagsasabi kay Isaias na, “Aliwin ninyo, aliwin ninyo ang aking bayan,” pinakilos ni Jehova ang kaniyang propeta na gumamit ng mga ilustrasyon at mga paglalarawan hinggil sa Kaniyang mga gawa ng paglalang upang idiin ang kadakilaan ni Jehova bilang ang tanging tunay na Diyos.​—Isaias 40:1-31.

6. Ano kung minsan ang mga pahiwatig na ibinibigay ni Jehova hinggil sa kung kailan nila mararanasan ang pagliligtas?

6 Kung minsan, si Jehova ay nagbibigay ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagtiyak sa panahon, malapit man o malayo, kung kailan ililigtas ang kaniyang bayan. Habang papalapit na ang pagliligtas mula sa Ehipto, sinabi niya sa inaaping mga Israelita: “Isa pang salot ang dadalhin ko kay Paraon at sa Ehipto. Pagkatapos niyaon ay payayaunin niya kayo mula rito.” (Exodo 11:1) Nang salakayin ng tatlong bansang magkakaalyado ang Juda noong panahon ni Haring Jehosapat, sinabi sa kanila ni Jehova na Siya ay makikialam alang-alang sa kanila “bukas.” (2 Cronica 20:1-4, 14-17) Sa kabilang panig naman, patiunang iniulat ni Isaias nang halos 200 taon ang pagliligtas sa kanila mula sa Babilonya, at ang karagdagang mga detalye ay inilaan sa pamamagitan ni Jeremias halos isang daang taon bago mangyari ang pagliligtas. Kaylaking pampatibay-loob ang mga hulang iyon para sa mga lingkod ng Diyos noong papalapit na ang panahon ng pagliligtas!​—Isaias 44:26–45:3; Jeremias 25:11-14.

7. Ano ang kadalasang kalakip sa mga pangako ng pagliligtas, at paano ito nakaapekto sa tapat na mga tao sa Israel?

7 Kapansin-pansin na ang mga pangakong nagdulot ng kaaliwan sa bayan ng Diyos ay kadalasang nagtataglay ng mga impormasyon hinggil sa Mesiyas. (Isaias 53:1-12) Sa sunud-sunod na salinlahi, ito ay nagdulot ng pag-asa sa tapat na mga tao habang napapaharap sila sa maraming pagsubok. Sa Lucas 2:25, ating mababasa: “Narito! may isang tao sa Jerusalem na nagngangalang Simeon, at ang taong ito ay matuwid at mapagpitagan, na naghihintay sa kaaliwan ng Israel [sa katunayan, ang pagdating ng Mesiyas], at ang banal na espiritu ay sumasakaniya.” Alam ni Simeon ang Mesiyanikong pag-asa na nakaulat sa Kasulatan, at ang paghihintay sa katuparan nito ang nakaimpluwensiya sa kaniyang buhay. Hindi niya alam kung paano matutupad ang lahat ng ito, at hindi siya mismo patuloy na nabuhay upang makita ang katuparan ng inihulang pagliligtas, subalit siya ay nagalak nang kaniyang makilala ang Isa na magiging ‘paraan ng pagliligtas’ ng Diyos.​—Lucas 2:30.

Ang Kaaliwan ay Inilaan sa Pamamagitan ni Kristo

8. Paano maihahambing ang tulong na ibinigay ni Jesus sa inaakala ng mga tao na kailangan nila?

8 Sa pagsasagawa ni Jesu-Kristo ng kaniyang makalupang ministeryo, hindi niya laging inilalaan ang tulong na inaakala ng mga tao na kailangan nila. Ang ilan ay nananabik sa isang Mesiyas na magpapalaya sa kanila mula sa kinasusuklamang pamatok ng Roma. Subalit hindi nagtaguyod si Jesus ng rebolusyon; sinabi niya sa kanila na “ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Mateo 22:21) Di-hamak na mas higit pa kaysa sa pagpapalaya lamang sa mga tao mula sa pamamahala ng isang rehimeng pulitikal ang kasangkot sa layunin ng Diyos. Nais ng mga tao na gawing hari si Jesus, subalit sinabi niya na ‘ibibigay niya ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28; Juan 6:15) Hindi pa panahon upang siya’y gawing hari, at ang awtoridad para siya’y mamahala ay ipagkakaloob pa sa kaniya ni Jehova, hindi ng walang-kasiyahang pulutong.

9. (a) Anong mensahe ng kaaliwan ang ipinahayag ni Jesus? (b) Paano ipinakita ni Jesus ang kaugnayan ng mensahe sa mga kalagayan na mismong napapaharap sa mga tao? (c) Inilatag ng ministeryo ni Jesus ang isang saligan para sa ano?

9 Ang kaaliwang dala ni Jesus ay nakapaloob sa “mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” Ito ang mensaheng ipinahayag ni Jesus saan man siya magtungo. (Lucas 4:43) Idiniin niya ang kaugnayan ng mensaheng iyon sa pang-araw-araw na mga suliranin ng tao sa pamamagitan ng pagtatanghal kung ano ang kaniyang gagawin para sa sangkatauhan bilang Mesiyanikong Tagapamahala. Binigyan niya ang nagdurusang mga indibiduwal ng panibagong dahilan upang mabuhay sa pamamagitan ng pagsasauli sa kanilang paningin at kakayahang magsalita (Mateo 12:22; Marcos 10:51, 52), pagpapagaling sa di-maigalaw na mga braso’t binti (Marcos 2:3-12), paglilinis sa karima-rimarim na mga sakit ng kapuwa mga Israelita (Lucas 5:12, 13), at pagpapaginhawa sa kanila mula sa iba pang malulubhang karamdaman. (Marcos 5:25-29) Siya ay nagdala ng malaking kaginhawahan sa namimighating mga miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kanilang mga anak mula sa kamatayan. (Lucas 7:11-15; 8:49-56) Ipinakita niya ang kaniyang kakayahang kumontrol sa mapanganib na mga bagyo at sapatan ang mga pangangailangan sa pagkain ng malalaking pulutong. (Marcos 4:37-41; 8:2-9) Bukod dito, itinuro sa kanila ni Jesus ang mga simulain ng pamumuhay na makatutulong sa kanila sa mabisang pagharap sa umiiral na mga suliranin at sa gayo’y mapuspos ng pag-asa ang kanilang puso para sa matuwid na pamamahala sa ilalim ng Mesiyas. Kaya habang isinasagawa ni Jesus ang kaniyang ministeryo, hindi lamang niya inaaliw ang mga nakikinig na may pananampalataya kundi inilalatag din niya ang saligan upang pasiglahin ang mga tao para sa dumarating na halos dalawang libong taon pa.

10. Ano ang naging posible dahil sa hain ni Jesus?

10 Mahigit na 60 taon matapos ihain ni Jesus ang kaniyang buhay-tao at mabuhay muli tungo sa makalangit na buhay, kinasihan si apostol Juan na sumulat: “Mumunti kong mga anak, isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. At gayunman, kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi lamang para sa atin kundi para rin naman sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:1, 2) Dahil sa mga kapakinabangang dulot ng sakdal na hain ni Jesus bilang tao, tayo ay lubhang naaaliw. Alam natin na maaari tayong magkaroon ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, ng isang mabuting budhi, ng isang sinang-ayunan kaugnayan sa Diyos, at ng pag-asa sa walang-hanggang buhay.​—Juan 14:6; Roma 6:23; Hebreo 9:24-28; 1 Pedro 3:21.

Ang Banal na Espiritu Bilang Mang-aaliw

11. Anong karagdagang probisyon ukol sa kaaliwan ang ipinangako ni Jesus bago siya mamatay?

11 Habang kasama ng kaniyang mga apostol noong huling gabi bago ang kaniyang kamatayan bilang hain, si Jesus ay bumanggit ng isa pang probisyon na ginawa ng kaniyang makalangit na Ama upang aliwin sila. Sinabi ni Jesus: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong [mang-aaliw; Griego, pa·raʹkle·tos] upang makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” Tiniyak sa kanila ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, . . . ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:16, 17, 26) Paano aktuwal na nagdulot sa kanila ng kaaliwan ang banal na espiritu?

12. Paanong ang papel ng banal na espiritu bilang tagapagpaalaala sa mga alagad ni Jesus ay nakatulong upang madulutan ng kaaliwan ang marami?

12 Ang mga apostol ay tumanggap ng puspusang pagtuturo ni Jesus. Tiyak na hindi nila kailanman malilimutan ang pangyayaring iyon, subalit matatandaan kaya nila ang kaniyang aktuwal na sinabi? Malilimutan kaya ang mahahalagang tagubilin dahil sa kanilang di-sakdal na memorya? Tiniyak sa kanila ni Jesus na ang banal na espiritu ang ‘magbabalik sa kanilang mga pag-iisip ng lahat ng bagay na sinabi niya sa kanila.’ Kaya, mga walong taon pagkamatay ni Jesus, naisulat ni Mateo ang kaniyang unang Ebanghelyo, na doo’y iniulat niya ang nakaaantig-pusong Sermon sa Bundok ni Jesus, ang marami niyang ilustrasyon hinggil sa Kaharian, at ang kaniyang detalyadong pagtalakay sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Pagkalipas ng mahigit na 50 taon, naisulat naman ni apostol Juan ang isang maaasahang ulat na punô ng maraming detalye hinggil sa huling mga araw ng buhay ni Jesus sa lupa. Tunay ngang nakapagpapatibay ang kinasihang mga rekord na ito hanggang sa ating panahon!

13. Paano nagsilbing guro sa unang mga Kristiyano ang banal na espiritu?

13 Bukod pa sa basta pagpapaalaala lamang sa kanila ng mga salita ni Jesus, ang banal na espiritu ay nagturo sa mga alagad at pumatnubay sa kanila tungo sa higit na kaunawaan sa layunin ng Diyos. Samantalang kasama pa ni Jesus ang kaniyang mga alagad, may mga bagay siyang sinabi sa kanila na hindi nila gaanong maunawaan. Gayunman, nang maglaon, dahil sa napakilos ng banal na espiritu, sina Juan, Pedro, Santiago, Judas, at Pablo ay sumulat ng mga paliwanag may kinalaman sa higit na mga kaganapan ng layunin ng Diyos. Kaya ang banal na espiritu ay nagsilbing isang guro, na nagbibigay ng mahalagang katiyakan sa patnubay ng Diyos.

14. Sa anu-anong paraan tumulong ang banal na espiritu sa bayan ni Jehova?

14 Ang makahimalang mga kaloob ng espiritu ay nakatulong din upang maliwanag na makita na ibinaling na ng Diyos ang kaniyang pabor mula sa likas na Israel tungo sa Kristiyanong kongregasyon. (Hebreo 2:4) Ang bunga ng espiritung iyon sa buhay ng mga indibiduwal ay mahalaga ring salik upang makilala yaong tunay na mga alagad ni Jesus. (Juan 13:35; Galacia 5:22-24) At pinalakas ng espiritu ang mga miyembro ng kongregasyong iyon upang maging mga saksing matatapang at walang takot.​—Gawa 4:31.

Tulong Kapag Nasa Ilalim ng Sukdulang Panggigipit

15. (a) Anu-anong panggigipit ang napaharap sa mga Kristiyano noon at sa kasalukuyan? (b) Bakit yaong mga nagbibigay ng pampatibay-loob ay nangangailangan din nito kung minsan?

15 Ang lahat ng mga deboto kay Jehova at matatapat sa kaniya ay nakararanas ng iba’t ibang uri ng pag-uusig. (2 Timoteo 3:12) Gayunman, maraming Kristiyano ang nakaranas na ng matinding panggigipit. Sa makabagong panahon, ang iba ay nililigalig ng mga mang-uumog at itinatapon sa mga kampong piitan, mga bilangguan, at mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa ilalim ng di-makataong mga kalagayan. Ang mga pamahalaan ang nagiging aktibong mga tagausig, o nagpapahintulot sa mga grupong tampalasan na manggulo nang hindi naman napaparusahan. Karagdagan pa, ang mga Kristiyano ay napapaharap sa malulubhang suliranin sa kalusugan o sa matitinding krisis sa pamilya. Maaari ring dumanas ng panggigipit ang isang may-gulang na Kristiyano na tumutulong sa mga kapananampalataya na harapin ang mahihirap na kalagayan. Sa gayong mga kalagayan, ang isa na nagbibigay ng pampatibay-loob ay maaari ring mangailangan nito.

16. Nang si David ay nasa ilalim ng matinding panggigipit, paano siya tumanggap ng tulong?

16 Nang hinahabol ni Haring Saul si David upang ito’y patayin, bumaling si David sa Diyos bilang kaniyang Katulong: “O Diyos, dinggin mo ang aking panalangin,” ang pagsusumamo niya. “Sa lilim ng iyong mga pakpak ay nanganganlong ako.” (Awit 54:2, 4; 57:1) Tumanggap ba ng tulong si David? Oo, tumanggap siya. Nang panahong iyon, ginamit ni Jehova si Gad na propeta at si Abiatar na saserdote upang pumatnubay kay David, at ginamit Niya si Jonatan na anak ni Saul upang palakasin ang kabataang ito. (1 Samuel 22:1, 5; 23:9-13, 16-18) Pinahintulutan din ni Jehova ang mga Filisteo na sumalakay sa lupain, anupat nailayo ang pansin ni Saul sa paghabol kay David.​—1 Samuel 23:27, 28.

17. Sa ilalim ng matinding panggigipit, saan bumaling si Jesus ukol sa tulong?

17 Si Jesu-Kristo mismo ay sumailalim sa matinding panggigipit habang nalalapit na ang katapusan ng kaniyang buhay sa lupa. Lubos niyang nababatid kung paanong ang kaniyang paggawi ay makaaapekto sa pangalan ng kaniyang makalangit na Ama at kung ano ang idudulot nito sa kinabukasan ng buong sangkatauhan. Siya ay marubdob na nanalangin hanggang sa “mapasamatinding paghihirap” pa nga. Tiniyak ng Diyos na si Jesus ay makatanggap ng alalay na kailangan niya sa mahirap na panahong iyon.​—Lucas 22:41-44.

18. Anong kaaliwan ang ibinigay ng Diyos sa unang mga Kristiyanong labis na pinag-usig?

18 Lubhang mabalasik ang pag-uusig sa mga Kristiyano matapos maitatag ang unang-siglong kongregasyon anupat ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat mula sa Jerusalem. Ang mga lalaki’t babae ay kinaladkad mula sa kanilang mga tahanan. Anong kaaliwan ang inilaan sa kanila ng Diyos? Ang katiyakan mula sa kaniyang Salita na sila ay mayroong “mas mabuti at namamalaging pag-aari,” isang walang-hanggang mana sa mga langit kasama ni Kristo. (Hebreo 10:34; Efeso 1:18-20) Habang sila’y patuloy na nangangaral, nakikita nila ang katunayan na sumasakanila ang espiritu ng Diyos, at ang kanilang mga karanasan ay nagbibigay sa kanila ng higit na dahilan upang magalak.​—Mateo 5:11, 12; Gawa 8:1-40.

19. Bagaman si Pablo ay dumanas ng matinding pag-uusig, ano ang nadama niya hinggil sa kaaliwang ibinibigay ng Diyos?

19 Sa dakong huli, si Saul (Pablo), na dating isang marahas na mang-uusig mismo, ay naging tudlaan ng pag-uusig dahil sa pagiging Kristiyano niya. Sa pulo ng Ciprus, may isang manggagaway na nagsikap na hadlangan ang ministeryo ni Pablo sa pamamagitan ng paggamit ng pandaraya at pagpilipit. Sa Galacia, si Pablo ay binato at iniwan sa pag-aakalang patay na siya. (Gawa 13:8-10; 14:19) Sa Macedonia ay hinampas naman siya ng mga pamalo. (Gawa 16:22, 23) Pagkatapos ng marahas na pang-uumog sa Efeso, sumulat siya: “Kami ay napasailalim ng sukdulang panggigipit na higit sa aming lakas, anupat lubha kaming walang katiyakan maging sa aming mga buhay. Sa katunayan, aming nadama sa loob namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan.” (2 Corinto 1:8, 9) Subalit sa liham ding iyon, isinulat ni Pablo ang nakaaaliw na mga salitang sinipi sa parapo 2 ng artikulong ito.​—2 Corinto 1:3, 4.

20. Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?

20 Paano ka makababahagi sa pagbibigay ng gayong kaaliwan? Marami sa ating panahon ang nangangailangan nito kapag dumaranas sila ng pamimighati, ito man ay dahil sa kalamidad na biglang sumasapit sa maraming tao o dahil sa kapighatian na nagpapahirap sa kanila. Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin kung paano magbibigay ng kaaliwan sa alinman sa mga kalagayang ito.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit ang kaaliwang nagmumula sa Diyos ang pinakamahalaga?

• Anong kaaliwan ang inilalaan sa pamamagitan ni Kristo?

• Paano napatunayang isang mang-aaliw ang banal na espiritu?

• Magbigay ng mga halimbawa ng kaaliwang inilaan ng Diyos nang ang kaniyang mga lingkod ay mapasailalim sa matinding panggigipit.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 15]

Ipinakikita sa atin ng Bibliya na si Jehova ay nagdala ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kaniyang bayan

[Mga larawan sa pahina 16]

Si Jesus ay naglaan ng kaaliwan sa pamamagitan ng pagtuturo, pagpapagaling, at pagbuhay-muli sa mga patay

[Larawan sa pahina 18]

Si Jesus ay tumanggap ng tulong mula sa itaas