Isang Kawili-wiling Talâ
Isang Kawili-wiling Talâ
ANG manggagalugad na si Richard E. Byrd ay gumawa ng limang ekspedisyon sa Antartiko mula noong 1928 hanggang 1956. Sa pamamagitan ng pag-iingat ng isang talaarawan at tumpak na mga talaan, natiyak niya at ng kaniyang pangkat ang galaw ng hangin, nakapaghanda sila ng mga mapa, at nakakuha ng maraming impormasyon tungkol sa kontinente ng Antartiko.
Ang mga ekspedisyon ni Byrd ay nagpapakita ng kahalagahan ng pag-iingat ng talâ. Sa isang talâ, isang rekord ang tinitipon hinggil sa mga detalye ng isang paglalayag o isang paglipad. Ang impormasyong ito ay magagamit sa dakong huli upang marepaso kung ano ang naganap o upang masuri ang impormasyon na makatutulong sa mga paglalakbay sa hinaharap.
Ang Kasulatan ay naglalaan ng kawili-wiling ulat ng Delubyo noong panahon ni Noe. Ang pandaigdig na Bahang iyon ay tumagal nang mahigit sa isang taon. Bilang paghahanda sa Delubyo, si Noe, ang kaniyang asawa, at ang kanilang tatlong anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa ay gumugol ng 50 o 60 taon sa paggawa ng arka—isang pagkalaki-laking sasakyang pandagat na may espasyo na humigit-kumulang sa 40,000 metro kubiko. Ano ang layunin nito? Upang maingatan ang ilang tao at mga hayop sa Baha.—Genesis 7:1-3.
Sa diwa, ang aklat ng Genesis sa Bibliya ay naglalaman ng maaaring tawaging talâ ni Noe hinggil sa nangyari sa pasimula ng Baha hanggang sa siya at ang kaniyang pamilya ay lumabas sa arka. Ito ba ay naglalaman ng anumang bagay na mahalaga para sa atin sa ngayon?